Chapter 22 - Nasea

2622 Words
"Saan naman tayo ngayon pupunta?" Tanong ko kay Rikinor. Naalala ko na ang pangalan niya. "Di ko alam," simple niyang sagot. "Paanong hindi mo alam?" "Iba-iba ang lugar ng pagsusulit kada taon, kada bahagi," irita niyang sagot. Napatango-tango na lang ako at di na nagtanong pa. Nang makuha na lahat ng mga taong nangangailangan ng medical na atensyon sa sentro ay saka naman kami pinagpahinga muna doon. Akala ko talaga agad-agad na ang pag-alis namin. Buti na lang, nagbago isip nila. Nilinis nila ang paligid at doon kami pinatulog. Medyo nag-alangan pa akong matulog dahil baka may kung sinong umatake sa akin pero wala namang nangyaring ganoon. Nagising na lang kami sa putok ng isang baril. Sinabi nila na aalis na kami at pupunta sa susunod na pagdarausan ng ikalawang bahagi. Kanina habang papaalis kami ay pinagtitinginan kami ng mga sibilyan na nadaanan namin. Kaway sila nang kaway at mga nakangiti pa. Siguro proud na proud sila para sa aming mga nakapasa. Kung alam lang nila ang nangyari, siguro iba ang magiging reaksyon nila. Nakakalungkot lang na wala silang kaalam-alam sa mga nangyayari at bulag silang humahanga sa amin. Ilang minuto na rin kaming naglalakad at kasalukuyan kaming narito sa isang patag na lugar na mabuhangin. Hindi naman siya disyerto. Talagang mabuhangin lang ang lupa at walang tanim na mga halaman. Ni isang bahay ay wala ka ring matatagpuan. Naglalakad kami sa isang daanang pinasadyang gawin para makatawid dito at para makarating sa paroroonan namin. Ngunit kahit ilang minuto na kaming naglalakad ay wala pa rin kaming maaninag na kahit ano mula sa malayo. Puro buhangin lang ang nakikita namin sa malayo at wala pang ni isang bahay man lang o syudad. Mukhang mahaba-habang lakaran ito ah. "Saan ba talaga tayo pupunta? Ang layo pa ng lalakarin natin oh," reklamo ng isa sa mga kasama namin. Sinagot naman siya ng isang kawal. "Hindi ninyo maaaring malaman ang lugar na pagdarausan ng pagsusulit hanggang sa makarating tayo roon. Medyo malayo pa ang lalakarin." "Anong "medyo" ? Malayo talaga! Tingnan niyo nga oh, ni isang tao wala pa tayong nakakasalubong! Sobrang layo pa natin sa kabihasnan! " Nagulat na lang kaming lahat nang hugutin ng kawal na sumagot sa kanya kanina ang espada sa baywang niya at itinutok doon sa leeg ng lalaking nagrereklamo. Lahat kami ay napatigil sa paggalaw. "Kung gusto mong maging kawal, handa ka dapat magtiis. Kung sa simpleng paglalakad lang ay hindi ka makatagal, mas lalong hindi ka tatagal sa labanan. Tandaan mo iyan! Tsk. Paano ka ba nakapasa sa unang bahagi ng pagsusulit nang ganyan?" Ibinalik na ng kawal ang espada niya sa lagayan nito. Napapalatak na lang din yung lalaki. Kung sa bagay, nakakapagod naman talaga kasi. Kaming mga nakapasang kalahok ay napaliligiran ng mga kawal sa magkabilang bahagi ng kalsada habang naglalakad. Samantala, yung tatlo naman na nakaupo sa entablado kanina ay nakasakay sa isang eleganteng karwahe sa likod namin. Kung sana ay ipinasakay na lang kami sa karwahe kahit yung mumurahin na katulad nung mga nandoon sa sentro kanina edi sana, napapadali ang buhay naming lahat. Naglakad pa kami nang naglakad hanggang sa mapagod na lang din kami nang mapagod. Buti na lang may sumigaw kaya't nabuhayan kaming lahat. "Uy, tingnan niyo, may syudad!" Napatingin kaming lahat sa unahan namin kaya naman nakita nga namin ang sinasabi niya. Nabuhayan nang sobra ang iba kaya naman nakisiksik na sa unahan para maunang maglakad. Nanatiling mabagal ang paglalakad ko. Bahala sila diyang magsiksikan. "Hoy." Napatingin naman ako kay Rikinor. "Ano iyon?" "Ano iyang nasa lagayan mo?" Napatingin naman ako sa tinuturo niya. Yung bag ko ata ang tinutukoy niya. "Ah ito? Mga kailangan ko lang. Tubig, salapi, damit, ganoon. Akala ko kasi mananatili pa ako nang matagal sa Drelar. Hindi ko naman inasahan na agad-agad mangyayari ang pagsusulit." "Hmmm," parang hindi interesado niyang sabi pero nagpatuloy pa rin ako. "Hindi naman talaga kasi ako taga-Drelar. Galing ako sa Huliohi. Sabi nila masasama raw ang mga tao roon ngunit hindi naman sila naging ganoon sa akin. Basta naglalakbay ako tapos napunta ko roon..." Nagpatuloy lang ang pagkukuwento ko sa kanya. Nakikinig lang naman siya at hindi nagtatanong kaya nagpatuloy lang ako sa kwento kahit na mukha siyang hindi interesado. "Malapit na tayo. Magsipaghanda ang lahat! " Nang marinig ko iyon ay napatayo na lang ako nang tuwid. Nakikita ko ngang malapit na kami sa syudad. Medyo malinaw ko na ring nakikita ang mga building. Siguro mga sampung minuto pa, makakarating na rin kami roon. " Tsk. Kapag minamalas ka nga naman," narinig kong sabi ni Rikinor. Agad akong lumapit sa kanya at tumingkayad para bumulong. "Bakit?" Tumingin ulit ako sa kanya pero wala akong natanggap na sagot. Ang kaninang kalmado niyang mukha ngayon ay naging seryoso. Hindi na rin niya inilagay pang muli ang kanyang sigarilyo sa bibig at itinapon na iyon sa lupa kahit mahaba pa naman iyon. Kahit curious ay hindi na lang ako nagtanong. Pero mamaya ay kukulitin ko talaga siya. Baka kasi may alam siya sa lugar na pupuntahan namin. Makalipas ang ilang minuto ay natatanaw na talaga namin ang lugar. Ang kaninang nakataas kong mga balikat ay halos bumagsak na sa lupa. Napanganga na lang ako pati ang iba pa naming kasama. "T-Teka, ano iyan?" "Anong lugar ito?" "May ganitong lugar sa Olpheo?" Ilan lang iyan sa mga komento at tanong narinig ko pero isa lang ang narinig ko mula sa kawal na sumagot din kanina. "Wala na tayo sa Olpheo mga bata. Nasa Nasea na tayo." Napuno ng gulat at takot ang mga reaksyon nila. Agad silang nagkagulo kaya naman hindi na rin ako makapag-isip nang maayos. May ibang nagpupumilit umalis pero nakaharang nga ang mga kawal. Isa pa, nasa likod lang namin ang karwahe ng prinsipe na marami ring bantay na kawal. Siguradong walang makakatakas sa amin. "T-Teka nga! Umalis ka nga," sigaw ko roon sa mga nagtutulakan sa akin. Mukhang wala silang balak gawin iyon kaya't ako na lang ang umalis. Agad kong hinanap si Rikinor na nandoon na pala sa pinakaharap na linya malapit sa mga kawal. "H-Hoy!" Hindi niya narinig kaya't mas lumapit pa ako hanggang sa makarating ako sa tabi niya. "Uy, Rikinor!" Hindi niya ako pinansin. "Saan ba ito? Ano iyon? Nasea? May alam ka ba sa lugar na ito?" Huminga lang siya nang malalim pero hindi sinagot ang tanong ko. Sa halip, iba ang sinabi niya sa akin. "Basta, kahit anong mangyari, huwag kang tatanga-tanga." Huh? Medyo na-offend ako sa sinabi niya dahil para na rin niyang sinabi na ganoon nga ako. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya at naglakad sa tabi niya hanggang sa makarating kami sa pasukan ng mismong lugar. Sa harap namin ngayon ay isang siyudad na version ng Aru Bahal. Hindi man itim lahat ng kulay, halos lahat naman ganoon. At napakaitim din ng aura sa lugar na ito. Kahit sino matatakot at magdadalawang-isip na pumasok dito. May nakatira pa kaya rito? "Tara na." Nagsunud-sunod ang lakad namin nang mabagal hanggang sa marating namin ang pinaka-gate ng lugar. Sobrang itim din nito at halos bibigay na. Ang karatola na nagsasabing ito ay Nasea ay halos mahulog na dahil iisa na lang ang pakong nakakabit dito. At kahit nasa gate pa lang kami ay kitang-kita na namin ang wasak na wasak na mga gusali. Walang kabuhay-buhay ang lugar katulad ng Aru Bahal. Pagpasok namin ay saka pa lang talaga rumehistro sa amin kung bakit naging ganito ang lugar. Hindi lang basta may warak ang mga bahay at abandonado. Ang iba ay kalahati na lang ang natitirang nakatayo. Ang iba naman ay muntik nang matumba pero may nakaharang na isa pang gusali kaya ang nangyari, nakapatong iyon doon ngayon. Napakadelikado ng lugar na ito. "Grabe, dito tayo magtatanghal ng pagsusulit?" "Ano na naman bang pakana nila ngayon?" "Hindi maganda pakiramdam ko rito ah." Ako rin. Hindi rin maganda ang pakiramdam ko rito. Naglakad lang kami nang naglakad hanggang sa makarating kami sa partikular na lugar dito. Nandito kami ngayon sa open field na sa tingin ko ay nasa gitna ng siyudad. Para rin ito yung pinagdausan namin ng unang bahagi ng pagsusulit. Ang kaibahan lang ay walang nakatayo ni anong bagay rito. Purong lupang tuyo at patay lang. Nagbigay kami ng daan sa karwahe ng prinsipe para makapunta iyon sa unahan. Bumalik din kami sa pagkumpol-kumpol nang makadaan sila. Ang mga kawal naman ay nakapalibot na rin sa amin. Nakita naming unang lumabas yung lalaki at babae tapos ay lumabas na yung prinsipe. Humarap sila sa aming tatlo. Ang prinsipe naman ay tumayo sa gitna at ngumiti na parang proud na proud sa sarili. "Tingnan niyo ang lugar na ito. Ang ganda, 'di ba?" Huh? Pinagsasasabi nito? Tumawa na lang siya kahit walang nakakatawa at nagpatuloy sa pagsasalita. "Halata naman na siguro na ito ang lugar na pagdadausan ng inyong pagsusulit. Pero hindi nga lamang sa lugar na ito mismo na kinatatayuan natin. Kundi sa buong Nasea!" Napapikit-pikit at nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi. Parang nablanko ata ang utak ko sa sinabi niya. Sa buong Nasea? Ano namang gagawin namin sa buong siyudad na ito? Magtatagu-taguan? Eh halos mamuti na mata namin sa tagal ng paglalakad mula sa gate hanggang dito sa field. Ano naman kayang pagsusulit ito? "Hayaan ninyong isa sa mga kawal ang magpaliwanag." May umabante namang isang kawal na may dala-dalang scroll. Binukloat niya iyon at tumingin muna sa aming lahat bago binasa ang nasa scroll. "Para sa bahaging ito ng pagsusulit, kayong 60 na