Chapter 16: Success & disappointment
“CONGRATULATIONS, Eyse!” sabay-sabay na pagbati nila sa akin nang mag-success ang unang kantang na-released namin. Ang unang kantang ‘Heartbeat’.
Nakatutuwa pala kapag marami na ang nakaririnig ng boses mo at nagustuhan din ng karamihan ang unang kanta mo. Parang lumulutang ako sa ere sa sobrang kasiyahan. Ito ’yong pangarap ko na paunti-unti ay natutupad na rin. Parang panaginip ko pa rin ang lahat ng ito, ang hirap paniwalaan.
Dito ko napagtanto ang lahat. Ang mga bagay na ginagawa mo ay hindi binabase kung matagal ka na ba o isang baguhan pa lamang. Sa larangan ng musika ay hindi naman tinitingnan ng lahat na kung ikaw ba ay isang sikat na singer o bago pa lamang sa larangan na ito.
Kung totoong may potensyal ka nga ay madali lang para sa ’yo ang lahat at kung palagi kang positibo ay hindi ka panghihinaan ng loob. Aasahan mo na hindi ka agad magiging successful.
Pinapaalala rin sa akin si Sir Elton na minsan daw ay hindi natin nakukuha agad ang mga bagay na gusto natin. Kailangan pa raw paglaanan ng sapat na oras. Inaasahan ko rin naman ang pagkabigo ko kung nagkataon.
“Salamat po,” nakangiting sabi ko at naluluha na rin ako. Niyakap pa nila akong lahat.
“Wala pang first solo album si Eyse. Kasama lang siya sa tatlo at nasa iisang album lang din sila. Pero tingnan mo nga naman, Eyse, oh. Naka-100k views ka na sa YouTube channel ng SRE natin at sa iba pang site, dalawang araw pa lamang ang nakalilipas! Paano na kaya sa mga sumunod pang araw?” naluluhang saad ni Ms. Yena. Lahat kami ay nakatutok sa laptop niya at nakikita namin ang mabilis na pag-usad nito.
“Hindi nga nagkamali si Sir Elton sa ’yo, Eyse. Talagang may potensyal ka sa music industry,” sabi naman ni Minny na may ngiti pa sa labi niya. Napatango na lamang ako.
“Bago ka pa nga lang, Eyse pero ramdam ko na ang mga taong susuporta sa ’yo kapag nagkaroon ka ulit ng kanta. Tingnan niyo, basahin niyo ang comments nila. Ako ang kinikilig para sa ’yo!” sigaw ni Ms. Yena. Parang siya talaga ang mas masaya kaysa sa amin. Dahil siguro siya na ang tumatayong manager ko.
@ZImmy
“Bago pa lang ba si Eyse sa music industry? Kasi hindi pamilyar sa akin ang pangalan niya, eh. Anyway, ang ganda ng boses niya at bagay sa kanya ang kinanta niya.”
@enemeke
“Heeeey! Bakit ngayon lang kayo nagkaroon ng singer na may mala-anghel na boses?!”
@gabyzaldy
“Hoping na may iba pang kanta siyang mare-release... Ang ganda kasi ng boses niya, eh.”
Marami pa silang binasa at talagang may negative feedback pero mayroon din naman na hindi. Expected iyon na may first basher ka agad.
@xackeramil
“Si Eyse ba kamo? Iyong contestant number 27. Siya ’yong singer na bigla na lamang huminto sa pagkanta. Kung nag-aaral lang siya ay baka pasang awa siya.”
Napakagat ako sa labi ko dahil sa nabasa ko kaya ilang beses na minumura iyon ni Ms. Yena. Napapangiwi na lamang ako dahil ang lulutong ng mga mura niya.
“Hindi baleng huminto nga sa pagkanta si Eyse ay may maibubuga na naman siya!” Tinawanan ko na lamang siya.
“Itong si Xackeramil, bakit naalala ka pa niya, Eyse?” natatawang tanong ni Minny sa akin. Nagkibit-balikat ako.
“Hindi ko po alam, eh,” sagot ko.
