Chapter 24 - Meya

2176 Words
"Ano ng gagawin natin?" Tanong ko. "Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko magagamit ang mga mahika ninyo nang maayos at hindi rin naman tayo magkakasundo. Basta hangga't maaari, may mahuli tayong isang pangkat at dapat masiguro natin na walang ibang pangkat na maaaring makakuha ng puntos sa atin. Liblib naman ang lugar na ito at malayo kaya bihira lang ang mapadpad dito. Saka sa lahat ng narito, ito lang ang mukhang bago kaya siguradong maaakit silang pumasok dito." "Gumawa na lang kaya tayo ng patibong?" Suhestiyon ni Riki. "Hindi gagana ang patibong. Hindi naman sa lahat ng oras ay magkakasama ang bawat pangkat kaya hindi natin sila mahuhuli nang magkakasama. Kung sakali mang gumana ang patibong sa isa, maaalerto naman ang tatlo. Hindi maaari iyon," dagdag pa ni Rikinor. "Kung ganoon, anong gagawin natin? May problema pa tayo at walang mahika itong isang 'to," sabi naman ni Meya sabay turo sa akin. "Tayong tatlo ang may kakayanan sa labanan kaya tayo ang lalaban," sagot ni Rikinor. "Maaari naman sigurong tumulong si Leo sa ibang bagay. Tayong tatlo ang nasa unahan upang makipaglaban. Si Leo naman ang magiging alalay natin. Kumbaga sa likod lamang siya habang umaalalay sa atin. Ayos lang naman siguro iyon," sabi ni Riki. Sang-ayon naman ako kay Riki. Mas mabuti na nga siguro iyon para hindi ako masyadong maging pabigat. Pero mukhang may ibang ideya si Meya. "Madedehado tayo kung may isa sa ating kailangang protektahan. Dapat lahat tayo marunong makipaglaban," sagot pa ni Meya. "Hindi tayo madedehado kung maayos ang magiging pagkilos natin at walang papalya. Kailangan lang nating mag-isip ng mga gagawin at gawin ang dapat gawin sa takdang oras. Sa oras na may lumihis sa atin, doon tayo matatalo," sagot ni Rikinor. "Walang nakakaalam sa atin ng kakayahan ng kalaban kaya mabuti nang lahat ang lalaban. Mahihirapan tayo sa sinasabi mo dahil wala tayong kaalaman tungkol sa kanila," sagot ulit ni Meya. Iyon lang at tumigil na rin sila sa pagtatalo. Ako tuloy ang namomroblema rito dahil pakiramdam ko ako ang dahilan ng pagkakaganyan nila. Ako naman talaga, 'di ba? "Basta gawin na lang natin ang makakaya natin." At pagkatapos niyon ay pumunta na si Rikinor sa mga cabinet na nandito. "Maghanap na lang kayo ng maaari nating magamit. Marami-rami rin ito." Kaya naman nagsimula na rin kaming maghanap ni Riki habang si Meya ay iniinda pa rin ang sugat niya. Pumunta ako sa cabinet malapit doon sa hagdan. Karamihan ay mga libro lang naman ang nandito. Pero malay mo naman, may libro rito na makakatulong sa amin. Puro luma na ang mga nandito at sira-sira na rin ang mga pahina. Ngunit mababasa pa naman. Habang tinitingnan ko ang mga libro ay nakita ko ang isang librong pinakawasak sa lahat. Manipis lang yung libro. Ang cover ng libro ay butas-butas na. Sobrang brown na rin ng mga page. Binuksan ko iyon at nakita ang mga letra sa di kilalang lenggwahe. Nilipat ko pa ang mga pahina at pare-parehas lang din ang mga letrang nakikita ko. Pagbuklat ko sa susunod na pahina ay isang malaking litrato ng parang mapa ang nakalagay. May mga kung anong elemento pa na nakalagay sa gilid nito. Ang mapa ay puro bilog na may naka-drawing na kung ano sa loob. Mayroong limang bilog. Ang apat na bilog ay nakapahugis diyamante samantalang ang isa naman ay nasa gitna. May compass pa sa gilid ng bilog. Ang apat na bilog ay nakakonekta roon sa nag-iisa sa gitna. May nakasulat dito pero hindi ko naman alam kung ano dahil iba nga ang mga letra. Hindi ito makakatulong sa amin pero nakakaintriga kaya inilagay ko na lang ito sa bag ko. "Ano may nahanap na ba kayo?" "Puro libro lang ang mga nandito eh," sabi ko. "Ito," biglang sabi ni Riki. Nagpunta kaming dalawa ni Rikinor sa pwesto niya. Nakita namin ang iilang mga patalim at mga sandata na hindi namin malaman kung ano dahil ang komplikado ng pagkakagawa. Kinuha ko yung parang pana. May arrow ito sa gitna ngunit sa magkabilang dulo ang patalim nito. Ang gitna ng arrow ay parang may pagitan kung saan nakakabit ang tali sa gitna. Ang arrow na ito ay nasa ibabaw ng isang parang box. Sinubukan kong pindutin ang parang pindutan nito pakanan at bigla na lang itong tumama sa kanang pader ko. Muntik ko nang tamaan si Rikinor. Buti na lang hindi nangyari iyon. Tiningnan ko naman ang mga nasa paligid ni Riki at nakitang may mga reserbang pana roon. Ito na lang siguro ang gagamitin ko. Kinuha naman ni Rikinor ang isang hugis sibat na sandata. Ewan ko kung magaling siya doon. At para naman kay Meya, binigay sa kanya ni Rikinor ang isang scythe na may kakaibang disenyo ng patalim. Parang scales ng isang dragon ang itsura nun at kulay itim pa. At di katulad ng normal na scythe ay hindi malaki iyon at bagay lang talaga sa kamay ni Meya. Dalawa iyon na maaari niyang magamit. Nang makitang handa na ang lahat at may mga sandata na. Tinipon ulit kami ni Rikinor sa lamesa. "Ito ang mangyayari. Lalabas tayo rito. Hindi nila maaaring malaman ang lugar na ito. Doon lang tayo sa loob sa taas. Magtatago tayo sa isa sa mga kwarto roon. Kilos na." Nauna na si Rikinor na umakyat. Sumunod naman kami. Nang makaakyat kaming lahat ay agad ko ng sinara ang pinto at pumasok sa isa sa mga pinto. Napagpasyahan naming pumunta roon sa pinto sa pinakagilid malapit sa isang paso sa kanan. Nauna na sila at nahuli naman ako. Sa loob ng silid ay ang isang kama. Mukhang isa lang itong ordinaryong kwarto. Medyo malaki ang kwarto at may iba pang mga pinto sa loob nito.Hindi ko alam kung paano nagkaroon ng kwarto sa isang templo pero bahala na. Nilibot ko ang kwarto at wala namang kakaiba. Binuksan ko yung isang pinto na malapit sa bintana at nalamang banyo iyon. Pinasok ko na rin ang isang pinto at doon naman ay parang walk-in closet. May nakikita kasi akong napakaraming damit. Sa sobrang curiosity ay pumasok pa talaga ako sa loob. Puro damit ng isang babae ang nandito. Mga lumang baro at saya. May iilan ding mga bakya. Hinawi-hawi ko ang mga damit para makita pa lalo ang mga detalye niyon. Nang makarating sa dulo, nang paghawi ko ay may nakita akong isang parisukat na taklob sa dingding. Parang puwang na tinakpan ng kahoy na parisukat. Hahawakan ko sana iyon nang tawagin ako ni Riki. "Leo, halika na. Kailangan nating magsama-sama." Tumango na lang ako at lumabas na roon. Pagkarating ko roon ay naabutan ko si Meya na nakahiga sa kama na para bang nanghihina. Nakatayo si Rikinor sa gilid niya habang nakapameywang at si Riki naman sa paanan niya. Habol-habol niya ang kanyang paghinga at ni hindi na makamulat. Nakapokus kasi siya sa paghinga. "Anong nangyari sa kanya?" Tanong ko kay Rikinor. "Hindi ko alam. Bigla na lang siyang bumagsak sa kama. Inayos ko na lang ang pagkakahiga niya," sagot niya naman. Hindi kaya may sakit siya? "Riki, ano bang meron sa espada mo? Baka naman may kung ano doon kaya nagkakaganyan siya," tanong ni Rikinor. "Wala akong nilagay na kung ano roon. Tanging mahika lamang ang meron doon. Saka kung mayroon man akong nilagay na kakaibang elemento roon, dapat may nangyayari na sa sugat niya mismo. Kaso wala naman." Napatingin naman ako sa sugat ni Meya at wala ngang nangyayari. Ganoon pa rin naman iyon. May tumutulo pa ring dugo dahil sa mahika ni Riki pero wala na namang kakaiba bukod doon. "Kailangan nating mag-iba ng plano. Leo, ikaw na pumalit kay Meya. Sa unahan ka na rin. Ngunit poprotektahan ka pa rin namin. Malayuan ang napili mong sandata kaya mabuti nang malayo ka sa kalaban. Kami na ang bahala ni Riki sa malapitan." Lumunok na lang ako at tumango. Sakto naman nang pagkatapos ng pag-uusap naming iyon ay may narinig kaming kalabog sa labas. Agad kaming naalertong tatlo. Inihanda ko na ang sandata ko kahit medyo alam ko pa lang ang sandata na ito. "Kailangan nating lumabas dito. Hindi nila maaaring makita si Meya nang ganito." Tama si Rikinor pero hindi naman naming pwedeng pabayaan si Meya rito. At kung magtatago man kami malapit sa kwartong 'to, madali lang din nilang makikita si Meya. Hindi lang ito tungkol sa pagkapanalo namin o pagpasa sa pagsusulit. Tungkol na rin ito sa kaligtasan ni Meya. "Doon na tayo mismo sa may pinto mag-abang," sabi ni Rikinor. Sumunod na lang ako sa kanya. Sigurado namang gagawin niya ang lahat para na rin kay Meya at sa pangkat. Lumabas na kami sa kwarto. Agad kaming tumakbo sa likod ng estatwa at nagtago roon. Sumilip kami roon sa pinakapasukan ng templo at nakitang may mga tao roon sa labas. Nakaupo sila sa mga bato habang pinagmamasdan ang templo. Lahat sila ay mukhang mga barako. Sa gitna nila ay may isang mukhang pinakabarako sa kanila. Hindi na normal ang pagiging maskulado niya dahil sobrang laki na ng mga muscles nito. Wala siyang buhok sa ulo pero abot dibdib naman ang nasa may baba. Nakatirintas pa. Wala rin siyang pang-itaas at pantalon lang ang suot. Cargo pants ata ang tawag doon. May malaki rin siyang armas na hawak. Ewan ko kung saan niya nakuha iyon. Mukhang bazooka eh. "Mga kasama, mukhang maganda itong lugar na ito! Dito muna tayo mamalagi," sabi nung katabi nung boss nila. "Sandali," pagpigil naman ng boss nila. "Tingnan niyo muna kung malinis ang lugar. Pagkatapos saka tayo mamalagi rito." "Eh, pinuno, mukha namang malinis ang loob ng templo. Tingnan niyo nga oh, mukhang bagong-bago pa ang pintura." Agad namang natanggap ng batok ang lalaking iyon sa pinuno nila. Napahimas tuloy siya sa ulo niya. "Tang*! Ang ibig kong sabihin, tingnan niyo muna kung may mga tao. Kung wala, mananatili na tayo rito at magpapahinga muna. Kung meron, alam niyo na ang gagawin." Napatango na lang sila sa pinuno nila. "Masusunod, pinuno!" Nagsimula na silang maglakad papunta rito sa mismong templo. Nagkatinginan na lang kaming tatlo. "Si Raisen iyon. Delikado tayo rito. Lalo na si Meya." "Ano bang kakayahan niya?" Tanong ko. "Siga iyan sa lugar namin. Kaya niyang gumawa ng pampasabog gamit ang armas niya at ang kanyang mahika." Kung ganoon, para ngang bazooka ang sandata niya. Isang putok niya lang maaari kaming mamatay lahat. Ngunit hindi niya naman siguro gagawin iyon dahil gagawin nga nila itong tuluyan. At isa pa, hindi kami sigurado kung makakapasa ba ang pangkat na papatay ng tao para magpatumba. Saka teka nga, diba dapat apat lang sa isang pangkat? Bakit parang ang dami naman nila? "Umalis na tayo rito. Hindi maganda kung aabutan nila tayo. Saka di natin sila kayang labanan lahat." Kaming dalawa ni Riki ay sumang-ayon sa kaniya. Ngunit hindi kami basta-basta makakaalis dito sa likod ng estatwa. ""Leo, mauna ka na sa baba. Susunod kami ni Rikinor sa'yo. Isasama namin si Meya." Dahan-dahan kong tinanggal ang kahoy na pintuan sa baba upang makapagtago kami. Nang mabuksan iyon ay unti-unti na akong bumaba sa hagdan, sapat lang para di ako makita ng mga kalaban. Mabilis na kumilos ang dalawa upang makabalik sa kwarto. Ilang segundo ang lumipas at nakita ko na silang akay-akay si Meya. Sinubukan ni Meya na maglakad nang sarili niya pero masyado siyang mahina at hapong-hapo. Hindi kakayanin ng katawan niya. Magawa niya mang makalakad hanggang dito ay siguradong mag-iingay siya. Binuhat na siya nang bridal style ni Rikinor. Matagumpay naman silang nakarating dito nang hindi nag-iingay. Ang problema, paano sila makakapasok dito sa napakaliit na butas. Imposibleng hindi sila gumawa ng ingay. Malapit na rin siguro rito papasok ang mga iyon. Kailangan naming magmadali. "Riki, mauna ka na," pabulong na sabi ni Rikinor. Gaya ng sabi niya ay nauna na nga si Riki. Nauna na rin akong bumaba sa mismong silid. Nakaantabay lang ako sa baba para kay Meya. Seryoso na talagang nanghihina siya. Inalalayan na ni Riki pababa si Meya. Naging dahan-dahan ang paggalaw ngunit gumawa iyon ng ngitngit sa kahoy. Siguradong naalerto ang mga kalaban. Wala na kaming magagawa dahil gagawa at gagawa talaga iyon ng ingay. Ang magagawa na lang namin ay bilisan ang pagkilos at magtago rito sa baba kahit pa malaman nilang nandito kami. "Pinuno, may narinig kaming ingay rito!" Lahat kami ay hindi nakagalaw. Tinatantya ang sunod na galaw ng kalaban. "Tingnan ninyo!" Nagmadali na kami. Agad na pinasa sa akin ni Riki si Meya at agad ko naman siyang dinala sa lamesa at inihiga. Bumaba na rin si Riki at mabilis na sumunod si Rikinor. Kasabay ng pagsara ng pinto ay ang papalapit na mabibilis na yabag ng mga kalaban sa estatwa. Buti na lang, hindi kami nakita. Hindi nakita si Rikinor nang isara niya na ang pintuan. "Nasaan na iyon?" "Baka naman pusa lang iyon. Masyado kayong nag-iisip." "Paano magkakaroon ng pusa rito eh patay na 'tong lugar na ito?" Hindi na lang namin sila pinansin. Sa ngayon, mahalaga na gumaling si Meya. Nakasalalay sa amin ang buhay niya at nakasalalay sa kanya ang pagpasa namin. Hindi maaaring magpatuloy na mahina siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD