Hindi ko alam kung paano ako nakatakbo papunta rito sa puno. Sa sobrang dilim ng paligid, hindi ko inasahang makakapunta pa ako rito. Kung tutuusin, hindi nga pagtakbo ang ginawa ko sa buong lakad ko papunta rito. Gumapang na nga ako at tiniis ang masangsang na amoy ng dugo at mga katawang nagkalat.
Umakyat ako rito sa puno dahil iyon sa tingin ko ang pinakaligtas na paraan para mabuhay ako. Gusto ko mang makita kung ano ang nangyayari, hindi ko na magawa dahil nakakadiri talaga. Kahit kakarampot lang ang aking nakikita dahil sa kakarampot na ilaw, kitang-kita ko pa rin sila, lahat ng mga namatay at lahat ng nagmamakaawa.
Hindi ko inasahan na magiging ganito ang pagsusulit. Parang kailan lang, naghahanda pa ako sa pagdiriwang sa Huliohi. Naging mag-aaral pa nga ako ni Tandang Ishang kahit wala naman talaga siyang masyadong naturo sa akin. Parang kailan lang, nagsasaya pa ako at kumakain nang marami. Pero ngayon, sobrang kabaligtaran na. Akala ko naman, magsusuntukan lang o magtutulakan ang mga kalahok. Pero hindi ko inasahan na may dala-dalang patalim ang nakararami at ginamit nila ito upang masigurado ang kanilang pwesto sa ikalawang bahagi ng pagsusulit. Hindi talaga tama ito.
Nagulat na lang ako nang sa isang iglap lang ay nandito na sa harap ko yung lalaking naninigarilyo. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon pero nandito siya rito mismo sa harapan ko. Napakaliit lang ng sanga kaya siguradong hindi siya nakatapat dito. Hindi ko rin makita kung saan siya nakatapak dahil malaki ang katawan niya at madilim nga sa lugar. Hindi kapani-paniwala pero lumilipad ba siya?
"Hoy, ilang segundo na lang sampung minuto na. Tumayo ka na diyan. May aasikasuhin lang ako."
Tumango naman ako at umalis na siya. Base sa itsura at direksyon ng pag-alis niya. Talaga ngang nalipad siya. Ngayon lang ako nakakita nang ganoon dito na gumagamit talaga ng kapangyarihan kaya medyo nakakagulat.
Sinunod ko ang sinabi niya at tumayo na sa may likod ng puno. Hawak-hawak ko ang bag ko sa harap ko. Sinusubukan kong huwag gumawa ng ingay o kahit anong maaaring kumuha ng atensyon ng kalaban. Sa ngayon, hindi na ang pagpasa sa pagsusulit ang prayoridad ko. Buhay ko na ang nakasalalay rito.
Bumaba na ako mula sa puno at pumunta sa bahagi nito na hindi nakaharap sa sentro. Yakap-yakap ang aking bag, ipinagdadasal ko na lang na walang makakita sa akin dito. Ayoko pang mamatay.
"Hindi pa sila patay, Leo," sabi ng kung anong boses.
Kung di ako nagkakamali, iyon din ang boses ng babae na narinig ko roon sa Huliohi na bumubulong sa akin. Siya raw ang magiging gabay ko.
"Anong pinagsasasabi mo? Patay na sila oh. Nagdanak na ang dugo at mga katawan. Anong hindi pa patay ang sinasabi mo?" Pabulong kong sabi.
"Tumingin kang maigi sa paligid mo. Hindi pa sila patay, Leo. Pakiramdaman mo."
Anong papakiramdaman ko? Halata namang wala na silang mga buhay. Hindi ko nga inasahan na ganito karahas ang magiging sitwasyon. Akala ko, basta lang maglalaban. Iyon pala ay p*****n ang magaganap. Kung alam ko lang, sana hindi na lang ako pumayag sa gusto ni Hiraya.
"Sa tingin mo ba hahayaan ni Hiraya na mapahamak ka para sa pansarili niyang hangarin?" Tanong niya pa.
May punto siya. Pero pag naiisip ko yung mga nakahandusay doon na patong-patong pa, parang totoo talaga siya sa paningin eh. Ano bang sinasabi niya? Na illusion lang ang lahat ng ito?
"Hindi ito isang kathang-isip. Totoo ito. Tandaan mo, Leo. Isa itong pagsusulit. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan para magtagumpay ka."
Hindi ko na siya marinig pagkatapos niyon. Ang sabi niya, isa itong pagsusulit. At hindi pa raw sila patay, Sumilip ulit ako sa labanan. Nabigla naman ako nang bigla akong mahilo. Saglit lang iyon pero pakiramdam ko ang tagal kong nahilo. Ipinukol kong muli ang mga mata ko sa labanan. Hindi ko alam kung paanong nangyari pero may nakikita akong mumunting liwanag sa mga katawan na nakahandusay sa lupa. Isa itong napakaputing liwanag. Iba-iba ang intensidad nito kada tao. Ipinikit kong muli ang mga mata ko at di nga ako nagkamali sa mga nakikita ko. Tumingin naman ako sa mga nagalaw na pigura ng katawan na mukhang naglalaban. Mas mataas ang intensidad ng liwanag nila sa katawan kumpara sa mga nakahandusay. Siguro dahil buhay na buhay pa sila? Ibig sabihin, buhay pa talaga ang mga taong nakahandusay rito pero hindi lang gaanong kalakas?
Sinubukan kong lumabas pero napatigil ako sa paggalaw. Nakaramdam ako ng kaunting kirot sa aking kanang tainga. Hinawakan ko ito at may nakitang dugo. Tumingin ako sa harapan ko at nakita ang isang lalaki na papalapit sa akin.
Teka, parang pamilyar siya sa akin ang pigura niya ahh?
Hindi na maganda ang lagay niya. Nakikita ko base sa intensidad ng liwanag sa katawan niya. Naglakad pa siya papalapit at unti-unti nang rumerehistro sa utak ko ang itsura niya at kung saan ko ba ulit siya nakita, salamat sa liwanag sa may puno. Ito yung lalaking tinatarayan ako kanina noong papunta rito! Yung bloated ang tiyan at taas-noo lagi na akala mo naman may ipagmamalaki. May umaagos na dugo na mula sa kanyang ulo. Hawak-hawak niya rin ang kanan niyang braso na parang bang may malalim siyang sugat doon, o bali na butong iniinda. Nandidiri ako sa kanya.
Tutulungan ko ba siya? Eh kaso kanina, binato niya ako ng kutsilyo. Hindi ba ibig sabihin nun, gusto niya akong patayin?
"K-Kailangan kong magbawas ng kalaban. K-Kailangang mawala ang mahihina," sabi niya.
Kung meron mang sa amin na mukhang mahina, siya iyon. Kaya hindi ko malaman kung paano niya nasasabi iyan sa ganyan niyang kalagayan. Bugbog-sarado na siya pero nagawa niya pa akong patayin. Tingin niya ba, mananalo siya sa akin sa ganyan niyang kalagayan? Tingin niya ba tatama yung kutsilyo niya eh hindi na nga siya makatayo ng ayos?
Nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Napalunok na lang ako, naghihintay sa susunod niyang gagawin. Mas mabuti na lang siguro kung aalis na lang ako rito pero napako na ang paa ko rito.
"I-Ikaw! Ikaw na hampaslupa! Kailangan mong mamatay! Papatayin kita!"
Rinig ko ang papabilis niyang mga yabag, senyales na natakbo siya. Bumilis lang ang t***k ng puso ko pero hindi na ako nakatakbo. Ipinikit ko ang mga mata ko, naghihintay sa mangyayari. Ngunit sa pagpikit ko ay wala na akong narinig na yabag sa lupa. Isang malakas na pagbagsak lang ang narinig ko. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko. Ang kanang mata ko muna ang iminulat ko para silipin kung anong nangyari. Nakakakita na lang ako ng puting liwanag sa sahig na hindi masyadong maliwanag. Siya na siguro ito. Hindi ko alam kung anong nangyari. Tumingin ako sa paligid at nakita ang isang liwanag mula sa isang tao pero nakaalis na din iyon agad.
Lalapitan ko na sana siya nang makarinig akong muli ng putok ng baril at biglang nagbukas ang lahat ng mga ilaw. Napapikit ako dahil sa nakakasilaw na liwanag. Nasanay rin kasi ang mata ko sa dilim. Nang imulat ko ang mga mata ko ay saka ko lang nalaman kung ano talaga ang nangyari sa kanya.
Sa kanang baywang niya, may nakatarak na patalim. Napasandal na lang ako sa puno at halos masuka. Hindi ko na lang ulit tiningnan at ang sagwa tingnan. Pumunta ako sa kabilang bahagi ng puno at mas lalo ko pang naramdaman na gusto kong magsuka. Hindi ko kinaya ang nakita ko. Napakasagwang tingnan. Nakakasira ng utak ito. Kahit sinong bata, mat-trauma kapag nakita ito. Pero akala ko ba buhay pa sila?
Hindi ko na nakikita ang mga liwanag sa kanila kaya hindi ko masabi. Sinubukan kong ipikit at muling imulat ang mga mata ko pero wala na talaga. Tumingin ako sa mga nakatayo at hindi ko na rin makita ang liwanag sa kanila. Ano kaya ang nangyari?
Ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Pero sa saglit na tumingin ako ay nakita kong nagdanak talaga ang dugo. Kahit tingnan ko lang iyon sa malayuan at hindi mahawakan, alam kong dugo talaga iyon. At napakarami nun. Sana nga ay hindi ako nagkamali na buhay pa sila.
"Natapos na ang pagsusulit. Lahat ng nakapasa, pumunta sa malapit sa entablado."
Hindi pa rin ako makapaniwala naa ganun-ganun na lang iyon. Pero gaya ng sabi sa instruction, pumunta na lang ako roon. Nakatingin lang ako sa mismong dinadaanan ko at di ko na tinitingnan ang paligid dahil hindi ko ata kakayanin.
"Anong mukha iyan? Taas-noo kang lumakad."
Hinila niya ang ulo ko pataas kaya't napatingin ako sa harap. Kahit hindi ko na tingnan kung sino ito ay alam ko na kung sino.
"P-Paano ako makakatingin sa harap eh puro d-dugo, katawan, s-saka---"
"Huwag kang mag-alala, bata. Buhay pa sila," sabi niya.
"Alam kong buhay pa sila pero paanong---"
Hinawakan niya nang mahigpit ang kwelyo ng damit ko sa likod kaya hindi ako nakalakad. Tumingin ako sa kanya at naabutang matiim siyang nakatingin sa akin. Naramdaman kong humigpit ang paghawak niya roon kaya naman medyo nasakal ako at naubo. Pero nanatili ang hawak niya roon.
"Alam mong buhay sila?"
Oops. Bakit ko sinabi iyon?!
"Ahhh, oo. A-Ano kasi---"
"Paano mo nalamang buhay sila?"
Napalunok na lang ako dahil sa seryoso niyang mukha. Mukhang hindi niya talaga ako papakawalan hangga't hindi siya nakakakuha ng sagot mula sa akin. Paano ko ba lulusutan 'to?
"K-Kasi kanina may humand-dusay na lalaki sa h-harap ko kanina kaya nalaman ko. I-Ilang minuto na rin kasi ang nakalipas nang h-hindi siya gumagalaw pero n-noong t-tingnan ko nah-hinga pa naman siya."
Para bang napakahaba ng sinabi kong iyon kahit dalawang pangungusap lang iyon. Napalunok na lang ako roon dahil pakiramdam ko nawalan na ako ng tubig sa katawan at kailangan kong uminom ng kung ano. Hindi naman siguro halata na pautal-utal ako.
Lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin kaya naman nakahinga ako nang maluwag. Hinawakan ko muna ang leeg ko dahil pakiramdam ko ay nasasakal pa rin ako. Parang wala naman sa kanya ang ginawa niya dahil kumuha lang siya ng sigarilyo sa maliit niyang bag at sinindihan ito. Nakailang sigarilyo na kaya siya?
"Ganoon ba? Sige."
Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad papunta sa unahan. Nakarating naman kami sa unahan kasama ang iba pang nakapasa. Sobrang kaunti lang namin na nakapasa. Ang lalaki nga ng espasyo sa pagitan namin ng mga nakapasa. Tumingin-tingin ako sa kanila at nakitang seryosong-seryoso sila. Ni isa, walang nakangiti. Natural, kung ikaw ba naman halos mag-agaw buhay para sa isang pagsusulit, tingnan ko lang kung makangiti ka pa.
Nagsimulang kumilos ang mga kawal na nakapalibot sa lugar. Sa isa sa mga daanan papasok ng sentro ay may mga karwaheng dumating. Hindi ko na binilang kung ilan iyon. Nagsimulang kunin ng mga kawal ang mga tao. Ang hindi ko lang inaasahan ay ang paraan kung paano nila kunin ang mga katawan nila. Hindi na pag-alalay o pagbuhat ng isang tao ang ginagawa nila eh. Para silang nagbubuhat ng sako ng bigas. Nilalagay nila ang mga katawan sa balikat nila tapos ay binabalibag sa may karwahe.
Gag* ba sila?! Bakit naman ganoon ang ginagawa nila? Patay na ba sila? Baka lalo silang mamatay sa ginagawa nila eh!
"Huwag kang mag-alala. Hindi pa sila patay. At hindi sila mamamatay."
"Paano mo na naman nasabi?"
"Iyon ang silbi ni Herazar dito. Para saan pang nandito siya kung di niya gagamitin ang kapangyarihan niya."
Napatingin naman ako sa kanya.
"Sino si Herazar?"
"Yung babaeng nasa tabi ng prinsipe sa kaliwa."
Napatingin naman ako sa sinasabi niya. Nakita ko ang isang lalaking mahaba ang buhok at diretso. Maganda rin ang hilatsa ng mukha niya. Pero teka, babae ba kamo?
"T-Teka, babae--"
"Oo babae siya. Huwag ka nang maraming tanong."
"Pero paano yung sinasabi mong silbi niya? Bakit? Ano bang ginagawa niya?" Nagtataka kong tanong.
Napahinga naman siya nang malalim.
"Iyon ang kapangyarihan niya. Habang nasa laban pa rin tayo, hindi niya pinapabayaan ang mga nag-aagaw-buhay. Habang naglalaban, hinihilom niya ang sugat ng mga mamamatay niya kaya naman nabubuhay sila. Iyon ang kapangyarihan niya, ang magpagaling."
Kung ganoon, napakalakas pala ng mahika niya. Para gamutin niya ang lahat ng mga nag-aagaw-buhay ay ibang klase siya. Ang dami kaya nila oh! Saka paano pala nalaman ng lalaking ito yung tungkol doon sa babae?
Napatingin ako sa kanya at nakatingin lang siya sa malayo habang naninigarilyo. Siguro tinitingnan niya lang din yung mga naglilipat ng katawan. Napatingin ulit ako roon at naabutan ko yung isang lalaki na ibinalibag lang sa karwahe at ipinatong sa kumpol ng mga katawan.
Grabe! Napakawalang-galang naman nun!
"Maghanda ka na," sabi niya.
"Huh?"
"Walang oras para magpahinga. Kailangan mo nang maghanda at mahina ka. Paniguradong mas masahol pa rito ang mararanasan mo. Kakayanin mo ba iyon?"
Napalunok naman ako sa sinabi niya. At kung sasagutin ko ang tanong niya, hindi. Hindi ko kakayanin iyon panigurado.
Nakita ko namang tumayo ang prinsipe kasama ang dalawa niyang alipores. Nakangiti siyang tumayo sa harap namin na akala mo walang ginawang krimen. Nakakasuka ang mga katulad niya. Kahit pa may magpapagaling sa kanila ay hindi niya dapat ginawa ang ganoong klase ng pagsususlit. Wala siyang puso.
"Binabati ko kayong lahat na mga nakapasa. Ngayon, wala kayong oras magpahinga. Maghanda na kayo. Dahil ngayon din, aalis na tayo. Pupunta na tayo sa isang lugar na malayo rito. Isasagawa na natin ang ikalawang bahagi ng pagsusulit!"