Labis ang pag-iyak ko habang yakap ako ng nobyo ko. Hindi ko alam kung patuloy parin ang tawag ng kakambal ko o tapos na iyon. Ang buong isip ko ay lumipad na kay Lola Sacorro.
"C-Cor, uuwi na ako sa Bicol." panay ang hikbing sabi ko rito.
Naramdaman kong mas humigpit ang yakap nito sakin. "Yes, Babe. Uuwi na tayo." pag sang-ayon nito sa akin. "Anong nangyari?" hindi na nito napigilan ang hindi magtanong.
Mas lalong bumuhos ang luha ko. Ang sakit, sobra. "C-Cor, si L-Lola." iyon pa lang ang nasasabi ko pero humagulhol na ako ng iyak. "W-Wala na s-si L-Lola." puno ng sakit na iyak ko. "Wala na si L-Lola." pag-ulit ko pa.
"A-ano?" hindi makapaniwala nitong tanong na tila nabingi. Ramdam kong natigilan ito. "Tahan na, uuwi na tayo." pag-alo nito sa akin na todo ang paghagod sa likod ko.
"Uuwi na tayo." kapagkuwan ay sabi nito saka tumulong sa pagpupunas ng walang tigil na pag-agos ng luha ko. "Uuwi na tayo, ngayon na." pinal na anunsyo nito sa akin.
Inalalayan ako nito sa paglalakad hanggang sa makasakay ako sa sasakyan.
Panay ang tulo ng luha ko at puro sakit lang ang nararamdaman ko. Hindi ko ramdam na nasa kalsada na kami pauwi, tanging lungkot, at sakit lang ang namamayani. Naalala ko ang mga sinabi ni Lola noong nakaraan. Yung hindi na raw siya magtatagal na parang nagpapaalam na. Naalala ko rin na hindi siya makahinga ng maayos bago ako lumuwas ng ka-bicolan. Sana pala ay hindi na lang ako tumuloy. Ang sakit na namaalam sa mundo si Lola ng wala ako sa tabi niya. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa bahay kapag naabutan kong nasa kabaong na siya. Hindi ko kaya. Kapalit siguro ng kasiyahang natamo ko rito sa Maynila ang sakit ng pagkawala ni Lola. Totoo ang kasabihang, pagkatapos ng saya ay labis na lungkot ang kapalit. Pero sobra-sobra naman yata ang sakit na ito. Alam kong matanda na si Lola pero ayaw ko pa siyang mawala. Nakakapanghina na sa pag-uwi ko ay wala na si Lola Sacorro.
Nakatulugan ni Neya ang pag-iyak sa biyahe, si Cor ay nag-aalala sa nobya, at nalulungkot sa nalamang balita.
Itinuring na ring totoong kamag-anak ng lalaki ang matanda kaya masakit din ito para sakanya. Ang walong oras na biyahe ay naging napakadali. Mula sa Intramuros ay dumeretso na sila sa bahay nila Neya sa Pasacao. Walang pagod na naramdaman ang kapwa magkasintahan, puro pag-aalala at kalungkutan lamang. Naabutan ni Neya ang walang buhay na bahay nila. Lahat ng kapamilya ay umiiyak at nakasuot ng itim o puti. Mga hikbi at iyak ang naririnig sa buong kabahayan. Naka-alalay si Corro ng muling mapahagulhol ang nobya. Maging si Corro ay nagpipigil na rin ng iyak.
"N-Nelya," mahina nitong tawag sa kakambal. "A-Anong nangyari?... Akala k-ko ba na-high blood lang si T-Tita Vicky? Bakit s-sabi mo, ano...w-wala na si L-Lola." umiiyak nitong tanong.
"Anak, totoong na-high blood ang Tita mo." mugto ang mata at humihikbing sagot ni Viddy— ang inay ni Nelya at Neya. "Sadyang hindi na gumising pa si Inay kahapon."
Tumango-tango si Nelya, "Nasaan na si L-Lola?"
"Nasa p-punerarya pa ang Lola." Umiiyak ring saad ni Nilo na kalong ng ina nito.
Kapagkuwan ay nagpunas ng luha si Viddy at tumayo, "Ipunin ko na muna ang mga gamit ni inay para masunog na." anito saka umalis sa sala.
Ang padre de pamilyang si Leon ay bumaling kay Corro, "Iho, alam kong pagod kayo sa biyahe kaya mas mabuting magpahinga ka na muna sainyo, kami ng bahala kay Neya."
Malungkot na tumingin naman si Corro sa ama ng kanyang nobya, "Ayos lang po ako, Tay. Mas mabuti pong nasa tabi ako ni Neya."
Tanging tango lang ang naging tugon ni Leon dito.
Muling nakatulugan ni Neya ang pag-iyak. Hindi umalis ang nobyo nitong si Corro sa tabi nito. Nang magising ay naghahanda na naglilinis na ng kabahayan ang pamilya dahil darating na ang namaalam na si Sacorro para sa gagawing burol na idadaos sa mismong bahay.
Pinauwi muna ni Neya ang nobyo upang makapagpahinga ito, habang siya naman ay tumulong na sa pagliligpit at paglilinis ng bahay habang ang luha ay walang sawa na namang tumutulo.
Sa bakuran, habang nag-aayos si Leon ng mga mesa at upuan para sa mga makikiramay ay naglalayag ang isip. Ngayon pa lang ay hindi na ito makaisip ng paraan para maitaguyod ang gagawing libing sa susunod na linggo. Ubos na ang ipon ng padre de pamilya sa pagbili pa lamang ng kabaong, kailangan pa ng karagdagang pera para sa misa, nitso, at lapida, idagdag pa ang biscuit para sa mga makikiramay at kakainin ng kanilang pamilya sa mga susunod na araw.
Ang perang makukuha sa limos at sugal sa burol ay maituturing na pandagdag lamang. Ang utak ni Leon ay naghahanap na ng mga mauutangan o mapagkakakitaan.
Sina Nelya, at Nilo ay nasa palengke upang bumili na ng kape at biscuit para sa unang gabi ng burol. Mugto man ang mata ay panay ang buntong-hininga nito sa kakulangan ng perang pambili.
"Ma, yung mga stick na lang ng kape ang bilhin natin para mura," suhestiyon ng anak na si Nilo.
"Mabuti pa nga." muling buntong-hininga nito saka binilang ang natitirang pera. "Kasya pa ito ng sampu pero ayos lang ba sayong maglakad tayo pauwi?" baling nito sa anak.
Isang maliit na balde pa lang ng biscuit ang nabibili nila at paubos na agad ang pera. Maglalakad sila pauwi para makabili ng sampung stick ng kape.
"Okay lang po." mapag-unawang tugon ni Nilo sa ina. "Para naman po kay Lola."
Malungkot na napangiti ang inang si Nelya saka sabay na bumili ng kape ang mag-ina.
Habang ang lahat ay labis pang nagdadalamhati sa paglisan sa mundo ni Sacorro, ang isa sa anak nitong si Vicky ay nagluluto ng Banana que at Kamote que para mailako at ipagbili. Sa isip nito ay walang mangyayari kung lahat sila ay magpapadala sa kalungkutan, hindi sila mayaman para magluksa ng ganoon. Kailangan pa nilang mag-ipon para sa burol at libing ng ina.
Mahirap mamatayan, totoo iyon, pero sa tulad nilang mahihirap, hindi lang iyong taong namatay ang kailanman nilang alalahanin dahil maging ang perang gagamitin ay kailangang pag-ipunan at pagtrabahuhan muna.
Matapos maluto ang mga merienda ay inilagay na ito ni Vicky sa nigo, dapat ay nagpapahinga ito dahil na-high blood noong nakaraan pero dulot ng pangyayari ay maglalako pa ito.
"Aling Vicky, limang limang Banana que po." ani ng unang mamimili ng tindang meroenda. "Nakikiramay po pala ako." dagdag pa nito.
Napatango na lang si Vicky at nagpigil ng luha. Paniguradong hindi pa man ubos ang tinda nito ay mauunang maubos ang luha sa mga mata.
Sa likuran naman ng bahay ay si Viddy na umiiyak habang nagsusunog ng mga naiwang gamit ng ina. Mga damit, sulat, diary, at kung ano-ano pang gamit.
Parang dinudurog ang puso nito habang pinagmamasdan ang mga gamit na masunog. Ang pamamalam ng isang ina ay isa sa pinakamasakit para sa anak na si Viddy.
Nang mawala ang kanyang ama ay napakasakit sa pakiramdam, pero ngayong parehong wala na ang dalawa ay mas lalong nakakawala ng saya.
Hindi lahat nawawala, palaging may natitira. tulad ng mga gamit na hindi natupok sa pagsunog, ang mga alaala ng kanyang ina ay mananatili sa mundo.
Si Sacorro ang ina, asawa, at lola na perpekto sa mata ng kanyang mga anak. Walang makakapantay doon.