WALA TALAGA sa nature ko ang kaagad na sumuko. Kaya naman natagpuan ko ang aking sarili na papunta sa condominium unit ni Mark nang hapon na iyon. Naisip ko na sapat na siguro ang space and time ang ibinigay ko sa kanya. Siguro ay nakapag-isip-isip na siya. Na-realize na niya siguro na maling-mali ang desisyon niyang makipaghiwalay sa akin. Siguro ay puwede ko siyang hintayin na siya ang unang lumapit sa akin pero bibigay na ako. Ako na ang pupunta sa kanya. Gagawin ko nang madali ang mga bagay-bagay para sa kanya. Ganoon ko siya kamahal.
Ayokong makaramdam ng takot, kaba at pangamba kaya pinilit ko ang sarili kong maging positibo. Inisip ko na magiging maayos ang lahat pagkatapos naming mag-usap. Pinaniwala ko ang aking sarili na babalik sa dati ang lahat. Iyong ganoon sa dating relasyon namin noong mataba pa si Mark.
Humugot ako nang malalim na hininga bago ako kumatok sa pintuan. Kabisado ko pa rin ang schedule ni Mark kaya alam kong nasa bahay na siya nang mga oras na iyon. Inihanda ko na ang isang magandang ngiti sa aking mga labi. Ngiting kaagad na nabura nang hindi si Mark ang nagbukas ng pintuan sa akin.
Isang babae na kaagad ko ring nakilala. Si Katya, ang fitness coach at trainer ni Mark. Mula pa sa simula ay hindi ko na nagustuhan ang babaeng kaharap. Siya ang dahilan kung bakit pinursige ni Mark ang magpapayat. Hindi maganda ang ugali niya. Masyado siyang harsh magsalita. Ang paraan ng coaching niya ay talaga namang nakakairita. Gustong-gusto niya na sini-shame ang mga kino-coach.
"Masaya ka sa katawan mo? Tanggap mo ang buong pagkatao mo?" ang patuya niyang sabi kay Mark nang minsan na sorpresa akong bumista sa gym habang may session sila. "Talaga ba? Baka naman kasi ginagawan mo lang ng excuse ang katamaran mo everyday? Pakatitigan mo nang husto ang sarili mo sa salamin. Do you truly like what you see? Are you really happy with yourself? Masaya ka ba kahit na alam mong masiba talaga ang tingin sa 'yo ng mga tao? Talaga bang maligaya kang lumalamon na kaya mong sikmurain ang lahat? Mataba ka! Dambuhala! Hindi iyon dapat na ipinagmamalaki!"
Sinugod ko noon si Katya. Gusto ko siyang pagsasabunutan at ipagsigawan na hindi siya maganda! Kahit na anong workout ang gawin niya ay hindi niyon maaayos ang bagay na iyon. Pero kaagad din akong tumigil nang mapansin kong mas kinakampihan ni Mark ang fitness coach niya. Ang sabi niya sa akin ay epektibo ang ganoong motivation. Hindi ko noon mapaniwalaan na "motivational" pala ang ganoong method. Hindi ko matanggap na pinagsasalitaan nang ganoon ng ibang tao ang boyfriend ko.
Nagsasabi lang daw nang totoo si Katya. Kailangan daw marinig ni Mark ang mga ganoong salita. Kailangan niyang matanggap na hindi siya kaaya-aya sa paningin ng ibang tao. Kailangan niyang maging healthy.
Sumama ang loob ko noon pero pinilit kong tanggapin ang gusto ni Mark. Siya naman ang nahihirapan. Siya ang nakakarinig ng mga ganoong salita. Baka nga nakakatulong ang mga ganoong salita.
Ngayon ko na-realize na may kinalaman si Katya sa malaking pagbabago kay Mark. Siya ang dahilan kung bakit naging nasty at mean si Mark. Siya ang dahilan kung bakit nawala ang pagiging sweet and kind ni Mark. Dahil sa aking mga naiisip, hindi ko na kinontrol pa ang ekspresyon ng mukha ko. Hinayaan kong makita niya ang disgusto na mayroon ako sa kanya.
"Ano ang ginagawa mo rito?" ang tanong ko sa marahas na tinig.
Pinagtaasan niya ako ng kilay. Mukhang hindi naapektuhan sa aking attitude. "Ikaw ang anong ginagawa rito? Hindi ba at nakipaghiwalay na si Mark sa 'yo? Wala ka nang karapatang magpunta-punta pa rito."
Nainis ako na alam na kaagad niya ang tungkol sa paghihiwalay namin ni Mark. Alam kong halos araw-araw silang magkasama pero hindi ko alam na nagsasabihan ang dalawa ng mga personal na bagay. Ang alam ko ay hindi naman sila gaanong close personally. Kaya hindi ko talaga malaman kung ano ang ginagawa niya roon. Bakit siya binigyan ni Mark ng kalayaan na manatili roon?
"Umalis ka nga sa daraanan ko. Gusto kong makausap si Mark."
Nakahalukipkip na mas hinarangan ni Katya ang pinto. "Mark isn't here. He's on errand run."
"So bakit narito ka?"
"I live here now."
Ilang sandali na hindi natulala lang ako sa narinig. Malinaw kong narinig ang mga salita, parang ayoko lang tanggapin ang implikasyon. Hindi yata kakayanin ng puso ko ang konklusyon na nabuo kung bakit nakatira na roon si Katya. "B-bakit? Lumipat na ba si Mark at ikaw ang sumunod sa unit na ito? Ipinapaupa niya sa 'yo?" Iyon malamang ang dahilan. Hindi ko gustong tumanggap ng ibang dahilan.
Natawa si Katya. Ang sabihin na hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagtawa niya ay kulang. May kung ano sa tawang iyon. Higit na nangungutya na hinaluan ng pagkaaliw. Malakas ang aking pakiramdam na hindi ko magugustuhan ang mga susunod kong maririnig.
"We live together now. We're together kung hindi pa gaanong malinaw para sa 'yo."
Umiling-iling ako. Hindi ako naniniwala. Hindi maaaring mangyari iyon. Isang linggo pa lang mula nang magkahiwalay kami. Paanong may karelasyon nang iba si Mark samantalang hindi ko pa man naipoproseso nang maayos ang pakikipaghiwalay niya sa akin? Nagsisinungaling si Katya sa akin. Hindi ko kayang tanggapin ang mga sinasabi niya.
"Stop being in denial, Petra. Huwag ka ring tumayo riyan na para bang kinawawa ka namin ni Mark. He broke up with you before our relationship became official. We did everything right."
Patuloy ako sa pag-iling. "Stop talking!" ang sabi ko, pasikmat. "Stop lying to my face!" Sasabunutan ko ang babaeng ito. Sasabunutan ko talaga siya. At kakalmutin ang pangit niyang mukha.
"Hindi siya nagsisinungaling."
Marahas akong napalingon sa pinanggalingan ng tinig. Hindi ko namalayan na nakatayo na sa aking likuran si Mark. "Hindi siya nagsisinungaling," ang pag-uulit pa niya. "We're together and currently living together. We're also getting married. We've talked about this."
"We've talked about this?!" ang galit kong bulalas. "Aaminin kong may mga pagkakataon na clueless ako. Hindi ko nga napansin na may nilalandi ka nang ibang babae. Pero... pero hindi ko maalalang pinag-usapan natin ang tungkol sa bagay na ito!" Labis ang p*******t ng aking dibdib habang mas tumitimo sa akin ang sinasabi ng dalawa. Hindi ko pa rin matanggap pero naipoproseso na ng utak ko. Hindi maipaliwanag ang nadarama kong kirot at sakit. Hindi ko kailanman inakala na sa ganito mauuwi ang lahat. Hindi ganito ang inasahan kong mangyayari sa pagpunta ko roon.
"I've told you we're done," ang sabi ni Mark, mukhang bored at walang pakialam sa aking meltdown. "Hindi na tayo bahagi ng buhay ng isa't isa. Hindi ka na dapat na nagpupunta rito. We're done. I'm with Katya now."
"G-ganoon na lang?" Hindi ko talaga mapaniwalaan ang inaasal niya sa kasalukuyan. Para bang hindi ako naging mahalagang bahagi ng buhay niya.
"Don't do this, Petra. It's getting tedious. We've talked. Malinaw ko nang nasabi ang mga gusto ko. Malinaw ang naging hiwalayan natin. Katya's the one I want to be with. We're getting married. Tanggapin mo na lang ang lahat. Mas magiging madali ang mga bagay-bagay para sa 'yo." Nilapitan niya si Katya at inakbayan. Halos wala sa loob na napatingin ako kamay ni Katya. Mas nanikip ang aking dibdib nang makita ang makinang na singsing na nakasuot sa kanyang ring finger.
Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makapagtanong o makapagsalita pa. Pumasok sila sa loob at pinagsarhan ako ng pinto.
Sa loob ng ilang sandali ay napatulala na lang ako. Parang gusto kong bumulalas ng iyak pero hindi ko magawa. Nasa state of shock yata ako. Parang hindi ko maigalaw ang aking katawan pero pinilit ko. Matinding effort ang kailangan para mapagtagumpayan kong umalis doon. Kahit na paano pala ay pinahahalagahan ko pa rin ang aking pride.
Kailangan kong makalayo roon. Iyon lang ang tanging tumatakbo sa aking isipan nang mga sandaling iyon.
Matiwasay naman akong nakauwi kahit na hindi ko malaman kung paano ko iyon nagawa. Pag-uwi ko ay saka ko napakawalan ang mga luha na kanina pa gusto sanang bumulwak. Ang bigat pa rin ng dibdib niya kahit na matagal din akong umiyak. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin.