"NARIYAN NA!"
Kahit na narinig ko ang sinabing iyon ni Daniel ay patuloy pa rin ako sa pagkatok sa pintuan ng condo unit. Pagkaalis ko sa trabaho ay doon na ako dumeretso. Nag-text ako sa kanya kanina para siguruhin na nasa bahay nga siya. Ang sabi niya sa akin ay patulog na siya. Kahit na alam kong kailangan niyang magpahinga, tumuloy pa rin ako. Saglit lang naman ako. Kapag naibigay niya ang kailangan ko ay aalis din ako kaagad para makapagpahinga siya. I'm sure kaagad niyang ibibigay sa akin ang kailangan ko dahil friends kami at gusto na talaga niyang matulog at ayaw niyang patuloy akong mangulit. I'm seriously banking on that.
Pinagbuksan na niya ako ng pinto ay patuloy pa rin ako sa pagkatok. Hinawakan niya ang galanggalangan ko at ibinaba. Napabuntong-hininga si Daniel. "I told you not to come. I was sleeping."
Mukhang hindi naman talaga siya bad trip sa akin kaya tumuloy na lang ako sa loob. "Ang sabi ko ay huwag ka munang matulog dahil pupuntahan kita."
"Halos twenty-four hours na akong gising. I'm excited to sleep lalo at simula na ng three days off ko." Isinara niya ang pinto at hinarap ako. Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay nang mapatingin sa aking mukha. "Are you okay?"
"No, obviously ay hindi ako okay! Kaya nga kita pinuntahan."
Nilapitan niya ako, nasa mga mata ang pag-aalala. "May nangyari ba?"
"Napanood ko ang proposal video ni Mark kay Katya sa f*******:. At ipapakulam ko siya—silang dalawa! Mga lintik sila!" ang galit kong bulalas. Talaga namang gigil na gigil ako.
Napakurap-kurap si Daniel, parang iniitindi niya nang husto ang aking sinabi. Siguro ay walang sense ang mga lumabas sa bibig ko at nagmumukha akong baliw sa kasalukuyan pero wala akong gaanong pakialam. Gusto kong maniwala na totoo ang kulam. Gusto kong kalimutan ang lahat ng mga dati kong pinaniniwalaan dahil gusto kong isipin na may kaya akong gawin para masolusyunan ang unfairness na ito ng buhay. Hindi naman pupuwedeng ako lang ang nalulungkot at nasasaktan. Hindi pupuwedeng sila lang ang masaya.
Kulam nga siguro ang kasagutan sa unfairness na iyon.
"I don't understand what you're saying."
"Hindi mo na kailangan pang intindihin, Dan-dan. Kailangan mo lang akong pautangin ng beinte mil. Okay? Nasaan ba ang checkbook mo nang ma-issue-han mo na ako?" Inilinga-linga ko ang aking mga mata sa paligid. Minsan ay pakalat-kalat lang ang checkbook niya sa paligid. "Nang matapos na tayo rito. Makakaalis na ako at makakabalik ka na sa pagtulog."
"Wait up!" ang sabi niya habang itinataas ang dalawang kamay. "Kumalma ka nga muna saglit. Aanhin mo ang beinte mil?"
"Hindi ka ba nakikinig sa mga sinabi ko kanina? Ipapakulam ko si Mark at ang malanding Katya na iyon."
"Beinte mil para sa kulam?" ang nababaghan niyang tanong.
"Wala nang mura ngayon. Lahat na lang nagsitaasan, Dan! Hindi mura ang man-made suffering."
"Napapakinggan mo ba ang sarili mo?"
"Para akong loka! Kiber! Wala akong pakialam kahit na ano ang maging hitsura ko ngayon. Kahit na mukha akong desperada. Basta ipapakulam ko talaga silang dalawa, Dan-dan. Kailangan ko silang ipakulang. Pauutangin mo 'ko ng beinte mil."
Nilapitan ako ni Daniel at ipinaloob sa bisig. Nagsalubong ang aking mga kilay. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ako niyayakap. Of course nagkayakap na rin kami sa mga nakalipas na taon. Paminsan-minsan ay nakaakbay siya sa akin. Pero mas na kami ni Cai ang panay na nakayakap sa isa't isa. Hindi ko talaga maintindihan ang ganoong aksiyon niya. Itinulak ko siya palayo at noon ko nakita na namamasa ang harapan ng kamiseta niyang kulay navy blue. Halos wala sa loob na napahawak ako sa aking pisngi. Hindi ko namamalayan na umiiyak na pala ako. Kaya pala niya ako niyakap.
