CHAPTER 8: Contract
TUWANG-TUWA sina Kuya Seb at ang mga magulang ni Raime nang malaman nila na nakapasok ako. Agad na tumawag si Kuya Seb kina Tiya Beth pero hindi raw ito umimik nang sabihin niyang nakapasa nga ako. Ang tinig ng pinsan kong si Enza ang narinig ko na sumisigaw at ang papuri na rin ni Tiyo.
Hindi ko alam kung masaya ba talaga para sa akin si Tiya. Kasi alam ko naman kung babagsak ako ay hindi na niya ako papayagan pa.
Kinabukasan din ay hinatid na ako ni Kuya Seb sa Seven Real Entertainment at inaasahan na rin pala nila ang pagdating ko.
Sinalubong pa ako nina Ms. Yena at Minny. “Kanina pa raw naghihintay si Sir Elton. Maaga siyang pumasok today,” sabi ni Ms. Yena habang naglalakad na kami.
Sa ikasampung palapag ang opisina ni Sir Elton. Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ako kinakabahan habang lulan kami ng elevator. Kagabi nga ay hindi ko na mawari pa kung saan ba ako masaya, sa pagkapanalo ko ba sa singing competition o dahil lang sa guwapong mukha ng hurado na isa rin palang CEO ng kompanyang ito.
“Handa ka na ba para sa bagong buhay na tatahakin mo, Eysella?” tanong sa akin ni Ms. Yena. Naitanong ko na rin iyan sa sarili ko.
“Matagal na po akong handa, Ms. Yena. Ang hindi ko lang po inaasahan ay mapapaaga ang bagong buhay na tatahakin ko ngayon,” nakangiting sabi ko at marahan naman siyang tumango.
“Sa tingin ko naman ay hindi ka mahihirapan na mag-adjust, Ms. Eysella,” pormal na pakikipag-usap naman sa akin ni Minny.
“Eyse na lang ang itawag mo sa akin, Minny. Masyadong pormal kapag may miss pa sa pangalan ko,” nakangiwing sabi ko.
“Tagasaan ka pala, Eyse?” tanong sa akin ni Ms. Yena.
“Taga-Baguio po ako. Doon po sa La Presa,” magalang na sagot ko.
“Hindi pa pala ako nagpapakilala sa ’yo ng pormal. Ako si Yenaren Nabor, 28 years old na ako. kasama ako management team ng SRE. Dati akong manager ng isang singer na katulad mo rin, Eyse. Baguhan din siya. Pero nag-back out siya agad dahil nabigyan yata siya ng magandang opportunity sa ibang bansa. Binayaran ng agency niya ang kontrata kaya madali talaga para sa kanya ang umalis na lamang,” sabi niya at medyo nalungkot pa ako dahil sa nangyari sa pagiging manager niya. Ang biglaan nitong pag-back out.
“Muntik na rin kaming mawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng team namin. Pero walang kasing bait si Sir Elton at binigyan pa niya kami pagkakataon upang magpatuloy. Ako pala si Minny Baltazar, assistant ako ni Ms. Yena, Eyse. 24 years old,” sambit naman ni Minny.
“Eysella Romel naman ang pangalan ko, mas gusto kong tawagin ako sa palayaw ko na Eyse. 18 years old at ga-graduate pa lamang ako sa senior high school,” sabi ko.
“Ang bata mo pa pala, Eyse. Mabuti iyan, maraming panahon pa ang pagsasama nating tatlo kung sakali man,” ani ni Ms. Yena.
“Sana nga po,” sabi ko naman.
“Huwag ka lang mang-iiwan, ha?” Natawa ako sa sinabi ni Minny.
“Hindi naman ako ang tipong tao na mang-iiwan lang sa ere. Hindi ako mangangako sa inyo, pero pangarap ko rin naman po ito, eh. Asahan niyo pong mananatili ako,” ani ko dahil paninindigan ko iyon.
“Mamaya niyan kasi ay may mag-o-offer sa ’yo tapos sa ibang bansa pa,” pagbibiro naman ni Ms. Yena.
“Nandito ang pamilya ko. Hindi ko sila kayang iwanan lang dito. Kaya hindi ko iyon gagawin,” saad ko.
Ang pumunta sa ibang bansa? Nah, ang gusto ko nga lang ay ang makatuntong sa entablado at matupad ang isa sa mga pangarap ko.
***
Maganda sa loob ng opisina ni Sir Elton pero bakit ang sabi nila ay nandito na raw iyon? Eh, wala pa nga.
“Dito ka muna maghintay, Eyse,” sabi ni Ms. Yena at inalalayan pa niya akong umupo sa malambot na couch.
“Eh, saan po ba kayo pupunta? Iiwan niyo po ako rito?” namimilog ang mga matang tanong ko sa kanila.
“Actually, tapos na kaming kinausap ni Sir Elton. Gusto niyang kausapin ka nang mag-isa lang. Goodluck, Eyse.”
“Po?” Hindi ko na sila napigilan pa nang mabilis silang lumabas. Akala ko ba ay sabay kaming kakausapin ni Sir Elton? Eh, bakit mag-isa na lang ako ngayon?
Hinawakan ko ang magkabilang binti ko dahil sa panginginig nito at humugot lang ako nang malalim na hininga. Bakit naman ako kinakabahan?
Inabala ko na lamang ang sarili ko sa pagtingin ng furniture sa loob ng opisina ng CEO. May pangalan pa nga niya sa table.
