Chapter 13: Nobyo
“MAG-PICTURE muna tayo dali!” Nakisabay naman ako sa kanila para sa picture taking namin. Nakita ko pa nga ang pagtakbo ng dalawa kong kaibigan.
Hanggang sa lumapit sa akin si Minny. “Kayong dalawa naman po, Sir Elton. Para may remembrance kayo sa special day ni Eyse,” aniya at nilingon ko si Sir Elton.
“Ayos lang po ba iyon?” nag-aalangan na tanong ko sa kanya.
“Why not?” Tumabi na nga siya sa akin pero sinigurado naman niya na may sapat na espasyo ang pagitan namin.
“Sir naman, lumapit pa po kayo nang kaunti kay Eyse. Masyado po kayong malayo sa isa’t isa.” Nag-aalalang tumingin ako sa pamilya ko.
Sina Kuya Seb at Kuya Dez kang naman ang may masamang tingin sa katabi ko. Hala, ako naman ang natatakot para kay Sir Elton. Parang susugurin na nila ito ng wala sa oras. Eh, wala namang ginagawa ang tao.
“Bakit naman po ganyan ang mga mukha niyo?” nakangiwing tanong ko sa kanila.
Lumapit na nga sa akin si Sir Elton kaya lumapad ang ngiti ni Minny.
“Kaunti pa po,” aniya. Paano ba ang kaunti na iyan, Minny? Eh, halos ang lapit na nga namin, oh.
“Wala naman pong masamang kahulugan ito, ’di ba? Akbayan niyo na lang po si Eyse, Sir Elton.” At nasunod nga ang sinabi ni Ms. Yena pero kahit kabado ako ay nagawa ko pa rin ang ngumiti. Pagkatapos nga no’n ay saka sila tumalikod lahat at basta na lamang kami iniwan.
“P-Puwede naman po yata ako sumabay sa kanila, Sir Elton,” ani ko pero binuksan niya lamang ang pinto ng kotse niya. Nahihiya akong sumakay kasi ito ang unang beses na isasabay niya nga ako.
Saka paano na lamang kung iba ang iisipin sa amin ng mga kapitbahay namin? Alam ko naman na mababait sila pero ayoko ngang matsismis na naman siya lalo na may fiancé na nga siya.
“Bakit? May pinagkaiba ba sa van na dala nila at sa kotse ko, Eyse?” nagtatakang tanong niya sa akin. Umiling naman ako.
“Nahihiya po kasi ako, eh,” sabi ko.
“Malapit ka na ngang mag-iisang buwan sa SRE ay nahihiya ka pa sa akin? Hindi ba ang sabi ko sa ’yo, tratuhin mo ako na isa sa mga Kuya mo para mas maging komportable ka sa akin? Para hindi ka mailang, dahil parang isa na rin ako sa mga magulang mo. Ako ang mentor mo, Eyse.”
Napatutop ako sa aking dibdib dahil sa kanyang sinabi. Tratuhin na parang isa sa mga kuya ko? Kung ganoon ang turing niya ba sa akin ay isa ring nakababatang kapatid? Ganoon ba iyon?
“Ang bait niyo naman pong kuya. Ang Kuya Dez ko po ay alam niyo ba? Pinagsusungitan niya po ako pero alam kong mahal naman ako no’n, eh,” ani ko at nang sumakay na nga ako sa maganda at mamahalin niyang sasakyan ay mas tumindi lang ang kirot sa dibdib ko.
Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko? Bakit parang hindi rin kayang tanggapin ang sinabi niya sa akin kanina? Naguguluhan na talaga ako sa nararamdaman ko. Hindi na nga talaga ito normal. Bakit naman kaya? Ah, ang daming tanong ng isip ko na gustong masagot.
Napahinto lang ako nang makita ko ang pagyuko niya at kusang umatras ang katawan ko. Bumilis na naman ang t***k ng puso ko. Mas lalo siyang lumalapit sa akin kaya nanuot sa aking ilong ang matapang na amoy ng perfume niya. Dumoble lang ang kaba na nararamdaman ko. Pipikit na sana ako nang makarinig ako ng pag-click ng isang bagay.
