Chapter 12: Graduation Day
NANDOON pa rin si Ms. Veronica pagbalik namin, hindi pa nga siya umaalis at napatitig pa siya sa amin nang makita ang pagpasok namin nang sabay ni Sir Elton. Hala, bakit naman sila ganyan kung makatingin sa amin? Ang klase nang tingin nila kasi ay parang may ginawa kami na hindi maganda.
“Ang bilis niyong magbanyo na dalawa, ah.” Parang hindi magandang pakinggan iyon, ah?
Hindi ako umimik at basta na lamang ako umupo. Ganoon din naman ang ginawa ni Elton pero sa tabi pa rin siya ni Ms. Veronica.
Totoo kayang mag-fiancé sina Ms. Allona at Sir Elton? Wait nga lang muna, Eyse. Bakit ba iyon ang tumatakbo sa isip mo?
Kinastigo ko nga ang sarili ko na mag-isip pa sa mga bagay-bagay na wala namang kinalaman pa sa akin. Ngunit hindi ko nga lang maiwasan na isipin iyon.
Pabalik-balik ako sa Baguio dahil sa klase namin at ang sasakyan na ng kompanya ang gamit namin ni Kuya Seb sa tuwing umuuwi kami. Pero iba na ang araw na ito dahil ngayon ang araw na magtatapos na ako sa senior high school year ko.
“Inay, bakit naman ganyan ang hitsura ninyo?” tanong ni Kuya Dez kay Tiya Beth at nilingon ko naman si Tiya.
“Woy, Tiya! Anong klaseng mukha naman po iyan?” puna ko naman kay Tiya Beth. Hindi siya nagsalita at lumapit lang sa akin. Sinapo niya ang pisngi ko at hinawakan ko ang kamay niya. “Bakit po, Tiya?” nakangiting tanong ko sa kanya.
“Tiyak na ang saya-saya ngayon ng Tatay mo, Eyse. Hayan oh, magtatapos ka na.”
“Pero Tiya, hindi pa naman kolehiyo ang tinatapos ko, ano?” ani ko na binatukan niya lamang ako. “Tiya naman kasi!”
“Dito na kasi magsisimula ang mga pangarap mo. Kaya hayan, oh... Tingnan mo ang inaapakan mo ngayon.”
“Lupa nga ho,” sabi ko habang tinitingnan ko ang inaapakan ko ngayon.
“Ang tinutukoy ko ay kung saan ka na ngayon nakaapak. Ang pangarap mo. Binabati kita, anak. At ngayon hindi na ako mangangamba pa para sa magandang hinaharap mo. Ikaw na mismo ang gumagawa ng paraan patungo sa pangarap mo na iyan. Kaya pagbutihan mo, hmm?”
“Opo, Tiya! Hindi naman po ito para sa akin, para po ito sa ating lahat!” ani ko at niyakap naman niya ako.
“Sus. Ikaw na bata ka.”
Sunod na yumakap sa akin ang Tiyo ko. “Masaya ako para sa ’yo, Eyse. Sa tingin ko nga ay mas masaya pa ako sa araw ng pagtatapos mo kaysa rito sa Kuya Dez mo.” Natawa ako sa sinabi ni Tiyo at sinulyapan ko si Kuya Dez. Pinagtaasan pa ako nito ng kilay.
“Ako yata ang favorite ni Tiyo kaysa sa inyo, Kuya Dez,” pagbibida ko na inilingan na lamang niya.
“Ako naman po, `Tay. Isa rin po ako sa dahilan kung bakit nagtapos ang batang iyan,” ani naman ni Kuya Seb at inagaw na nga ako kay Tiyo.
“Kuya! Malulukot ang suot kong toga at hindi na po ako bata!” sigaw ko.
“Sebastian! Alam mong mahirap plantsahin iyan!” sigaw ni Tiya Beth at mahinang hinampas ang kanyang likuran.
Siyempre, si Tiya Beth nga ang naghanda nitong lahat. Ako nga ay nag-relax lang dahil iyon ang gusto niya.
“Congrats po, Ate Eyse!” masayang pagbati sa akin ni Enza. Nang humiwalay na sa akin si Kuya Seb ay ang bunso naman namin ang binigyan ko nang yakap.
“Salamat, Enza! Kaya ikaw, mag-aral ka nang mabuti, okay?” paalala ko na tinanguan niya lamang.
“Aakyat ba si Inay ng entablado, Ellang?” tanong sa akin ni Kuya Seb.
“Hindi naman siya matalino, Kuya. Bakit pa aakyat si Inay?” Nang-iinis lang talaga si Kuya Dez, eh. Palibhasa ay matalino siya.
“Kuya Dez, ikaw pa ang hindi yumayakap sa akin. Samantalang noong ikaw naman ang grumaduate ay binigyan pa nga kita ng kiss sa pisngi. Tapos ako...”
“Hoy, huwag mo akong lapitan. Pinagbigyan lang kita noon dahil maraming tao,” pagdadahilan niya.
“Kuya naman...”
“At kapag nalukot iyang toga mo ay huwag na huwag mo akong sisisihin, ah!” Tinawanan ko lamang siya habang yakap-yakap ko na siya. Naramdaman ko naman ang paghagod niya sa likuran ko.
Nang makita ko ang paglapit sa akin ng mga kaibigan ko ay pinakawalan ko na si Kuya at sinalubong ko pa ang dalawa.
“Congrats, Eyse!” magkasabay na sigaw nina Janjan at Moneth.
“Wala pa ang graduation ceremony, nagko-congrats na kayong tatlo,” komento sa amin ni Kuya Seb. Hindi namin siya pinansin kasi mas masaya nga kami. Isa ito sa goals naming magkaibigan.
“Ang kaso nga lang ay hindi ka na rito magkokolehiyo sa atin,” malungkot na sabi pa ni Janjan. Sumimangot din si Moneth.
“Kahit gusto ka naming pigilan ay hindi naman puwede,” ani Moneth.
“Malaya ka, Eyse. Kaya tuparin mo talaga ang mga pangarap mo para worth it ang paghihiwalay natin!”
“Hindi rin naman ako sure kung makakapag-aral pa ba ako ng kolehiyo, ano?”
Kung hindi naman dahil kay Kuya Seb ay hindi ko makikilala si Sir Elton at hindi rin ako makakapag-audition. Kung wala ring desisyon si Tiya ay hindi naman talaga ako makakapasok sa SRE na iyon.
Kung hindi lang din sumuporta agad sa akin sina Tiyo at Kuya Dez. Malamang din, ang bagsak ko ay magtatrabaho lang dito sa lugar namin.
At saka isa rin naman sa dahilan si Sir Elton. Sa pagbibigay niya sa akin ng pangalawang pagkakataon.
’Sakto lang ang talino ko pero nagawa kong paakyatin si Tiya Beth sa itaas ng entablado nang tinawagan ang pangalan ko at kasunod ng sa kanya. Kasama ako sa Top 10. Nagulat pa siya dahil hindi niya inaasahan na may awards akong matatanggap. Hindi ko naman kasi sinabi sa kanya, eh. Para masurpresa naman siya.
Kaya noong nasa entablado kami pareho ay todo suporta sa amin sina Kuya, Tiyo at Enza. May pasigaw effect pa sila.
Nakita ko pa ang pag-iyak ni Tiya Beth pero nang makalapit na siya sa akin ay pasimple niyang kinurot ang pisngi ko. Ngumiwi pa ako dahil super sakit naman no’n, eh.
“Tiya, baka makita ng lahat na binu-bully niyo po ako,” sabi ko habang hinahaplos ko ang pisngi kong kinurot niya.
“Bakit mo naman hindi sinabi sa akin? Paano kung hindi pala ako sumama tapos hindi ako nagsuot ng ganitong kagandang damit? Aba, ikaw talaga ang mapapahiya sa araw ng graduation ninyo,” mahinang sambit niya sa akin.
“Puwede naman kaya iyon, Tiya? Alam ko naman ho kasi na pupunta kayo para sa akin at saka po surprise ito kaya sana ma-appreciate niyo ito. Itong sinasabi mo na umpisa pa lamang ng pangarap ko ay para ito sa inyo. Kayo ang inspirasyon ko,” sabi ko nang may ngiti sa labi.
Masaya pala talaga sa pakiramdam ang makapagtapos ng senior high school. Para akong dinuduyan sa ere.
Pagkatapos ng graduation ceremony namin ay nagulat pa ako nang makita ko sina Minny at Ms. Yena pero mas nagulat din ang puso ko nang makita ko rin na kung sino ang kasama nila ngayon.
Nasa malayo pa lamang ako kitang-kita ko na agad ang magandang ngiti niya at nababasa ko na agad ang emosyon sa mga mata niya. Proud ba siya sa akin?
Pero bakit nandito si Sir Elton? Hala, ako ang nahihiya.
Habang naglalakad nga ako palapit sa kanila ay ang lakas nang tambol sa dibdib ko. Tila nabibingi rin ako sa lakas nang kabog nito at parang hinihipan din ang batok ko dahil tumataas ang balahibo nito.
Nang makalapit nga ako ay parang umurong ang dila ko at hindi ko na siya magawang tanungin pa na kung bakit siya nandito o kahit ang batiin siya ay ang hirap namang gawin.
“Congratulations,” nakangiting sabi niya at humugot pa ako nang malalim na hininga dahil hindi na nga talaga normal pa ang paghinga ko. Bakit ganito ako palagi sa tuwing siya ang nakikita ko o ang nakasasama ko? Ano kaya ang mayroon sa kanya? May powers ba siya para makaramdam ako nito? Hindi ito pamilyar sa akin, eh.
Napakagat ako sa labi ko nang makita ang hawak niyang punpon ng bulaklak. Inabot niya iyon sa akin kaya tinanggap ko naman ito. Alangan naman na tatanggihan ko pa?
“S-Salamat pero bakit nag-abala ka pa?” tanong ko at nanlaki pa ang mga mata ko dahil parang hindi na ako nagiging pormal sa kanya kung makipag-usap. “Sir Elton pala.”
“Ayos lang na hindi ka maging pormal sa akin dahil wala tayo sa trabaho at puwede ba iyon na hindi kita bibigyan man lang ng regalo? Hindi ba kakapalan iyon ng mukha?” tanong niya at dinala ko pa sa mukha ko ang bulaklak. Hindi lang siya maganda, ang bango rin nito.
“Salamat po uli, salamat po sa pagpunta, Sir Elton,” ani ko at ginawaran ko siya ng matamis na ngiti.
“Nah, don’t mention it,” aniya at hayan na naman ang madalas niyang ginagawa sa akin. Ang hawakan ang ulo ko at dahil matangkad nga siya ay kailangan ko pang tumingala sa kanya kahit nakatungo na siya.
Nakipagtitigan pa ako sa kanya kung wala lang umepal sa amin. Malakas na tumikhim na halatang nagpapansin lang at si Kuya Dez iyon.
“Ah, Sir Elton. Sila po pala ang pamilya ko,” pakilala ko. “Ang Tiyo at Tiya Beth ko po. Sila ang nagpalaki sa akin. Sila naman ang mga pinsan ko, sina Kuya Seb, Kuya Dez at ang bunso namin na si Enza. Tiya at Tiyo. Siya po pala ang...mentor ko, siya po si Sir Elton.”
“Sin Elton Baudelaire po.” Nakipagkamay siya sa mga kuya at tiyo ko. Tinanggap naman iyon ng tatlo pati si Tiya pero kakaiba naman ang tingin niya sa amin.
“Kasama ko rin po sila sa trabaho ko at isa rin po sila sa mga tumutulong sa akin. Si Minny po at Ms. Yena.”
“Hello po! Congratulations po para kay Eyse!” masayang saad ni Minny.
“May dala po kami para kay Eyse. Regalo po. Pasensiya na po kung pumunta kami rito ng hindi naman kami invited,” ani Ms. Yena pero ako lang ang nahiya sa sinabi niya. Kasi ako iyong hindi nag-invite sa kanila. Nahihiya rin naman kasi ako.
“Wala iyon. Maraming salamat din sa pagpunta niyo at sa pagtulong sa pamangkin ko,” wika ni Tiya Beth. “May handaan kami sa bahay kaya tara, sumama na kayo sa amin,” pag-aaya ni Tiya.
“Thank you po. May dala po kami van, kaya sumakay na po kayo roon.”
“Sir Elton, isabay niyo na lamang po si Eyse. Dapat maging special din siya ngayong araw na ito.” Nagulat naman ako sa sinabi ni Ms. Yena.
“H-Hindi naman po iyon kailangan pa.”
“Let’s go, Eyse.” Nanlaki pa ang mga mata ko nang maramdaman ko ang kamay niya sa likod ko.
Kinakabahan ako na makita ang reaction ni Tiya pero nagkibit-balikat lamang siya sa akin.
“Ah...”