Hindi gaya ng iniisip ko, hindi nila hinayaang manood ang mga tao. Bukod sa mga sundalong nakapalibot sa sentro, may iba pang sundalong dumating na nagtaboy sa mga tao. Sumunod naman ang iba. Yung iba ay nagpumilit pang manood kaya naman napilitan din ang mga sundalo na pilitin sila paalis. Ngayon, kami-kami na lang ang nandito pati ang mga sundalo. Mas nakakakaba ito kaysa noong nandito pa ang mga sibilyan.
"Para sa unang bahagi ng inyong pagsusulit, syempre, ito ay may kinalaman sa pisikal ninyong kakayahan," sabi ng kawal na naatasang sabihin ang mangyayari sa unang pagsusulit.
Nagsimulang mamatay ang mga ilaw sa paligid. Iilan lang ang natirang bukas. Gabi ngayon kaya't kung ganito ay siguradong hirap kaming makakita.
Seryoso ba silang gagawin namin ang pagsusulit sa dilim?
"Para sa pagsusulit na ito, kailangan niyo lang manatiling nakatayo sa katapusan ng sampung minuto," dagdag pa niya.
Nagsimula na naman ang bulungan. Hindi ko alam kung para saan ang bulungan sa totoo lang. Wala naman silang mapapala sa panghuhula sa mga nangyayari. Pero seryoso ba? Kailangan naming manatiling nakatayo lang? Akala ko naman magkakaroon kami ng parang obstacle course o one-on-one fight. Pero paniguradong hindi iyon ganoon kadali. Siguradong kailangan naming maglaban-laban at gamitin ang pisikal na kakayahan namin.
"Iyon na iyon. Walang kahirap-hirap."
Napalingon naman ako sa nagsalitang iyon. Nang makita siya ay nanlaki na lang ang mga mata ko at bumalik ang tingin sa harap. Napaangat ang balikat ko at napatayo ako ng tuwid.
Ito pala yung lalaking nambastos kanina. Paanong nandito na siya sa tabi ko?
Lumunok ako habang nakatingin sa kanya na nakangisi. Mukhang napalakas ata ang lunok ko dahil mukhang narinig niya at lumingon siya sa akin. Imbis na alisin ang tingin ko sa kanya ay hindi ko nagawa. Ganito na ba ako katakot sa isang maskulado lang naman at mukhang nakaktakot pero hindi makapalag sa isang babae?
"Hoy, ikaw."
Lumapit pa siya sa akin at nanatili lang akong nakatingin sa kanya. Yumuko siya dahil sobrang tangkad niya at sobra ang liit ko sa kanya. Pantay na ngayon ang mga mukha namin.
"Anong tinitingin-tingin mo diyan?"
Sabi ko na nga ba, dapat inalis ko na ang tingin ko eh.
"Gusto mo bang tirisin ko iyang mata mo nang hindi ka na makakita?"
Inalis ko na talaga ang tingin ko sa kanya at tumingin na lang sa harap. Iniisip kong mukhang naging bastos ang ginawa kong iyon pero mukhang hindi naman ata niya iyon inintindi dahil bumalik na siya sa dati niyang tindig at tumingin na lang din sa harap. Nakahinga naman ako nang maluwag at pinokus na lang ang sarili sa magiging pagsusulit.
"May katanungan ba kayo?"
Teka, iyon lang talaga? Wala ng ibang rules?
"Ako!"
May isang nagtaas ng kamay mula sa kumpol ng mga tao.
"Wala na ba kaming ibang gagawin bukod sa tumayo? Paanong nangyaring masusubok ang pisikal na kakayahan namin dito eh lahat naman ata kami rito nakakatayo?"
Nagsimula nang magreklamo isa-isa ang mga kalahok. Sana raw hindi na sila sumali kung ganito lang din naman ang gagawin ng mga sundalo.
Seryoso ba sila?
Kung ako sa kanila, hindi na ako nagrereklamo. Ang dali na nga ng gagawin eh, papahirapan pa nila. Ayaw ba nilang makapasa?
Tumayo naman ang ipinagmamalaking prinsipe ng bansang ito. Nanahimik ang mga tao at naghintay sa kanyang sasabihin.
"Oo, iyon lang ang kailangan niyong gawin para makapasa sa pagsusulit nito. Pero wala naman kaming sinabi na simula hanggang katapusan ay kailangang nakatayo kayo. Basta nakatayo kayo pagkatapos ng sampung minuto ay pasado kayo. At para sa inyong pisikal na kakayahan, pwede niyo naman iyang magamit sa loob ng sampung minuto. Bahala na kayo kung paano niyo iyan gagamitin."
"Anong ibig mong sabihin? Anong gagawin namin, maglalaro ng sipa? Tatakbo at maglalaro ng bola?"
Nakita ko namang ngumisi ang prinsipe. Tila ba may pumasok na kademonyohan sa kanyang utak.
"Hmm... Kayo na ang bahala kung anong gagawin niyo. Kayo... kung gusto niyo naman na makapasa ang bawat isa sa inyo sa unang bahaging ito ay walang problema. Kaso nga lang, pahirap nang pahirap ang pagsusulit. Alam niyo naman siguro iyon. Hindi niyo naman siguro gugustuhing marami kayong kalaban sa ikalawang bahagi ng pagsusulit. Kung tutuusin, limitado lang din naman ang bilang ng tinatanggap naming sundalo ngayon."
Sinabi niya ang lahat ng iyon habang may demonyong ngisi sa kanyang mukha. Pisti talaga! Mukhang alam ko na ang mangyayari. At mukhang alam naman na ng lahat ang ipinupunto niya dahil nagsimula nang magdilim ang mukha ng iba.
Malas!
"Mahal na prinsipe, bumalik na po kayo sa inyong upuan at manood. Kayo ang huhusga sa kanila. hayaan niyo na po ang naatasang kawal ang sumagot sa kanilang katanungan," sabi nung lalaki sa kanan ng upuan ng prinsipe.
Sumunod naman ang prinsipe at bumalik sa napakaelegante niyang upuan. Napahinga na lang ako nang malalim at napakurap-kurap. Kahit nabubuwisit ako sa kanya dahil sa mga ngisi niyang pang-demonyo at panunuya niya, naiinggit pa rin ako sa kanya. Habang siya ay nakaupo lang diyan, nag-re-relax at nanonood, kami, lumalaban para sa aming buhay.
Bumukas ulit ang mga ilaw. Nagtaka naman ang lahat sa kung bakit nagbukas ulit ito.
"Pinatay namin ang mga ilaw para malaman niyo kung ano ang magiging itsura ng lugar sa pagsisimula ng pagsusulit. At para na rin masanay ang mga mata ninyo sa dilim."
Ngayong mas maliwanag na ay mas malinaw ko nang nakikita ang itsura ng mga tao ngayon. Lumingon ako at nakita ang pinaghalong seryoso at takot na mga mukha ng mga tao. Kung papipiliin ako kung ano ang nararamdaman ko sa dalawang iyon ngayon, pwes magkahalo ngayon ang pakiramdam na iyon sa akin. Natatakot ako para sa buhay ko. Siguro, baka nga maihi pa ako mamaya sa sobrang takot na mamatay. Pero kung ganoon naman pala kahalaga sa akin ang buhay ko ay mas lalong kailangan kong magseryoso. Kailangang makaabot ako sa ikalawang bahagi ng pagsusulit. Pero muli, hindi lang ako ang may nais nun.
Napatingin naman ako sa katabi kong lalaki na kalbo na matangkad. Ang mga taong katulad niya ang dapat kong iwasan. Hindi dahil sa maskulado siya at mukhang kaya niya akong paliparin sa hangin. Hindi dahil sa mukhang nakakatakot sa kanya. Kundi dahil sa lahat ay kakaiba ang mukhang kanyang ipinapakita. Hindi takot o pagiging seryoso ang nakikita ko.
Pagkasabik.
Iyon ang nakikita ko sa kanya.
Pagkasabik.
Pagkasabik pumatay ng tao.
Kalmado akong naglakad papunta sa likod. Hindi ko talaga gugustuhing mapalapit sa mga taong katulad niya. Sinikap kong lumayo sa mga kumpulan kahit papaano. Kung sasama naman ako sa mga takot ang mukha, hindi naman siguro nila ako aanuhin. Pero mas nakakatakot ang ganoon. Dahil nga takot sila, mas mapipilitan silang ibigay ang lahat ng meron sila. Ang mga taong katulad nila, kahit pa isa silang santo buong buhay nila, dudumihan at dudumihan nila ang kamay nila para sa kanilang sarili. Saka isa pa, paniguradong ang uunahin ng mga malalakas na patumbahin ay ang mga mahihina. Sila ang mukhang mahihina kaya paniguradong sila ang uunahin. Hindi ko gugustuhing maipit doon.
"Ngayon, sa pagputok ng baril, mamamatay ang mga ilaw at magsisimula ang pagsusulit."
Hinintay namin ang hudyat pero wala kaming narinig na putok ng baril. Marami ang nainip dahil ilang segundo na ang nakalipas pero wala pa rin talagang pumuputok na baril na hudyat ng pagsisimula namin. Lahat tensyonado at naghihintay sa kalalabasan ng pagsusulit kaya natural lang siguro na ganito ang naging reaksyon namin.
"Sinabi naming sa pagputok ng baril ay magsisimula na ang pagsusulit ngunit wala kaming sinabi kung kailan namin ibibigay ang hudyat na iyon," nakangising sabi nung prinsipe.
At dahil ganoon nga ang nangyari, mas lalong naging tensyonado ang lahat dahil walang nakakaalam kung kailan ba talaga magsisimula ang unang pagsusulit at kung kailan at sino ang unang aatake. Ngunit dahil nga ganoon ang nangyari, mabibigyan ng oras ang bawat isa na maghanda at mag-isip ng gagawin. Kailangan ko na ring mag-isip ng gagawin ko. Basta kailangang manatili akong nakatayo pagkatapos ng sampung minuto dito sa loob ng sentro. Basta nasa sentro ako, pwede kong gawin ang kahit na ano. Basta ba, makakatayo ako sa huli.
Nakita ko naman ang iilan na nag-eexercise. May mga nagpupush-up at nagpupull-ups sa sanga ng puno. Kaya ko namang gawin kahit iyon man lang pero sa tingin ko, wala rin namang magiging tulong din iyon sa akin. Hindi naman ako mapapalakas niyon laban sa mga kalaban sa loob lang ng ilang saglit.
Nakita ko naman yung tatlong lalaking kalbo na nag-uusap-usap. Yung mukha lang ng lider nila ang nakikita ko at nakangiti siya na parang may balak na masama. Mukhang nagkakaintindihan sila at may nagawa ng plano. Nakita ko naman ang iba na naghahanap na rin ng mga kagrupo nila.
Sa totoo lang, hindi ko maintindihan ang requirements nila para maging isang sundalo. Basta ba makapasa sa pagsusulit ay ayos na iyon? Basta ba malakas ang pangangatawan at kayang makipaglaban, ayos na iyon? Ang gulo talaga. Hindi ko maintindihan kung paanong nakapasok ang tatlong lalaki na iyon eh halata namang masahol ang ugali. At ang ipinagtataka ko pa, kanina noong nag-aaway sila nung babae, ni isang kawal wala man lang umawat. Hindi ba ang trabaho ng mga kawal ay para magpatupad ng kapayapaan sa kanilang lugar? Pero bakit hinayaan nilang magpatuloy yung kanina at hindi man lang nila sinaway yung mga lalaki? Kakaiba rin talaga ang sistema ng hustisya sa mundong ito.
"Hoy, bata."
Napatingin naman ako sa nagsalita. Ito yung nakakatakot na lalaking naka-ilang ulit na raw sa pagsusulit. Ano nga ulit pangalan nito?
"Kung gusto mong tumagal, mabuti pa maghanda ka. Mukha ka pa namang mahina. Tsk."
Binangga niya ang balikat ko at naglakad palagpas sa akin.
Ako? Mahina?
Tama naman siya. Siya naman, malakas.
Agad akong tumakbo para mahabol siya. Nahabol ko naman siya at naglakad ako kasabay siya. Akala ko maiinis siya pero hinayaan niya lang ako. Hindi niya ako pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad habang naninigarilyo. Hindi ko alam kung pang-ilang sigarilyo niya na iyan pero mukhang masaya naman siya diyan at wala na naman dapat akong pakialam doon kaya bahala na siya sa buhay niya kung magkasakit siya sa baga.
"Ano..." Panimula ko. Hindi ko talaga alam kung paano ko sasabihin sa kanya ito pero kakapalan ko na ang mukha ko. Para sa buhay ko naman ito kaya hayaan na.
"Maaari bang magsama na lang tayo? Mahirap na mag-isa. Kailangan din natin ng katulong para tumagal sa pagsusulit na ito," sabi ko.
Bumuga muna siya ng usok bago siya nagsalita.
"Kaya kong tumagal dito. Ikaw hindi," maikli niyang sabi.
"Iyon na nga ehh. Hindi ko kayang tumagal dito kaya kailangan ko ng tulong. Saka ikaw, kaya mong tumagal. Pero hindi ka pa nakakapasa sa pagsusulit kaya---"
Napatingin ako sa kanya nang mapagtanto ko kung ano ang sinabi ko. Napatigil ako sa paglalakad at ganoon din siya. Dahan-dahan kong iniangat ang ulo ko para makita ang reaksyon niya. Nakatingin lang siya sa akin nang walang emosyon. Walang galit. Walang lungkot. Sadyang wala lang emosyon. Bumuga ulit siya ng usok bago bumalik ang tingin sa unahan at naglakad muli. Alam kong medyo offensive yung sinabi ko pero sumunod pa rin ako sa kanya. Hihingi na lang ako ng pasensya sa nasabi ko.
"Ahh, pasensya ka na---"
"Wala iyon, bata. Hindi mahalaga sa akin ang makapasa."
"Ha? Ehh bakit---uyy!"
Napaluhod ang lahat nang marinig ang isang malakas na pagputok ng baril at namatay na ang mga ilaw, hudyat na simula na ng pagsusulit.
Hindi ko na alam ang nangyayari. Halo-halo na ang naririnig ko. Magkahalong sigaw ng takot at sigaw ng pagpupursiging makaraos. Naririnig ko rin ang palitan ng suntok ng bawat isa at ang pagguhit ng mga patalim sa balat ng bawat isa. Paanong nangyaring ganito ang paraan para maging sundalo? p*****n para sa walang kakwenta-kwentang dahilan. Aba'y patay na talaga ako rito!
Hindi ko rin alam kung ano nang nangyari pero nandito na ako sa may loob ng fountain. Oo, sa loob talaga. Nakasubob ang paa at pwetan ko sa tubig habang ang ulo ko naman ay nasa ilalim lang ng ulo ng leon. Ang karamihan sa mga labanan ay malapit sa entablado nagaganap dahil doon lang may sobrang liwanag na ilaw. Ang ibang parte, kakarampot lang ang ilaw, sapat na para makita ang mga anino ng bawat isa. Medyo exaggerated pero ganoon na nga. Buti na lang malayo ang fountain sa stage kaya hindi hagip ng sobrang liwanag na ilaw dito kaya hindi ako kita rito. Ginawa ko na ring pantaklob ang bag ko rito sa unahan ko para hindi na talaga ako masyadong kita. Buti kahit papaano gumana.
