Chapter 15: First Song Released
“MGA KUYA, nasaan naman po ang mga regalo niyo sa akin?” tanong ko at dalawang palad ko pa ang inilahad sa kanila.
Gabi na at dapat talaga ay nagpapahinga na kami pero nasa sala pa kaming lahat. Nagluto pa ng puto at bibingka si Tiya Beth, na ngayon nga ay kinakain na namin. Nagkakape rin kami kahit matutulog na nga kami pagkatapos nito.
Katabi kong nakaupo sina Tiya Beth at Enza. Nasa ibang upuan naman sina Kuya Seb, Kuya Dez at Tiyo Geb.
“Heto iyong akin, Ate Eyse,” ani Enza at kinuha ko agad ang maliit na kahon na inaabot niya sa akin.
“Wow... Ang galing-galing talaga gumawa ng ganito ang Enza namin, ah,” papuri ko dahil ang ibinigay niya sa akin ay pulseras na siya mismo ang gumagawa nito.
“May pangalan mo ang inukit ko riyan, Ate Eyse. Kaya para talaga iyan sa ’yo,” aniya.
“Salamat, Eyse. Yey...ang ganda-ganda nito kahit simple lang siya,” nakangiting sabi ko.
“Kayo naman po,” wika ni Enza at sabay pa naming tiningnan ang mga kuya namin.
“Heto ang cellphone mo, Ellang. Nandiyan na ang phone number namin. Basta palagi kang tumawag sa amin, ha? Kahit gaano ka pa ka-busy sa Manila. Dapat tawagan mo kami para may alam kami sa nangyayari sa ’yo,” saad ni Kuya Seb na tinanguan ko.
“Opo, Kuya. Tatandaan ko po iyan palagi,” nakangiting sabi ko.
“Basta, Eyse. Kung magkakaproblema ka roon ay huwag kang magdalawang-isip na tawagin kami,” usal ni Tiya.
“Siyempre naman po wala akong hiya pagdating sa inyo. Kaya itsi-tsika ko ho sa inyo ang magiging buhay ko roon,” sabi ko pa.
“Heto ang regalo ko sa ’yo, Ellang.” Natawa siya nang mabilis kong kinuha iyon sa kamay niya. Tiningnan ko ang laman at nanlaki pa ang mga mata ko nang makita.
“Wallet, wow... Kuya Seb, super mahal kaya nito.” Gucci iyong wallet na iniregalo niya sa akin.
“Heto sa akin, Eyse. Estudyante pa lamang ako kaya iyan lang ang nakayanan ko,” saad niya at basta na lamang niya inilapag sa mesa ang regalo niya. Box iyon na naka-wrapped.
“Kuya Dez naman, oh. Wala talagang pag-iingat,” ani ko.
“Meron din sa akin, Eyse.”
“Ngek, kahit hindi na po kayo nag-abala, Tiyo Geb. Kayo lang po ni Tiya Beth ang nagluto ng mga pagkain na hinanda niyo para sa akin,” nakangiting sabi ko.
“Iba naman kasi ang pagluluto at sa may regalo,” aniya.
“Hala, Kuya... Tamang-tama po na wala na akong sapatos. Ang ganda... Kulay puti pa... Kahit suplado palagi sa akin si Kuya Seb ay pagka-sweet din pala siya.”
“Tigilan mo nga ako, Eyse. Hoy...” Tinawanan lamang namin siya.
“Pero salamat, Kuya.”
“Ang regalo ko ay ang suot mo na ngayon, anak.”
“Ang ganda-ganda po, Tiya. Oh, nasaan naman po iyong sa ’yo, Tiyo?”
Mula naman sa likod niya ay kinuha niya ang isang backpack na hindi naman nakabalot pero napangiti rin ako dahil binili iyon ni Tiyo para sa akin.
“Hindi lang ito basta backpack, Eyse. Dahil kasyang-kasya ang mga gamit na dadalhin mo sa Manila. Ito ang gamitin mo.”
“Maraming salamat po, Tiyo.”
“Mag-iingat ka roon palagi, anak,” sabi pa niya at nag-thumbs up ako sa kanya.
Kahit lumalim na ang gabi ay nagkukuwentuhan pa kami. Kasi pakiramdam ko rin ay matagal bago maulit ang ganitong tagpuan namin kaya nilubos-lubos ko na rin.
“Eyse, mentor mo ba talaga si Sir Elton?” tanong ni Tiya Beth at nasa boses niya ang kuryusidad. Napatango ako.
“Opo, Tiya. Huwag po kayong mag-aalala sa kanya. Mabait po siyang tao,” ani ko. Kasi baka kung ano pa ang isipin nila kay Sir Elton. Ayokong paghinalaan nila ang taong tumutulong sa akin.
“Halata naman na mabait na tayo iyon, Eyse,” sabat naman ni Tiyo Geb.
“Pero hindi ko gusto ang mga tingin na ibinibigay niya sa ’yo, Eyse. Tandaan mo na mas matanda iyon sa ’yo ng siyam na taon.” Napakamot ako sa kilay ko dahil sa kakaibang mindset nitong pinsan ko.
“Ewan ko sa ’yo, Kuya. Ang ganda-ganda ng intensyon ng tao pero pinagdududahan mo pa siya.”
“Basta hindi ko siya gusto,” sabi niya at sumubo pa siya ng puto.
“Dez, dapat maging mabait ka rin kasi kung hindi dahil sa kanya ay itong pinsan mo ay hindi na niya pagbibigyan pa ng pangalawang pagkakataon.”
“Bakit ka ba kasi huminto sa pagkanta mo, Ellang?” tanong ni Kuya Seb. Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Nakahihiya kapag sinabi ko sa kanya ang totoo. Super nakahihiya iyon.
“Oo nga, Eyse. Aba, kung nagkataon ay hindi na talaga kita papayagan sa singing contest na iyan,” usal ni Tiya Beth.
Naku po... Mas mabuting wala na kayong alam tungkol doon. Dahil baka...mabatukan niyo ako ng wala sa oras. Kasi naman... Napahinto ako sa pagkanta ko dahil nagtagpo ang mga mata naming dalawa at naguwapuhan ako sa kanya. Pss.
Doon ko rin unang naramdaman ang pagbilis nang t***k ng puso ko.
***
NAGULAT naman ako nang sumapit ang takdang panahon na babalik na ako sa Manila ay may van agad ang sumundo sa akin at kasama pa si Sir Elton na sakay rin ng sarili niyang sasakyan.
“Magandang umaga po, Sir Elton,” bati ko sa kanya at napangiti pa siya.
“Morning, Eyse.”
“Bakit po sumama pa kayo sa pagsundo sa akin?” tanong ko sa kanya.
“Para ayain din ang pamilya mo na sumama sa Manila, Eyse,” sagot niya na mas naguluhan ako. Bakit naman niya yayayain ang pamilya ko na sumama sa amin sa Manila?
“Bakit po?”
“Para ipakita sa kanila ang matutuluyan mo roon. Kung sakali man na bibisita sila sa ’yo,” sagot niya sa akin at nilapitan niya si Tiyo Geb para kausapin niya ito.
Napadaing naman ako nang maramdaman ko ang pagsiko ng katabi ko. “Problema mo ba, Kuya Dez?” kunot-noong tanong ko sa pinsan ko na sumiko sa akin.
“Talaga bang walang gusto sa ’yo ang Sir Elton mo na ’yan, Eyse?”
“Ha? Bakit mo naman iyan naitanong sa akin? Mukha ba siyang may gusto sa akin?” sunod-sunod kong tanong sa kanya.
“Parang... Tingnan mo, oh. Sumama pa talaga siya para sunduin ka niya? Nagkukusa siyang pumunta rito, eh. Ano ba talaga ang namamagitan sa inyong dalawa, Eyse?”
“Kuya, coach at mentor ko lang po siya. Walang namamagitan sa amin at saka... Malabo po ang sinasabi mo na may gusto sa akin si Sir Elton dahil may nobya siya. Ikakasal na po siya,” sabi ko na ikinatawa niya.
“Talaga? Bakit yata parang hindi maganda ang tono ng boses mo?” nang-aasar na tanong niya sa akin. Hinampas ko siya sa dibdib niya.
“Sumbong kita kay Tiya Beth, eh. Kung ano-ano ang pumapasok sa isip mo at masyado kang malisyoso, Kuya,” ani ko.
Napakiusapan ni Sir Elton sina Tiyo at Tiya na sumama sa amin para maipakita raw ang apartment na matutuluyan ko. Kasama ko naman daw sina Minny at Ms. Yena.
Hindi lang iyon at isinama pa sila SRE. Gusto rin ni Sir Elton na makita ang unang recording sa kakantahin ko at siya rin ang song writer nito.
“Standby ka muna, Eyse,” sabi ni Sir Elton. Nag-thumbs up lang ako. “Take a breath,” dagdag pang sambit niya.
Binasa ko pa ang unang stanza ng kanya na isinulat niya. Heartbeat ang title ng kanyang kanta, parang sinasabi rin na muling tumibok nang mabilis ang puso niya.
“I used to think. I wouldn’t feel this anymore. Something I was trying to forget before. A love that I never expected. I will feel this in the midst of chaos. My mind is so messed up.”