nakapasa ay mahahati sa 15 grupo na may apat na miyembro kada grupo. Maglalaban-laban ang bawat grupo upang makapasa. Upang makapasa kailangang makapagpatumba ang bawat grupo ng dalawang grupo." Kung ganoon, hindi talaga lahat kami ay makakapasa. Dinisenyo ang pagsusulit upang hindi makapasa ang lahat. Dahil kung may 15 grupo, limang grupo lang ang pinakamataas na maaaring makapasa kung kada grupo ay kailangang makapagpatumba ng dalawa. Kung iiwas lang kami ng grupo ko ay wala kaming mapapala. Kailangan talagang umatake at lumaban. Malaking problema ito. At isa pa, isa na namang labanan. Paniguradong may masasaktan na naman. Ayokong makita yung karumal-dumal na nakita ko kanina. Buti medyo malakas pa ang sikmura ko at di ako naduwal nang sobra. "Maari na kayong bumuo ng inyong grupo. Sasabihin ko ang karagdagang mga patakaran pagkatapos magkaroon lahat ng pangkat." Napatingin naman agad ako kay Rikinor na nasa tabi ko lang. Hinila-hila ko ang damit niya kaya napatingin naman siya. Ngumiti ako sa kanya nang pagkatamis-tamis para lang maiparating ang nais kong sabihin. Napahinga naman siya nang malalim. "Hindi bagay sa 'yo. Tara maghanap pa tayo ng dalawa. Ako na isa. Ikaw sa isa." Tumango naman ako at napasuntok na lang sa hangin. Buti na lang pumayag siya. Naghiwalay kami ng landas at naghanap ng maaaring kagrupo. Sa paglilibot ko ay nakita ko ang karamihan na may kagrupo na rin. Magkakakilala na ata sila bago pa magsimula ang pagsusulit. Nag-iisip naman ang iba ng magiging strategy nila para sa bahahing ito. Sa likod ng isang grupo, nakita ko naman ang babaeng iyon. Yung pinagtutulungan ng tatlong kalbo kanina. Nakatayo lang siya, nakasuksok ang kaliwang kamay sa bulsa habang pinaglalaruan naman ng kanang kanay niya ang isang kutsilyo. Lumunok ako at nag-isip kung isasama ko ba siya. Sa itsura niya at sa ipinakita niya kahapon, siguradong may ibubuga siya. Wala naman sigurong mawawala kung isasali ko siya. Sana lang wala nga. Naglakad ako papalapit sa kanya at napansin niya naman atang papalapit ako kaya napatingin siya sa akin. Nakatingin lang siya sa akin hanggang sa tuluyan akong mapalapit sa kanya. "Ahhh, gustong mong sumali sa amin? Kulang pa kami ng dalawa eh. Y-Yung kasama ko naghahanap na ng isa pa. Ako naman naghahanap din kaya... ito hehehe. Gusto mo sumali? P-Pero kung ayaw mo, pwede namang huwag na. Ayos lang. A-Ano? Sali ka," mahaba kong sabi. "Ano namang nakain mo at naisip mong sasali ako sa inyo?" "Ahhh, kasi wala kang kasama?" Patanong ko pang sabi. Itinaas niya lang ang kilay na para bang sinasabi na hindi niya ako kailangan o kung sino man. Alam ko namang kakaiba siya sa karamihan ng mga babae rito pero hindi niya naman kailangang umaktong kaya niya mag-isa. Saka isa pa, kung mag-isa siyang kikilos, ma-di-disqualified siya dahil kailangan ay grupo ang kikilos. Hindi rin siya magiging isang kawal. "Nasaan ang kasama mo?" Tanong niya. "Ah, nandoon. Naghahanap." Nakatingin siya sa akin nang bigla siyang maglakad papalayo. Hindi ko alam kung saan siya pupunta pero sinundan ko pa rin siya. Nakasunod lang ako sa kanya. "Turo mo sa akin kasama mo," rinig kong sabi niya. Agad naman akong umabante at tumango kahit hindi niya nakikita. Nilibot ko ang mata ko para hanapin si Rikinor. Nakita ko naman siyang kausap ang isang lalaki. "Ayun, oh! Siya! Ang lalaking may sugat sa katawan niya." Pinagmasdan niya muna ito bago dumiretso roon. Hindi ko alam kung anong balak niyang gawin pero bahala na. Sana lang pumayag siya. "Di ba ikaw si Rikinor?" Tanong niya sa kasama ko. Napatingin naman sa amin yung dalawang nag-uusap. Nginitian ko lang yung lalaking kausap ni Rikinor na ibinalik niya naman sa akin. "Kung ako nga?" "Ito kasing kasama mo, nagyayakag na sumama ako sa pangkat niyo. Gusto ko sanang sumali kaso may problema lang ako. Kung sasali man ako, hindi ako makakasiguradong makakapasa tayo. " "Paano mo naman nasabi iyan?" "Ni minsan, hindi ka pa nakapasa di ba?" Parang may natamaang nerve naman ata yung babae kaya kumunot ang noo ni Rikinor. Pero sumagot pa rin siya nang kalmado. "Eh, ikaw ano bang kaya mong gawin? Eh babae ka lang naman." Tumaas ang tensyon sa pagitan naming lahat. Hindi ako nakapagsalita ni ang kasama namin na lalaki na di ko alam kung sino. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko para huminahon sila. Kapag nagsalita pa ako ay baka ako ang mabugahan ng init ng ulo nila parehas. "Hmmm... di bale na. Ang mahalaga apat na tayo sa pangkat. Gawin na lang natin ang magagawa natin," sabi na lang ni Rikinor. Tiningnan pa rin siya nang masama ng babae pero hindi na siya umimik. Agad naglakad yung dalawa at sumunod naman ako. Sumunod din naman siya kaya iniisip ko na payag na talaga siyang maging kasama namin siya. "Mukhang nakabuo na lahat ng pangkat nila. Ngayon para naman sa karagdagang patakaran upang makapasa sa pagsusulit. Hindi kayo maaaring gumamit ng pisikal na lakas upang manalo." Napuno ng bulung-bulungan ang paligid. Nagtataka sa kung ano ang mangyayari. Maging ako ay natulala na lang din sa harap. "Sa halip, gagamit kayo ng mahika, mula man ito sa isang mahiwagang bagay o sa sarili ninyong mahika. Iyon ang kailangan niyong gamitin upang matalo ang inyong mga kalaban." Napanganga naman ako sa sinabi niyang iyon. Napatingin ako sa mga kasama kong mukhang kalmado lang. Yung isa pang lalaking kasama namin ay mukhang tuwang-tuwa pa. Pwes ako hindi. "Sakto. Matagal ko nang hinahasa ang mahika ng espada ko. Magagamit ko iyon dito." Pwede pala ang ganoon dito. Kung ganoon, nagmumula sa espada ang mahika niya. Eh ako? Saan ako kukuha ng mahika? Grabe, sa tagal ko sa bundok at sa Huliohi, ngayon pa lang ako makakakita ng totoong gumagamit ng mahika na tao. Paano kaya ako mabubuhay nito? Patay na. "Hoy, maghanda na kayo. Hindi magiging madali ang laban natin. Paniguradong hindi lang ganoon kadali ang magiging pagsusulit. May kung ano na naman silang hinanda panigurado." Napatingin naman ako kay Rikinor sa sinabi niyang iyon. "Anong sinasabi mo?" "Ganoon naman iyon lagi. May ginagawa sila na bahagi ng pagsusulit na hindi nila pinapaalam sa mga kalahok. Ginagawa nila iyon para lalong masubok at mahirapan ang mga kalahok. Kailangan nating mag-ingat." Kung ganoon may pa-twist pala sila rito. Naku, patay na talaga ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD