Chapter 26 - Kampo

2600 Words
"Buti hindi nila tayo palalakarin ngayon. Kawawa naman si Meya," sabi ni Riki. "Di ko kailangan ng awa mo, hayop ka. Akala mo ba nakalimutan ko na ang ginawa mo?" Sagot naman ni Meya. "Huwag na kayong mag-away. Umakyat na kayo." Nauna nang umakyat si Rikinor at sumunod naman ako. Inalalayan ko si Meya pataas pero tinampal niya lang ang kamay ko at kumapit sa braso ko. Huli namang umakyat si Riki. Nagsunud-sunod ang pag-akyat ng mga kalahok dito sa karwahe hanggang sa maabot ang bilang na nais nila sa isang karwahe. "Ayos na ito! Maaari na kayong umalis." Sinarado ng kawal ang karwahe at tinampal ang pinto nito. Sumakay naman na ang isang sundalo doon sa unahan para mag maniobra ng karwahe palabas ng Nasea. Tahimik lang ang lahat sa loob. Medyo awkward nga dahil tahimik pero di ko na rin nanaiising magsalita. Medyo nakakatakot din dahil kasama ko rito yung pinuno ng mga kalbo pati na rin ang ibang namumukhaan kong nasa templo kanina. Hindi naman pamilyar sa akin ang iba pero mukha namang di sila mananakit kaya di ko na sila inalala. Ang nakakapag-alala talaga ay itong kalbo na ito. Magkatapat sila ngayong dalawa ni Rikinor. At ang sama ng tingin niya rito. Pero si Rikinor ay parang wala namang pakialam. Nahihiwagaan na talaga ako sa mga bagay na ito tungkol sa pagsusundalo. Alam ko na naman na kakaiba ang mundong ito pero hindi ko inasahan ang mangyayari rito sa pagsusulit na 'to. Pakiramdam ko tuloy ay binalak talaga nilang patayin kami sa pagsusulit dahil napakabuwis-buhay ng ginawa naming iyon, lalo na ang unang pagsusulit. At mas nakakapagtaka pa ang qualifications nila para maging sundalo. Sobrang laki ng pagkakaiba ng bawat kalahok sa pisikal na katangian at lalo na sa pag-uugali. Halimbawa na lang ay ang kalbong ito. Masyado siyang barako at mahilig sa pagdanak ng dugo kahit na hindi naman karapat-dapat na dumanak ang dugo at patayin ang mga taong iyon, lalo na't wala silang kalaban-laban sa kanya. At kaiba talaga sa mundo namin, ni minsan ay wala pa akong nakitang gumamit ng baril. Yung bazooka medyo malapit na pero yung mismong baril kagaya ng pistol o sniper gun ay wala pa akong nakikitang gumagamit. Nakapagtataka tuloy kung para saan ba talaga ang mga sundalo. Nagulat na lang ako nang makita ko si Rikinor na kumuha ng sigarilyo sa bulsa niya. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya pero alam kong dapat ko siyang pigilan sa binabalak niya. "Hoy, ano iyan?" Tanong ko sa kanya. "Sigarilyo. Bulag ka ba?" "Alam kong sigarilyo iyan! Ibig kong sabihin, bakit naglalabas ka ng sigarilyo rito? Nasisiraan ka na ba?" Pabulong kong sigaw sa kanya. "Pakialam ba nila." "Sira ka. Ang sama na ng tingin sa iyo ng nasa tapat mo," sabi ko na lang. Sumilip pa ulit ako at nakitang ang sama nga ng tingin niya kay Rikinor. Hindi maganda kung mabwisit pa siya. Nakakainis kaya ang amoy ng sigarilyo. Bago ko pa siya mapagsabihan na huwag ng manigarilyo dahil bukod sa mabaho ang usok ay maaari itong simulan ng away, nasindihan niya na iyon. Napatakip na lang ako ng ilong bago pa siya bumuga ng usok. Nang bumuga siya ng usok ay lumapit pa talaga siya sa mukha ng kalbong iyon at doon bumuga. Napadilat na lang nang husto ang mga mata ko at nagulat sa ginawa niya. Sinasadya niya talagang bwisitin siya. "Gag* ka talaga noh!" Akmang susuntukin niya na si Rikinor pero pinigilan siya ng kasama niya. Kalmado namang naninigarilyo si Rikinor. "Hoy, Cedarr. Umayos ka. Baka nakakalimutan mong kaya lang naman kita binuhay ay dahil may silbi ka," sabi ni Rikinor sa kanya. "Hmm! Para namang mapapatay mo talaga ako. Eh mas malambot ka pa sa babae." "May problema ka sa babae?" Bakit naman sumapaw pa itong isang ito? Ngayon naman ay nakisawsaw si Meya. Ay ewan ko ba sa kanila. Nakakapagod silang sawayin. "Hoy, magtigil kayo diyan! Mabuti pang magkasundo-sundo na kayo dahil kayo-kayo rin ang magkakasama sa kampo. Bawat galaw niyo, magkakasama kayo roon kaya magkaayos na kayo," sabi ng kawal sa unahan. "ANO?!!" Gag* hindi ako papayag. Kung ganoon nga, ibig sabihin sa isang kwarto, sama-sama kaming matutulog. Tapos sa isang lamesa, sama-sama kaming kakain? Hindi na. Magkakandagulo-gulo lang kami roon. Si Meya at Riki pa nga lang hirap na ako. Paano pa kaya yung kalbo at si Rikinor? May iba pa kaming barakong kasama. Hindi maganda ang iniisip nila. "Narinig mo iyon, Cedarr? Magkakasama raw tayo lagi kaya tigilan mo ako kung gusto mo pang mabuhay," sabi ni Rikinor sabay buga ulit ng usok sa mukha ni Cedarr. "Aba'y gag* ka talaga!" Tumayo na siya dahilan ng pagkakauga ng karwahe. Muntikan na akong sumubsob sa unahan ko dahil doon. Humawak naman ako sa sahig para hindi matumba. "Hoy. Masyado ata kayong nagsasaya diyan. Baka gusto niyo akong isali?" Sabi naman ng isang barakong kasama namin. Tatayo na rin sana siya ngunit hinawakan siya sa pantalon ng katabi niya. "Sino ka ba? Manahimik ka nga. Baka gusto mong mauna sa himlayan," sabi ng kalbo. "Mauuna ka. Itsura mo pa lang, alam kong mahina ka." "Anak ng---" "Hoy, sinabing tumigil kayo diyan! Ano ba?!" Tumigil na naman na ang tatlo. Tahimik na lang kaming lahat doon na naghihintay kung saan kami makakarating. Umupo na rin si Cedarr sa kinalalagyan niya kanina. Hindi ko masyadong kita ang paligid dahil sa harang sa karwahe ngunit sa tingin ko ay nasa isang malawak na disyerto na naman kami. Wala na kasi ang mga nagtataasang buildings ng Nasea kaya malamang, nakalabas na kami rito. Ngayon naman ay sobrang mahangin at lumilipad ang mga buhangin kaya't napupuwing ako. Ilang minuto ang nakalipas ay nagbigay na ng hudyat ang kawal na kasama namin. "Limang kilometro na lang, makakarating na tayo sa kampo. Umayos kayo dahil hindi niyo magugustuhan ang gagawin sa inyo kung magmamatigas kayo." Hindi na lang kami masyadong nag-react sa sinabi niyang iyon. Kaming lahat ay nanatiling tahimik habang naghihintay na makarating doon. At hindi nga nagtagal ay tumigil na kami. Akala ko ay bababa na kami peto nagtaka ako nang ilang segundo na ay wala pa ring kawal na nagbubukas ng karwahe. "Hoy, ano na? Ibababa niyo ba kami o hindi?" Inip na sabi ni Cedarr. Tila wala naman atang narinig ang mga kawal at walang nagbukas ng pinto. Ni wala kaming narinig na naglakad papunta sa may pinto. Nakikita naman namin sila mula rito sa loob dahil may butas-butas naman ang karwahe. "Hoy. Ano pa bang ginagawa niyo? Buksan niyo na ang karwahe!" Sabi ng barako kanina. Tila wala na naman atang narinig ang mga kawal at nanatili silang nakaupong dalawa sa unahan. Agad na kinalampag ng isa pang nasa unahan ang karwahe. "Hoy, ano ba?!" Tumayo na siya sa karwahe at inabot ang isa sa mga kawal. Nang maabot niya na ang ulo nito ay hinila niya ito ngunit wala itong sinabi. Ni wala man lang 'aray' o pagsigaw. Sa halip, bumagsak ito sa kinauupuan niya papalabas. Lahat kami ay nagulat. "Teka, anong ibig sabihin nito?" At dahil wala namang bubong ang karwahe, tinalon na ng humila kanina sa kawal ang karwahe. Pumunta siya sa labas para tingnan ang kalagayan ng kawal. Ilang saglit pa ay narinig namin ang boses niya. "Teka, ang layo pa natin ahh." Kasabay nun ay ang pagbukas niya ng pinto ng karwahe. Lahat kami ay nagsimulang lumabas. Nang makalabas ay saka pa lang namin nakita kung nasaan talaga kami. Akala namin ay nasa kampo na kami ngunit napakalayo pa nito sa amin. Nakikita na namin ito pero malayo-layo pa ang lalakarin. Nasa gitna pa rin kami ng mabuhanging lugar. May iilang tipak ng malalaking bato sa paligid pero wala ng iba pang makikitang malaki sa paligid kundi iyon. "Mga kasama, tingnan niyo." Agad kaming napatingin sa isa naming kasama na tumawag sa amin. Nandoon siya sa may kawal na bumagsak kanina at nakaluhod doon. Agad akong nakiusyoso sa kung anong nangyayari at nakita kung ano ang pinagtitinginan nila. Nang pagkabagsak ng kawal ay natanggal ata ang armor nito sa ulo kaya naman kitang-kita namin ngayon kung ano ang nangyari sa kanya. Sa gitna ng kanyang mga mata, malapit sa buto ng kanyang ilong ay may nakatarak na karayom. Agad pinatabi ni Rikinor ang mga tao at siya ang sumuri sa kung anong nakatarak sa kawal. Tinanggal niya ang karayom na nasa noo ng kawal at sinuring mabuti. "Wala namang kung anong bagay na nilagay rito. Sadyang nababalutan lang ito ng mahika," sabi niya. Kung ganoon, katulad ng espada ni Riki, ang karayom na iyon ay may mahika rin. Kung sino man iyon ay tiyak na sanay sa malayuang target. Wala namang napagtataguan dito kaya siguradong gumamit na naman ng mahika upang maitago ang kanyang sarili kung sino man iyon. O di kaya'y ganoon siya kagaling para maitago ang sarili niya sa buhangin o sa mga bato. Ano pa man ang ginawa niya, halatang sadya ang pagkakatarget sa mga kawal at mukhang planado. Kailangan naming mag-ingat. "Kayong lahat, ihanda niyo ang mga sarili niyo. Maglalakad tayo papuntang kampo. Maghanda kayong protektahan ang mga sarili ninyo. Kaya niyo naman siguro iyon dahil nakaabot kayo sa ikalawang bahagi ng pagsusulit, 'di ba?" May mga sandata naman ang lahat kaya kahit papaano ay may uri kami ng proteksyon. Magkakatalo lang talaga sa lakas ng pisikal na katawan at lakas at uri ng mahikang meron ang bawat isa sa amin. Kinukutuban na ako sa mga mangyayari pero ipinagsawalang bahala ko na lang iyon. Kung