"Ano na ang gagawin natin? Ni hindi natin malaman kung anong nangyayari kay Meya," sabi ko.
Tumaas na ang temperatura ni Meya. Ni hindi namin malaman kung ano ang dahilan ng pagkakaganyan niya. Yung hiwa na galing sa espada ni Riki ay magaling na. May namuo nga lang na mahabang sugat mula roon.
Dahan-dahan akong lumapit kay Meya. Natutulog na siya ngayon at hindi na rin masyadong hinahapo. Pero mataas ang temperatura niya at mukhang nilalagnat na nga. Wala namang kahit ano rito na makakatulong sa kanya. Kung nakapagpapagaling lang ang mga libro rito ng lagnat, kanina pa siya maayos. Sana lang ay lagnat lang talaga ang mayroon siya at wala nang iba pang ibig sabihin iyon.
Hinawakan ko ang noo niya at kinapa kung gaano siya kainit. Meron pa naman ata akong tubig dito sa bag na maaaring makatulong sa kanya na pababain ang temperatura niya. Inilabas ko iyon at kumuha ng towel. Binasa ko nang kaunti ang bimpo at pinunasan ang noo niya.
"Gagaling din si Meya. Hintayin na lang natin na magising siya," sabi ni Rikinor.
Sumang-ayon na lang ako sa kanya sa pamamagitan ng pagtango.
Pagkatapos magsalita ni Rikinor ay agad kaming nakarinig ng parang tunog ng wangwang ng sasakyan. Sobrang lakas niyon dahilan para magising si Meya. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at bumangon.
"Anong nangyayari?" Tanong niya na kinukusot-kusot pa ang mata. Malayo sa palagi niyang boses siga, paos na ang boses niya nang magsalita.
Agad akong pumunta sa tabi niya at inalalayan siya patayo. Ibinaba ko siya sa lamesa at pinaupo sa isa sa mga upuan habang nakapatong ang kanyang mga paa sa isa pang upuan.
"Hindi rin namin alam."
Nagpatuloy ang pagtunog ng wangwang. Hindi namin alam kung hanggang kailan iyon tutunog at kung bakit iyon natunog. Naghihintay na lang kami sa sususnod na mangyayari habang inaalagaan si Meya. Hindi man kami ganoong maalam at magaling sa pag-aalaga dahil kadalasan iyong gawain ng babae, marunong naman kami niyon kahit papaano kaya nagiging maayos na paunti-unti si Meya.
"Makinig ang lahat ng kalahok. Makinig ang lahat ng kalahok," narinig naming sabi ng kung sino pagkatapos tumigil ng wangwang.
Naging alerto naman kaming lahat at hinanda ang tenga sa pakikinig sa mga susunod nilang sasabihin.
"Ang ikalawang bahagi ng pagsusulit ay hindi na matutuloy. Inuulit ko, ang ikalawang bahagi ng pagsusulit ay hindi na matutuloy. Lahat ng kalahok ay mangyaring bumalik sa lugar na pinagtipunan kanina. Muli, lahat ng kalahok ay mangyaring bumalik sa lugar na pinagtipunan kanina. Maraming salamat."
Nagkatinginan naman kaming lahat, nagtataka sa kung ano ang nangyayari at bakit bigla na lang hininto ang pagsusulit. Pero sa tingin namin ay mabuti na rin iyon dahil hindi nga maayos ang kondisyon ni Meya at hindi makabubuti sa kanya at sa grupo kung magpapatuloy ang pagsusulit. Buti na lang talaga.
"Paano kaya iyon? Eh di wala ng sundalo na makakapasok ngayon?" Sabi ni Riki.
Kumuha lang ng sigarilyo si Rikinor at sinindihan iyon, pagkatapos ay humithit.
"Hintayin muna nating mawala ang mga taong iyon sa taas bago tayo lumabas at pumunta roon," sabi na lang niya pagkatapos humithit at hindi sinagot ang tanong ni Riki.
Pinakinggan ko kung nandoon pa ba sila. Naririnig ko pa rin ang mga yabag nila at ang mga mahihinang boses. Hindi namin maintindihan ang sinasabi nila pero hindi namin naririnig ang mga yabag nila papalayo at papalabas. Sa halip, mas nakarinig pa kami ng mga yabag papasok dito. Ano namang balak nilang gawin dito sa templo?
"Aishhhh." Bigla na lang tinapon ni Rikinor ang sigarilyo niya at naglakad sa tapat ng pintuan. Malamang nag-iisip siya ng gagawin dahil naririnig niya rin ang paparaming mga tao sa loob.