“Salamat,” nahihiyang pagpapasalamat ko. Ang ignorante mo naman kasi, Eyse eh! Sumakay ka na nga sa mamahalin na sasakyan ay nakalimutan mo pa ang seatbelt! Sobrang nakahihiya iyon!
“Palagi kang nagpapasalamat sa akin, Eyse. Wala iyon,” usal niya at hinawakan na naman niya ang ibabaw ng aking ulo. Napatitig pa ako sa bulaklak na bigay niya sa akin. Sobrang ganda niya at gusto ko ang halimuyak niya. “Saka wala namang Kuya na hindi niya mahal ang kapatid niya,” sabi niya nang makasakay na rin siya at nakaupo na sa driver’s seat. Sinimulan na rin niyang paandarin ito.
“Oo nga po,” sabi ko lang.
“Nagustuhan mo ba iyan, Eyse?”
“Ang bulaklak po?” patanong na sagot ko at tinanguan naman niya. “Siyempre naman po. Ito kaya ang unang beses na may nagbigay sa akin ng isang punpon ng bulaklak. Bouquet ang tawag dito, hindi po ba?” tanong ko.
“Yes.”
“Salamat po sa regalo, Sir Elton,” nakangiting pasasalamat ko sa kanya.
“Ang sabi ko naman sa ’yo ay huwag kang maging pormal sa akin, Eyse.”
“H-Hindi po kasi ako sanay,” sabi ko.
“At saka hindi pa iyan ang regalo ko para sa ’yo. Mayroon pa. Nakikita mo ang paper bag na iyan? Kunin mo at tingnan mo iyan,” utos niya at tiningnan ko naman ang tinutukoy niya. Kinuha ko iyon sa dashboard ng kotse niya.
“Ayos na po sa akin ang bulaklak. Alam kong mahal ito, eh. Hitsura pa lang nagkakaayos niya,” ani ko at nang makita ko ang laman nito ay namilog lang ang mga mata ko. “Hala! Hindi ko po ito matatanggap!” tanggi ko at ibabalik ko na sana iyon nang pinigilan niya ang kamay ko.
“Sasama ang loob ko kapag tatanggihan mo iyan, Eyse. Kailangan mo iyan, eh.”
“Pero...ang mahal na nga po ng bulaklak ay bakit may cellphone pa?” tanong ko.
“Just accept it, okay?” Kokontra pa nga sana ako nang hindi lang tumunog ang ringtone ng kanyang cellphone. Nasa unahan namin ang van na sasakyan nina Minny at ang pamilya ko. Mabuti na lamang ay hindi sila tumanggi. Nag-arkila kaya kami ng tricycle kanina para lamang makarating dito sa school namin at alam kong malaki-laki ang binayad ni Kuya Seb. “Allona...” Nilingon ko siya nang sambitin niya ang pangalan ni Ms. Allona. Nasagot na yata ang isa sa mga tanong ko. Hindi nga si Ms. Veronica ang kanyang nobya, kundi si Ms. Allona. Ngunit pakiramdam ko ay may love triangle sila.
“Ang ganda...” mahinang saad ko habang binubuksan ko na ang box ng cellphone. Sa hitsura pa lang ay halatang mamahalin na. Nakanguso ako. Sobra na talaga ito, eh. Baka isipin niya ay inaabuso ko na ang kabaitan niya.
“Somewhere--- why? I told you na hindi ako puwede ngayon--- Allona, no... Saka na tayo mag-usap kung makabalik na ako sa Manila--- busy ako, ngayon.”
“May problema po ba?” tanong ko.
“Nothing. Si Allona lang iyon,” sabi niya. Nag-away kaya sila ni Ms. Allona? Kaya ganyan din ang ekspresyon ng mukha niya? Pero parang hindi rin naman.
“Kayo po ba ni Allona?” tanong ko uli at napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Ayokong magtanong dahil nahihiya ako. Baka isipin niya rin na nakikialam ako sa love life nila ng nobya niya.
“Kami ni Allona? Ha?” nalilitong tanong naman niya. “Ano ang ibig kong sabihin, Eyse?”
“Uhm... Wala po. Kalimutan niyo na lamang po,” sabi ko at umiling na lamang. Alam kong magtatanong pa siya at kukulitin, pero mabuti na lamang ay dumating na kami sa munting tahanan namin. “Nakakita na po ba kayo ng bahay-kubo, Sir Elton?” tanong ko sa kanya.
“Of course,” sagot naman niya sa akin.
“Iyon po ang tahanan na mayroon kami. Kaya pasensiya na po, ha?” Hayan na naman ang paghalakhak niya na pati ang puso ko ay nakukuha niya.
“Eyse, hindi mo kailangan ang humingi ng pasensiya sa amin. Kung mayroon man na humingi ng paumanhin ay kami dapat iyon. Dahil pumunta kami rito ng wala man lang pasabi.”
“Baka nga po ay ako iyon, kasi hindi ko kayo inimbitahan. Nahihiya po kasi ako, iniisip ko rin na baka makaaabala lamang ako sa trabaho niyo,” ani ko at nang sinubukan kong tanggalin ang seatbelt ay ayaw naman nito matanggal. “Bakit ang higpit po nito?” Nakahihiya na talaga ito!
Pinigilan ko na naman ang paghinga ko nang lumapit siya sa akin upang kalagin ang seatbelt sa aking katawan. Palagi na lang talaga ako napapahiya sa harapan niya.
“There. Diyan ka muna. Pagbubuksan kita ng pinto.” Hinintay ko nga iyon kaya noong bumaba na siya ay umikot siya sa gawi ko para buksan na ang pintuan. Magpapasalamat na sana ako nang nauna na niya akong magsalita. “Walang anuman, Eyse,” aniya.
“Hindi ko pa po sinasabi sa inyo, eh. Salamat po.”
“Sabi ko na, eh. Puro ka salamat.”
“Hayan po ang bahay namin. Maliit lang po siya, gawa sa kahoy pero isa lang po ang natitiyak ko sa inyo. Malinis na malinis po siya. Tara na po,” pag-aaya ko at nandoon na agad ang mga kapitbahay namin pero namangha pa sila nang makita ang kasama ko.
“Eyse, binabati ka naming lahat!”
“Maraming salamat po!” masayang bulalas ko. Dinala ni Sir Elton ang dala kong paper bag at parang ayaw niyang sumunod sa akin dahil siguro nahihiya siya. Kaya ang ginawa ko ay hinawakan ko ang kamay niya para hilahin siya.
May tolda ang naka-set sa labas ng bahay namin at nandoon ang handaan.
“Eyse, aba. Nakahanap ka agad ng nobyo sa Manila?”
“Po?!” gulat kong tanong. “Ano pong nobyo ang pinagsasabi ninyo?”
“Ang poging kasama mo.”
“Mentor ko po siya, coach ko po. Siya po si Sir Sin Elton Baudelaire. H-Hindi ko po siya nobyo,” ani ko. Nang tingnan ko ang reaksyon ni Sir Elton ay nakangiti lamang siya at parang walang rin sa kanya ang mga sinabi nila. “Pasensiya na po.”
“Hayan, ibang salita na naman ang lumabas sa bibig mo. Wala iyon, Eyse. Natutuwa lang ako sa kanila.”
“Patuluyin mo na siya rito, Eyse,” ani Tiya Beth.
“Tara po. Alam kong nakagugutom sa biyahe,” utas ko.
“Mukhang masarap ang handaan niyo.”
“Pero hindi po ito kasing sarap ng kinakain ninyo sa restaurant doon sa Manila.”
“Hmm, masarap ang lutong probinsya, Eyse,” saad niya.