Mga isang oras din ang itinagal namin sa dagat, nakababad lamang sa maligamgam na tubig at nagtatampisaw sa kalakhan ng madilim na kalangitan. Hindi ko alam kung may nakita ba akong mga bituin sa maagang paglubog ng araw ngunit... ang mahalaga ay kasama ko si Archie. Sa tingin ko nga ay maaari ko siyang maihalintulad sa mga bituin. Alam kong laging nandyan kahit na... minsan ay hindi nagpapakita, minsan ay hindi kumikislap. At kahit hindi niya malinaw na sinasabi sa akin ang kaniyang saloobin, alam ko na rin kung saan papunta at hindi ko na kailangang kapain pa. Iyon ang pinaka-importante sa lahat. Pagkatapos sa dagat ay pumanhik na ulit kami sa itaas. Gumagabi na rin kasi. “Alas-sais media na pala...” sabi ko nang makita ang relos. Tumutulo ang tubig mula sa katawan at sa mga hibla