May bookshelves din siya. Ang laki at ang ganda naman talaga ng opisinang ito. Kompleto pa ang mga gamit niya. Tapos amoy na amoy ko---
“Nandiyan ka na pala.” Boses na iyon ni Sir Elton! Napatayo pa ako sa gulat at nilingon siya.
Puting longsleeve lang ang suot niya na nakabukas ang dalawang butones at itim na coat at itim na slacks pababa. Nakaputing sneaker lang siya. Side parted ang hairstyle niya kaya mas lalong nadepina ang mukha niya.
“M-Magandang umaga po, Sir Elton,” magalang na bati ko pa sa kanya bagamat nautal pa ako dahil iyon sa bilis nang t***k ng puso ko.
Ano ang mayroon sa CEO na ito at grabe kung maka-react ang puso ko sa kanya? Nandoon ang kaba at excitement na makita siya--- teka lang, bakit ba iyon ang nasabi ko?
“Morning, have a sit.” Tumango ako at umupo naman. Sinundan ko pa siya nang tingin nang lumapit siya sa mesa niya at may kinuha siyang folder doon. Bumalik din naman siya pagkatapos at umupo sa tapat lang nang inuupuan ko. Inilapag niya ang hawak niya. “Nakilala mo na ang magiging kasama mo sa lahat ng oras, Eysella Romel?” Tumango naman ako sa tanong niya. “Si Ms. Yena at Minny. Nasabi ko sa kanila na sila ang pipili ng singer na makakapasok sa entertainment natin. Hindi ka nila bibiguin sa trabaho nila kung ganoon ka rin sa kanila.”
“Alam ko po, Sir.”
“Masuwerte ka dahil ikaw ang napili nila. Anyway, sa ipinasa mong form sa unang pagpasok mo bilang contestant ay magsisimula ka pa lamang sa kolehiyo pagka-graduate mo. Sa lahat ng nakapasa ay ikaw ang mas pinakabata. Mabibigyan ka ng scholarship na mula sa kompanya natin. Malalaman mo pa ang magigiting benefits, rules and regulations ng SRE at ang iba na dapat mong mapag-aralan. Basahin mo nang mabuti at pirmahan mo kung sang-ayon ka sa mga nakasulat diyan. Since you still 18 years old ay kailangan din namin ng parental consent. Huwag kang magmadali dahil may isang linggo ka pa para magdesisyon kung tatanggapin mo ito but Ms. Romel, this is your opportunity and I hope, tatanggapin mo ito ng hindi ka nagdadalawang isip. I can see your potential sa music industry. If you’re going to accept this, isa ako sa magiging mentor mo.”
***
“Bakit ganoon? Bakit pakiramdam ko ay nasa kanya na ang lahat? Kasi naman, guwapo na siya, mayaman, matikas ang pangangatawan at mabait pa siya.”
“Sino iyan, Ellang? Sino namang guwapo na mabait na iyan?” Napapitlag ako nang marinig ko ang boses ni Kuya Seb. Napahawak pa ako sa noo ko nang pinitik pa niya nang mahina ang noo ko.
“Kuya, naman...”
“Bakit may lalaki ka nang napansin agad, Ellang?” tanong nito sa akin at pinanlakihan pa ako ng mga mata niya.
Nasabi ko pala iyon nang malakas. Akala ko ay sa isip ko lamang. Paano naman kasi ay nakamamangha lang ang may ganoon na pag-uugali at physical appearance.
“Wala po, Kuya Seb. Sino naman po ang lalaking mapapansin ko agad?” kunot-noong tanong ko sa kanya.
“Ang sabi sa akin ni Raime at nilapitan ka raw ng lalaking hurado. Bakit? Ano ang dahilan?”
“Eh, kasi, Kuya Seb. Siya po ang CEO ng kompanya at siya po nakausap ko kanina. Mabait naman po siya dahil binigyan niya ako ng isang linggo para mag-isip at makapagdesisyon tungkol sa kontrata,” sabi ko at ininguso ko pa sa kanya ang hawak niyang folder. Ire-review niya rin iyon para sa akin. Mahirap na raw kasi baka kung ano ang laman.
“Bakit? Balak mong magdalawang isip, Ellang?”
“Itatanong ko pa po kasi kay Tiya Beth. Ayoko naman pong magdesisyon ng mag-isa, eh si Tiya po ang guardian ko, Kuya,” sabi ko na ikinangiti niya at ginulo pa niya ang buhok ko.
“Mabait na pamangkin ka talaga ni Inay. Ang suwertehin namin sa ’yo,” sabi niya.
“Sa tingin mo, Kuya. Papayag kaya si Tiya?” tanong ko.
“Bakit naman hindi? Kung hindi iyon papayag sa tingin mo nasaan ka ngayon?” balik na tanong niya sa akin.
“Nasa bukid po,” sagot ko na tinawanan niya lamang.
“Magandang opportunity nga ito, Ellang. Hindi ko na poproblemahin pa ang tuition fee mo sa kolehiyo dahil magiging scholarship ka ng kompanya nila at may allowance ka pa.”
“Eh, bakit may balak kang pag-aralin ako, Kuya?” namimilog ang mga matang tanong ko sa kanya.
“Oo naman, hindi naman kita pababayaan, ’no? Kayang-kaya ko kayong pag-aralin ng Kuya Dez mo.”
“Ang suwerte naman namin, ay.”