"Sa simula ng pagsusulit, maaari kayong pumunta sa kahit saang bahagi ng siyudad ninyo naisin. Makakarinig kayo ng hudyat sa pagsisimula ng pagsusulit. Huwag kayong mag-alala dahil kahit saang bahagi naman ng lugar ay maririnig ninyo ito. Pagkabigay namin ng hudyat, maaari na kayong maghanap ng pangkat na patutumbahin ninyo gamit ang inyong mahika. Muli, bawat pangkat dapat ay magpatumba ng dalawang pangkat. Kailangang ang mga miyembro lang mismo ng isang pangkat na iyon ang makapagpatumba sa isang pangkat. Kung sakaling may tatlo mang napatumba ang isang pangkat sa kabilang pangkat ngunit mula sa ibang pangkat naman ang nakapagpatumba sa natitirang miyembro ng pangkat, hindi niyo na maaaring patumbahin ang pangkat na iyon at uulit kayo at maghahanap ng ibang pangkat na patutumbahin. Ito ay para sa pangkat na nakapagpatumba ng mas maraming miyembro sa isang grupo..."
Hindi ko na masyadong naintindihan ang sinabi dahil sa sunud-sunod ito pero malinaw sa akin na kailangan makapagpatumba kami ng isang pangkat. Hinanda ko na ang sarili ko pero hindi ako sigurado kung may inihanda ba talaga ako. Wala akong mahika!
"Mayroon kang mahika, Leo. Gamitin mo iyon sa pagsusulit na ito."
Ayan na naman ang boses na iyon. Minsan talaga, kahit nandiyan siya at ginagabayan ako ay iniisip ko na lang na sana mawala siya. Paano ba naman kasi, tutulungan nga niya ako, pero puro clue at hint lang ang binibigay niya tungkol sa mga dapat kong gawin. Kailangan ko pang mag-isip. Hindi niya na lang sabihin nang diretso.
"Ano na namang pinagsasasabi mo?" sabi ko sa isip ko.
"Basta Leo. Kusa itong lalabas. Basta ibigay mo lang lahat ng makakaya mo," sagot naman nito.
Wala na ulit akong narinig sa kanya pagkatapos niyon. Itinuon ko na lang ang pansin ko sa nagsasalita sa unahan.
"Ang pagsusulit ay walang limitadong oras. Matatapos lang ito kapag nakamit na ang pinakamataas na bilang ng pangkat na maaaring makapasa. Sa ngayon ay 32 minuto na lang bago mag ika-pito ng umaga. Maaari na kayong maghiwa-hiwalay."
Sumunod naman kami sa gusto nilang mangyari. Nakasunod lang ako sa kanila. Ang iba ay bumalik sa dinaanan namin kanina ngunit kami naman ay pumunta sa direksyon na salungat niyon. Pinansin ko ang itsura nito mula sa malayo at pansin kong mas matatayog at mas marami ang mga gusali rito. Kung dito kami makikipagbakbakan ay siguradong mahihirapan ang kalaban namin at mahihirapan din kami. Pero dahil malakas naman yung dalawa sa amin at mukhang sanay na sa labanan, kakayanin na namin ito.
Napatingin naman ako sa nag-iisang di ko pa kilala.
"Psst."
Lumingon naman siya sa akin.
"Anong pangalan mo? Ako nga pala si Leo." Iniabot ko ang kamay ko sa kanya.
"Ako naman si Riki. Isa akong mag-aaral ng paggamit ng espada." Inabot niya naman ang kamay ko at nag-shake hands kami.
Hindi ko na ulit siya kinausap pagkatapos niyon at naghintay na lang na makarating kami sa kung saan man namin balak makarating. Si Rikinor ang nangunguna sa amin at mukhang alam niya ang lugar na ito. Kung maglakad siya ay tila ba tiyak siya sa kung saan ba talaga siya pupunta. At base kasi sa reaksyon niya kanina, mukhang alam niya na talaga na hindi maganda sa lugar na ito.
"Sa ngayon, magtago muna tayo sa isang liblib na lugar saka maggawa ng paraan para manalo. Mas mainam na rin na alamin ang kakayahan ng bawat isa," sabi ni Rikinor.
Napataas naman ang balikat ko sa sinabi niya. Anong sasabihin ko sa kanila? Na wala akong mahika? Ano kaya iyon? Eh di naging pabigat lang ako sa grupo saka baka hindi na nila ako lapitan pagkatapos ng larong ito. Saka, wala naman na silang pagpipilian dahil sakto lang ang bilang sa aming lahat na nakapasa.
Patagal nang patagal ang lakad namin at palayo na rin nang palayo. Hindi ko alam kung saan kami balak dalhin ni Rikinor pero hindi na maganda ang kutob ko rito. Alam ko ring mas maganda kung mas malayo pero hindi ba sobrang layo na namin nito? Saan ba talaga kami papunta?
"Kuya Rikinor, alam mo ba ang pasikot-sikot dito? Saan na ba talaga tayo papunta?" Tanong ni Riki.
"Huwag kang mag-alala. Malalaman mo rin. Malapit na tayo," sagot naman ni Rikinor.
"Hmm. Siguraduhin mo lang na maganda 'yang lugar na napili mo. Baka iyan pa ang ikatalo natin," singhal naman ni... ano nga ulit pangalan nito?
Tumalikod naman si Rikinor para harapin siya. Mukhang hindi na talaga siya natutuwa sa mga komento at singhal ni girl sa kanya.
"Kung pakiramdam mo naman pala ay matatalo tayo, hindi ka na sana sumama rito. Kahit pa magaling ka makipaglaban, mas magiging pabigat ka pa sa lalaking iyan," turo niya sa akin.
Pero hindi na nila ako pinansin at sumagot naman si girl sa kanya.
"Kahit naman hindi ko gustong mapunta rito, may pangarap naman ako. At gagawin ko ang lahat para marating ko iyon. Di katulad mo na naghahanap lang ata ng disgrasya sa buhay kaya kahit taon-taon ng nagsasanay at sumasali pa rin sa pagsussulit ay hindi pa rin makapasa!"
Akmang papatulan naman ni Rikinor ng sagot na malutong ang babaeng iyon kaya naman umawat na si Riki. Tama lang pala na siya ang nandito dahil hindi ko kayang kontrolin ang dalawang ito. Masyadong dominante.
"Tama na. Tama na. Hindi ito ang oras para mag-away. Ayokong malagay sa alanganin dahil sa alitan ninyo kaya kung maaari, isantabi na muna ninyo ang inis niyo sa isa't isa. Maaari ba?" mahinahong sabi ni Riki.
Humarap na naman ng muli si Rikinor sa harap at nagpatuloy sa paglalakad. Nakasunod lang kami sa kanya hanggang sa marating na nga namin kung saan kami papunta.
"Nandito na tayo."
Napatingin naman ako sa kung saan kami tumigil. Sa harap namin ngayon ay isang parang simbahan o templo na maayos pa ang gawa. Hindi ito sira at maayos pa ang pintura. Sa lahat ata ng mga imprastraktura rito ay ito lang ang nanatiling nakatayo. Halos lahat ng nasa paligid nito ay kulay gray at itim na pero ito ay kulay pula at ginto pa. Nakikita ko pa nga ang repleksyon ko sa gintong arko ng lugar.
"Dito muna tayo."
Sumunod naman kami sa kanya nang pumasok siya sa loob. Pumasok kami sa loob ng templo at wala kaming nakita kundi isang estatwa ng kung sino. Nasa gitna ng estatwa at sa paligid nito ay puro dingding at bintana na lang kasama ang kahoy na sahig. Sa parteng likod naman ng estatwa ay may mga pinto. Doon siguro kami sa isa sa mga pinto magtatago.
Nakatitig lang ako sa estatwa hanggang sa tawagin kami ni Rikinor.
"Halikayo rito."
Pumunta naman kami roon sa kung nasaan siya na nasa likod ng estatwa. Dali-dali kaming tumabi sa kinalalagyan niya.
Sa likod ng estatwa, ang sahig ay may puwang. Ang isang piraso ng kahoy ay maaaring tanggalin. Tinanggal naman iyon ni Rikinor at bumungad sa amin ang madilim na lugar. May hagdan naman pababa roon. Nauna nang bumaba si Rikinor.
"Sumunod kayo sa akin."
Nagdadalawang-isip man ay sumunod na rin ako. Naunang bumaba si Riki, sunod ang babae, tapos sunod ako. Hindi agad ako nakababa dahil bigla silang tumigil sa pagbaba. Hindi ko alam kung bakit dahil hindi ko kita at madilim pero bigla na lang nagbukasan ang mga ilaw. Si Rikinor ang nagbukas niyon. Sinenyasan naman niya ako na isara ang pinto na kahoy kaya iyon ang ginawa ko.
Ilang hakbang pa ay nakababa na kami. Sa lugar na pinagbabaan namin ay parang isang basement na ginawang laboratory. May mga kung anu-anong makina at may mga lagayan din na ang laman siguro ay mga bagay na pinaglumaan na.
Sa isang gilid naman ay may lamesa at tatlong upuan na lumang-luma na.. Saktong-sakto sa aming apat. Doon dumiretso si Rikinor at sumunod naman kami. Sa magkabilang gilid kami naupo ni Riki samantalang sa gitna naman si girl. Si Rikinor ay katapat niya na nakatayo at nakatuon ang dalawang kamay sa lamesa.
"Bago tayo gumawa ng paraan kung paano makakatalo ng dalawang pangkat, kailangan muna nating alamin ang kakayahan ng bawat isa. Nang sa gayon ay magamit natin ang isa't isa sa abot ng ating makakaya."
Tumingin siya sa aming lahat at tumigil sa akin. Tumaas pa ang isa niyang kilay sa akin. Iniiwas ko na lang ang tingin ko sa kanya.
"Kilala niyo na naman siguro ako kaya di ko na sasabihin pangalan ko. Ang mahika ko? Kaya kong gamitin ang mahika sa katawan ko sa pagpapalakas ng katawan ko at pagpapalakas ng mga banat ko."
"Hmph. Paano natin magagamit iyan kung sa pisikal na pakikipaglaban mo iyan nagagamit? Walang kwenta."
"Basta hindi ang natural na pisikal kong kakayahan ang gagamitin ko ay ayos lang iyon. Kaya walang magiging aberya. Ikaw ba? Anong mahika mo?"
"Hindi pa nga pala ako nagpapakilala." Tumayo siya kagaya ni Rikinor. "Ako nga pala si Meya. Ang mahika ko ay kaya kong pahinain ang katawan ng isang tao sa oras na mahawakan ko siya. Limang minuto lang ang itatagal niyon."
Umupo na ulit siya. Panigurado si Riki ang susunod at panghuli naman ako.
Patay.
Ano namang sasabihin ko sa kanila? Na wala akong mahika? Hindi kaya sila mismo ang pumatay sa akin?
"Ako naman, sa espada ko nagagamit ang mahika ko. Lahat ng tatamaan ng espada ko ay matatagalan ng isang minuto ang paghihilom ng sugat."
Inilabas niya pa ang espada niya para ipagmalaki. Ang espada niya ay may asul na hawakan na pabilog ang dulo. Ang patalim naman ay kulay silver. Hindi nga gaanong kalaki ang espada niya. Para ngang dagger lang iyon ehh.
"Espada na ang tawag mo diyan? Hindi ba kutsilyo lang iyan?"
Napangisi naman si Rikinor na para bang inaasahan niya na ang ganoong reaksyon mula sa kanya. Inilagay niya lang muli ang espada sa lagayan niya at umupo nang maayos.
"Huwag kang mag-alala. Espada talaga ito."
Tumayo naman si girl at umupo sa dulo ng lamesa malapit kay Riki.
"Kung ganoon, patunayan mo," nangingisi niya pang sabi.
Inilabas namang muli ni Riki ang espada niya. Pinaglaruan niya pa ito sa mga kamay niya. Nakita kong ini-aim niya ito sa kung saan at tumingin naman ako kung saan iyon. Sa tingin ko ay gusto niyang patumbahin yung bote na nakapatong sa cabinet sa likod. Nagulat naman kami nang mas mabilis pa sa liwanag niyang naibato iyon at tumama sa bote.
"Ohhh! Ang galing!
Hangang-hanga lang akong nakatingin sa bote na nabasag. Tumarak pa yung espada niya sa kahoy na dingding. Lumapit pa nga ako sa espada para lang makita kung anong dinulot nun sa dingding at para na rin makita nang malapitan kung anong meron dito.
Nagitla naman ako nang makarinig ako ng kalabog.
"Gag* ka ba?!"
Bigla na lang sinugod ng babae si Riki pero nakailag naman agad ito at nagtago sa likod ni Rikinor. Agad naman akong pumunta roon at nakita kung bakit bigla na lang sinugod ni girl si Riki. Este si Meya pala. Agad naman akong tumulong para pigilan siya. Hinawakan ko ang braso niya at bigla niya na lang akong siniko. Natamaan ang ilong ko kaya napaatras talaga ako. Hinawakan ko naman ang ilong ko dahil naramdaman kong may tumutulo roon at nakitang dugo iyon.
"Tumigil ka na. Gagamutin na lang natin iyan."
Tumingin lang nang masama si Meya kay Riki at bumalik na sa upuan niya. Tiningnan niya ang sugat sa braso niya na malaki pala. Agad akong lumapit sa kanya.
"Ayos ka lang?"
"Mukha ba akong ayos?" Singhal niya sa akin.
Tumingin naman sa akin na para bang nagbibigay ng senyas. Akala ko gusto niyang pakalmahin ko si Meya pero mukhang hindi iyon ang gusto niyang mangyari.
Ako na lang pala ang hindi pa nakakapagbahagi sa amin ng kakayahan.
"Wala akong mahika," diretsahan ko na lang sabi. Wala rin namang mangyayari kung pagtatakpan ko pa ang kawalan ko ng mahika. Mabubuko pa rin naman ako sa huli.
"Ahhh. Isang Kudli."
"Tsk. Hindi na nga maganda ang ugali ng mga kasama ko, may kasama pa akong Kudli rito," sabi naman ni Meya.
Ako naman ay naguguluhan sa mga pinagsasasabi nila.
"T-Teka, anong Kudli?"
"Mga huli na kung bigyan ng mahika. Sa madaling salita, mga walang kwenta.," sabi ni Meya. Grabe siya sa akin ah.
Napailing na lang si Rikinor at mas pinalawak pa ang sinabi ni Meya.
"Ang mga Kudli ay ang mga huli na kung mabiyayaan ng mahika. Kadalasan kasi ay bata pa lang lumalabas na ang mahika ng isang tao. Ngunit kung 10 taong gulang na siya ay wala pa rin siyang mahika, maituturing na siyang isang Kudli. Ngunit kung umabot na siya ng 30 taong gulang at wala pa rin, isa na siyang Delur, isang taong walang mahika. May dalawang klase ng mahika ang bawat tao. Mahika na nasa katawan at mahika na nakukuha sa isang bagay. Kung nasa isang bagay ang mahika mo, kusa iyong lalapit sa iyo. Ngunit kung wala talaga, eh di wala. "
Ha? Anong pinagsasasabi nila? Wala talaga akong mahika?! Pero maayos na rin siguro na ganoon para hindi sila mainis nang todo sa akin at abandonahin ako. Hehehe.
Natigil naman kami nang biglang yumanig ang lupa. May mga nalaglag na dumi mula sa kisame ng kinaroroonan namin. Nagpatuloy ang patigil-tigil na pagyanig na para bang may higanteng naglalakad. Nakakain na tuloy ako ng alikabok.
"Ano iyon?" Wala sa sariling sabi ko.
Tumigil ang pagyanig. At sunod naman ay isang malakas na pagsabog. Napayuko kaming lahat sa nangyari. Pagkatapos may narinig kaming boses mula sa labas.
"Ang ikalawang bahagi ng pagsusulit ay magsisimula ngayon na!"
Hays. Bahala na.