“Hayaan mo na ito, Eyse. Talagang hindi natin maiwasan ang ganitong mga komento. Normal ito sa mga taong katulad mo dahil naiinggit lang sila sa ’yo,” ani Ms. Yena. Wala naman sa akin ang nabasa ko, eh.
“Opo, isa na po iyan sa inaasahan ko,” wika ko.
“Teka lang, nasaan kaya si Sir Elton? Alam kong masaya nga tayo pero mas masaya ang trainor mo, Eyse. Dahil pinatunayan mo sa lahat na karapat-dapat kang bigyan ng second chance at heto na ang bungang pinaghirapan natin,” sabi niya.
Tumingin ako sa paligid. Nasa loob kami ng studio. Nandito iyong mga staff ng SRE dahil may inaayos sila at totoong wala rito si Sir Elton.
“Hindi ko po alam,” sagot ko at muli akong tumingin sa laptop ni Ms. Yena.
Picture ko lang ang nandoon, half-face lang siya dahil naka-side view ako at ang laki pa ng font ng pangalan ko. Eyse, iyan lang ang napili kong screen name ko. Sa tulong din sa akin ng mentor ko para madali raw akong kilalanin ng lahat.
“Hala, basahin niyo ito, guys dali!” Tumutok naman kami sa isang comment.
@kobecelco
“Kapatid ba or relatives ni Eylesse Estrada aka Lesse si Eyse? Kasi malaki ang pagkakahawig nilang dalawa. Pati na ang pangalan niya. Well, pati na ang boses nila pero mas soft nga lang itong kay Eyse.”
Napangiwi pa ako nang malakas na hinampas ni Minny ang balikat ko at tumili rin siya bigla.
“Eyse, may sikat na singer na nga ang itinapat sa ’yo!”
“Si Eylesse Estrada pa na isa sa successful and famous singer sa music industry!”
“Sino naman po iyon? Hindi pamilyar sa akin ang pangalan...” umiiling na sabi ko.
“Si Lesse? Seryoso ka ba hindi mo siya kilala, Eyse?” Umiling ako dahil hindi ko nga iyon kilala.
“Paanong hindi mo siya kilala? Eh, kinakanta ng mga contestant ang kanta niya.”
“Wala rin po kasi akong alam sa mga sikat na singer, eh. Iilan din ang mga alam ko,” sabi ko at bigla naman silang napatingin sa likuran ko. Napatayo pa silang dalawa at mukhang nagulat din siya. Si Ms. Yena ay napatakip na sa bibig niya.
Kunot-noong lumingon din ako sa likod ko at bumilis na naman ang pintig ng puso ko nang makita ko si Sir Elton.
Hindi ko alam kung bigla bang bumagal ang takbo nang oras at tila ang tagal niyang maglakad. Ito ba ang sinasabi ng lahat na... slow motion ang paglalakad?
Sobrang bagal at wala na akong naririnig pa na kahit na ano kundi ang heartbeat ko. Pakiramdam ko ay lalabas na ito mula sa dibdib ko.
At bakit ba biglang bumagal ang lahat? Nakangiti si Sir Elton habang may dalang punpon ng bulaklak. Bakit mukhang mas gumandang lalaki ang mentor ko? Sheemz.
Bumalik lang sa normal ang lahat nang tuluyan na siyang nakalapit sa akin. Napatitig ako sa bulaklak.
“Congratulations,” pagbati niya sa akin. Grabe, naka-100k views lang ang kanta ko ay required bang bigyan pa ako ng bouquet ni Sir Elton?
“B-Bakit po... may bulaklak?” kinakabahan na tanong ko sa kanya at tiningala ko pa siya dahil sobrang tangkad nga niya.
“Hindi mo ba alam, Eyse? Sa tatlong singer na na-released namin ang kanta two days ago ay ikaw lang ang naka-reached ng 100 thousands views? Tingnan mo, Ms. Yena,” sabi niya at muli akong napatingin sa laptop. Nag-focus kami sa kanta ko at hindi namin tiningnan iyong iba. Hala naman.
“Totoo... Hindi na masama na may 10k views sila pareho dahil baguhan pa nga sila. Kakaiba lang ang powers ni Eyse kaya mabilis ang usad niya. Hindi pa nga natin na-promote sa ibang Website ang kanta niya dahil una nating titingnan kung may mangyayari ba rito,” paliwanag ni Ms. Yena at itinuro pa niya iyon.
“Pero grabe talaga ang 100 thousands views mo, Eyse. Senyales iyan na gaganda ang career mo sa music industry. Huwag lang sanang haluan ng eme-eme scandals,” ani Minny. Ano naman kayang eme-eme iyon?
“Walang eme-eme, Minny.”
Binalingan ko ulit si Sir Elton at ininguso niya ang bulaklak.
“Salamat po, Sir Elton. Pangalawang beses na ito,” sabi ko at kahit medyo kabado ako sa presensiya niya ay tinanggap ko pa rin ang bouquet. Bakit ko naman kasi tatanggihan ito?
Napangiti ako nang maamoy ko ang mahalimuyak ng bulaklak. Parang bagong pitas pa siya, ah. Nang may naalala naman ako ay tiningnan ko siya.
“Hindi po ba ay ikaw rin ang nagsulat ng kanta? Congrats din po. Kung hindi po sa kanta niyo ay alam kong...hindi rin po ako makakaabot diyan,” sabi ko at itinuro ko ang laptop. Napatango siya.
“Well, totoo nga,” pagsang-ayon ni Ms. Yena. “Congratulations po, Sir Elton.”
“Congrats po, Sir.”
“Achievements natin ito pareho. Kaya dapat pati kayo ay babatiin din. Congratulations. You did a great job,” sabi ni Sir Elton. Super bait niya talaga. May katulad pa kaya si Sir Elton? Sa mundo ngayon ay mukhang wala na at imposible na ang makakilala pa ako na kasing ugali niya.
“Dahil diyan ay oras na para gumawa ng f*******: page fan or iba pang website na magagawa natin para kay Eyse. I-upload din natin ang ‘Heartbeat’ pero dahan-dahanin natin ang full face reveal mo, Eyse. Para mas exciting,” nakangiting sabi ni Ms. Yena.
“Habang ginagawa niyo iyan ay bakit hindi natin i-celebrate ang achievements natin?” suhestiyon ni Sir Elton at lumingon pa siya sa akin. Na tila humihingi rin sa akin ng permiso.
“Kayo po ang bahala,” sabi ko.
“Yes, mag-celebrate tayo!”
“Wait, bago ko makalimutan. Eyse, heto iyong resulta ng entrance exam mo.” Nanlaki ang mga mata ko nang ibigay niya sa akin ang cards.
“Nakapasa po ba ako?” tanong ko sa kanya.
“Bakit hindi mo tingnan?”
“Gusto ko po kasing marinig mula sa inyo, eh,” sabi ko na ikinatawa niya.
“Nakapasa ka nga, Eyse at pipili ka na lamang kung ano ang kurso ang kukunin mo sa kolehiyo.”
“Double celebration na pala ito, Eyse. Grabe, ang suwerte mo, ah...”
“Isa po kayo sa dahilan nito. Sa tulong po ninyo kaya naging masuwerte ako. Hindi niyo po ako pinabayaan kahit... nagmumukha akong ignorante,” sabi ko. Natahimik naman sila nang makarinig kami ng yabag ng sapatos.
“How about the others, Elton? Naka-10 thousands views sila pero hindi na iyon masama para sa mga amateur na singer. Ang trainee mo ay umabot sa six digits views, dahil alam ko pangalan mo ang naging dahilan. Nandiyan ang pangalan mo. The song writer and composer, SEB. Sin Elton Baudelaire.” Ang fiancé ni Sir Elton ang nagsalita at ano raw ang pangalan nito? SEB? At dahil sa mentor ko kaya umabot daw ako ng six digits views? Napatingin ako kay Sir Elton. “Sikat siya sa music industry, Ms. Eyse at inaabangan talaga ng lahat ang kantang isusulat nila. Wala silang pakialam kung sino ang singer, basta siya ang song writer,” dagdag pang saad niya.
Sumikip ang dibdib ko dahil parang...ginagamit ko nga ang pangalan niya para lang bumilis ang usad ng views ng kanta ko.