Una kong pinuntahan ay ang sa laundry kung saan maaaring naroon nga ang ipinahahanap na damit ni Archie. Pero habang naglalakad patungo roon, ang utak ko naman ay hindi pa rin maalis sa nakita kanina. Kahit sino sigurong tao, kapag nakakita ng ganoong klaseng pera ay hindi basta-bastang makalilimot. Pero... ako nga ay nabasa lang ang mga numero e, paano pa kaya si Madame Sofia na talagang hinawakan na? Si Madame Sofia na... nasaan ba ngayon? Hindi ko alam kung saang lupalop siya nagsuot pero ang importanteng detalye ay wala siya rito sa bahay. Hindi kaya ay dala niya ang limpak-limpak na salaping iyon nang umalis? Hindi kaya ay... hindi naman talaga siya nasasaktan dahil sa pag-aaway nila ni Archie at ang totoong pakay ay ang pera?

