GUSTO KONG MAGING masaya sa araw na iyon dahil alam kong mahalaga ang araw na iyon para sa aking mga kaibigang sina Wilder at Cai. Walang kalulugaran ang heartbreak at bad mood ko. Gusto kong kalimutan kahit na sandali lang ang aking mga pinagdadaanan, ang mga salitang narinig ko mula kay Mark.
Napagtagumpayan ko naman kahit na paano habang nasa simbahan kami. Wala akong ibang inisip kundi ang magandang pagmamahalan nina Cai at Wilder. They were perfect picture of love, happiness and hope. Naninikip ang aking dibdib paminsan-minsan at namamasa ang aking mga mata pero hindi ako ganap na bumigay. My friends deserve to be happy. They look so in love and I'm certain they would stay that way for a very long time.
Hindi katulad ng pagmamahalan namin ni Mark.
Sa reception ay hindi ko na gaanong mapagtagumpayan ang pagiging positibo at masaya. Halos hindi ko namamalayan na napapadalas na ang kuha ko ng inumin sa may bar. Halos lahat ng bisitang naroon ay may kapareha. Punong-puno ng inggit ang aking puso habang pinapanood kong nagsasayaw sa dance floor sina Cai at Wilder. Magkadikit ang kanilang mga noo at may magandang ngiti na nakaukit sa mga labi. Kahit na sa distansiya ay makikita ang umaapaw na pagmamahalan ng dalawa.
Akmang dadalhin ko ang inumin sa aking bibig nang biglang mawala ang baso sa aking kamay. Napatingin ako sa may sala. Kusang tumikwas ang isang kilay ko nang makitang nakaupo na sa aking tabi si Daniel. Hindi ko siya nakita sa may simbahan kanina. Simple lang ang seremonya ng kasal nina Cai at Wilder, wala ng mga abay-abay.
"Ngayon ka lang ba dumating?" ang tanong ko kay Daniel na pinagtuunan ng pansin ang pagkain sa harapan pagkatapos ubusin ang laman ng baso ko.
"Sshh... H'wag kang maingay para hindi mahalata nina Cai at Wilder," ang sabi niya bago sumubo.
"Nangako kang darating sa oras."
"Pasensiya na, hindi ko kaagad naiwan ang mga pasyente ko. Late dumating ang kapalitan ko. Traffic daw."
"Sa araw ng Linggo?"
"I know, right? He got drunk last night and had gotten laid. Lucky him. I wish I can get drunk and I can get laid."
Malapit kong kaibigan si Daniel dahil magka-grupo kami noong college. Kasama rin sa grupo na iyon sina Cai at Wilder. Sobrang naging malapit kami sa isa't isa na siniguro naming magkakagrupo pa rin kami hanggang sa matapos ng kolehiyo. Sabay kaming kumuha ng board exam ni Daniel. Sabay rin kaming pumasa. Sabay kaming nag-apply sa ilang ospital at clinic pero magkaiba ang mga landas na tinahak namin pagkatapos. Natanggap akong assistant ng siruhano sa isang pribadong klinika samantalang napagpasyahan ni Daniel na ipagpatuloy sa Medisina ang Nursing. Nagulat ako sa desisyon niyang iyon pero kaagad ko ring na-realize na bagay nga sa kaibigan ko ang maging doktor. He had the brains and determination to become a doctor.
Isang residente ngayon sa pampublikong ospital si Daniel. Madalas na abala at may mga pagkakataon na halos sa ospital na tumira. Hindi ko pa siya nakikita in action pero alam ko na mahusay si Daniel sa ginagawa.
"Hindi naman siguro mapapansin n'ong dalawa ang absence mo sa simbahan. Wala silang ibang nakikita kundi ang isa't isa." Ayokong mainis sa kaibigan ko kasi kaagad na mahahalatang wala pa siyang tulog. "Sige lang, kain nang kain. May iba ka pa bang gusto? Sa 'yo na ang dessert ko." Inilapit ko sa kanya ang munting platito na naglalaman ng munting cake.
Hindi na niya ako sinagot, pinagsunod-sunod na lang niya ang subo ng pagkain.
"Mukha kang ginutom naman masyado. Nguyain mong maigi ang kinakain mo."
Tumango si Daniel bago niya muling pinuno ng pagkain ang bibig. Hinayaan ko na lang muna siya. Siguro nga ay hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataon na makakain. Mas naging mabagal na ang pagsubo niya nang dessert na ang kainin.
"Nasaan si Mark?" ang kaswal niyang tanong nang maubos ang cake.
I gave him a look.
"What?" ang nagtataka namang tugon niya.
"Hindi mo ba nabasa ang nasa group chat?" ang sabi ko habang naniningkit ang aking mga mata. "Wala ka na talagang concern sa akin, ano?" Hindi ko napigilan ang pag-alpas ng sama ng loob sa aking tinig.
"Tantanan mo 'ko, Petrang, sa mga ganyang drama mo. Bakit hindi na naman siya makakarating? Dahil handaan ang pupuntahan niya at gusto niyang umiwas sa paglamon? Sasabihin na naman niya na inilalapit mo siya sa tukso? Na hindi mo siya sinusuportahan? Ikaw kaya ang hindi niya sinusuportahan sa ginagawa niya. Alam niya na malalapit mong kaibigan ang mga ikakasal. Handaan ang pupuntahan niya pero kaya naman siguro niyang magpigil. Hindi naman namin siya pipiliting kumain kung ayaw niya. Masyado siyang maarte. Huwag kang maiinis sa 'kin dahil totoo naman. Huwag mo na rin siyang ipagtanggol dahil hindi magbabago ang opinyon kong ganoon sa kanya."
Mga kaibigan ko lang talaga ang puwedeng tumawag sa akin ng "Petrang." "Pee-trah" ang pronounciation ng pangalan ko. Hanggang ngayon ay itinatama ko pa rin ang ibang paraan ng pagtawag sa akin na "Peh-tra" as in Petrang Kabayo. Siyempre ay madalas akong maging tampulan ng tukso noon. Naiinis ako dati sa mga magulang ko dahil sa ibinigay nilang pangalan sa akin pero habang tumatagal ay hindi ko na inaalintana. Parte na ng buhay ko. Isa pa, hindi talaga mahalaga sa kasalukuyan ang pangalan ko.
"Nakipag-break siya sa akin."
Hindi ko dapat inakusahan si Daniel na walang concern sa akin dahil alam ko naman na malayo iyon sa katotohanan. Concerned talaga siya sa akin kagaya ng concerned ako sa kanya bilang isang kaibigan na matagal ko nang kasama. Si Daniel siguro ang tipo ng kaibigan na hindi ko inakalang magiging fixture sa buhay ko. Noong unang beses ko siyang nakilala ay medyo ilag ako sa kanya dahil mukha siyang anak mayaman. May vibe na kasosyalan itong ito Daniel. May something sa aura niya. Hindi naman ako nagkamali dahil talagang yayamanin si Daniel. Isa sa pinakamakapangyarihan at pinakamayaman ang pamilyang pinanggalingan niya. Pag-aari ng pamilya ng ama niya ang isa sa dalawang pinakamalaking TV network sa bansa. Ang ama niya ang kasalukuyang presidente ng network. Noong unang beses naming nalaman ang tungkol doon ay graduate na kami ng college. Lahat kami ay nagulat siyempre. Alam namin na maganda ang buhay na pinanggalingan niya, pero hindi namin alam na ganoon kayaman. Hindi rin kasi mayabang itong si Daniel. Hindi rin masyadong ipinapamukha sa amin ang pagiging mapera niya. Minsan nga ay may kakuriputan pa siya.
Hindi ko na namalayan na nagiging close na kami sa bawat araw na lumipas. Halos araw-araw kaming magkasama sa huling dalawang taon namin sa kolehiyo. Pagka-graduate ay araw-araw pa rin kaming magkasama sa review. Mula nang matanggap ako sa trabaho at nagsimula siya sa med school ay naging madalang ang pagkikita namin, pero patuloy ang regular na komunikasyon. Kahit na gaano pa kami kaabala, nakakahanap pa rin kami ng kaunting time para magkita. Hindi lang naman kami, kasama ang iba pa naming mga kaibigan. Kumakain kami sa labas o nanonood ng sine. Sinisiguro namin na mas lalalim pa ang pagkakaibigang nabuo sa college kahit na magkakaibang direksiyon ang tinatahak namin. Matibay ang samahan ng barkada.
May group chat kami sa Messenger kung saan regular naming ina-update ang isa't isa. Kaagad kong nabanggit na wala na kami ni Mark at hindi siya makakarating sa kasal pero hindi na muna ako nagbigay ng mga detalye. Ayoko kasi na makasira sa magandang mood nina Cai at Wilder. Gusto ko sana ay nasa kasal ng dalawa ang atensiyon naming lahat.
"He did what?" ang galit na bulalas ni Daniel.
Marahas akong napabuntong-hininga bago ko nagawang ulitin ang aking sinabi. "Nakipaghiwalay siya sa akin."
"Siya ang talagang nakipaghiwalay?" Medyo mulagat ang mga mata ni Daniel. Nasa kanyang mukha ang shock.