dumating man ang kapahamakan sa aming lahat ay hindi dapat ako magpanic at basta na lang kutuban ng masama. Kailangan kong lumaban kahit pa wala naman akong kaaalam-alam diyan. Saka malakas naman si Rikinor. Kaya niya na siguro iyon. Sana lang. "Tara na. Maglakad na tayo papunta sa kampo." Nagsimula ng maglakad nang dahan-dahan at may pagiging alerto ang iba nang may pumigil sa kanila. "Sandali lang, paano ang mga kawal? Hindi naman ata natin sila maaaring iwan dito," sabi ng isang patpating lalaki sa amin. Napalingon kaming lahat sa kanya at kita ko ang panginginig ng buong kataan niya. Pinaglalaruan niya ang kanyang mga daliri sa unahan at panay ang ayos ng salamin. Nakatungo rin siya ngunit panay ang silip. Mukhang natatakot pa siyang sabihin iyon ngunit nadala ng kanyang damdamin. Agad lumapit si Cedarr sa lalaking iyon. Napaatras nang kaunti yung lalaki ngunit hindi na umusod pa patalikod. Nakayuko lang siya hanggang sa nasa tapat niya na si Cedarr. "Hoy, bata," nakakatakot niyang pagtawag sa kanya. Nagulat na lang kami nang biglang suntukin sa tiyan ni Cedarr ang lalaking iyon. Pataas ang suntok niya kaya tumalsik din ang lalaki papataas. Agad namang may lalaking tumakbo nang mabilis upang saluhin na siya habang nasa ere. Tumalon ang lalaking iyon nang napakataas at kinuha ang patpating iyon gamit ang kanyang isang braso. Nang makababa sila ay agad naming tiningnan ang kalagayan ng patpating nasuntok. Nanghihina ang katawan nito at may lumabas na dugo mula sa kanyang bibig. Iniangat ng nagligtas sa kanya ang kanyang damit at nakitang nagkukulay violet na ang parte ng katawan kung saan siya sinuntok. Patuloy namang umubo ng dugo ang lalaki. "Nababaliw ka na ba ha?! Sino ka ba sa tingin mo?" Pang-aaway ni Meya roon kay Cedarr. Lumapit pa siya rito na akala mo ay nagyayaya talagang makipaglaban. "Ako lang naman ang pinakamalakas dito kaya mabuti pang kumilos kayo ayon sa gusto ko. Nagkataon lang na parehas kami ngayon ng iniisip ni Rikinor kaya sang-ayon ako sa kanya." "Anong pinagsasasabi mo?! Ang sabihin mo, naduduwag ka lang kaya ayaw mong isama ang mga kawal. Tingin mo, magiging pabigat lang sila sa iyo? Kalaki ng katawan mo tapos ang liit ng katapangan mo. Nasaan na yung kalbong barako kahapon?!" Lumapit naman si Cedarr kay Meya at naiinis na siguro siya. Kung may lastik lang talaga ako rito kanina ko pa itinali iyang bibig ni Meya. Sobrang daldal. "Hoy, ikaw naman, hindi ibig sabihin na babae ka ay 'di kita papatulan. Kung gusto mong isama iyang mga kawal na iyan, ikaw magbuhat sa kanila papunta roon sa kampong pagkalayo-layo." Naglakad na palayo ang Cedarr na iyon kay Meya ngunit tumigil din siya, lumingon, at ngumiti na parang isang demonyo. "Kung sa bagay, maaari ko naman silang mapakinabangan kung dadalhin ko sila. Kung susugurin tayo ng mga kalaban, maaari ko namang gamitin ang mga katawan nilang panangga para hindi ako tamaan ng mga sandata nila. Alam niyo, matalino rin pala kayo eh. Sige, ganoon na lang ang gagawin ko. Protektado naman ang mga katawan nila kaya hindi naman siguro sila mamamatay sa muling pag-atake." "Aba---" Hinawakan ko na ang balikat ni Meya para pigilan siya. Nang tumingin siya sa akin ay inilingan ko na lang siya. Wala naman siyang ibang nagawa kundi ang kumalma. For the first time in forever, nakinig siya sa akin. Mukhang napagtanto na rin naman niya siguro na walang patutunguhan ang pakikipag-usap sa lalaking iyon. "Bahala ka kung anong gusto mong gawin sa mga kawal basta siguraduhin mo lang na hindi mamamatay ang mga iyan. Wala tayong aabandonahin. At isa pa, tayo ang mananagot sa mga kawal na may mataas na ranggo sa kampong iyon kung papabayaan natin sila. Baka hindi pa tayo makapasa dahil pinabayaan natin ang sundalong iyan na hindi kaaya-ayang gawin para sa isang sundalo," mahabang sabi ni Rikinor. "Tsk. Ang dami mong sinabi. Tara na!" Naglakad na kaming lahat papunta sa kampo. Ang mga nasaktan ay buhat-buhat ng mga may malalakas na pangangatawan sa amin. Nakalabas na rin ang sandata ng iba kung sakaling may umatake nga. Iniwan na namin ang karwahe at umaasang may dadang sasakyang maaaring maghatid sa amin. Ngunit, ang karwahe ata namin ang pinakahuling umalis kaya siguro wala akong nakikitang karwahe na dumadaan. Hinihintay ko pa naman sila. Baka sakaling maaari kaming sumabay sa kanila kahit sabit lang kami sa labas. Napatigil kaming lahat sa paglalakad nang sumenyas si Rikinor na tumigil kami. Naging alerto naman kaming lahat sa paligid. Tumingin kami sa lahat ng anggulong pwede naming makita. "May problema ba? Wala akong nararamdamang presensya ng kahit sino," sabi ni Riki. "Wala rin akong nararamdamang presensya pero may nararamdang paggalaw sa lupa. Hindi ko maramdaman kung tao ba iyon o hindi." "Magmadali na tayo," suhestiyon ng isa sa amin. Iyon nga ang ginawa namin at nagmadali kaming lahat na makapunta sa kampo ngunit alerto pa rin sa paligid. Lakad takbo na ang ginawa namin makarating lang nang mas mabilis. Napatigil naman kaming muli nang kaming lahat na ang nakaramdam ng presensya ng mga tao. Naramdaman na rin namin ang presensya ng mga sandatang nakatutok sa amin. "Sino kayo? Bakit hawak niyo ang mga kawal namin?" Hindi ko makita kung sino ang nagtanong niyon pero siguradong isa iyon sa mga nakapalibot sa amin. "Mga mag-aaral kami mula sa ikalawang bahagi ng pagsusulit. Sinabihan kami na sa isang kampo muna mananatili ngunit bigla na lang nawalan ng malay ang mga sundalong ito na nagmamaneho ng karwahe kaya namin sila hawak," paliwanag ni Riki. "Ang may mga hawak sa dalawang kawal, ibaba niyo sila sa unahan ng inyong kumpol." Gaya ng sabi sa utos, unti-unting naglakad papunta sa unahan at ibinaba na nga ni Cedarr at ng isa pang lalaki ang dalawang kawal. Agad naman silang pinabalik sa kumpol namin at agad namang may umabante upang kunin ang dalawang kawal. Nawala na sa paningin ko ang dalawang kawal at kahit ganoon, sa ngayo'y napalilibutan pa rin nila kami. Mukhang mga sundalo sila sa kampong iyon at pinaghihinalaan kaming mga kalaban. Hindi maganda kung ganoon ang sitwasyon. Sana lang bukas ang mga isip nila sa paliwanag namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD