Chapter 19 - Start

2582 Words
"Ito, meron ng kama at upuan iyan. May maliit na lamesa rin at upuan. Lahat ng kakailanganin mo sa isang bahay ay nandito na kahit hindi ito magarbo. Ayos lang naman siguro sa iyo iyon. Ikaw lang naman mag-isang titira dito, di ba?" Kinilatis ko pang muli ang kabuuan ng kwarto. Hindi nga ito magarbo at simple lang ang disenyo. Wala ngang kadise-disenyo. Pero ayos na ito. Ako lang naman mag-isa ang mananatili rito. Saka ito na ang pinakamurang paupahang nakita ko. Lahat ng nakita ko bukod dito ay sobrang mamahal at kung sakali mang may mas mura pa, wala na akong lakas para maglakad pa. Saka palayo na ako nang palayo sa Bafal. Ayoko namang lumayo dahil wala akong balak magpahuli sa araw ng pagsusulit. "Sige ho. Kukunin ko na ito." Ibinigay niya sa akin ang susi at lumayas na. Inilapag ko naman ang gamit ko sa gilid at nahiga muna sa kama. Sobrang nakakapagod din ang paglalakbay na ginawa ko kaya deserve ko rin naman sigurong magpahinga. Talagang sinigurado kong lapat na lapat ang likod ko sa kama. Nanakit din ang likod ko sa pagbubuhat ng bag ko. Kaunti lang din ang tulog ko kaya naman hindi ko na rin mapigilang ipikit ang mga mata ko. Nararamdaman kong pabagsak na ito kaya hinayaan ko na lang. Nagising ako sa tunog ng isang kampana. Agad akong bumangon at binuksan ang pinto upang tumingin sa labas at nalamang gabi na pala. Mukhang napahaba ang tulog ko. Nakita ko naman ang mga taong nakatingin sa iisang direksyon. Napatingin din ako roon at nakita ko ang isang malaking tore na may malaking kampana. Iyon siguro ang pinagtitinginan nila. Hindi na ako naghilamos pa at agad akong bumaba upang malaman kung bakit kinakalampag ang kampana. Nakita ko naman agad yung landlady ko kaya sa kanya na lang ako nagtanong. "Ale, bakit ho pinapatunog yung kampana? Ano hong meron?" Kasabay ng pagtatanong ko ay ang pagpunta ng mga kalalakihan papunta sa sentro ng lugar. Doon sa may fountain na leon na sinasabi ni Hiraya. May dala-dala silang mga bag at nagmamadali. "Naku, magsisimula na ata ang pagsusulit para sa mga sundalo. Biglaan nga eh. Kaya ayan. nagmamadali silang lahat. Bilisan lang nila kundi lagot talaga sila!" Agad namang nanlaki ang mata ko sa sinabi niya. Teka, parang wala pa nga atang alas-otso ng gabi tapos mag-eexam na? Seryoso ba sila? Agad akong tumakbo papunta sa inuupahan kong espasyo. Buti na lang hindi ko in-unpack ang mga gamit ko kaya nandoon pa rin ang mga iyon sa bag ko. Hindi ko naman ugali ang mag-ayos kaya hindi na talaga ako nag-ayos at tumakbo na palabas. Didiretso na sana ako pero pinigilan ako ng isang kamay. "Aba'y saan ka pupunta?" Nakapameywang na tanong ng landlady ko na di ko alam ang pangalan. "Ay doon ho. Magsusundalo ho ako. Sige ho. Paalam!" Hindi ko na talaga siya pinagsalita at nagmadali na ako. May sasabihin pa sana siya pero mukhang sinarili niya na lang iyon. Nakahabol naman ako sa kumpol ng mga lalaking nagpupunta patungo sa fountain. Agad akong tumigil sa pagtakbo at naglakad nang normal. Huminga ako nang malalim para kumalma ang puso ko at bumalik sa normal ang pagtibok nito. Napatingin naman ako sa paligid, sa mga kasabayan ko sa pagsusulit. Base sa kanilang mga kasuotan, iba't ibang klase sila ng tao. Merong damit pang-researcher at meron namang damit na pang-prinsipe. Sa itsura pa lang makikita mo na kung anong klaseng mga tao sila at kung sino ang pasok at hindi pasok sa pagiging sundalo. Napatingin naman ako sa sarili kong itsura na mas lalong hindi mukhang pangsundalo dahil mukha akong manlalakbay talaga. Napatingin ako sa gilid ko at naabutang nakatingin sa akin ang isang lalaki. Hindi siya ganoon katangkaran at bloated pa ang tiyan. Tumingin siya sa akin na nakataas ang isang kilay na para bang may mali sa itsura ko. Tumingin ako sa suot ko pabalik sa kanya at naabutan ko na lang siyang iniismiran ako. Pagkatapos niyon ay taas-noo siyang tumingin na lang sa harap at pilit pinostura ang katawan sa paglalakad. Tsk. Pasalamat talaga siya hindi mainitin ang ulo ko. Kung isa ako sa mga basagulero sa school namin, kanina ko pa nabasag ang mukha niya. Nagtuluy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makarating na kami roon sa may fountain. Marami na ang nandoon nang makarating kami ng mga kasabayan ko. Lahat ng mga kalahok ay nakapalibot sa fountain. Samantala, may malaking stage naman sa unahan ng fountain na may tatlong malalaking upuan. Pinakamalaki ang nasa gitna. Sa magkabilang gilid naman sa unahan ng stage ay may dalawang watawat. Iyon yung hawak-hawak ng dalawang sundalong sakay ng kabayo kanina. May mga sundalo ring nakapalibot sa buong sentro. Binabantayan nila ang sentro para walang sibilyan na makapasok kaya naman hanggang sa labas lang ng bilog nakatayo ang mga tao. Kami-kami lang mga nais maging sundalo ang nasa loob nito. Habang naghihintay sa mangyayari ay nagsisimula nang maghanda at manghula sa kung ano ang mga mangyayari ang mga kapwa ko kalahok. Base sa mga naririnig ko sa kanila, baka raw isang pagsusulit ng pisikal na kakayahan ang mangyayari sa pagsusulit dahil ganoon naman daw ang nangyari noong isang taon. Ang rinig ko pa, confidential ang pagsusulit na nangyari noong nakaraang taon kaya wala dapat nakakaalam ng mga nangyari noon doon. Pero dahil kasama ang kuya ng isang kalahok sa amin sa sumabak sa pagsusulit ngunit di pinalad, alam niya kung ano ang nangyari. May iba rin naman akong nakikitang kaswal na nagkukuwentuhan lang na mga baguhan at magkakaibigan. "Psst, kita niyo iyan? Yung lalaki sa may leon," rinig kong sabi ng isa sa kumpol ng tatlong lalaki na nagkukuwentuhan malapit sa akin. "Sino?" Tanong naman ng isa. "Ayan, yung lalaking nakaupo na naninigarilyo." "Oh, ano namang meron sa kanya? Sino ba iyan?" sabi ng pinakapatpatin sa kanila. Napatingin naman ako doon lalaking sa tinutukoy ng isa sa kanila. Nakaupo ang lalaking tinutukoy niya sa fountain habang naninigarilyo. Mahaba ang kanyang kulot na buhok na hanggang leeg niya. Wala siyang suot na pang-itaas at nakapantalon lamang na may belt at bag na nakapalibot sa balakang niya. Dahil wala nga siyang suot ni sando bilang pang-itaas, kitang-kita ang magandang hubog ng kanyang katawan. Iyon nga lang, may isa siyang linya ng malaking sugat mula sa kanyang kaliwang dibdib hanggang sa kanang balakang. Saan niya kaya nakuha iyan? "Siya si Rikinor. Rinig ko pang-ilang subok niya na ito sa pagsusulit pero hindi pa rin siya nakakapasok. Lagi raw siyang nakakapasok sa sampung pinakamalalakas sa pagsusulit pero sa di malamang dahilan, hindi siya lagi nakakatagal hanggang huli. Kung tutuusin, siya na ata ang may pinakamaraming karanasan dito sa pagsusulit ngunit hindi pa rin niya talaga magawang maging sundalo." "Kung ganoon, mas magagaling pa sa kanya ang mga baguhan?" Natatawang sabi ng isa. "Hoy, huwag mo ngang tawanan. Narinig mo ba sinabi niya? Matagal na siya rito. Marami na iyang nakalaban kaya hindi mo maaaring bastahin. Mamaya ibalibag ka niyan gamit lang isang kamay eh," pagtawa naman nung isa. Napatingin ulit ako doon sa lalaki at patuloy lang siya sa paghithit ng tabako habang nakatingin sa malayo. Tila ba naramdaman niya naman na may nakatingin sa kanya at tumingin siya sa akin. Agad kong iniwas ang mga mata ko sa kanya at tumalikod. Baka mamaya kung ano pang gawin sa akin ng lalaking iyon. Saka nakakatakot ang itsura niya. Hindi ko gugustuhing makalaban siya. Naglakad na lang ako palayo sa kanya, palayo doon sa fountain. "Teka, anong kalokohan 'to?" Napatingin naman ako sa malaking kumpulan malapit sa isang puno. Doon kasi nanggagaling ang komosyon. Medyo marami nga lang ang tao kaya hindi ko masyadong nakikita ang nangyayari. Pilit kong isiniksik ang katawan ko doon sa kumpol nila para makita ko kung ano ang nangyayari. "Ano bang problema mo?" "Ikaw, anong problema mo?" Sa harap ko ngayon ay tatlong matatangkad na lalaking kalbo at isang babaeng maikli ang buhok na nakasuot ng sando at pantalon. Hindi ko alam kung anong pinagtatalunan nila pero mukhang naiirita talaga yung tatlo sa babae. "Isang malaking kalokohan! Isang babaeng nais maging sundalo? Sino bang nakaisip ng kalokohang ito?" Sabi ng lalaking nasa unahan. Lumakas ang bulung-bulungan ng mga kalahok. Nakikita ko rin ang mga sibilyan na hinaharangan ng mga sundalo na nagbubulung-bulungan lalo na ang mga babae. Mukhang kakaiba talaga sa kanila ang pagkakaroon ng sundalong babae. Kung sa mundo ko ay pwedeng-pwede ang babaeng sundalo, mukhang dito hindi. May diskriminasyon pa ring nagaganap. Sa amin din naman meron pero mas kaunti na iyon kaysa noon at kaysa ngayon sa lugar na ito. Naku, mukhang mahihirapan ang isang ito sa tatlo. Ano nang gagawin niya ngayon? "Alam mo, umalis ka na lang at magwalis ng bahay niyo. Kayong mga babae, sa bahay lang dapat at gumagawa ng gawaing-bahay. Anong iaambag mo sa labanan? Ganda?" Sabay-sabay namang nagtawanan yung tatlong lalaki maging ang ibang lalaki sa paligid. Nakita kong nagngitngit ang mga ngipin nung babae at kumuyom ang mga kamao. Pero pinilit niyang huwag patulan ang mga taong ito. Tama lang ang naging desisyon niya noh! Aba tatlo iyan! Kung papalagan niya iyan, matatalo siya! Siguradong walang tutulong sa kanya rito dahil paniguradong papanoorin lang siya ng mga nandito. Di ko rin naman siya matutulungan kahit gusto ko dahil ayokong pumasok sa gulo. Kailangan niya na lang tanggapin iyon. Ganoon naman talaga ang mga tao. Ayaw nila sa kakaiba. Kapag may nakita silang hindi pangkaraniwan na salungat sa kanilang nakasanayan, agad silang malilito at aakto rito na hindi man lang iniisip kung mabuti iyon o masama. Nakakaawa naman pala silang lahat dito na mga babae. Limitado ang galaw nila dahil hanggang ngayon, itinuturing pa rin silang mahina. "Kung sa bagay, wala namang kaso sa akin kung mayroon tayong isang kasamang magandang dilag. Maganda ka naman. Ayos lang naman kung ganda lang ang ambag mo. Basta ba, makikinabang kami sa iyo." Unti-unting lumapit ang tatlong lalaki roon sa babae. Yung lalaking nasa unahan ay yumukod para magtapat ang mukha nila nung babae. Iniangat niya ang kamay niya at hinaplos pababa ang pisngi ng babae gamit ang likot ng kanyang palad sa senswal na paraan. Hindi ko kayang makita iyon pero ano namang gagawin ko? Nagulat na lang ako nang duraan ng babae ang mukha ng lalaki. Siguradong nagulat din ang mga nasa paligid namin dahil panandaliang nanahimik ang buong paligid. Iniisip ko tuloy kung pati yung nasa kabilang dulo ng sentro ay nakikita ang nangyayari rito. Mukhang natahimik din sila eh. "Aba'y gag* 'ito ah!" Akmang susuntukin na nung lalaki yung babae pero nakaiwas yung babae. Tinalunan niya ang lalaki at inapakan ang likod nito para makaiwas sa suntok niyang pababa. Napunta ang babae sa harap ng dalawang lalaki at pinag-untog ang mga ito. Agad siyang tumakbo palayo. Hindi ko na nakita kung saan napunta yung babae pero paniguradong nandito lang iyon sa sentro. At para naman doon sa tatlong kalbong lalaki, sinesermonan na nung siguro lider nila yung dalawang lalaki kung bakit di nahuli yung babae. Sinisisi niya yung dalawang lalaki eh talunan din naman siya. Hays. Mga tao talaga ang hirap intindihin ng ugali. Nawala na rin ang kumpulan dito sa may puno. At dahil wala naman nang nakapalibot dito, naisipan ko na lang akyatin ang puno at umupo sa sanga nito. Hindi naman ako nahirapang akyatin ito dahil medyo mababa lang naman ito at madaming kulubot yung puno. Matibay din naman ito kaya hindi ako nahirapang kumapit at umupo nang hindi nawawala sa balanse. Grabe. Saglit pa lang akong narito pero kung anu-ano na ang nangyayari. Hindi pa nga nagsisimula ang pagsusulit ay mukhang mapapasabak na agad ako sa pisikal na labanan. Nakakasakit naman ng ulo ito. Pero hindi ako pwedeng umatras lalo na't umaasa talaga si Hiraya na magiging sundalo ako sa palasyo. Nagsisimula nang gumapang sa akin ang kaba. Huminga ako nang malalim at pilit binlangko ang utak. Kahit ano namang gawin kong pag-iisip, wala namang mangyayari. Hindi naman ako matutulungan nito dahil wala naman akong alam sa kung ano ba talaga ang mangyayari sa pagsusulit. Kung kailangan ko mang mag-isip, iyon ay kapag nasa pagsusulit na talaga ako. Sa ngayon, kailangan kong pakalmahin ang sarili ko at maghanda para sa pagsusulit. Maging maayos sana ako. "Magbigay pugay sa mahal na prinsipe!" Narinig ko na naman ang nagmamartsang mga yabag ng kabayo at tao. Napababa naman ako sa puno para makita kung ano iyon. Pero nasa kabilang dulo pa rin kasi iyon ng sentro kaya hindi ko rin makita. Umakyat ulit ako sa puno para mas makita ko kung sino ang mga dumating na iyon. Hindi na ako nagulat nang makita ko ulit yung mga lalaki na nakita ko kanina. Iyon nga lang iba na ang itsura ng mga kasuotan nila ngayon. Mas mukhang pang-royalty talaga. Nagsiyuko ang mga nasa paligid kaya nakiyuko na lang din ako kahit di naman ako kita sa taas ng puno. Nang sa tingin ko ay nagsitaasan na sila ng ulo at ayos na naman nang itaas ang ulo ay iyon na rin ang ginawa ko. Bumaba na rin ako ng puno at naglakad palapit sa entablado. Sinikap kong mapunta kahit papaano sa unahan para makita kung ano ang nangyayari. Isa-isang naglakad yung tatlong lalaking naka-armor papunta sa entablado at paupo sa mga nakahandang upuan. Gaya ng inaasahan ko, ang prinsipe ay yung lalaki kanina na nasa gitna at natural, siya na rin ang nakaupo sa pinakagitnang upuan. Sa tabi niya ay dalawang lalaki na nagtataglay din ng malakas na aura. Hindi ko alam kung paano ko nakayanang hindi manliit sa kanilang tatlo. Parang mas gusto ko na lang tuloy pumunta sa dulo at doon na lang manood kahit hindi ko masyadong kita. "Mabigay galang sa ikalawang prinsipe ng Daragon, Prinsipe Garion!" Tumayo naman siya at agad kaming lumuhod sa aming isang tuhod at yumuko. Agad din naman kaming nag-angat ng ulo at nakita namin siyang inililibot ang paningin sa buong sentro. Nakangiti siyang nagsalita sa amin. "Magandang gabi, mga kalahok sa pagsusulit. Paniguradong hindi niyo inaasahan ito ngunit walang pinipiling oras ang sakuna, di ba? Kaya dapat lang na mabilis kayong kumilos kung gusto niyong maging sundalo." Sa tono ng pananalita niya, mukhang nanunuya talaga siya. Mukhang hindi nagustuhan ng iba rito ang pananalita niya. Yung iba naman, parang tang*. Halata namang nanunuya siya, pero mukhang iniisip nila na isa iyong napakagandang aral sa kanila mula sa isang kagalang-galang na nilalang. Maganda namang aral talaga iyon pero sa tingin ko, hindi kagalang-galang ang nilalang na nagsabi niyon. Hindi ko gusto na siya ang nandiyan sa unahan. Bakit naman ganito ang buhay? "Kayong lahat ay naririto, nangangarap na magsilbi sa bayan bilang isang kawal. Ngayon pa lang ay binabati ko na kayo sa inyong tapang na sumubok sa pagsusulit na ito. At ngayong gabi, ang unang hakbang sa katuparan ng inyong mga pangarap ay magsisimula na." Nagsimula nang magbulung-bulungan ang mga tao. Masyado silang madaldal para mga lalaki ha. Pero di bale na. Natural na lang naman na siguro iyon dahil lahat kami ay tensiyonado na sa mga pangyayari. Walang nakakaalam ng talagang mangyayari. Pero umaasa kaming lahat na magiging ayos lang ang lahat p-ara sa amin. Kaya't siguradong walang magpapatalo. "Dahil ngayong gabi, sa mismong oras at lugar na ito, magsisimula na ang inyong unang pagsusulit!" Agad naghawak-hawak ng kamay ang mga sundalong nakapalibot sa sentro. Mukhang hindi talaga kami nila palalabasin dito at mukhang wala rin silang hahayang makapasok dito. Sandali lang, as in now na? Ngayon talaga? "Mga kawal, simulan na ang pagsusulit, ngayon na!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD