CHAPTER 10

1625 Words
Chapter 10: Tsismis “NANDIYAN ka lang pala, Eyse!” Napaigtad ako sa gulat nang marinig ko ang boses ni Ms. Villar. “Bakit?” tanong ko. “Congrats pala sa ’yo, Eyse. Nakapasok ka pala sa SRE. Aba, hindi biro ang kompanyang iyon,” sabi niya. “Salamat,” nakangiting sabi ko. “Oo nga pala,” aniya at may kung ano naman siyang kinuha sa backpack niya. “Hinintay ko nang araw na iyon na kung may maghahanap ba rito, Eyse,” sabi niya at ibinalik sa akin ang keychain. Sinalo ng dalawang palad ko. “Pero wala. Walang lumapit sa akin.” “Walang naghanap? Bakit naman? Akala ko ba ay mukhang mahalaga ito sa may-ari?” nagtataka kong tanong. “Hindi ko rin alam. Pero alam mong walang nagmamay-ari niyan dito. Hindi iyan simpleng keychain lang. Mahal ang gawa niya. Pero, Eyse. Sa ’yo na lang iyan. Ikaw na ang magtago, baka malay natin ay makita mo ang may-ari niyan.” “Imposible naman yata iyon,” umiiling na sabi ko. “Ah, basta may kutob ako na makikilala mo ang may-ari niyan. Ikaw na lang ang magsauli niyan sa kanya,” sabi niya. “Pero, Ms. Villar.” “Cynthia na lang, ano ka ba naman, Eyse. Masyado kang pormal sa akin, ah.” “Sige. Pero paano na itong keychain?” “Itago mo muna,” aniya. “Sige, ah. Mauna na ako, may pasok pa ako. Congrats ulit, Eyse! Pambato ka ng school natin!” bulalas niya at nag-flying kiss pa siya sa akin. Umiling na lamang ako at tinitigan ang keychain. 7 S.E.B. Ano ba talaga ang ibig sabihin nito? Isa ba ito sa initial name ng may-ari? At ano naman kaya ang numerong ito? Naguguluhan talaga ako at puno rin ako ng kuryusidad kung sino ba talaga ang nagmamay-ari nito. “Ano iyan, ha?” Hindi na ako nagulat pa nang bigla na lamang sumulpot ang dalawang kaibigan ko. Inakbayan pa ako ni Janjan. “Keychain? Parang hindi pangkaraniwan, ah,” ani naman ni Moneth. “Kanino iyan, Eyse? May nagbigay ba iyan sa ’yo?” tanong sa akin ni Janjan. Hindi pa nga ako nakasasagot ay bigla niyang inagaw ito sa akin. “Ang babaeng ito, oh. Ang keychain ay hindi sa kamay lang hinahawakan. Ikinakabit sa bag,” sabi niya sa akin at bigla na lamang niyang isinabit iyon sa backpack ko. “Eh, Janjan naman! Hindi nga iyan sa akin, ah!” sigaw ko at namimilog pa ang mga mata ko nang makita iyon. “Ay tara na lang. Mahuhuli tayo sa klase,” saad naman ni Moneth at hindi na ako nakapagprotesta pa nang hinila na nila ako pareho. Hala naman, baka mamaya niyan ay magkatotoo pa ang sinabi sa akin ni Cynthia na makilala ko ang may-ari nito tapos makita pa niya ang keychain niyang ginagamit ko. Nakahihiya naman iyon. Baka kung ano pa ang isipin no’n sa akin, ah. “Congrats pala, Eyse!” magkasabay na bati pa nilang dalawa. Hindi na lamang ako nakaimik pa at tanging pagngiti na lamang ang nagawa ko. Natapos ang araw na palugit sa akin ni Sir Elton at malapit na rin ang araw ng graduation namin. Kaya medyo abala rin kami sa school. Si Kuya Seb pa rin ang kasama ko sa pagpunta sa Manila at hanggang sa SRE pa. “Susunduin kita mamaya, Ellang, okay? Huwag kang pumunta sa kung saan-saan. Dahil alam mong hindi ka pa pamilyar dito,” aniya at tinusok pa ng hintuturo niyang daliri ang noo ko. “Si Kuya Seb naman, oh,” mahinang reklamo ko. “Aalis na ako,” paalam pa niya at kumaway lang ako sa kanya. Nang makaalis na nga si Kuya Seb ay hinarap ko ang malaking kompanya sa tapat ko ngayon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na makakapasok ako sa ganitong kalaking entertainment. Parang nananaginip pa rin talaga ako. Iyong kasiyahan ko ay wala man lang expiration. Wew. Akmang maglalakad na sana ako nang mahagip ng mga mata ko ang isang pamilyar na sasakyan na huminto na hindi kalayuan sa kinatatayuan ko. Nang makilala ko kung sino ang bumaba mula sa kulay asul na sasakyan ay parang nagkarerahan na naman ang mga kabayo sa loob ng dibdib ko. Napatutop ako sa aking dibdib. Ang lakas talaga nang kabog niya, eh. Umikot siya sa kabila para pagbuksan si... Siya iyong babaeng hurado na mas mabait tingnan kaysa kay Ms. Allona. Siya naman si Ms. Veronica. Nakangiti agad siya at nasundan ko pa ang pagbigkas ng mga labi niya sa salitang ‘thank you’, siya kaya ang girlfriend ni Sir Elton? Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ako nakaramdam ng kirot sa dibdib ko. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko, eh. Mas dumoble pa ang kirot nang makita ko na yumakap pa siya sa braso nito. Aalis na sana ako nang hindi lang ako nakita ni Ms. Veronica. “Siya iyong bago nating singer, ’di ba, Elton?” tanong nito. Tumikhim ako para pakalmahin ang nagkakagulo kong puso. Napansin ko ang pagmamadali nila, ang makalapit lang sa akin. “Magandang umaga po,” bati ko sa kanilang dalawa at nagawa ko pang yumuko sa kanila. “Good morning din sa ’yo, Eysella. Huwag mo kaming yukuan, kami lang naman ito,” sabi niya. Maski ang boses niya ay sobrang lambing din. Nag-angat ako nang tingin at hindi ko sinasadya na didiretso pa ang tingin ko kay Sir Elton. Hindi naman siya mukhang suplado, dahil maaliwalas talaga ang bukas ng mukha niya at guwapo pa rin siya. “How’s your trip. Kagagaling mo lang from Baguio, right? Hindi ka ba nahirapan sa biyahe mo? Next time, ipahahatid na lamang kita. May sariling sasakyan ang kompanya natin para sa mga singer or staff namin,” sabi niya. Bakit ba super bait niya rin? Bakit mukhang nag-aalala siya sa akin? Ekk, assuming lang ako, eh. “Huwag ka nang magtaka pa, Eysella. Mabait talaga ang Sir Elton natin,” nakangiting sabi ni Ms Veronica. “Anyway, I’m Veronica Chua, you can call me whatever you want. Isa akong dress designer ng company natin. Iyong mga gawa ko ang madalas na sinusuot ng mga singer and model natin,” sabi niya. “Masaya po akong makilala kayo, Ms. Veronica,” sabi ko. “Ako rin, Eysella. At masaya rin ako na makatrabaho ka kahit na mas sisikat ka pa kaysa sa akin,” aniya. Tipid na ngiti lamang ang nagawa ko. Nahihiya akong pakitunguhan sila. Ewan ko ba. Sabay-sabay na nga kaming pumasok sa loob at sinusubukan ko talaga na magpahuli dahil parang sagabal ako sa dalawa. Pero kung gagawin ko naman iyon ay nakikita ko na nagkakasabay kami ni Sir Elton kahit na nasa gitna pa namin si Ms. Veronica. Sinasadya niya yata iyon, eh. O baka ako lang talaga ang nag-iisip ng kung ano-ano? “Dito na ang floor ko. Alam ko na pupunta pa kayo sa auditorium para sa orientation ng bagong contestant na nakapasa.” Tumingin pa ako sa itaas para makita kung ano’ng floor ang binabaan niya. Panglimang palapag. Anong palapag kaya ang sinasabi niyang auditorium, ano? Mas mataas pa kaya? Bahagya akong umatras nang mapagtanto ko na kaming dalawa na lamang ni Sir Elton ang naiwan sa elevator. Kaya hayan na naman ang puso ko. Feeling ko ay maririnig na niya ang malakas na kalabog na ito kung hindi ko magawang pakalmahin ang t***k nito. “You okay?” tanong niya sa akin na ikinagulat ko pa. Tinitigan ko siya at salubong ang kilay niya. “A-Ayos lang po ako,” sagot ko. Bakit ba palagi na lang akong nauutal? “Mukha ngang ayos ka lang pero...bakit pinipigilan mo ang huminga?” nagtatakang tanong niya at ilang beses akong kumurap. “Po? P-Pinipigilan ko ang huminga?” Kunwaring nagulat pa ako sa tanong ko. Tumango lang siya sa akin. “Uhm... K-Kinakabahan lang po ako, Sir Elton,” pagdadahilan ko dahil iyon naman talaga ang totoong nararamdaman ko. Kinakabahan, kinakabahan nga ako sa kanya. “Because this is your first time?” tanong niya. “Opo.” Nakahinga lang ako ng maluwag nang bumukas na ang elevator. Sumenyas pa siya sa akin na mauna nang lumabas. “Take your sit,” aniya nang makapasok na nga kami sa auditorium at nakita ko na ang mga kasamahan ko na nakapasa. Umupo pa ako sa tabi ng babae. Kung bibilangin ay anim kaming babae at apat lang ang lalaki. “Kumusta?” agad na saad ko. Nahihiya ako sa mga taong hindi ko pa kilala pero magiging katrabaho ko na sila kaya mas pinili ko ang maging friendly. Ang kaso lang ay hindi nila ako kinibo. Bakit naman kaya? “Siya iyong contestant number 27, ’di ba?” Kumunot ang noo ko sa narinig. “Oo. Siya iyong bigla na lang huminto sa kalagitnaan nang pagkanta.” “Halatang hindi pinaghandaan ang singing contest. Ang lakas pa ng loob.” Ako ba ang pinag-uusapan nila? Teka lang, dito pa talaga sila mag-uusap kung alam nilang nandito ako? O baka sinadya nilang iparinig sa akin? “Tapos nakita niyo iyon? Magkasama pa silang pumasok ng CEO.” “Halatang pinapaboran siya.” “Pero ano ba ang relasyon nilang dalawa? Kasi ang alam ko ay may fiancé na si Sir Elton.” May fiancé na si Sir Elton? Teka nga lang muna. Bakit ba iyon ang pinag-uusapan nila? Wala sa sariling napatingin tuloy ako kay Sir Elton, medyo nagulat pa ako nang mahuli ko siya na sa akin pala siya nakatingin. Ano ba itong tsismis na nasagap mo umagang-umaga, Eysella? Saka ano raw ulit? Ano ang relasyon namin ng CEO? Nagkasabay lang naman kami, ay. Tsimis na agad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD