“Maraming salamat sa pagbisita mo sa amin, Iha. Kumusta ka na pala? Sa nakikita ko ngayon, mukhang natupad mo na ang pangarap mong makapagtapos ng pag-aaral at guminhawa ang buhay,” nakangiting turan ni Tito Vicente. “Wala pong anuman, Tito. Ikaw po talaga ang una kong naalalang puntahan. May mga pasalubong po pala ako. Nasa sasakyan po. Dadalhin na lang po maya-maya ng driver ko.” Sa kabila ng mga ginawa sa akin ni Tita Jocy, itinuturing ko pa ring utang na loob ang pagkupkop at pagpapaaral nila sa akin lalo na kay Tito Vicente. Dalawang libo lang ang sumobra sa pera ko matapos kong magbayad ng pamasahe papuntang Maynila. Mabuti na lang at binigyan ako ni Tito ng extra na pera bago ako umalis. Sariwa pa sa alaala ko ang huling araw ng pag-uusap namin bago ako umalis sa lugar na ito.