"Umalis kayo diyan," sabi ni Rikinor.
Nagmadali naman akong umalis at hilahin ang upuan ni Meya papalayo sa lamesa. Dahan-dahang iniangat ni Rikinor ang lamesa. Inilagay niya iyon sa gilid at iniangat ang isang piraso ng kahoy sa sahig.
Huwag mong sabihing may pintuan na naman dito?
Nang matanggal ang kahoy ay may maliit na naman akong puwang na naaninag. Tumitig pa roon saglit si Rikinor bago ilagay ang kamay niya sa loob na para bang may kukunin. Inilagay niya nga roon ang mga kamay niya at may kinuha. Sa pag-angat ng mga kamay niya ay may isang kahon siyang hawak. Inilapag niya iyon sa isang cabinet at ibinalik ang lamesa. Kinuha niya naman ang bag ko na nasa sahig at binuksan. Pagktapos ay inilagay niya roon ang kahon.
"Itago mo ito nang mabuti at huwag na huwag mong papakialaman ang laman. Mahalaga ito kung gusto mong mabuhay," sabi ni Rikinor habang nilalagay ang kahon na iyon sa bag ko.
Inisalpak niya sa dibdib ko ang bag ko at tinanggap ko naman iyon. Agad ko itong isinukbit sa balikat ko para hindi mawala.
"Paniguradong naghahanap ng yaman dito ang mga iyon. O kahit anong gamit na maibebenta," sabi ni Riki.
"Panigurado. Pero wala naman silang mahihita sa templong ito. Magmumukha lang silang mga tang* kakahanap."
Ilang saglit pa ay nawala na nga ang mga tao sa taas. Unti-unti naming narinig ang mga yabag nila papalayo sa estatwa at papunta sa direksyon kung nasaan ang pinto. Syempre, hindi pa rin kami nakasisiguro na wala na sila roon kaya naghintay pa kami rito ng ilang minuto hanggang sa wala na talaga kaming narinig na mga yabag.
"Tara na. Mahuhuli na tayo," sabi ni Riki.
Nauna nang naglakad papunta sa taas si Rikinor. Sumunod na rin si Riki. Agad namang tumayo si Meya mula sa kinauupuan niya at sumunod na rin.
"Teka, kaya mo ba?" Tanong ko sa kanya.
"Hindi ako mahina. Kaya kong maglakad at umakyat ng hagdan," sagot niyang parang naiirita pa.
"Pero nilalagnat ka kasi. Baka---"
"Maaari ba? Huwag kang masyadong mag-alala sa akin dahil hindi ko kailangan ng pag-aalala mo at hindi kita nobyo," galit niyang sabi.
Natahimik na lang ako at hinayaan siyang irapan ako bago siya maunang maglakad. Nang magsimula na siyang umakyat sa hagdan ay saka ako sumunod para na rin alalayan siya. Kahit naman magaling siya sa pakikipaglaban, pare-parehas lang naman kaming mahihina sa lagnat. Wala iyong kinalaman sa pisikal na kakayahan.
Inalalayan paakyat ni Rikinor si Meya. Hindi namin siya hinahayaang gawin ang mga bagay nang mag-isa. Nang makaakyat si Meya ay napahiga siya sa sahig at agad naman siyang inalalayan patayo. Nang makatayo na si Meya ay sumunod na ako sa taas. Nang makarating doon ay ako na rin ang nagsara ng pinto.
Nanatili muna kami sa may likod ng estatwa at sumilip naman sa labas si Rikinor. Nang walang makitang ano mang banta ay saka niya kami pinakilos.
"Tara na."
Nagsimula na kaming maglakad papalabas ng templo. Sumilip muna ulit kami kung may tao pa pero wala na talaga. Naunang maglakad si Rikinor habang nasa magkabilang gilid naman kami ni Riki ni Meya. Kahit sugat na lang ay iniinda niya pa rin kaya nakahawak siya sa braso niya. Sobrang bagal niya na rin maglakad. Ilang saglit lang ay mukhang nainip na ata si Rikinor at binuhat na si Meya sa kanyang likod.
"Oy, gag*! Wala akong lakas makipaglaban sa iyo ha kaya maaari ba, ibaba mo ko," utos ni Meya.
"Huwag ka nang makulit. Walang mapapala iyang pagiging matigas mo," sabi ni Rikinor.
Nagulat na lang ako nang tampalin ni Meya ang sigarilyo ni Rikinor sa bibig, dahilan ng pagkakapaso niya. Imbis na tampal kasi patagilid ay yung dulo ang tinampal niya kaya ayan. Kundi ba naman tang*.