Tumango ako. "Siya at hindi ako."
"Wow. Iba rin. Iba talaga."
Sandali kong iginala ang paningin ko sa paligid. Hindi ko namalayan na kaming dalawa na lang ni Daniel ang nasa mesa. Ang halos lahat ay tuon ang atensiyon sa mga ikinasal. Ang iba ay kay Callie nakatingin. Nabatid kong gusto kong ihinga ang ilang detalye ng breakup at si Daniel ang perpektong kaibigan para roon.
Inulit ko ang mga sinabi ni Mark noong makipaghiwalay sa akin.
Naikuyom ni Daniel ang mga kamay hindi pa man ako tapos. "Susuntukin ko ang gago na iyon!"
Nagtubig ang aking mga mata pero hindi ko hinayaan ang sarili kong bumigay. Ilang araw na akong umiiyak at ipinangako ko na hindi ko gagawin sa araw na iyon para kina Wilder at Cai. Magiging masaya ako at iseselebra ang pag-ibig dahil mayroon pang true love kahit na parang ginago ako ng boyfriend ko. Pero nata-touch pa rin naman ako sa concern ni Daniel. Halos gusto ko na siyang palusubin kay Mark.
"You don't have to do that. Thanks though." Nakakaramdam ako ng intense need na makaganti kay Mark pero hindi ko naman gustong idamay si Daniel. Sapat na ang concern niya for me.
"What stage are you in now?"
"Nagpapabalik-balik sa anger and depression. May time na galit na galit ako pero may time rin na gusto ko na lang umiyak at magtanong nang magtanong kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito sa akin.
Naging banayad ang mga mata ni Daniel. "Magiging maayos ang lahat," sabi niya sa mas banayad na tinig.
Bigla ay parang gusto kong lumapit sa kanya at magpayakap. Madalas kaming magkaasaran ni Daniel. Sa sobrang komportable namin sa isa't isa ay kaya na naming sabihin ang kahit na ano kahit pa alam namin na nakakainis. Pero pagdating sa mga ganitong bagay, hindi rin mapapantayan ang pagmamalasakit namin sa isa't isa. Hindi mawawala ang pagmamalasakit na iyon kahit na ano pa ang mangyari.
"Hindi mo na siya susuntukin?" ang nakalabi kong tanong para ma-distract ko ang aking sarili sa ilang pakiramdam. Gusto kong yumakap kay Daniel para magpa-comfort pero hindi ko naman gusto na gawin iyon na nakapaligid ang maraming tao. Baka kung ano ang isipin nila.
"Gusto mo ba talagang suntukin ko siya?" Mukhang seryoso niyang pinag-iisipan na gawin iyon.
Tumango ako pero kaagad ding umiling. "Gusto kong makaganti pero parang gusto ko ring magmakaawa at the same time."
Nagsalubong ang mga kilay ni Mark. "Magmakaawa?" Halatang-halata na hindi niya nagustuhan ang narinig mula sa akin.
"Hindi ko kasi malaman kung paano niya nagawang basta na lang bumitiw, basta na lang sumuko. Parang nahihirapan akong gawin ang kaparehong bagay. Hindi ko maintindihan ang mga dahilan na sinabi niya."
"You sound like you're still in denial stage."
Hindi ko gaanong pinansin ang sinabi niyang iyon. "Parang gusto ko siyang kausapin uli at magmakaawa na bigyan kami ng isa pang chance. Baka puwede ko pang maipaliwanag o mapatunatayan na mali ang lahat ng mga sinabi niya tungkol sa amin."
"Magpapaliwanag ka kahit na hindi mo gaanong naiintindihan talaga? Hindi rin kita maintindihan, loka."
"Hindi mo 'ko naiintindihan dahil hindi ka pa nagkakaroon ng long term relationship ever."
"Hindi ko kailangang maranasan ang isang long-term relationship para masabi ko sa 'yo na maling-mali ang desisyon mong lumapit at magmakaawa kay Mark."
"Paano kasi kung nagkamali lang siya? Paano kung hindi talaga niya mini-mean ang mga sinabi niya? Baka nabigla lang siya at baka pinagsisisihan na niya ang nagawa. I mean, hindi naman siguro ako ganoon kadaling pakawalan. Basta ganoon na lang ba? Pagkatapos ng mga pinagsamahan namin? Sinuportahan ko naman siya sa lahat ng gusto niya sa buhay. Minahal ko siya in every form, in his every shape and form. Hindi naman siguro ganoon kadaling kalimutan ang bagay na iyon."
"Magagalit ka ba kung sasabihin kong you sound pathetic right now?"
Nalukot ang aking mukha. Kamuntikan nang mawala ang aking kontrol. Kamuntikan na akong mapabulalas ng iyak.
Mukhang nag-panic naman kaagad si Daniel. "Hoy, 'wag kang iiyak!"
"Ang mean mo lang kaya." Humugot ako ng malalim na hininga para makalma ko ang aking sarili kahit na paano.
"Kasi... sige hindi na. Hindi na ako magsasalita. Pero utang-na-loob lang, pag-isipan mo munang maigi ang mga gagawin mo. Huwag kang magpadalos-dalos. Itanong mong maigi sa sarili mo kung makakatulong ba talaga sa 'yo ang gagawin mo. Itanong mo kung kailangan mo iyong gawin at kung bakit kailangan."
Nangunot ang aking noo. "Hindi pa ba sapat na dahilan ang ayaw kong basta na lang sumuko at mahal ko si Mark?"
"Pero sinukuan ka na niya. Sinabi niyang hindi ka na niya mahal."
Parang may malaking kamay ang mariing pumiga sa aking puso.
"I'm sorry," ani Daniel kapagkuwan.
Marahas akong nagpakawala ng buntong-hininga. "It's okay. Hindi ko lang talaga mapaniwalaan na nangyari ang bagay na ito sa akin, sa amin."
"You'll figure everything out, Petrang. What to do and what not to do. But if you ask my personal opinion, I'd say you deserve someone better than Mark. You've been bending backwards just to make him happy. Puro kaligayahan lang niya ang pinahalagahan mo sa mga nakalipas na buwan. Hindi niya pinahahalagahan ang kaligayahan mo. Mula nang mag-decide siyang magpapayat ay nagbago na siyang talaga. You know in your heart you've been trying to be supportive and understanding pero hindi niya iyon sinusuklian. Kahit na napakadalang ko kayong nakakasama, nakita ko pa rin na parang nababalewala ang mga nararamdaman at pangangailangan mo. Kaya naiinis ako sa kanya. Kaya hindi na nanumbalik ang amor ko sa kanya. I know you love him kaya wala akong sinasabi. Natatakot akong ma-offend ka sa ilang opinyon na mayroon ako tungkol sa relasyon ninyong dalawa. But he's an asshole. He has turned into sa complete douche. You deserve someone better." Humugot nang malalim na hininga si Mark bago ako nginitian. "I feel a little better for finally saying that."
Labis naman akong nalungkot. Kung tutuusin ay alam ko naman ang saloobin ng mga kaibigan ko tungkol sa relasyon ko kay Mark. Noong unang beses kong ipakilala si Mark kina Daniel, Kuya Paul at Wilder ay talagang nagustuhan nila ito. Naging komportable ang ilang pagkakataon na magkakasama kami. Hanggang nga sa magdesisyon si Mark na magpapayat. Parang bigla ay hindi niya gusto ang mga kaibigan ko. Pakiramdam niya ay laging nanunukso ang mga kaibigan ko kahit na hindi naman. Walang judgmental sa mga kaibigan ko pero hindi ganoon ang pakiramdam ni Mark. Dahil nga nakakaramdam ng animosity at negatibong enerhiya, kusa na ring umiiwas sina Daniel.
Maging si Cai ay alam kong katulad ang opinyon at pakiramdam kay Mark. Hindi lang talaga sinasabi sa akin dahil malinaw sa kanila ang nararamdaman ko. Alam nila na hindi ko gugustuhing sumuko.
Talaga bang nagpapakatanga ako kay Mark a loob ng maraming buwan o sadyang nagmamahal lang ako? May kaibahan ba iyon? Napatingin akong muli sa mga kaibigan kong ikinasal. Magkahugpong pa rin ang mga mata nila. Maganda pa rin ang ngiti sa mga labi. Nasa mga mata ang labis na pag-ibig na nadarama para sa isa't isa.
Minsan sa kanilang buhay ay nagpatanga rin ang aking mga kaibigan sa isa't isa at sa ibang pag-ibig. Nasaktan nang labis. Nahirapan nang husto. Pero sa bandang huli ay narito sina Cai at Wilder. Happy ever after.
Hindi naman siguro ganoon kasama ang pagpapakatanga once in a while. Slight lang naman. Baka kasi sakali...
Inabot ni Daniel ang aking kamay. "Just remember that I'm always here for you. We're always here for you. Kung kailangan mo ng tulong ay alam mo naman na maaasahan mo ako—kami."
Nginitian ko si Daniel. "Thank you. I appreciate it. Saka pakakatandaan ko iyan."