Imbes naman na tumahan at kumalma, mas nalukot ang aking mukha. Isa yata sa mga dahilan kung bakit hindi ako umiiyak sa harap ng ibang tao ay dahil alam kong ugly crier ako. Muli akong kinabig ni Daniel at niyakap. Hindi ko naman na napigilan ang sarili ko. Napahagulhol na lang ako sa kanyang dibdib.
Banayad na hinagod-hagod ni Daniel ang aking likuran. "Everything's going to be all right, Petra."
"Promise?" ang sabi ko sa pagitan ng paghikbi.
"I promise."
"So pauutangin mo ako ng beinte mil?" Iyon lang talaga ang kailangan ko para maging maayos ang lahat. Kailangan ko lang ng pambayad sa mangkukulam. Parang makakaramdam na ako ng comfort kapag nakaharap ko na si Madam Virukka.
"You know what, I'm hungry. I have leftovers in my fridge. Nakapagsalang ako ng rice sa cooker bago ako nahiga. Kumain na muna tayo. Iinit ko lang sila." Pinakawalan niya ako at tinungo ang kusina.
"Daniel..." ang ungot ko habang nakasunod sa kusina. Mukhang nakapag-grocery si Daniel bago umuwi dahil nasa counter ang ilang eco bag na puno ng groceries.
"I think I still have an ice cream. You can have it. Let's eat and you calm down. Then we'll talk, okay?"
"Pero pauutangin mo 'ko? Sabihin mong pauutangin mo ako."
Binuksan ni Daniel ang ref. "Let's eat then we'll talk."
GUMAWA NG FRIED rice si Daniel gamit ang mga leftovers. Anak-mayaman siya pero matagal ko nang alam na hindi siya nagsasayang ng pagkain. Ayaw na ayaw niyang may nakikitang natitirang pagkain sa plato kapag kumakain kami. Dati ay iniisip kong masiba lang talaga siya at naghahanap lang ng excuse simutin ang lahat, pero bata pa lang daw siya ay nai-drill na iyon sa utak nilang magkakapatid. Bawal maging maaksaya.
Gumawa rin siya ng chicken stir fry. Inakala ko na hindi ako makakakain pero mas ako ang nakaubos ng chicken sa stir fry. Si Daniel ang kumain ng mga gulay.
Inilabas ni Daniel ang ice cream pagkatapos naming kumain. Kaagad ko iyong nilantakan. Hindi na ako umiiyak at masasabi kong mas kalmado na ako. Hindi ko nga lang masiguro kung nag-iisip na ako nang matino.
"Okay, you're calm enough. You look more normal kaysa kanina pagdating mo. FYI, you looked like a legit crazy woman. I was scared for a while," ang sabi ni Daniel habang inilalagay sa lababo ang aming mga pinagkainan.
"Huwag ka ngang masyadong OA."
"Ako pa ang OA?" Bumalik na ang aking kaibigan sa puwesto sa aking tapat. Naging seryoso ang ekspresyon ng mukha niya. "Tell me what's happening."
Imbes na magpaliwanag ay inilabas ko na lang ang aking cell phone at hinanap ang video na naging dahilan ng meltdown ko. Tahimik naman iyong pinanood ni Daniel.
"You already know they're getting married. Kahit na paano ay naiproseso mo na iyon sa isipan mo, hindi ba?" ang sabi ni Daniel pagkatapos panoorin ang video. Ibinalik niya sa akin ang cell phone. Maingat ang kanyang tinig.
"Oo, alam ko na magpapakasal na sila. Pero iba pa rin pala kapag may nakikita akong ganito. Siguro lipas na rin ako sa depression stage, angry na talaga ako."
"Hindi ba dapat na mas mauna ang anger kaysa sa depression?"
Pinanlisikan ko siya ng paningin. "Wala kang pakialam sa stages ng feelings ko! May right akong maramdaman ang kahit na anong gusto kong maramdaman. Sa kahit na anong order ko gusto."
"All right. Kalma lang."
"Saka narinig mo ba ang sinabi ni Mark sa video?" Naramdaman ko ang pamamasa ng aking mga mata. Kaagad ding nanikip ang aking dibdib. "Ang sabi niya, si Katya ang dahilan ng lahat ng magandang pangyayari sa kanyang buhay. Si Katya ang bumago sa buhay niya. Si Katya ang tanging babae na minahal niya nang ganoon sa buong buhay niya. Si Katya lang ang mamahalin niya habang nabubuhay siya. Ano pala ako sa buhay niya? Ano pala ang mga pinagsamahan namin? Ano pala ang lahat ng ginawa ko for him? Paanong napakadali niyang sabihin ang mga salitang ganoon samantalang hindi pa natatagalan ang paghihiwalay namin? Paghihiwalay na siya lang naman ang nag-decide. Pagod na ako sa paghahanap ng mga sagot sa mga tanong na iyan. Pagod na ako sa paghahanap ng mga paliwanag. Gago siya. Simple as that. Ginago niya ako for a long time. Hindi ko matanggap, Dan. Hindi na kaya ng puso ko. Kaya kailangan ko talaga ng beinte mil. I know you're good for it."
Kahit naman paano ay aware ako na medyo nakakahiya na ang ginagawa ko. Matagal ko nang alam na angat ang estado niya sa buhay pero ngayon ang unang pagkakataon na sasamantalahin ko ang bagay na iyon. Pupuwede naman akong umutang sa ibang mga kaibigan. Nasa honeymoon nga lang sina Cai at Wilder at nakakahiya nang mang-abala pa. Si Kuya Paul naman ay inaasikaso ang pagtatrabaho sa ibang bansa at alam kong malaki-laki na ang gastos niya. May mga anak pa siya na nag-aaral at nangangailangan. Hindi ko naman sigurado kung kailan ko maibabalik ang pera.
Kaya si Daniel lang talaga ang choice ko. Ngayon lang naman ako uutang sa kanya. Saka na ako mahihiya talaga.
"Bakit mo nga uli kailangan ng beinte mil?"
"Para sa kulam nga. Hindi ka ba nakikinig sa mga sinasabi ko kanina? Paulit-ulit tayo, Dan-dan."
"Narinig ko. Umaasa lang ako na mali ako ng dinig at intindi. Kulam talaga? May ibang ibig sabihin ba ang salitang iyon at hindi lang ako aware?"
"Daniel, seryoso ako."
"Seryoso rin ako. Are you aware of how you sound right now? Kulam? Really?"
"Effective nga raw sabi ng isang pasyente sa clinic. Ipinakulam din niya ang asawa niya. Hindi ko na nahingi ang details kung paanong effective pero mukha naman siyang happy. Naibalik yata pati confidence at self worth niya. Nag-normal ang BP at blood sugar niya at sinusunod na raw niya ang proper diet. Hindi na siya nag-stress eat dahil hindi na siya stressed."
"Petra, this is ridiculous."
"Aware naman ako. Sa palagay mo ba ay hindi ako aware? Sa palagay mo ba ay nararamdaman kong may sense ang mga ginagawa ko? Ang sabi ng utak ko, ang pathetic at ang gaga ko lang. Pero itong utak ko, walang laban sa mga emosyon na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko masyadong maipaliwanag. Hindi ko mapangalanan ang lahat ng emosyon at lalong hindi ko ma-contain. Gusto ko lang may magawa ako para makaganti kahit na paano. I know it'll make me feel a little better. Baka sakaling humupa ang lahat ng nararamdaman kapag naipakulam ko na ang dalawang walanghiya."
Marahas na napabuntong-hininga si Daniel. "I understand that you're very upset—"
"Upset does not even begin to cover it, Dan."
Parang wala siyang narinig na sinabi ko. "Naiintindihan ko ang need na makaganti. Nasasaktan ka at gusto mo ring manakit. Gusto mong maramdaman din nila ang nararamdaman mo. Masaya sila at ikaw naman ay nagdurusa. Kahit na ako ay nagagalit, pero wala naman tayong magagawa kundi ang magalit na muna."
"May magagawa ako. Kulam nga, Dan. Magpapakulam ako."
Napangiwi si Daniel. "Hindi totoo ang kulam. Ginogoyo ka lang. Ano ka ba naman? Nurse tayong dalawa, okay? Doctor na ako. Alalahanin mong we're men of science. Hindi ka dapat na nagpapaniwala sa mga ganoong bagay dahil alam mong hindi iyon totoo."
Marahas akong napatayo sa aking kinauupuan. "Kung ayaw mo 'kong pautangin, fine! Aalis na lang ako at maghahanap ng iba." Lalabas na sana ako pero maagap niya akong napigilan bago pa man ako ganap na makalabas ng kusina.
"Hindi naman sa ayaw, pero..." Mukhang hindi na niya alam kung paano ako paliliwagan. Pareho naming alam na sarado na ang aking isipan. Mas naghahari pa rin ang emosyon sa akin. Sa ibang panahon at sa ibang pagkakataon ay mas maiintindihan ko, mas magiging bukas ang aking isipan, pero hindi ngayon.
"Pauutangin mo 'ko o hindi? Babayaran kita, promise."
Napakamot si Daniel ng ulo. "Magsasayang ka lang ng pera. Naalala mo iyong mga duty natin sa malalayong community noon? Naalala mo ang mga kuwento ng mga pasyente na lubos ang paniniwala nila na nakulam sila ni ganito at ganiyan? Nagkakaalitan dahil sa kulam. May mga nagbarilan pa nga dahil inakusahan nilang mangkukulam ang isang matanda. Alam nating dalawa na may scientific explanation ang lahat. Alam natin na kumapit lang sila sa ganoong paniniwala dahil hindi sila malapit sa mga facility na nagbibigay ng free medical services. Kailangan lang nila ng proper educating. Anong klase naman akong kaibigan kung basta kita hahayaan?"
Naiintindihan ko rin naman siya. Alam ko na nagmamalasakit lang siya sa akin bilang kaibigan. Pero nang mga sandaling iyon ay mas kailangan ko ng magpapautang sa akin kaysa isang mabuting kaibigan. "Paano nga kung may epekto? Paano kung legit itong si Madam Virukka?"
"Please, stop. You know na hindi kailanman magiging legit ang kulam."
"Okay, cash in ko na lahat ng favor na ibinigay ko sa 'yo sa buong durasyon ng pagkakaibigan natin. Naalala mo noong ginawa ko ang mga NCP mo?"
Nagsalubong ang mga kilay ni Daniel. Parang inaalala niya sandali kung ano ang tinutukoy ko. Kapagkuwan ay nanginang ang kanyang mga mata. Pinigilan nga lang niya ang sarili na mapangiti at matawa. "Sa Psychiatric Nursing, Petra!"
"At sa rehab. Ako rin ang gumawa ng mga nursing care plans mo noong nag-duty tayo sa rehabilitation center." Pinakamahusay ako sa Psychiatric Nursing noong nag-aaral pa kami. Noong board exam, sa parte na iyon ako may pinakamataas na marka.
"Paano naman ang mga care plans na ginawa ko for you sa medical-surgical nursing? Ibinigay ko sa 'yo ang isang extra OR case ko kahit na sinuhulan ako ni Wilder. Pinili kita. 'Tapos susumbatan mo 'ko ngayon?"
Totoo iyon. Mahusay ako sa psychiatry pero mas mahusay si Daniel sa ibang mga bagay.
"Pinakopya kita sa Ethics at Rizal, hoy!"
"Pinakopya kita sa maternity, pedia at pharmacology. Pinakopya kita sa halos lahat, hoy! Gusto mo talagang magsumbatan tayo?"
Parang gusto kong mapangiti pero naisip ko na magmumukha akong baliw. Ramdam ko naman ang paggaan ng aking dibdib pero hindi ibig sabihin na ganap nang luminaw ang aking pag-iisip. Parang masarap lang alalahanin ang mga pinagsamahan namin ni Daniel, naming buong barkada. Naging masaya ang college school life ko dahil sa mga kaibigan ko. Hindi madali ang mga pinagdaanan namin. Hindi madaling magkumahog sa bawat duty at lectures. Hindi madaling pumasa sa napakaraming exams. Pero naging masaya ang experience dahil may mga kaibigan akong maaasahan at laging nakasuporta.
Aking nabatid na mahaba na talaga ang aming pinagsamahan. Malalim na ang ugat ng aming pagkakaibigan.
"Masyado naman 'to. Umuutang lang ang tao, eh. Kung ano-ano naman na ang naungkat," ang nakalabi kong sabi.
"Ikaw kaya itong nauna."
Nagseryoso ako bigla. Sinalubong ko ang kanyang mga mata. "Alam ko na kapakanan ko lang ang iniisip mo. Alam kong concerned ka lang. Pero I feel like I have to do something. I feel like I should try at least. Kahit na consultation fee na lang. Five k. Pautangin mo na ako ng kahit na five thousand lang."
"Five thousand for consultation?" ang nababaghan niyang sabi.
Tumango ako.
"Wait here," ang sabi niya habang patungo sa silid.
Hindi ko muna hinayaan na magbunyi ang aking sarili kahit na malakas ang aking pakiramdam na ibibigay na niya ang aking kailangan. Hindi naman nagtagal si Daniel sa kuwarto. Paglabas niya ay bitbit na niya ang kanyang checkbook. Naupo siya sa sofa at nagsulat sa checkbook.
"I hope I'm doing the right thing, Petra," ang sabi niya nang iaabot niya sa akin ang tseke.
Tinanggap ko iyon at kaagad na tiningnan ang amount na inilagay niya. Twenty thousand pesos. Nakahinga na ako nang maluwag. Hindi na ako maghahanap ng karagdagan dahil hindi lang consultation fee ang ipinautang niya sa akin.
"Thank you, Dan-dan! Naku, thank you talaga. Hulog ka ng heaven. Sana mas pagpalain ka at ang pamilya mo. Babayaran kita. Huhulug-hulugan ko ito sa tuwing sahod."
"Take your time. And I hope this really makes you feel a little better."
"Sa Baguio ko na ito ipapalit bukas."
Nagsalubong ang mga kilay ni Daniel. "Baguio? Pupunta kang Baguio?"
Tumango ako. "Sa Baguio ang kinaroroonan ng mangkukulam. Sabi ko sa 'yo legit siya, eh."
Napakamot ng mukha si Daniel. "Paano ang trabaho mo?"
"Nag-leave ako. Sinabi ko sa head nurse na emergency sa family. Marami pa akong vacation leave na hindi nagagamit kaya pinagbigyan ako kahit na medyo bad trip ang head nurse dahil biglaan. May intern at volunteer naman silang nakuha na pupuwedeng mag-assist kay Doc habang wala ako."
"Kailan ang alis mo?"
"Mamayang madaling araw. Hindi na ako mag-aaksaya pa ng panahon. Kailangang magdusa ni Mark."
"You're crazy."
Medyo aware rin ako sa bagay na iyon. Iyon nga lang ay parang wala pa akong gaanong pakialam. Basta lang gusto kong magtungo ng Baguio para makilala ang mangkukulam. Nginitian ko na lang si Daniel dahil na-realize kong nahihiya rin pala akong umayon sa kanya sa pagiging baliw ko. Umaasa na lang ako na maging effective ang magiging kulam para matahimik na ang kaluluwa ng nawasak kong puso.
Lumapit ako kay Daniel at yumakap. Iyon yata ang unang pagkakataon na ginawa ko ang bagay na iyon. Medyo nahihiya ako pero pagkatapos ng mga ginawa niya para sa akin ay wala akong ibang maisip na gesture para maipakita at maiparamdam ko ang labis na pasasalamat. Hindi lang sa malaking pera na ipinautang niya sa akin, mas para sa pagiging mabuting kaibigan niya. Alam ko na labag sa kalooban niya na pagbigyan ang aking kahibangan, pero nakita yata niya na kailangan ko iyong gawin. Naramdaman yata niya ang parang umaapaw na pangangailangan. Naramdaman niya na makakahanap ako ng comfort sa gagawin ko kahit na duda siya na magiging epektibo. Pinakinggan niya ako at inalo. Sinabi niya ang mga kailangan kong marinig bilang kaibigan pero hindi rin naman niya ako pinabayaan.
Gumanti ng yakap si Daniel. "You're welcome, Petrang. But I still think you're crazy."
Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kanya. Nabatid kong mas magaan na ang pakiramdam ko kaysa kanina. Malaki ang naitulong ni Daniel. Ang suwerte ko sa pagkakaroon ng kaibigan na katulad niya. Nang maramdaman kong hinagkan niya ang ibabaw ng ulo ko ay mas gumanda ang aking pakiramdam.