4

2040 Words
NAPATITIG si Mabel sa nakahigang lalaki sa hospital bed. Ang lalaki raw ang kanyang ama—ang kanyang sperm donor. Napagpasyahan niyang bumisita roon dahil hiniling ng kanyang abuelo. Ang totoo ay ayaw sana niya. Walang maapuhap na damdamin si Mabel na ikinagulat niya. Ang akala kasi niya ay magagalit siya o mamumuhi dahil sa ginawa ni Alfie sa kanyang ina noon, ngunit wala talaga. Siguro ay dahil estranghero ang ama sa kanya. Hindi talaga niya kilala at hindi niya makausap sa kasalukuyan. One person couldn’t really hate someone she doesn’t know. Isa pa, hindi naman siya pinalaki ng kanyang ina na nagagalit o namumuhi sa kanyang ama. Naipaliwanag nang husto ng mommy niya na hindi siya katulad ng ibang mga bata na may ama. Hindi rin siya gaanong nainggit sa mga kaklase at kalaro na may mga ama dahil naging sobra-sobra ang pagmamahal sa kanya ng ina. Hindi na siya naghanap ng iba pa. Naramdaman ni Mabel ang pagdampi ng kamay ni Ate Yumi sa kanyang balikat. Ang nakatatandang kapatid ang kasama niya sa pagpunta roon. Si Yumi rin ang madalas na magkuwento sa kanya tungkol sa pamilyang hindi niya nakalakhan at ngayon lamang niya nakilala. Ayaw man niyang aminin noong simula, she liked hearing those stories. “Maraming kapintasan si Papa,” ani Ate Yumi. “Pero marami rin siyang magagandang katangian. Paggising niya, sana ay mabigyan mo siya ng pagkakataong makilala ka nang lubos. Sana ay mabuksan mo ang puso mo para sa kanya. Sana magawa mo rin siyang mahalin.” Hindi umimik si Mabel. Hindi siya basta-basta na lang magbibitiw ng mga salita na baka hindi niya mapanindigan. Hindi pa niya alam kung ano ang mararamdaman paggising ng kanyang ama. Hindi niya masasabi sa ngayon kung hahayaan niya itong maging ama sa kanya. Ngunit nginitian niya si Ate Yumi dahil talagang napakabait nito. Kahit paano ay nakakapag-adjust na siya sa Sagada. Lubusan na niyang natanggap na kabilang siya sa isang malaking pamilya. Panay ang tawag niya sa kanyang ina at maayos naman daw ang kalagayan nito. Napakabait daw ng private nurse nito. Palagi siyang sinasabihan ng mommy niya na huwag nang gaanong mag-alala at mag-enjoy na lamang sa Sagada. Naaliw naman siya sa mga naging pamamasyal nilang magkakapatid. Mas nakikilala na niya ang mga kapatid. Kahit na magkakaiba sila ng personalidad at karakter, nagkakasundo naman sila kahit paano. Nagugustuhan na niya ang pagkakaroon ng mga kapatid sa ama. Nahiling ni Mabel na sana ay magtuloy-tuloy na ang magagandang kaganapan sa kanilang pamilya. TULALA si Mabel sa may hardin ng mansiyon. Hindi niya mapaniwalaan ang naganap. Hindi niya matanggap. Pumanaw na ang kanyang Lolo Alfonso. Inatake sa puso ang matanda. Naratay muna ang abuelo ng ilang araw bago ganap na binawian ng buhay. Alam niya ang tungkol sa karamdaman nito ngunit hindi niya inaasahan na ganoon kabilis itong kukunin sa kanila.  Napuno ng pighati at takot ang puso ni Mabel. Don Alfonso was her first dead. Lumaki siya na ang ina lamang ang kasama. Wala pang namamatay na taong napakalapit sa kanya. Ni hindi niya maalala kung naranasan na ba niyang makipaglibing. Kung may mga namamatay na kapitbahay, ang kanyang ina ang nakikilamay at nakikilibing at hindi siya sumasama. May paniniwala nga si Manang Issa, ang yaya niya mula pagkabata at katu-katulong ng kanyang ina sa bahay, na kung magiging galante raw ang isang tao sa isang patay ay pagpapalain. Malapit daw ang suwerte. Ibang-iba naman ang paniniwala at kaugalian sa Sagada kapag may patay. May mga ritwal na kailangang isagawa. Kaya nasa labas si Mabel at malayo sa lahat ay dahil natatakot siya na may magawa siyang mali at masira ang mga ritwal. Hinayaan na niya ang mga nakatatandang kapatid na mag-asikaso ng mga nakikiramay na hindi rin naman niya kilala. Nais din niyang mapag-isa. Nais niyang huminga. Kailangan niya ng mahabang panahon upang ganap na maitimo sa isip ang mga kaganapan. Bakit naman kasi ganoon? Bakit naman kaagad kinuha sa kanya ang abuelo? Kulang na kulang ang iilang araw na nakasama niya ang matanda. Kung kailan naman siya nasasanay na sa pagkakaroon ng lolo ay saka naman ito kinuha sa kanya. Namasa ang mga mata ni Mabel. Ayaw na ayaw ng lolo niya na may umiiyak, ngunit hindi talaga niya mapigilan. Malalaglag na sana ang kanyang mga luha nang bigla niyang maramdaman ang pagtabi sa kanya ng kung sino sa mahabang wooden bench. Marahas siyang napalingon at kaagad namilog ang kanyang mga mata nang makita ang isang lalaking mukhang dayuhan. Hindi niya kilala ang lalaki, ngunit nakita niya ang pagdating nito kanina. Sandaling nagsalubong ang kanilang mga mata. Nilapitan ni Ate Vera Mae ang lalaki kaya nawala sa kanya ang tingin ng lalaki. Habang nag-uusap ang dalawa ay lumabas na si Mabel ng mansiyon. Bakit siya nilalapitan ng lalaki? “I’m Kellan,” anang lalaki. “Mabel,” halos wala sa loob niyang tugon. Malamlam na ilaw galing sa lamppost ang kanyang tanglaw ngunit nababanaag pa rin niya ang features ng nagpakilalang Kellan. Sa palagay ni Mabel ay tatlong araw nang hindi nag-aahit ang lalaki. Ngunit ito ang tipo na bagay ang pagkakaroon ng buhok sa mukha. Malinis pa ring tingnan kahit puno ng buhok ang mukha. Parang ang bango-bango. Ipinilig ni Mabel ang ulo. Ano ba ang mga naiisip niya? Para siyang timang. Pakialam niya sa amoy nito. “Nice to meet you,” ani Kellan, sabay lahad ng kamay. Halos wala rin sa loob na tinanggap ni Mabel ang pakikipagkamay ni Kellan. Tila nakaramdam siya ng kakaibang kiliti sa pagdadaop ng kanilang palad. Hindi rin niya maintindihan kung bakit tila bumibilis ang t***k ng kanyang puso. Siguro ay dahil hindi siya sanay na may nakakaharap na lalaki. May mga naging kaibigan naman siyang lalaki noong kolehiyo siya, ngunit hindi talaga siya naging malapit sa mga ito. Mabilis ang t***k ng puso niya dahil na rin marahil sa kinakabahan siya sa pagiging foreigner ng kaharap. Mapapalaban siya sa Ingles. “I’m real sorry about yer grandfather,” ani Kellan sa malungkot na tinig. Kahit na ang mga mata nito ay puno ng lungkot at pighati. He had accent—lovely accent. She had a thing for guys with accent. “A-are you close to my lolo?” tanong ni Mabel sa tinig na puno ng interes. She wanted to hear stories about Don Alfonso. Ayaw niyang masyadong pakaisipin sa kasalukuyan ang pagpanaw ng abuelo. Nais din niyang magsalita pa nang magsalita si Kellan. Kaagad siyang na-fascinate sa accent nito. Napakasarap pakinggan ng nagsasalitang tinig ng lalaki. “You want me to make kuwento?” Napangiti si Mabel. He sounded so cute. “Yes, please. If you don’t mind.” Tila sandaling nag-isip ang lalaki pagkatapos ay tumayo. “Stay here. I’ll be back.” What? No! Iiwan na sana siya ni Kellan ngunit pinigilan niya. “Saan ka pupunta?” Sinikap ni Mabel na huwag ipahalata ang pagkadismaya at desperasyon sa kanyang tinig. Noon lang niya nabatid na ayaw niyang mapag-isa. Kapag iniwan siya ni Kellan, papalahaw siya ng iyak. Kailangan niya ng makakausap tungkol sa napayapang abuelo. Kailangan niya ng kaunting distraction. Nakangiting tinunghayan siya ni Kellan. Puno ng pagsuyo ang mga mata nito. “Balik ako. I’ll just get something inside.” “Ano?” “Uhm... refreshments.” “Why?” Mas lumawak ang pagkakangiti nito. Amusement lurked in his eyes. “I’m an Irish. Have you heard of the Irish kind of wake?” Umiling siya. “We’d sit and lift a beer or two in your lolo’s honor. Then we’ll tell all sorts of stories about him. Instead of mourning, we’ll party.” “That’s a good idea,” ani Mabel. Hindi niya alam kung appropriate iyon sa pamilya ng kanyang abuelo ngunit gusto pa rin niyang gawin ang sinasabi ni Kellan. Alam niyang hindi siya dapat nakikipag-inuman sa lalaking hindi niya kilala, ngunit mas pinili niyang magtiwala. She wanted to hear stories about her Lolo Alfonso. Ayaw niyang maramdaman ang pag-iisa. Sandali lamang sa loob ng mansiyon si Kellan. Paglabas nito ay may dala nang isang bote at dalawang baso. “Rice wine,” nakangiti nitong sabi. “I hope it’s okay. It’s your lolo’s favorite.” Tumango si Mabel kahit na hindi siya sigurado kung kaya niyang inumin ang rice wine. Hindi siya umiinom. Hindi siya hinahayaan ng kanyang ina. Ngunit nagbago na ang lahat. Susubukan niya ang mga bagay na hindi niya nagagawa noon. Bahala na. Sinalinan ni Kellan ang dalawang baso. Pagkabigay sa kanya ng isang baso ay itinaas nito ang hawak na baso. “Don Alfonso was one heck of a man.” Tinungga ni Kellan ang laman ng baso at nilagok. Bahagya lang nalukot ang mukha nito. “We met near Saint Mary’s church. That time, I was at my lowest.” Sumandal si Kellan sa wooden bench at naging reminiscent ang ekspresyon ng mukha. May munting ngiting gumuhit sa mga labi ng lalaki at nabawasan nang kaunti ang lungkot sa mga mata. “I remember I was sittin’ near the parish wheel, spacin’ out. You see I was on the verge of brankrupcy then. My entire world was falling apart. I’ve a timber business, sawmills. I can’t really remember how he managed to do it but the next thing I knew, I was spillin’ my guts to the old man. After I made kuwento on how much loser I was, he said he would help me out. Just like that. I didn’t think he was that serious. I didn’t know then how seriously rich he was. His lawyers contacted me and he invested in my company. Before, Conolly Timber Group only `as one central location. Now, we have two—one in Galway and one in Carlow. That’s because your grandpa just wanted to help a loser like me. He was a very good man. I know you didn’t have the chance to get to know him more, be with him more, but I want you and yer other sisters to know that he is—was one heck of a fantastic, splendid, and spectacular man.” Tumango-tango si Mabel. Nasisiyahang marinig na napakabait ng kanyang abuelo. Kahit sasandali lang niyang nakasama ang matanda, kahit paano ay napalapit na ito sa puso niya. Kaagad naging mahalaga sa puso niya si Don Alfonso nang sabihin nitong magiging maayos ang lahat at hindi siya nag-iisa. Nagpapasalamat na lang siya na kahit paano ay nagkaroon silang magkakapatid ng sandaling panahon upang makilala at makasama ang abuelo. Ginaya ni Mabel ang ginawa ni Kellan kanina. Itinaas niya ang baso at nilagok. Halos masuka siya sa lasa ng rice wine. Ibinaba niya ang baso, nangakong hindi na uulit. Hinamig niya ang sarili.  “He changed my life. He turned it upside down. Nainis ako sa kanya kasi inalis niya ako sa comfort zone ko. Pakiramdam ko ay inilayo niya ako sa mommy ko. Pero ang totoo ay sinusubukan lang niyang ipakita sa akin na malawak ang mundo. Ipinaramdam niya kahit na sandaling-sandali lang na hindi lang si Mommy ang maaaring magmahal sa akin. He gave me a family before he left.” Hindi siya sigurado kung naiintindihan siya ng dayuhan ngunit wala siyang gaanong pakialam. Nais lang niyang mailabas ang nasa kanyang kalooban at hindi niya iyon ganap na magagawa kung mag-i-Ingles siya. Sinalinan ni Kellan ang baso nito. Umiling si Mabel nang akma nitong sasalinan ang kanyang baso. Hindi nga naubos ang laman niyon. Nakangiting ibinaba nito ang bote at may inilabas mula sa bulsa ng cargo shorts.  “Root beer,” nakangiti nitong sabi habang iniaabot sa kanya ang lata. Kaagad niya iyong tinanggap.“Thank you, Kellan.” “Walang anuman.” “He never said I was stupid for waiting and searching,” anito pagkatapos uminom ng rice wine. “He never told me to stop.” Tahimik na nakinig si Mabel sa mga kuwento ni Kellan tungkol sa kanyang lolo. Hindi niya gaanong maintindihan ang karamihan sa mga iyon ngunit patuloy siya sa pakikinig habang iniinom ang rootbeer. Nagbahagi rin naman siya ng mga kuwento. Sadyang mas marami lang baon si Kellan dahil mas matagal nitong kakilala ang lolo niya. Nang gabing iyon, hindi lang niya mas nakilala ang namayapang abuelo. Nagkaroon din siya ng koneksiyon sa isang lalaki sa unang pagkakataon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD