ILANG ARAW RIN akong nalungkot at nagmukmok. Panay ang iyak ko kahit na nasa trabaho ako. Gusto ko sanang mag-stay na nakahiga at umiiyak pero hindi ko mapabayaan ang trabaho ko. Nawiwindang ang ilang mga pasyente sa akin. Kahit na ang amo ko. Pero sinikap ko pa ring gampanan ng maayos ang mga tungkulin ko. Nalaman ko na efficient pa rin akong assistant kahit na heartbroken ako. Lahat ng natatanong kung okay lang ako ay kinukuwentuhan ko ng nangyari. Hindi ako nagkukunwaring okay ako dahil malayong-malayo ako sa pagiging okay.
Nakikisimpatya naman sa akin ang lahat ng makarinig ng kuwento. Naaawa sila sa akin. Hindi ko alintana ang awa na iyon dahil pakiramdam ko talaga ay nakakaawa ako. Ni wala man lang akong kaalam-alam na niloloko na ako ng boyfriend ko. Ni hindi man lang ako naghinala.
Siguro ay totoong hindi naging opisyal ang relasyon nina Katya at Mark hanggang sa makipaghiwalay sa akin ang huli. Pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi na nagtataksil sa akin si Mark. He was already emotionally cheating. He was in love with someone else while he was with me. Ni wala akong ideya kung gaano na katagal na nangyayari iyon.
Gusto kong maiyak sa tuwing naiisip ko ang bagay na iyon. Recently ay hindi na dahil sa kirot at pighati, kundi dahil na sa galit. Galit ako sa ginawang panloloko sa akin ni Mark. Kahit na saang anggulo tingnan, kahit na paano pa i-justify ni Mark ang mga bagay-bagay, niloko pa rin niya ako. Galit ako na masaya siya ngayon at ako naman ay labis na nasasaktan at nahihirapan. Hindi ko matanggap ang unfairness ng love.
"Kailangan mong makaganti, hija."
Napatingin ako kay Mrs. Arenas, ang nagsalita. Nakaupo siya sa isa sa dalawang upuan sa harap ng aking mesa. Siya ang huling pasyente namin sa araw na iyon. Medyo regular kong nakikita roon ang ginang dahil medyo pasaway siya sa kanyang eating habits.
"Kailangan kong makaganti?"
Tumango-tango si Mrs. Arenas. "Gusto mong tulungan kita?"
"Uh..."
"May alam akong epektibong paraan para makaganti sa mga ganyang lalaki."
"Ano pong klaseng ganti?" wala akong maisip na paraan sa kasalukuyan. Basta gusto ko lang gumanti.
"Kulam!" Nanlaki pa ang mga mata ng ginang.
Nanlaki rin ang aking mga mata. "Kulam?" Hindi ko malaman kung matatawa ako o maiinis. Bilang nurse, given na siguro na hindi ako naniniwala sa mga ganoong bagay. Naniniwala ako na may scientific explanation ang lahat. Pero aaminin ko rin na mahilig akong manood at magbasa ng mga may supernatural feels. May kakaibang hatak talaga ang mga ganoong bagay.
Tumango-tango si Mrs. Arenas, excited. "Kulam, anak. Naku, epektib na epektib. Ipinakulam ko ang asawa kong makati. Kasama ang kabit niya. May kamahalan pero sulit na sulit. Subukan mo kung gusto mo talagang gumanti. Para sa akin, hindi dapat basta hinahayaan ang mga lalaki sa kabalbalan nila. Dapat din talaga ay tinuturuan sila ng matinding leksiyon. Dapat napapahirapan sila. Iyong paghihirap na hindi nila basta-basta na lang makakalimutan."
Skeptic pa rin ako pero matagal ko nang natutunan na huwag husgahan ang paniniwala ng ibang tao. Sa iba-ibang bagay at paniniwala nakakahanap ng comfort ang mga tao. Mahirap ipaliwanag o ipaintindi minsan sa ibang tao. Whatever floats your boat, sabi nga nila. Kaya naman nagkunwari akong interesado sa mga sinasabi ni Mrs. Arenas. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw akong pakawalan ng boss ko bukod sa aking pagiging super efficient, madali akong nagugustuhan at nakakasundo ng mga pasyente. Malambing daw ako lalo sa mga senior citizen. I made time to talk to them, get to know them and tried to ease some of their health worries. Kaya naman alam kong babaero si Mr. Arenas. Ang ginoo ang isa yata sa mga dahilan kung bakit tumataas ang blood pressure at blood sugar ni Mrs. Arenas. Hindi na mahirap paniwalaan na nag-resort na ang ginang sa kulam.
"Saan n'yo po nahanap itong mangkukulam na ito, Ma'am?"
"Sa malayo. Sa Baguio. Sa Session Road."
"Sa abalang kalye ng Session Road?" Akala ko naman ay sa isang liblib na lugar ang kinaroroonan ng mangkukulam. Malayo-layo nga ang Baguio pero sa business district talaga ang kinaroroonan? Hindi man lang sa mas liblib na lugar na maraming pine trees? Aba, hindi pa ba aware si Mrs. Arenas na nagoyo siya?
Tumango uli si Mrs. Arenas, mas excited. "Naku, ibang-iba ang experience, anak. Naku, exciting talaga. Nakatulong sa mga issue ko ang pagpunta kay Madam Virukka."
"Madam Virukka?" Ang ridiculous lang ng name. "Paano n'yo po siya nahanap?"
"Isang inaanak ko ang nagkuwento sa akin. Babaero rin ang napangasawa. Hindi niya mapatawad at hindi niya mahayaan na ganoon-ganoon na lang. Alam mo naman ang mga nasaktan at desperada, kung saan-saan nakakarating at kung ano-ano ang nalalaman. Napunta siya sa isang forum at nakarating sa isang website na hindi raw basta-basta nakikita sa regular search sa Internet. Naisave ko ang link, anak." Nagkukumahog niyang inilabas ang cell phone mula sa bag at kinutingting. Hindi nagtagal ay tumunog ang aking cell phone. Nang silipin ko iyon ay nalaman kong nagpadala sa akin ng text message si Mrs. Arenas.
"Pinadala ko ang link sa 'yo. Try mo lang. Tingnan mo lang. Kapag nakausap mo na si Madam Virukka at naengganyo kang pumunta, good for you. Sinasabi ko sa 'yo talaga, epektib si Madam. Medyo may kamahalan at kailangan mo talagang umakyat ng Baguio pero worth it na worth it, anak. 'Kita mo naman, ilang linggo nang within normal ang BP at sugar ko. Paminsan-minsan na lang tumataas, pero hindi na katulad ng dati."
Halos wala sa loob na napatango ako. Nababaghan talaga ako sa sinasabi niya sa akin. Talaga bang inaasahan niyang maniniwala ako sa mga sinasabi niya? Pero naisip kong gusto lang talaga niya akong tulungan. Iyon ang paraan ng pakikisimpatya niya. Alam niya kung paano masaktan at mapagtaksilan ng isang taong pinahahalagahan ng puso niya. Kaya naman ngumiti ako at nagpasalamat. Hindi nga lang ako nangako na titingnan ang website o tatawagan ang mangkukulam para magpa-schedule.
Hindi ko pinansin ang link sa cell phone at pinagtuunan na lang muna ng pansin ang trabaho. Wala nang gaanong pasyente na dumating pagkatapos ni Mrs. Arenas pero kailangan kong ayusin ang ilang patient's file. Maagang umalis ang aking amo at gusto ko na rin sana umuwi dahil wala naman na yatang darating na pasyente at malapit na akong matapos sa mga ginagawa, pero hindi pupuwede dahil kailangan kong mag-timeout sa tamang oras. Gusto ko na sana mahiga sa kama at umiyak nang umiyak, pero kaagad kong nabatid na ang pathetic lang ng magiging life kapag ganoon. Bumangon ang inis at galit sa aking dibdib.
Nang matapos ako sa mga trabaho ay nagligpit ako sa opisina, klinika at waiting area. May taga-maintenance naman na maglilinis nang bawat sulok, pero gusto ko na nakaligpit na ang ilang mahahalagang gamit ng amo. Pagkatapos ay bumalik ako sa aking puwesto at nangalumbaba. Noong nagsisimula ako sa pagtatrabaho sa klinikang iyon, nasisiguro ko na tatlong buwan lang ako tatagal. May mga pagkakataon na para bang ayoko nang lumampas sa probation period.
Hindi naman sa mahirap talaga ang trabaho o dahil hindi ko gusto ang mga kasamahan ko. May mga araw talaga na toxic. Iyong parang wala na akong panahon na kumain o maupo dahil sunod-sunod ang dating ng mga pasyente. Kailangan ko ring asikasuhin ang lahat ng pangangailangan ng among doktor. Parang labis-labis ang pagod ko noon. Pero kapag inaalala ko ngayon ay manageable at doable naman. Siguro ay dumaan lang ako sa major adjustment. Hindi ko kaagad na-realize na hindi na ako estudyante, hindi na lang iyon basta duty. Trabaho na. Sinusuwelduhan na ako.
Siguro ay talagang mahirap ang first job. Ang sabi nga ng iba, everyone always quit on their first job. Pero hindi ko na halos namalayan na nagiging madali na para sa akin ang mga bagay-bagay sa klinika. Naging komportable na ako. Hindi ko na ginustong umalis. Mabait sa akin ang boss ko. Okay naman ang suweldo ko. Hindi malaki ang ipon ko pero kahit naman paano ay naibibigay ko ang mga pangangailangan ng mga magulang ko. Nakapagpundar na ako kahit na paano ng appliances. Kontento na ako sa kinalalagyan ko.
"Isa iyan sa mga problema sa 'yo, Petra. Kapag naging komportable ka na, hindi mo na gustong umalis pa. Hindi mo na gustong baguhin ang mga nakasanayan. You're afraid to try something new. You don't take a risk. Minsan we have to decide things aren't good for us anymore and try other things, other options. We have to change. Kung hindi ako nag-decide na magpapayat, magbubukas ba ang ilang opportunity for me? You have to grow and evolve. Hindi mo dapat inaasa sa akin ang future dahil hindi naman tayo sigurado sa mga mangyayari sa hinaharap."
Marahas kong ipinilig ang aking ulo. Nalukot ang mukha ko nang maalala ko ang sinabing iyon ni Mark. Dapat ay nagduda na ako sa huling sentence niya. Dapat ay alam ko nang may something na mangyayari in the future, na may plano na siyang makipaghiwalay sa akin.
Hindi naman sa pinlano kong iasa ang bung buhay ko sa kanya. Kung ganoon nga ang intensiyon ko di sana ay hindi na ako nagtatrabaho. Hindi ko rin naman talaga planong sumandal sa kanya dahil hindi ako pinag-aral ng mga magulang ko para gawin iyon. Pero buo na dati sa isipan ko na kami na hanggang sa huli. Magpapakasal kami at bubuo ng sarili naming buhay.
Marahas akong napabuntong-hininga. Siguro nga ay dapat na mas inisip ko ang pag-a-abroad. Sana ay hindi ako gaanong nalulong sa pag-iisip ng isang kinabukasan na kasama si Mark. Pero ano naman kasi ang magagawa ko? Mahal ko, eh. Kapag mahal mo ang isang tao, advanced ka na mag-isip. Pati anak ng magiging apo ninyo, naiisip mo na.
Kinutingting ko na lang ang cell phone ko kaysa kung ano-ano ang aking naiisip. Binuksan ko ang aking f*******: para ma-update naman ako sa mga nangyayari sa ibang tao. Kaagad kong pinagsisihan ang naging pasya na sumilip sa social media. Nai-unfriend na ako ni Mark sa f*******: pero marami pa rin kaming mutual friends. Bumulaga sa newsfeed ko ang isang video na ipinost ng isa sa mga matalik na kaibigan ni Mark.
Congratulations! You've been the right one for each other from the very beginning. Iyon ang inilagay na caption ng super insentitive kong f*******: friend.
Makikita sa thumbnail ng video na nakaluhod si Mark sa harapan ni Katya. Hindi na mahirap hulaan kung tungkol saan ang video. Parang may tinig na nagsasabi sa akin na huwag kong bubuksan ang video para hindi na ako masaktan. Mas lalo lang madudurog ang aking puso. Pero mas nanaig ang parte na gustong malaman kung ano iyon. Gustong makita mismo ng aking mga mata. Nanginginig ang dalari na pinindot ko ang thumbnail ng video.
Sampung minuto pagkatapos ay nabuksan ko na ang link na ibinigay sa akin ni Mrs. Arenas. Mula sa link na iyon ay nakahanap siya ng isang phone number. Dahil puno ng galit ang aking dibdib, hindi na ako nag-atubili pang tumawag.
Isang babae na may maganda at malambing na tinig ang sumagot. Kaagad kong sinabi ang kailangan ko, ang gusto kong mangyari. "Gusto kong magpakulam ng hinayupak na ex! Kailangan niyang magdusa nang bonggang-bongga!"
"Wala pong problema. Madali lang. For twenty thousand pesos."
"Done!" ang sabi ko kahit na alam kong wala akong spare na twenty thousand pesos sa aking bank account. Katatapos ko lang bayaran ang mga bills at loans. Pero hindi na iyon mahalaga. Ang tanging mahalaga ay makaganti ako kay Mark. Walanghiya siya!