8

2337 Words
NGITING-NGITI si Mabel pag-uwi niya sa mansiyon nang hapong iyon. Halos hindi na nga nabura ang ngiti niya mula nang umalis si Kellan kanina. Hindi rin niya gaanong maipaliwanag kung bakit. Basta magandang-maganda ang kanyang pakiramdam. Parang ang sarap maging masaya. Hindi nga nananakit ang kanyang pisngi at panga sa pagngiti. Nadatnan niyang nakahilata si Berry sa sofa, pinapalobo ang bubble gum. “Hi, Berry!” masigla niyang bati, ngiting-ngiti pa rin. “Oy! `Musta ang first day?” “Masaya.” Inilabas ni Mabel ang coin purse mula sa bulsa ng kanyang bag at initsa iyon sa kapatid. “Pasalubong mo.” “Wow, tinotoo mo. Ano `to? Wow. Lalagyan ng pera.” Inilabas ni Berry ang ilang barya mula sa bulsa at inilagay sa coin purse. Pinakalansing pa nito iyon na lalong ikinalawak ng kanyang ngiti. “Salamat. Bukas, lagayan naman ng papel na pera, ha?” Tumango siya. “Ako, walang pasalubong?” Nilingon ni Mabel ang pinanggalingan ng tinig. “Ate Yumi!” Lumapit siya sa nakatatandang kapatid at naglalambing na yumakap. “Gutom na ako. Pakuha ako ng merienda, Berry.” “Kaya pala ako binigyan ng lalagyan ng mamiso,” nakangusong sabi ni Berry ngunit tumayo pa rin mula sa pagkakaupo. “Sige na nga at nang mabisita ko na rin ang aking pinakamamahal. Ano’ng gusto mong merienda, Mabs?” “Kahit na ano. Thanks.” Tinungo na ni Berry ang kusina. Naglabas uli si Mabel ng isa pang coin purse at iniabot kay Ate Yumi. Nakangiting nagpasalamat ang nakatatandang kapatid. Naupo siya sa sofa at nangangarap na napabuntong-hininga. Tinabihan siya ni Ate Yumi. Nang hindi niya pansinin ang kapatid ay pinindot nito ang kanyang pisngi. “Ano’ng nangyari sa `yo?” Hinawakan niya ang kamay ni Ate Yumi. “Ate, may crush ako!” Banayad na natawa si Ate Yumi. “Talaga? Sino?” “Si Kellan. Kilala mo siya?” Lalong natawa ang ate niya. “Si Kellan? Kellan Conolly?” Tumango-tango si Mabel. “He’s so funny.” “Oo, funny talaga siya. Lalo na kung nagta-Tagalog. Mabait `yon. Naging kaibigan ko na sa dalas niya rito sa Sagada.” “Sabay uli kaming kakain bukas.” Nasasabik na siyang pumasok sa trabaho bukas. Hindi niya inakalang magiging ganoon kasaya ang pagtatrabaho. “Talaga? Magbaon ka na. Sasabihin ko kay Aling Rosa na ipagluto ka.” “Thank you, Ate.” “Alam mo bang maglalakad ka lang ng sampung minuto at makakarating ka na sa Centrum? Alam mo bang maraming kainan doon?” “Talaga, Ate? Hindi ko naisip. Nag-panic na lang ako at tinawagan si Ate Vera, `tapos tinawagan niya si Kellan na malapit lang pala ang bahay doon.” “Maganda ang kinalabasan, ano?” Tumango-tango si Mabel. Napakaganda. “Madali mo na lang palang mapagbibigyan ang hiling ni Lolo. May crush ka na.” Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Madali ang ano? Trabaho?” Sa palagay niya ay hindi siya gaanong mahihirapan sa pagtatrabaho dahil nae-enjoy niya ang lahat. Gusto ni Mabel ang friendly environment. Gusto niya ang mga katrabaho. Kahit na mga turista ay gusto rin niya. “Experiencing love.” Ilang sandali muna ang lumipas bago tumimo sa isip ni Mabel ang sinasabi ni Ate Yumi. “Ate!” nagugulumihanang bulalas niya. “Ano ka ba? Love kaagad? Crush lang, Ate. Crush. Pa-cute lang. Dalawang beses pa lang kami nagkakatagpo at nagkakausap.” “Sabagay. Oo nga naman, masyado akong advanced mag-isip. Huwag na nga nating pag-usapan at baka maudlot.” Naging mapanudyo ang ngiti ni Ate Yumi. “Sundan mo na kaya si Berry, Ate? Ang tagal ng merienda ko.” Nagpasalamat si Mabel nang pagbigyan ni Ate Yumi ang kanyang hiling. Bigla kasi siyang kinabahan sa sinabi nito. Naipaparamdam ni Kellan sa kanya ang mga kakatwang damdamin na hindi naipaparamdam ng ibang mga lalaki. Iba ang epekto ng binata sa sistema niya na nagkakagulo tuwing kaharap niya ito. Ang mas kakatwa, nagdudulot din ang kaguluhang iyon ng masarap na pakiramdam. Ngunit ngayon nakakapag-isip na siya, parang nais din niyang matakot. Marahas na ipinilig ni Mabel ang ulo, pilit na pinalis ang lahat ng mga negatibong kaisipan. Baka masyado rin lang siyang nag-iisip. Hindi naman siya iibig kay Kellan. Na-cute-an lang siya sa lalaki. Kagaya ng sinabi niya kay Ate Yumi, crush lang. She would get over it in no time at all. Kapag nasanay na siya sa presensiya ng binata ay mapapayapa na ang kanyang sistema. “MASARAP na masarap ito, Aling Rosa, ha?” paniniguro ni Mabel habang inihahanda ng kusinera ang kanyang baon para sa araw na iyon. Nakangiting tumango si Aling Rosa. “Masarap na masarap. Makakalimutan mo ang pangalan mo.”  Mukhang hindi naman niya gaanong na-stress ang matanda. Kanina pa kasi niya sinisiguro na masarap ang iniluto nitong baon para sa kanya.  “Thank you po!” Nang maihanda na ni Aling Rosa ang lahat ay nagpaalam na si Mabel. Excited na siya sa pagpasok sa trabaho. Excited na siyang manahi. Excited na siyang magtanghalian. Excited na siyang makita uli si Kellan. Naging eksperto kaagad si Mabel sa pagbuo ng coin purse kaya tinuruan na siya sa paggawa ng lalagyan ng cell phone. Naging abala siya buong umaga. Pagsapit ng alas-dose ng tanghali ay nagmamadali na siyang nagtungo sa loob ng banyo at nag-ayos ng sarili. Paglabas ni Mabel ay inaasahan na niyang naroon si Kellan ngunit wala pa rin ang binata. Lumabas siya sa kalsada at nag-abang. Sinubukan niyang magpakakaswal at huwag magpahalata na may inaabangan ngunit kahit sa sarili ay alam niyang bigo siya. Wala namang nakatingin sa kanya kaya hindi na marahil masyadong mahalaga kung ano ang kanyang hitsura sa kasalukuyan. Nang bigla na lang lumitaw ang pamilyar na bulto ni Kellan sa kalsada ay nagmamadaling umatras si Mabel. Muntik na siyang mawalan ng balanse kung hindi lamang siya nakahawak sa halaman na naroon. Nagbalik siya sa loob ng showroom. Mamaya na siya lalabas para hindi isipin ng binata na masyado siyang atat. Hindi maintindihan ni Mabel kung bakit hindi siya mapakali. Nanlalamig ang kanyang mga kamay. Ang puso niya ay tila hindi mapakali sa loob ng kanyang rib cage. Naririnig niya ang malakas na kabog niyon. “Mabel?” Napapitlag siya. Muntik nang mabitiwan ang hawak-hawak na thermal bag kung saan naroon ang baon niya sa tanghalian. Nasapo niya ang dibdib. Ganito ba ang pakiramdam ng aatakehin sa puso? Nanghihina pati mga binti niya.  Unti-unting nilingon ni Mabel ang pinanggalingan ng pamilyar na tinig. Nakangiting mukha ni Kellan ang bumungad sa kanya at lalong nagwala ang kanyang puso. Mamasa-masa pa ang buhok nito, bagong ligo, at tila masarap samyo-samyuin. “Hi,” bati ng binata. “Ready for lunch?” Halos wala sa loob na tumango si Mabel. Sinundan niya si Kellan nang muli itong lumabas. Pumuwesto sila sa mahabang upuan sa may gilid ng showroom. “M-may dala rin akong baon. A-adobo.”Bakit ako nauutal? Bakit pinagmumukha kong tanga ang sarili ko sa harap ng lalaking ito? He’s just a guy. He’s just Kellan. Lalong lumawak at mas tumamis ang pagkakangiti ng binata. “My favorite.” “Yes, your favorite.” Para siyang nahawa sa ngiti nito. Napangiti rin siya.  Pinisil ni Kellan ang kanyang pisngi. “Let’s eat.” Something warm flooded her chest. Hindi maipaliwanag ni Mabel ang kanyang nararamdaman. Para siyang nawala bigla sa kanyang sarili ngunit okay lang kasi masaya naman siya. She liked feeling like this, which was odd because she didn’t like chaos. Tahimik nilang inilatag sa pagitan nila ang mga pagkain. Mainit-init pa ang sabaw ng sinigang na dala ni Kellan. Kumutsara ang binata ng sabaw, hinipan, at iniumang sa kanya. Napaatras bigla si Mabel dahil hindi niya inasahan ang gesture na iyon. Nagtatakang napatingin siya sa binata. Hindi nabura ang ngiti sa mga labi ng lalaki. “Tikman mo.” Lalo nitong inilapit sa kanyang bibig ang kutsara. Nag-aalangang isinubo ni Mabel ang kutsara at tinikman ang sabaw. Napangiwi siya. Hindi iyon ang klase ng sinigang na nakasanayan niya. Maasim na maasim iyon at maanghang. Gumuhit kaagad sa kanyang lalamunan. “You’re really so cute. Masarap?” Inabot niya ang isang bote ng tubig at uminom muna bago tumango. “Maanghang lang.” Hindi siya mahilig sa maanghang. “Masarap sa kanin. Let me try the adobo.” Halos wala sa loob na tuminidor si Mabel ng maliit na hiwa at iniumang kay Kellan. Nang tumingin sa kanya ang binata ay saka niya nabatid ang ginawa. Ramdam niya ang pagkalat ng init sa kanyang mga pisngi. Ano ang ginagawa niya? Bakit niya sinusubuan ang binata na para silang magkasintahan? Ibababa na sana ni Mabel ang kamay ngunit maagap na hinawakan ni Kellan ang kanyang galanggalangan upang mapigil iyon at isinubo ang nasa tinidor. Napatango-tango ang binata habang ngumunguya. “Masarap. Better than my adobo. Ikaw ang nagluto?” Umiling si Mabel, tila naumid ang dila. Napatingin siya sa parte ng kamay niyang hinawakan ni Kellan. Nakakaramdam siya ng init sa parteng dinantayan ng balat nito. Nagsimula nang kumain si Kellan kaya pinilit ni Mabel na pagalawin ang katawan at patinuin ang pag-iisip upang makakain na rin. Pilit niyang kinalma ang nagkakagulong sistema. Pinilit niya ang sarili na enjoy-in na lang ang pagkain. Kahit paano ay napagtagumpayan naman niya. Totoo ang sinabi ng binata na masarap ang maanghang na sinigang sa kanin. Hindi na gaanong maanghang, hindi na gaanong gumuguhit sa lalamunan. Napagpasyahan niyang iyon na ang pinakamasarap na sinigang na natikman niya kahit hindi talaga siya mahilig sa maanghang. Habang kumakain ay kaswal na nagtanong si Kellan tungkol sa trabaho niya. Sabik namang nagkuwento si Mabel dahil totoong natutuwa siya sa pagtatrabaho sa habian. Idinetalye niya ang mga ginagawa at natututunan. Binanggit niyang nais niyang matutong humabi gamit ang traditional wooden weaving loom. Halos hindi niya namalayan na siya na lang ang nagsasalita. Hindi na rin niya gaanong namamalayan ang mga lumalabas sa bibig. Basta natutuwa siyang magkuwento. Hindi siya likas na madaldal, kapag sobrang masaya lang siya ay saka lumalabas ang katangian na iyon. Naging aware na lang siya sa ginagawa nang mabatid na inire-recite na niya ang lahat ng kulay ng fabric sa Sagada Weaving. “...royal blue, at rust brown.” Napangiwi siya. “Sorry. I got carried away.” Amused na napangiti si Kellan. “I’m impressed. You’ve memorized it all already.” Halos hindi rin namalayan ni Mabel na halos naubos na nila ang lahat ng pagkain. Tinulungan niya si Kellan sa pagliligpit ng kanilang pinagkainan. “Ikaw, kumusta ka naman?” tanong niya nang pumirmi ng upo ang lalaki at hindi muna nagpaalam. Nais pa siya nitong makasama. O nagpapahinga lang `yong tao. Baka ayaw pang maglakad dahil kakakain lang niya. Huwag kang masyadong assuming, Mabs. “I’m okay. All things considered.” “Ano ang pinagkakaabalahan mo rito sa Sagada?” Nagkibit ng balikat si Kellan. “Kung ano-ano. There are so much to do here. Have you tried some of the activities?” Tumango siya. “Kasama ang mga kapatid ko. Nag-caving na kami.” Kapag may pagkakataon ay isinasama sila ni Ate Yumi sa kung saan-saan. “That’s great. You had fun?” Tumango uli si Mabel. Nahirapan siya sa totoo lang ngunit naging masaya naman. Hindi siya natakot sa mga paniki. Hindi nag-freak out sa enclosed space. Nagawa rin niyang gumapang at umakyat sa mga bato-bato. Nagawa niya ang mga bagay na hindi niya inakalang magagawa niya. “I also love caving and mountain trekking.” Kung may pagkakataon ay susubukan din niya ang mountain trekking. Parang bigla ay naging appealing ang paglalakad sa bundok. “Magtatagal ka ba rito sa Sagada? Kailan ka babalik sa Ireland?” “Originally, I planned on stayin’ a month. Pero hindi ko pa sigurado talaga. I may have to settle some things about business.” Inalala ni Mabel ang negosyo ni Kellan. Naalala niyang binanggit nito ang tungkol sa bagay na iyon noong unang beses silang nagkakilala. Timber business. Sumagi sa isip niya ang kanyang pamana. Bahagyang nagsalubong ang kanyang kilay. “Ano nga uli ang buong pangalan mo?” tanong ni Mabel. “Pangalan? My full name? It’s Kellan Connolly.” “Ikaw ang may-ari ng Conolly Timber.” Bakit hindi kaagad naalala ni Mabel ang tungkol sa sulat sa iniwan ng kanyang lolo? Masyado siyang naka-focus sa fifty million cash na hindi na niya napagtuunan ng pansin ang ibang ipinamana sa kanya. Tumango si Kellan. “You own fifteen percent of it.” Naalala nga niya iyon. “Maganda ba ang takbo ng negosyo?” “You wanna talk business now? I’m afraid I’m not prepared. But if you’d like to see some documents, I can—” Sunod-sunod ang naging pag-iling ni Mabel. “No, no. Mananahi muna ako ngayon, ha? Hindi pa ako handa sa mga ganyang bagay. Dahan-dahan lang.” Ngayon niya nabatid na may kaakibat na mabigat na responsibilidad ang pagkuha sa kanyang mana. Parang bigla ay gusto na naman niyang matakot sa mga kakaharapin sa hinaharap. Wala siyang alam sa sawmill, paper mill, at textile business. Tila naunawaan naman ni Kellan ang sinabi niya. Tumango ang binata. “I’ll see you again tomorrow?” anito habang nasa proseso na ng pagtayo. Ayaw pa sana ni Mabel na umalis si Kellan. Nais pa niyang makipagkuwentuhan. Ngunit alam niyang hindi maaari. May trabaho siya at baka may pagkakaabalahan din si Kellan. Kinonsola na lamang niya ang sarili sa kaalamang makikita at makakasalo niya itong muli sa tanghalian bukas. “Sure. And thank you.” “It’s my pleasure.” Pinisil nito ang kanyang ilong bago umalis. Tila nangangarap na nagbalik si Mabel sa loob ng showroom. Halos mamilipit siya sa kilig habang pabalik sa makina niya. Pakanta-kanta pa siya. Hindi kaagad niya naalala na hindi pala kagandahan ang tinig niya. Wala nga pala siyang tono. Nang lingunin niya ang mga kasamahan ay nanunudyong nakangiti ang karamihan sa mga ito. Tila mas naaliw sa sagwa ng tinig niya kaysa sa mainis. Nginitian niya nang matamis ang bawat isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD