Teaser
Comments for bonus! Click this book and leave your ideas or suggestions, you may be offered 200 bonus!
---
"Saan ka pupunta, ginoo?"
Akmang aalis na ako ay napalingon ako sa kanya. Tahimik na nga akong naglakad pero di pa rin ako nakatakas sa pang-amoy niya.
"May pupuntahan lang ako sa bayan. May bibilhin lang," sabi ko habang inaayos ang aking kasuotan.
"Sigurado ka ba diyan, ginoo? Dahil hindi iyon ang nahihinuha ko base sa iyong kasuotan."
Napatingin naman ako sa suot ko. Isang damit na parang Victorian-style kung tutuusin at isang sapatos na patulis ang dulo. Karaniwan naman ang suot ko sa mga tao rito. Di ko alam kung anong gustong sabihin ng hayop na iyon. Pero tama naman ang hinala niya. Wala nga akong bibilhin. Basta may pupuntahan ako ngayon.
"Kahit lalaki ka, di maganda na lumalabas ka tuwing gabi. Alam mo naman ang sitwasyon mo diba? Mabuti pang dito ka na lang," sabi naman niya.
"Ah, basta may bibilhin lang ako," iritang sabi ko sa kanya. "Makikita mo mamaya kung anong bibilhin ko."
Napabuntong-hininga na lang siya nang malalim. Alam kong alam niya naman kung ano talaga ang gagawin ko. Pero gusto niya talagang manggaling sa bibig ko. Nginitian ko siya nang pagkatamis-tamis at inihagis ko sa kanya ang pakwang ninakaw ko kanina sa matandang huklubang kaaway ko na ubod ng damot. Alam kong paborito niya ang pakwan kaya di na siya makakatanggi sa akin.
"Sige na. Mauna na ako. Baka magsarado pa yung mga tindahan," sabi ko nang may kakaibang ngiti.
Tumakbo na ako papalabas pero may sinabi pa siya bago ako umalis nang tuluyan.
"Mag-ingat ka. At siguraduhin mong buo ka pa pagbalik mo."
Lumingon na lang ako sa kanya at huminga nang malalim.
"At ano naman ang maaaring mawala sa akin?" Tanong kong puno ng panunuya.
"Ako, ginoo. Ako ang pwedeng mawala sa iyo kung hindi ka mag-iingat. Alam mong konektado tayong dalawa."
Titig na titig siya sa aking mga mata nang sabihin niya ang mga katagang iyon. Alam kong hindi lang para sa misyon namin ang pag-aalala niya kung hindi para na rin sa akin talaga. Nagkamali talaga ako nang hinusgahan ko siya noong una.
Hinawakan ko ang kanyang ulo at inilapat namin ang noo namin sa isa't isa. Sa ganitong paraan, nararamdaman niya na ligtas siya. Ganoon din ako sa kanya.
Magkalayo man kami ay siguradong mahahanap namin ang isa't isa. Iyon ay dahil konektado kaming dalawa. At kaming dalawa ay iisa.