Balak ko sana na dito na lang ako sa fountain mananatili kung susuwertehin. Kung walang makakapansin sa akin dito, dito lang ako mananatili. Walang sinabi kung ano ang magiging hudyat kapag tapos na ang sampung minuto pero magbibigay naman siguro sila ng hudyat o sasabihin nila kung ganoon na nga. Pag nangyari iyon, saka pa lang ako tatayo rito. Basta ang mahalaga, buhay ako at walang galos. Iyon ang mahalaga sa akin. Kahit marami akong kalaban sa ikalawang bahagi ng pagsusulit ay wala na akong pakialam. Basta mkakaraos lang ako sa bahaging ito ayos na.
Ilang minuto na ring akong nandito sa fountain at wala pa ring hudyat. Totoo ngang kapag wala kang ginagawa ay mas mabagal ang oras. Kailan kaya matatapos ito? Dahil kanina pa ako nasusuka at nahihilo sa mga nakikita ko.
Hindi ko naisip na ganoon ka-effective ang wala kong kwenta na strategy pero mukhang gumana nga. Kung anu-ano na ang nakikita ko ngayon. Hindi ko maisip na makakakita ako ng ganitong senaryo sa buong buhay ko. Sa harap ko, madami nang dugong kumakalat at nagmimistulang baha. Madami ng katawan ang nakahandusay. Hindi ko alam kung paanong ganito ang nangyari. Wala pang sampung minuto, pero bakit parang masyado nang matagal ang labanang ito?
Pero bakit wala akong ginawa? Bakit nanood lang ako? Bakit nanatiling nakasalpak lang ako rito? Hindi tama sa paningin ko ang nangyayari pero wala akong ginawa. Ano bang klaseng tao ako? Habangbuhay na lang ba akong magiging duwag?
Hindi ko alam kung kakayanin ko bang manatili lang dito sa fountain. Nasusuka ako sa nakikita ko. Akala ko magiging ayos lang ako basta manatili ako rito dahil walang makakahanap sa akin. Pero hindi. Siguro, kung nakikita ako ng mga bully noon sa eskwelahan ko noong elementary, aasarin nila ako lalo nang aasarin na bakla ako. Pero hindi kaya ng sikmura ko ito. Hindi ko kaya na manood na lang habang namamatay sila isa-isa. Siguro kung ipipikit ko ang mga mata ko, hindi ko na nga sila makikita. Pero maririnig ko naman ang mga sigaw nila bago sila tuluyang mawalan ng hininga. Naririnig ko ang mga sigaw nila sa pagsisikap na mabuhay.
Hindi tama ito. Pero masyado akong duwag para lumaban.
Mas lalo naman akong nangisay nang mapatingin ako sa kanan ko at nakita ang lider ng mga lalaking kalbo kanina. Naglalakad siya ngayon papunta sa fountain. Dire-diretso ang paglalakad niya na para bang sigurado siya na dito ang punta niya. Humigpit ang hawak ko sa bag ko at pigil ko ang aking hininga. Kahit sa malayo at kakarampot na ilaw ay nakikita kong nakangisi siya. Nagsimulang bumilis ang kanyang paglalakad at mas lalong napahigpit ang paghawak ko sa bag ko. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at naghintay sa kung anong magiging kapalaran ko. Naramdaman ko ang pagpunta niya sa akin dahil sa bilis at lakas ng hanging naramdaman ko. Ngunit imbis na makaramdam ng suntok sa kung saang bahagi ng katawan ko at makaramdaman ng patalim, isang malakas na pagdaan lang ng hangin ang naramdaman ko. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at tumingin sa harapan ko. Wala siya rito. Wala rin siya sa kanan ko. Tumingin ako sa kaliwa at doon ko siya nakita. Kung ganoon hindi pala ako ang ang pakay niya. Dahil ang ngingisian niya kanina ay yung lalaking may sugat sa katawan niya.
"Oy, balita ko ikaw raw ang pinakamalakas dito ah! Ngunit mukhang hindi naman totoo kasi ilang beses ka nang hindi nakakapasa," sabi ng lider ng mga kalbo habang natatawa.
"Huh? Sino namang may pakialam kung hindi pa ako nakakapasa. Mapupulbos naman kita," chill naman niyang sagot.
Nakatayo lang silang dalawa. Pero mukhang nainis yung kalbo kaya naman nagsimula siyang sumugod. Iniangat niya ang kanyang kanang kamao at akmang susuntukin yung naninigarilyong lalaki pero naiwasan niya ito. Pero nahawakan niya naman ang baywang nito gamit ang kanyang kaliwang kamaya kaya naman nagawa niya itong ihagis papunta rito. Napapikit na lang ako sa lakas ng impact nun. Iminulat ko ang mga mata ko at nakitang wala ng nakatakip sa ulo ko. Wala na yung ulo ng leon!
Nanginginig akong tumingin sa pinagliparan nung lalaki. At nagulat na lang ako nang makitang nakatayo na siya. Hindi ko alam kung bumagsak siyang nakatayo o bumagsak siya paupo o pahiga pero nakatayo na agad siya. Ang mahalaga, nakatayo na siya ngayon. At hawak-hawak niya pa rin ang sigarilyo niya. Iyon nga lang ay paubos na iyon kaya tinapon niya na.
"Ohh? May batang gusgusin pala rito? Bakit di ka nagsasabing nandiyan ka lang pala? Di kita tuloy naisama sa saya."
Nang marinig ko iyon ay agad akong umalis doon sa fountain dala ang bag ko at pumunta roon sa likod ng lalaki. Walang kasiguraduhan na hindi niya ako sasaktan pero kusa na lang gumalaw ang mga paa ko. Para bang alam nila na iyon ang tamang gawin at magiging ligtas ako sa lalaking ito. Saka kumpara sa kalbong iyon, mas mukhang maayos siya kaysa sa kanya. Saka pinakita na nung lider ng mga kalbo ang intensyon niya noong una pa lang. Kaya alam kong dapat ko siyang iwasan.
"Anong nangyari sa iyo, bata? Ba't bigla kang nawala kanina? Akala ko ba kailangan mo ng tulong ko."
"Eh ikaw itong nawala bigla! Hindi ko alam kung saan ka napunta kaya tumakbo naman ako ako hanggang sa nandito na ako sa fountain tapos---"
"Oo na. Sige na. Magtago ka na. Ako nang bahala rito."
"Ha?"
"Sige na, umalis ka na. O gusto mong labanan siya?" Tanong niya.
Agad naman akong umiling.
"Ha? Ah-hindi. Hindi!"
Ngumisi naman siya sa naging sagot ko.
"Ayaw mo pala. Tumakas ka na muna. Hahanapin kita mamaya."
"Ha, ngunit---"
"Tatakas ka o lalaban ka? Iyon lang ang pagpipilian mo. Mamili ka lang sa dalawa. Kung ako nasa kalagayan mo, tatakas na 'ko. Wala rin naman akong maiaambag sa laban at magiging pabigat lang ako."
Masakit man sa puso yung sinabi niya ay tumakbo na lang din ako. Tama siya. Wala akong magagawa. Magiging pabigat lang ako. Hindi ko gugustuhing maging pabigat kahit pa maganda ang intensyon ko.
Tumakbo ako nang tumakbo. Sa pagtakbo ko ay may iilang dugo na tumatalsik sa katawan ko pero wala na akong pakialam doon. Mabubuhay ako. Kaya't gagawin ko ang lahat para mangyari iyon. Wala na akong ibang magagawa kundi ang pumikit at maawa sa kanila.