"Aray!" Angal ni Meya na hinihipan-hipan ang kamay niya.
"Manahimik ka na kasi," komento naman ni Rikinor.
"Hindi naman kasi ako lumpo. Ibaba mo na ako!"
"Manahimik ka na lang. Hindi kita ibaba."
At nanahimik na nga silang dalawa. Nanatiling ganoon ang pwesto nilang dalawa. Buhat-buhat ni Rikinor si Meya at mukhang hindi naman siya napapagod. Maya't maya ay nagpapahinga rin kami dahil baka makuba na si Rikinor. Iyon nga lang, kahit magpahinga kami ay hindi mapapawi ang uhaw at gutom namin.
"Wala bang makakainan dito? Gutom na ako eh," reklamo ko sa kanila habang pinapaypayanang sarili gamit ang kamay.
"Wala kang makakain dito. Malay mo may inihanda silang pagkain doon para sa 'tin di ba?" Maligayang sabi ni Riki.
Asa naman siya.
"Pakiramdam ko walang ganoong mangyayari," sabi ko na lang.
Nagpatuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa may mga nakasalubong na kaming mga pangkat na naglalakad din. Yung isang pangkat na nakasalubong namin ay halos pare-parehas na ng mukha. Pare-parehas silang mahahaba ang buhok, may bilog na salamin, at may hawak na libro. Grupo siguro ito ng mga geek. At mukhang magkakakilala na sila simula pa lang.
"Ang magkakapatid na Elmer. Hayss. Umiwas na lang tayo sa kanila. Ayokong makasabay iyang mga iyan. Nakakadiri," sabi ni Riki.
Kaya ganoon nga ang ginawa namin. Umiwas na lang kami sa kanila at naglakad sa ibang daanan. Buti na lang, hindi na nakipag-usap pa ang magkakapatid daw na iyon dahil baka nagkagulo pa kami.
Ngayon naman hindi ko alam kung nasaaan kami pero alam kong alam naman na ni Rikinor kung saan ito. Hinahayaan ko na lang siyang mamuno at gumabay sa amin.
Sa mga nadadaanan namin, puro malalaking bato na ang naroon. Ang mga batong ito o semento ay mula sa mga bumagsak na building. Nahirapan pa kaming dumaan dahil puro patulis ang mga bato at nakalabas na ang mga pundasyon na bakal. Maaari kaming matusok niyon kaya kailangan naming mag-ingat. Sa pagkakatanda ko, may alam si Rikinor sa nangyari rito.
"Rikinor, ano pa lang nangyari sa lugar na ito?" Tanong ko sa kanya.
"Malalaman mo rin iyan. Saka di ko alam ang buong nangyari. Basta ang alam ko lang, yung kupal na prinsipe at ang ama niya ang may gawa nito. Nakita mo naman kung gaano niya ipinagmamalaki ang nagawa niya kanina diba?"
Sa naaalala ko kanina, tinaong kami nung prinsipe kung maganda raw ang gawa niya. Ibig sabihin, ito ang tinutukoy niya? Napakawalang hiya naman ng taong iyon. Sana mawala na sila sa pwesto ng ama niya.
Saka kamusta na kaya siya? Yung Reyna Sodefilia na tinutukoy ni Hiraya? Sana ayos lang siya. Masyado ata akong nagpapanic sa mga nangyayari sa akin dito na nakalimutan ko na kung bakit nga ba ako nandito. Inihinto ang ikalawang bahagi ng pagsusulit ngunit 'di ibig sabihin na wala ng magiging pagsusulit o wala ng ibang pakulo ang mga iyon. Kailangan kong masiguro ang pwesto ko sa pagiging sundalo ng pamilya ng hari.
"Malapit na tayo," sabi ni Rikinor.
Totoo sa sinabi niya, naaninag ko na nga yung malaking field. Nandoon pa rin ung sinakyan ng prinsipe pati ng dalawa niyang kasama. May iilan na ring mga kalahok doon na tulad ko.
"Siguro, sasabihin na nila ngayon ang mangyayari sa pagsusulit."
Hindi na lang ako nag-react at nagpatuloy na sa paglalakad. Malapit-lapit na rin kami at sa wakas makakapagpahinga na. Kaso iyon nga lang, sa naaaninag ko, walang mga pagkain at tubig. Hindi pa rin ako makakakain. Mamamatay ako sa gutom nito eh.
Tuluyan na nga kaming nakarating doon sa field. Karamihan ay nakaupo na sa lupa at nagpapahinga. Napagod kasi kaming lahat para sa wala. Pero sa tingin ko mas gusto naman ng lahat na ganoon nga ang nangyari. Ang ibig kong sabihin, walang nakapasa pero wala ring natalo. Mas ayos na siguro iyon, 'di ba?
"Ano na naman ba itong kalokohan na 'to? Bakit hindi natuloy ang pagsusulit?" Rinig kong sabi ng kung sino sa malalim na boses.
Tumingin ako sa direksyon na napakinggan ko at napapikit na lang ng mata at napahilod ng noo.
Yung kalbo na naman pala iyon. Yung tatlong kalbo ay magkakasama na naman at yung pinuno nila ang nagrereklamo. Walang pinagbago. Hindi ba pwedeng manahimik na lang siya?
"Pinuno, kumalma ka muna. Baka naman may nangyari lang kaya hindi muna tuloy iyon," pag-awat ng isa niyang kasama.
"Kung ano mang nangyari, wala na tayong kinalaman doon! Makinig ka ha! Halos matalo na natin yung isang pangkat kanina ngunit dahil sa patalastas ng mga iyan, nawala lahat iyon! Muntik ko na ngang mabasag ang bungo ng isa sa kanila, 'di ba? Kaya dapat lang na matuloy iyon!"
"Pinuno, tumigil ka na. Baka kung anong gawin ng prinsipe," sabi naman ng isa pa.
Nanatili lang silang nag-aaway hanggang sa nakarating na ang ibang pangkat. Nang makumpleto na ay umayos na muli ang mga kawal at pumaligid sa amin. Tumayo na rin ang tatlong maharlika na nasa unahan.
"Mga kalahok sa pagsusulit, pasensya na ngunit hindi maaaring ipagpatuloy ang pagsusulit sa kadahilanang may isang problemang dumating sa bansa na kailangan naming puntahang tatlo. Ngunit hindi naman maaaring walang maging bagong sundalo sa taong ito kung kaya, ang makakapasa sa pagsusulit ay pipiliin namin mula sa kahusayan ninyo sa pagpasa sa unang bahagi ng pagsusulit. Iyon lang at maraming salamat. Mauna na kami sa inyo."
Agad na silang naglakad papunta roon sa sasakyan nila. Hindi na sila lumingon pa at nauna na silang umalis. Naiwan kaming lahat dito na hindi alam ang gagawin at pupuntahan. Basta ang alam lang namin, hindi tuloy ang exam.
"Paano na tayo ngayon?" Tanong ng isang kalahok.
Wala namang makakasagot sa amin niyan.
Ano? Ganun-ganun na lang iyon? Hindi tuloy ang pagsusulit tapos sabay alis? Maiwan na lang talaga kami rito? Aba'y ayos talaga ang pamunuan ng pagsusulit na 'to.
"Kayong lahat, sumunod kayo sa amin!"
Lumingon kami sa nagsalitang iyon na kawal. Siya siguro ang naatasang mag-alaga sa amin. Kawawa naman siya. Mahihirapan siya sa amin lalo na't wala ang pinuno nila.
"Sa ngayon, kayong lahat ay mananatili muna sa kuta ng mga kawal ng bansa. Doon kayong lahat pansamantalang titira hanggang sa lumabas ang kinalabasan ng pagsusulit. "
Panibagong lakad na naman. Hindi ba nila kami pagpapahingahin hangga't hindi kami nakakarating doon?
Dahil di na ako makatiis, nagtaas na ako ng kamay. Napatingin naman sa akin ang tatlo kong kasama at pati na rin ang iba.
"May pagkain ba roon?" Mukhang na-disappoint naman ata siya dahil bumaba ang balikat niya.
"Lahat ng kakailanganin ninyo, tulugan, pagkain, tubig, at kung anu-ano pa ay mabibigyan kayo roon. Huwag kayong mag-alala. Aalagaan kayo roon."
Nakahinga naman kaming lahat nang maluwag. Halos magdiwang na ang lahat maliban na lang doon sa walang buhok na halos umusok na ang tuktok sa sobrang init ng ulo. Basta ako, okay na sa akin iyon basta may pagkain.
"Hoy, wag kang masyadong matuwa. Hindi pa natin alam kung saang kuta tayo mapupunta. Huwag kang masyadong pakasaya."
Panira talaga si Rikinor pero bahala siya diyan. Ang mahalaga makakapagpahinga na kami . At makakawala muna ako sa banta ng kamatayan.