5

1143 Words
MABILIS na nilapitan ni Mabel si Atty. Ferrer. Katatapos lang nitong basahin ang huling habilin ng kanilang namayapang abuelo.  Hindi siya magsisinungaling, kailangan niya ang mamanahin. Kaya siya naroon sa Sagada ay dahil ipinangako ng lolo niya na susuportahan nito ang pagpapagamot ng mommy niya. Kahit na tila hindi maganda ang kanyang pakiramdam habang nakaupo sa harap ng mahabang mesa kasama ang bagong kakilalang kapamilya at mga abogado, alam ni Mabel na kailangan niya ang anumang iniwan sa kanya ni Don Alfonso. Tahimik na niyang pinaplano ang pagpunta nilang mag-ina sa Amerika upang magpagamot. Mas tataas ang chance of survival ng mommy niya sa Amerika dahil mas makabago ang teknolohiya at medisina. Nang banggitin ang pangalan niya ay taimtim at mataman siyang nakinig. “Ibinibigay ni Don Alfonso kay Mabel Vinuya ang pagmamay-ari ng penthouse apartment sa Manhattan, vacation house sa Galway Ireland, lahat ng shares sa Banal Papermill at Celestina Textile, labinlimang porsiyentong parte sa Conolly Timber sa Ireland, tatlong porsiyentong parte sa gold mine sa Sagada, at fifty million cash.” Natulala si Mabel sa dami ng iniwan sa kanya. Ang totoo, magiging masaya na siya sa fifty million cash. Ngunit sapat na ba iyon upang madala niya ang ina sa ibang bansa? Normal marahil sa isang tao na maghangad ng higit, ang matuwa kapag lumampas sa expectations ang gusto at kailangan niya. Nais niyang maiyak sa tuwa at gratitude ngunit pinigilan niya ang sarili. Nakisuyo na lang siya sa Ate Yumi niya na salinan nito ang kanyang baso ng tubig upang makalma ang sarili. Kaagad naman siyang pinagbigyan ng nakatatandang kapatid. Ngunit hindi pa man siya ganap na nakakahuma nang may ianunsiyo pa ang abogado.  “Makukuha n’yo ang mga mana sa oras na magawa n’yo ang mga kondisyon na kalakip ng mga ito.” Tuliro na pinakinggan ni Mabel ang abogado sa pagpapaliwanag ng tungkol sa mga kondisyon at proviso. Mayroong pangkalahatan—ang manirahan silang magkakapatid sa mansiyon sa loob ng isang buwan. Nais din ng lolo nila na magkaroon silang magkakapatid ng weekly bonding upang mas makilala nila ang isa’t isa. Nais niyang magwala. Muntik na siyang tumayo at bumulalas ng, “Nooo!” Paano naman ang mommy niya? Kung magbibigay, bakit kailangang may mga kondisyon pa? Bakit hindi na lang nila kunin kaagad? Pakiramdam niya ay tinakam sila ng abogado sa isang masarap na pagkain at pagkatapos ay bigla nitong sinabi na hindi iyon maaaring kainin sa loob ng isang buwan. Mayroon ding eksklusibo para sa bawat isa. Nakalakip ang anumang kondisyon na para lang sa kanya sa isang asul na sobre. Ipinaliwanag din ng abogado kung saan o kanino mapupunta ang mga mana nila kung sakaling mabigo sila. Kipkip ang hindi pa nabubuksang sulat, mabilis niyang nilapitan si Attorney Ferrer nang matapos nitong basahin ang last will and testament ni Don Alfonso. “Attorney, paano naman po ang mommy ko?” tanong ni Mabel. Banayad siyang nginitian ng matandang abogado. “Your mother will be all right, hija,” anang abogado sa malumanay na tinig. Humulagpos ang inis na nararamdaman ni Mabel mula nang sabihin ni Atty. Ferrer na may kondisyon ang pagbibigay sa kanila ng mana. “Paano po kayo nakakasiguro diyan? Nasaan ngayon si Lolo? Hindi ba okay siya, pagkatapos sa isang iglap, wala na? Paano po ninyo ako bibigyan ng assurance na hindi rin mangyayari ang ganitong bagay sa mommy ko? Kung may mangyari sa kanya habang narito ako, will you take the responsibility?” “Huminahon ka, hija.” “Ayoko!” Parang bata si Mabel, alam niya, ngunit hindi na niya alam kung paano aakto. It was like she had been in a roller- coaster ride nowadays. Pati ang emosyon niya ay parang roller coaster. Natatakot siya. Nais niyang makauwi na upang makasama ang ina at masigurong hindi ito matutulad kay Lolo Alfonso. Napabuntong-hininga ang matandang abogado. “Hindi mo makukuha ang lahat ng iniwan sa `yo ng iyong lolo kung hindi mo gagawin ang mga kondisyon na nakasaad sa sulat na iyan. Mapupunta ang mga mamanahin mo sa isang charity institution na napili ng lolo mo.” Napako ang tingin ni Atty. Ferrer sa asul na sobre na kipkip niya. “Pati ang lahat ng suporta sa pagpapagamot ng iyong ina ay matitigil.” Napasinghap si Mabel at namilog ang mga mata. “Lolo can’t be this cruel.” “Mahigpit ang mga patakaran ng habilin ng inyong lolo. Hindi mo maaaring kontestahin.” Paano naman niya iyon makokontesta? Siyempre, wala na siyang choice kundi ang gawin ang anumang gusto ng namayapang abuelo. Nalaman niyang mapupunta sa isang charity na aktibong tumutulong sa mga may cancer at walang perang pampagamot ang mamanahin niya kung sakaling hindi niya magawa ang nakasaad sa proviso. Kapag nakuha niya ang mana, nangangako siyang tutulong pa rin sa foundation na iyon. Nagpaalam na si Mabel sa abogado at tinungo ang kanyang silid. Doon ay pinakatitigan muna niya nang matagal ang asul na sobre bago maingat na binuksan. Humugot siya ng malalim na hininga bago binuksan ang nakatiklop na papel at binasa. Sa aking apong si Mabel, Nang unang beses kaming nagkausap ng iyong ina, hindi ako gaanong naniwala sa ilang bagay na sinabi niya tungkol sa iyo. Pakiramdam ko pa noon ay masyado namang mababa ang tingin ni Lucinda sa nag-iisang niyang anak. Sa isip ko, apo kita. I know you’re tougher than the girl Lucinda made me picture. Kaya naman patutunayan natin sa iyong ina na tama ako, na kaya mong tumayo sa sarili mong paa. I want you to work for a month. Hindi kita pahihirapan sa paghahanap. Attorney Ferrer will make arrangements for you to work in Sagada Weaving. Para mapakinabangan mo naman ang kaalaman mo sa pananahi. Habang nasa Sagada Weaving ka, sana ay mas makilala mo ang iyong sarili. Sana ay matanto mo kung anong talento ang mayroon ka, kung gaano kalaki ang potensiyal sa iyo. I know you will love working there. I know you can do it. Also, nais kong ipaalam sa iyo na hindi mo maaaring ibenta sa iba ang shares mo sa Conolly Timber at vacation house sa Ireland. Tanging kay Kellan Conolly lamang. Sana rin ay bisitahin mo minsan at tirahan sandali ang penthouse at vacation house bago mo ibenta. I want you know that the world is big. Sana ay hindi ka makontento lang sa Tarlac. Go out and have fun. You’ll love Ireland. And, darling, one guy can make you hate all the guys. But one man can teach you that not all the guys are the same. I want you to experience falling in love. Huwag kang matakot na baka mangyari sa iyo ang lahat ng nangyari sa iyong ina. Hindi lahat ng lalaki sa mundo ay isang Alfonso Banal, Jr. Nagmamahal, Lolo Napatanga nang matagal si Mabel. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Seryoso ba talaga ang lolo niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD