Kabanata 7

1216 Words
Tapos na kaming maglinis ng bahay pati ang bakuran ay malinis at may mga mesa't upuan na rin, hinihintay na lang namin ang Lola na hanggang ngayon ay nasa punerarya pa. Dumating si Nelya na kasama si Nilo, galing ang dalawa sa palengke upang bumili ng biscuit at kape para sa burol. Pawis na pawis ang dalawa at parang sobrang pagod. "Tay, heto po yung biscuit at kape. Pasensyahan niyo na po, yan lang yung nakayanan ng pera." humihingal na sabi ng kakambal ko saka iniabot kay itay ang maliit na lagyanan ng biscuit at mga stick ng kape. Napabuntong-hininga na lang ako. Siguro ay magtitinda ako bukas para may maitulong ako. Kung bakit ba naman kasi ang hirap namin. "Naglakad ba kayo, Nelya?" tanong ni inay ng pumasok ito sa sala. Napatango na lang ang kakambal ko habang pinupunasan ng pawis ang anak. "Pinagkasya lang kasi namin iyong pera, walang natira sa pang pamasahe." mahinang paliwanag nito. Sabay na napabuntong hininga sina inay at itay. "Pasenya na, Iha. Alam mo kung gaano tayo kagipit ngayon." nanlulumong saad ni itay. "Magtitinda po ako bukas para may pandagdag tayo." sabi ko sa mga ito. Tumango-tango si itay, "Tamang-tama, mangisngisda rin ako bukas." sang-ayon nito. "Pupunta rin ako sa mga resort bukas para maglinis." presinta naman ni Nelya. "Tama iyan. Nilo, ikaw ang tumulong sa akin dito bukas." saad naman ni inay. "Nasaan pala si Tita Vicky?" pagtatanong ni Nelya. "Nagtinda ng merienda." maikling sagot naman ni inay. Walang anu-ano ay may biglang kumatok sa pintuan na nagpalingon sa amin ng sabay-sabay, si Corro. Agad akong napatayo para salubungin ito. "Magandang hapon po." malumanay na pagbati nito sa amin saka humalik sa aking noo ng makalapit ako. Isinenyas nito sa akin ang dalawang balde ng biscuit at mga garapon ng kape. Napaawang ang labi ko at napatingin sa pamilya ko. Hiya ang bumalot sa amin, lalo na sa akin. "Hindi na naman kailangan, Cor." nahihiya at napapakamot sa ulong sabi ko rito, salungat sa katotohanan ang sinabi. Ngumiti lang ito saka lumapit sa mga magulang ko upang magmano at iabot ang mga dala nito. "Maraming salamat dito, Iho." nahihiyang sabi ni inay, "pero sana ay hindi kana nag abala pa." dagdag nito. "Ayos lang po, hindi na naman po kayo iba sa akin." ngiti ng nobyo ko. "Upo ka muna, Cor, hinihintay pa namin na dumating si Lola." alok ko dito ng upuan. Nang makaupo ito ay kinuha agad nito ang kamay ko para hawakan, tipikal at nakasanayan na nito ang gawaing iyon. "Congrats nga pala sainyong dalawa." biglaang pagbati sa amin ni Inay kaya napa-angat kami ng tingin, ang mata nito ay tutok sa kamay naming pareho ni Corro, partikular sa singsing na nakasuot sa daliri ko. Nakikita ko ang saya sa mukha nito. "Pasensya kung ngayon palang ako bumati, sa rami ng nangyari ay ngayon ko lang naalala na ikakasal na nga pala kayong dalawa." Napangiti kaming pareho ni Corro kay inay. "Salamat po, naiintindihan po namin." maluwag at nakangiting tugon naman ng nobyo ko. "Masaya akong malaman na handa na kayong dalawa na mag-asawa," ani naman ni itay, "Pero may pakiusap ako sainyo." Agad kaming napalingon kay itay, seryoso ito base sa tono at ekspresyong nakikita namin sa mukha nito. "Kasal muna bago anak, Maasahan ko ba kayo diyan?" Napatikhim si Nelya sa tanong na iyon ni itay saka nag-iwas ng tingin, si inay ay napaismid sa naging reaksyon ng aking kakambal. "Makakaasa po kayo." tugon ni Corro sa ama ko. "Mas gusto ko rin pong masolo muna si Neya bago kami magka-anak." ngisi pa nito. Napangiti si itay sa naging sagot ng aking nobyo. "Makikiburol daw po bukas sina mama." ani ni Cor na nagpagulat sa amin. Nagkatinginan sina inay at itay habang si Nelya naman ay napatingin sa akin. Ayos lang naman sa amin na makiburol ang mga magulang ni Corro, pero sa kaalamang may kaya ang mga iyon ay parang nakakapanlumong biscuit at kape lang ang maihahanda namin sakanila. Kahit alam naming hindi sila matapobre at maarte, nakakahiya parin iyon lalo na at magiging kapamilya ko na rin sila sa hinaharap. Idagdag pa ang mga tsismosa na siguradong makikiburol dahil may libreng biscuit at kape. "Kung ganoon pala, aasahan namin kayong pamilya bukas?" si itay na bagaman natutuwa ay alam kong pareho kami ng naiisip. "Opo." tanging sagot ni Corro. Walang anu-ano'y may kumatok sa pinto kaya lahat kami ay napatingin doon. Isang hindi ko kilalang lalaki na hula ko ay nasa katamtamang edad pa lamang. "Saan po namin ilalagay ang ataul?" deretsong tanong nito. Agad kaming nagsitayuan, nandito na si Lola, pero nasa loob ng kabaong na. "Dito po." Turo ni inay sa paglalagyan. Ipinuwesto ang kabaong at mga koronang bulaklak na karaniwang ginagamit sa burol. Nangilid na naman ang mga luha ko pero sadyang pinigilan ko iyon at nagbaba na lamang ng tingin. Mapapagod at makakatulog lang ako kapag hinyaan ko ang sariling umiyak. "Kulang pa po ng isang libo." rinig kong sabi ng isa sa mga lalaking nag-ayos kay Lola. Lumapit ako kina itay na ngayon ay nagkakapa sa kanyang mga bulsa, naghahanap ng isang libo. Si inay at Nelya ay kinakabahang nakatingin lamang kay itay. "Bakit po kulang?" takang tanong ko sa lalaki. Tumingin ito sa akin, "Kulang ng isang libo para sa pagdadala namin ng mga iyan dito." anito na pinagtuturo pa ang mga bulaklak pati ang kabaong kung saan naroon si Lola. "Heto po," biglang abot ni Corro ng pera sa lalaki. Muli kaming nagkatinginan nila inay dahil sa kahihiyan. Tuwang-tuwa naman ang lalaki ng makita si Corro, "Nandito ka pala, iho." bati pa nito. "Gagawin ka lang bangko rito panigurado." Doon tumigas at kumunot ang noo nila inay at itay. Maging si Corro ay halatang hindi nagustuhan ang sinabi ng lalaki. "May sinasabi ka po ba?" mataray agad na singit ni Nelya. "Makakaalis kana." seryoso pagpapa-alis dito ni itay. Napayuko na lamang ako. Ganito ang nangyayari kapag umibig ang mahirap na tulad ko sa mayamang binata tulad ni Corro. Ngumisi at umiling ang lalaki bago tuluyang umalis. "Pasensya na, Cor." mahinang sabi ko rito at saka bumuntong hininga. Ngumiti ito sa akin, "Ako ang dapat humingi ng pasensya, I'm sorry." anito saka humalik sa noo ko. Napakaswerte ko talaga sa mapapangasawa ko. Sabay kaming dumungaw ni Corro kay Lola. Agad na naka-alalay na sa akin ang mapapangasawa ko. "La." nabasag na agad ang boses ko roon. Ang sakit palang makita sa loob ng kabaong ang kapamilya. "Bakit hindi niyo man lang ako hinintay na makauwi?" nanlulumong tanong ko na parang maririnig pa ako nito. Malungkot ang ngiti ko habang nagpupunas ng luha, "Bakit hindi niyo man lang po hinintay na makasal muna ako? Ang daya mo, La." panay naman ang paghagod ng kamay ni Corro sa likod ko na ngayon ay nagpupunas narin ng luha. "Alam mo, La, pumunta kami sa Bagumbayan. Doon pa nga ako inalok ng kasal ni Corro." iyak tawang pagke-kuwento ko. "Tapos pumunta pa kami sa Intramuros at Star City, ang ganda ng Maynila, La." doon na bumuhos ang walang katapusang luha ko. "P-Pero mas maganda yun kung pag-uwi ko nakausap pa kita." labis na panghihinayang lang ang namamayani sa emosyon ko. Hindi ko na nasundan pa iyon ng mga salita dahil puro hikbi na lamang ang namutawi sa bibig ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD