"Sa tingin ko, dapat na magkaayos na lang tayong lahat dito habang wala pang nakakaalam ng mangyayari sa atin dito. Mas mabuti nang hindi tayo makagawa ng gulo para masigurong ligtas tayo," payo ng isa sa amin.
"Kung gusto mo ng mapayapang lugar, hindi rito ang hinahanap mo. Hindi talaga kami magkakasundo rito kaya mabuti pa, isuko mo na iyang pangarap mong iyan," sabi ni Cedarr.
Naglalakad na kami ngayon papasok sa kampo. Lahat kami ay napalilibutan ng mga sundalo habang naglalakad. Buti na lang, may isang kawal ang dumating at nakumpirmang mga kalahok kami mula sa pagsusulit. Humingi naman ng tawad ang pinuno nila para sa maling akusasyon. Kumalma naman ang lahat pero ang mga mainitin ang ulo sa amin ay nakuha pang magalit kahit nagiging maingat lang naman sila. Buti na lang napigilan namin sila.
"Nandito na tayo."
Napatingin naman ako sa napakalaking imprastraktura sa harap ko. Sa harap naming lahat ay isang malaking bakal na gate. Sa loob nito ay isang malaking bakal na building na parang isang kastilyo. May malawak ding field at kalsada na madadaanan bago makarating sa kastilyong iyon. Napakalinis ng lugar na akala mo'y isa lamang itong simpleng kastilyo na napakamisteryoso. Ngunit sa loob nito ay limpak-limpak na sundalo ang nag-eensayo at nagtatrabaho.
"Nandito kayo ngayon sa Kampo Henerosa. Ang bawat kampo na nandito sa ating bansa ay nakapangalan mula sa 12 dakilang sundalong namatay sa pinakaunang digmaan sa bansa. Sila ang nagligtas sa buong bansa kaya naman ang mga kampo ay nakapangalan sa kanila."
Ang dami namang makasaysayang tao sa bansang ito. Sumasakit na ang ulo ko sa dami nilang nalalaman ko at hindi ko na nga rin matandaan ang iba. Ngunit, kung tutuusin ay wala naman talaga akong pakialam doon. Hindi ko maintindihan kung bakit niya sinasabi pa ito sa amin ngunit naisip ko rin na, malay ko, makatutulong pala sa misyon ko rito ang pagkuha ng impormasyon mula sa nakaraan. Mabuti na ang makinig ako nang mabuti.
Nagsimulang magbukas ang gate. Dahan-dahan itong automatic na nagbukas. Agad namang pumasok ang mga sundalong kasama namin at sumunod naman kami. Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko lang ang tahimik na field. Hindi kapani-paniwala na ganito katahimik sa kampo pero siguro may kung anong nagaganap sa loob kaya wala sila rito sa labas.
Di nagtagal ay nakarating din kami sa mismong kampo. Sa labas pa lang noon ay maraming nakabantay. Lahat ay mga armadong kawal. Yung pangkaraniwang kawal na makikita mo sa mga movies. Kung tutuusin nga, kakaiba ang suot nitong mga sumundo sa amin. Imbis na nakasuot sila ng pangkawal na damit ay pang-spy o action movies ang suot nila. Basta may maisuot na lang na komportable sila.
"Tandaan ninyo. Huwag kayong gagawa ng gulo sa loob kundi, hindi na kayo makakapasa sa pagsusulit."
Agad naman ng binuksan ng mga kawal na nakabantay ang malaking pintuan. Nang magbukas iyon ay saka naman sumalubong sa amin ang maingay na hallway. Pagkabukas na pagkabukas pa lang ng pinto ay may tumalsik na agad sa aming isang palakol. Buti na lang naiwasan namin iyon. Lahat sila ay naglalaban-laban na parang isang gang war na nga ang nangyayari. Sobrang gulo at sobrang kalat. Maraming mga palamuti ang nabasag at mga basurang nagkalat sa sahig. Hindi lang iyon dahil maging ang dugo ng ibang tao rito ay nagmantsa na rin sa sahig. Madilim na nga ang kulay ng lugar, mas lalo pang dumilim dahil sa pinaggagagawa nila.
"TAHIMIK!"
Agad namang nagsitigil ang mga hayop sa paglalaban-laban. Akala ko mula sa amin ang sumigaw dahil nagtinginan sila sa amin. Ilang sandali lang, may mga taong lumantad doon sa taas sa may railings. Marami silang nandoon pero merong tatlong taong angat sa kanilang lahat. Iyon yung tatlong lalaki na nasa pinakaunahan. Halos pare-parehas lang sila ng itsura. Pare-parehas silang nakasando na itim at naka-pants at sapatos. Maskulado ang pangangatawan nila at halata mong matagal nang sinasanay ang katawan sa matinding mga kondisyon. Hindi ko gugustuhing galitin itong mga ito.
"Makinig ang lahat. Lahat kayo, pumunta sa kainan. Magkakaroon tayo ng malawakang pagpupulong. Sa loob ng sampung minuto, kailangang nasa kainan na kayo. Kilos na," sabi ng nasa pinakaunahan.
Agad namang nagsikilos ang lahat at umalis na sa hallway at nagpunta na sa kung saan. Wala man lang nagligpit ng mga kalat. Sino kaya ang magliligpit nito noh?
"Narinig niyo ang sinabi ng pinuno. Pumunta na kayo sa kainan dahil wala naman kayong kailangang ipaghanda. Pagkatapos ng pagpupulong ay may magdadala sa inyo sa tutuluyan niyo rito kaya mabuti pang pumunta na kayo roon. Hindi niyo gugustuhing galitin ang pinuno."
Hindi na lang kami umimik sa nagsalitang iyon. Agad namang may nagprisinta sa kanila na magdala sa amin sa kainan. Ilang saglit lang kaming naglakad papunta roon dahil nasa likod lamang iyon ng malaking hagdan sa may hallway.
Ang kainan nila ay napakalawak. Mahahaba ang mga lamesa at ang mga upuan ay isang mahabang yero na ginawa lang na parihaba ang hugis at idinikit sa bakal. Parang isang canteen sa eskwelahan ang ayos nito pwera na lang na mas panget ang pakiramdam ko rito. Wala kasing kisame rito kundi mga bakal lang. Ang tataas pa ng mga ilaw kaya medyo hindi maliwanag pagdating sa baba.
"Maupo na kayo sa kung saan niyo gusto. Maiwan ko na kayo."
Umalis naman na agad ang naghatid sa amin at naiwan kami roon. Agad namang kumilos si Rikinor at pumunta sa pinakadulong lamesa. Nagsisunuran naman kami sa kanya. Nagtabi-tabi na kaming apat na magkakakagrupo. Sa tapat naman namin ay yung mga di namin kasundo sa mga kasama namin.
"Tsk. Bakit naman kailangan pa nating sumama sa pagpupulong eh hindi naman talaga tayo kasapi rito?" Reklamo ni Meya.
"Huwag ka na magreklamo. Mamaya marinig pa nila tayo," sabi ko naman.
"Eh, totoo naman eh. Para namang may maiiambag tayo rito. Pare-parehas lang maaaksaya oras natin sa isa't isa."
Isa-isa nang nagdatingan ang mga tao rito. Lahat sila napapatingin sa amin dito sa dulo. Iniiwas na lang namin ang paningin namin sa kanila. Ang sasama kasi ng tingin nila na para bang may ginawa kaming masama at kailangan kaming maparusahan. Hindi ko talaga gugustuhing gumawa ng gulo rito at sumuway sa kanila.
"Huwag niyo na silang pansinin. Lalo lang kayong pag-iinitian ng mga iyan," sabi ni Riki.
Lumapit pa ako sa kanya dahil katabi ko lang naman siya sa kanan at bumulong.
"Bakit naman? Wala naman tayong ginagawa. Baliw ba sila?"
"Ah basta. Ang alam ko laging mainit ulo nila sa bagong dating. Lahat ng mga kampo ganoon ang mga kasapi. Basta, huwag na lang natin silang galitin."
Napatingin naman akong muli sa mga nagsisipasukan. Kung kanina'y magugulo ang mga pagmumukha nila, ngayon naman ay ayos na ayos na. Ang mga damit nila ay may coding na rin. May iba't ibang kulay at design ang mga damit nila at bawat kulay at disenyo ay may partikular na mga taong nagsusuot.
"Para saan naman ang mga uniporme nila?" Tanong ko.
"Para iyan sa kung saan ka kabilang na pangkat. Bawat pangkat, may iba't ibang tungkulin. At nakikita mo ang mga nasa dibdib nila?"
Napatingin naman ako sa tinutukoy niya. May mga pin sila na nakakabit sa kanang dibdib nila. Mayroong mga gold, silver, at bronze. Magkakaiba rin ang mga hugis at laki nito.
"Iyon ang nagsasabi ng mga ranggo nila. Kaya kung sakaling makapasa tayo, dapat alam natin ang pinagkaiba ng bawat ranggo at pangkat. Malaking opensa sa kampo ang kawalan ng kaalaman sa mga iyon."
"Teka nga, bakit ang dami mong alam? Hindi ka naman sundalo diba?"
Natawa naman siya sa sinabi ko.
"Hindi. May pinsan akong sundalo kaya alam ko. Mabuti na rin ang may kaunti akong kaalaman para naman kaunti lang ang pagkakamaling magawa ko bilang isang baguhan."
Napatango-tango na lang ako. Kung ano man iyang mga iyan, malalaman ko rin naman iyan dito. Iyon ay kung makakapasa ako.
Halos mapuno na ang kainan. Lahat ng magkakaparehas ng damit ay nasa iisang lamesa. Walang naliligaw na kung sino. Kapag may napapadaang iba ang uniporme sa isang lamesa, tinitingnan nila ito nang masama. Kaya siguro ganoon na lang kagulo ang nangyari kanina dahil may alitan talaga sa pagitan ng mga pangkat at hindi talaga sila magkakasundo.
Ilang saglit pa ay dumating na ang mga pinuno. Tumahimik ang paligid. Ang mga pinuno ay tumayo lang doon sa may pasukan ng kainan. Nang masiguradong lahat ay nandito na at nakikinig, agad silang nagsimula sa pagpupulong.
"Makinig kayong lahat," sabi ng mahaba ang buhok sa tatlo kanina. "May mga nagaganap ngayon sa bansa na kailangan ng masusing atensyon ng bawat kampo dahil nakasalalay rito ang kaligtasan ng bansa at tayo ang nakatalaga rito."
"Ayon sa mga nakalap ng pangkat ni Hera, may isang pangkat na gumagawa ng mga di kaaya-ayang gawain sa mga maliliit at di mataong lugar. Ang mga taong ito ay matatagpuan sa iba't ibang bahagi ng bansa ngunit kabilang sila sa iisa lamang pangkat. Kailangang matigil ang kanilang mga gawain kundi ay buong bansa ang mapapahamak," sabi naman ng kalbo roon sa tatlo.
"Napag-usapan na namin ito kahapon pa at napagpasyahan naming lahat ng pangkat ay ipapadala upang matigil ang mga gawain nila. Walang maiiwan ni isang kawal rito sa kampo maliban na lang sa mga nakatalaga sa malawakang pangangalap at pag-aayos ng datos at malawakang pagpapasya ng gagawaing hakbang," sabi ng pinakapinuno nila.
Napuno naman ng bulung-bulungan ang kainan. Imbis na kumain kami rito naging meeting room pa. At ano itong sinasabi nila na lahat ng sundalo ay kasali? Hindi ba masyadong delikado kung walang maiiwan ditong kahit sampu man lang para magbantay at makasama ng mga nabanggit nilang maiiwan dito? Pero kung sa bagay, kung ipapadala nila lahat ng sundalo, ibig sabihin lang nito ay nasa panganib talaga ang bansa. Hindi ganoon kalala iyon base sa pagkakasabi nila pero sigurado ako, may mga impormasyon pa silang hawak na hindi nila inilalabas sa amin. Ganoon naman lagi sa mga napapanood kong action movies na may mga sundalo na kasama. Laging may confidential information. Kung meron man ngang ganoon, hindi naman nila sasabihin iyon panigurado. Maliban na lang kung wala na talaga siloang ibang pagpipilian at kailangan nang ipaalam para sa ikabubuti ng bansa.
"Dalawang linggo mula ngayon, magsisimula ang paggalaw ng bawat kampo upang puksain ang banta sa bansa. Ang mga hakbang na gagawin natin ay wala pa sa kaalaman ng hari kaya't naroon ngayon si Prinsipe Garion upang ipaalam ang nangyayari sa hari. Si Prinsipe Garion ay kasama namin sa paggawa ng mga hakbang kung kaya't ang gagawin natin ay may basbas. Wala kayong dapat ipag-alala."
Hindi natigil ang bulung-bulungan. Sa halip, mas lalo pang lumakas ito. Naririnig ko ang iba na nag-aalala sa kung ano ang maaaring mangyari dahil ngayon lang nagkaroon ng ganitong kalaking gawain ang depensa ng bansa. Ang iba naman ay curious sa kung ano ba talaga ang meron kung bakit ganoon na lang ang nangyari at biglaan pa. Halu-halo ang emosyon ng bawat tao rito samantalang kalmado lang ang mga pinuno nila.
"Pinuno!"
Napatingin naman kaming lahat sa isang iyon na tumayo at tinawag ang kanilang pinuno.
"Ano iyon, Maki?"
"Paano naman ang mga bagong dating? Isasabak na ba sila sa labanan? Ni hindi pa nga sila nakakapasa diba?"
Tumingin sa amin yung Maki na iyon pati na rin ang iba pang sundalo at naghagikgikan. Hindi ko alam kung anong nakakatawa eh sa hindi pa kami nakakapasa eh. Anong magagawa namin? Ito naman kasing prinsipe na ito, tinigil-tigil pa ang pagsusulit. Pero valid naman ang reason niya dahil nakasalalay nga ang kaligtasan ng bansa. Hays. Nakakainis!
"Magsitahimik kayong lahat! Dumaan din kayo sa ganyan. Paano niyo sila nagagawang pagtawanan?"
Napatingin naman kaming lahat sa sumigaw na iyon na kadadating lang. Lahat naman ay napatigil sa pagsigaw niya at napayuko. Isa siyang babae na may maikling buhok hanggang leeg. Nakasuot siya ng itim na damit at pants din. May armas siya na nakasabit sa pambaba niya na parang isang tali na may hawakan at patalim sa dulo. Hindi ko na makita kung ano talaga iyon dahil malayo siya mula sa amin dahil nasa dulong lamesa kami.
Nag-usap nang sila-sila lang ang apat na superior sa unahan kaya't di na namin alam ang pinag-uusapan nila. Pero nanatiling tahimik ang paligid.
"Iyan. Ang yayabang kasi," sabi ng isa sa mga kasamahan naming hindi ko kilala.
"Naku, balita ko, ganyan nga raw rito. Alam niyo naman ang mga nangyayari sa pagsusulit di ba? Hindi madali ang pagsusulit upang makapasok ni sa pinakamababang ranggo ng kampo rito sa bansa kaya basta makapasa, magsisimula ng magyabang ang mga iyan. Ang mga nasa pinakamababang kampo nga raw ay sobrang yayabang na eh, paano pa kaya rito sa Kampo Henerosa na pangatlo sa pinakamalakas na kampo?"
Ahh. Ibig sabihin, may ranggo din pala ang mga kampo. At bawat kampo, masyadong mapagmataas ang mga kasapi dahil nakapasa sa pagiging sundalo. Grabe naman sila. Paano kaya nangyari iyon? Kakaiba na talaga ang mga bagay rito.
"Makinig."
Nabalik naman ang atensyon naming lahat sa unahan. Ang babaeng kadarating nga lang pala ang nagsasalita.
"Hindi namin isasabak ang mga bagong dating dahil hindi pa sila nasasanay sa trabaho natin. Sa loob ng dalawang linggo, magsisimula na kayong kumilos. At kung sa loob ng dalawang buwan ng inyong paggalaw ay wala pa ring kaaya-ayang nangyayari, ipapadala na rin namin ang mga makakapasa sa pagsusulit ngayong taon."
"Ngunit, Pinunong Hera, siguradong hindi sapat ang humigit kumulang na dalawang buwan upang maging handa sila sa isang gawaing pang-sundalo, lalo na ang ganitong kalaking mga gawain. Hindi nila kakayanin," sabi naman ng isa pa.
"Huwag niyo na silang alalahanin. Kami na ang bahala sa kanila. Alalahanin ninyo ang inyong mga sarili. Huwag kayong pakampante sa mga kakayahan ninyo dahil hindi basta-basta ang makalaban natin. mamayang gabi ay muli kaming magpapatawag ng pulong para sa karagdagang kaalaman sa mga kalaban. maliwanag ba?"
"Opo, pinuno!" Sabay-sabay nilang sabi.
"Iyon lang at maaari na kayong bumalik sa kanya-kanya ninyong ginagawa."
Nagsitayo naman ang lahat at isa-isang umalis ng kainan. Ang mga pinuno ay nakatabi lang sa kanila roon sa may daanan. Tumayo na rin kami para umalis.
"Kayong mga bagong dating," napatingin naman kaming lahat doon sa nagsalitang lalaki na mahaba ang buhok. "Maiwan kayo. May pupuntahan tayo."
Napatingin na lang kami sa isa't isa. Wala kaming nagawa kundi umupo na lang at maghintay hanggang sa makaalis ang lahat ng mga sundalo sa kainan. Ilang minuto nga ay nakaalis na ang mga iyon at umalis na rin ang iba pang pinuno. Ang naiwan na lang ay kaming mga kalahok sa pagsusulit at ang dalawang pinuno, si Hera at yung lalaking mahaba ang buhok. Nang makaalis na ang lahat ay agad pumunta sa amin ang dalawang pinuno. Nakasunod lang yung Hera sa lalaking iyon. Nagulat naman ako nang biglaan at pabagsak na lang itinukod ng lalaki ang dalawang kamay niya sa lamesa. Tiningnan niya naman kami isa-isa nang nakangisi bago nagsalita.
"Ngayon mga bagong dating, ang impyerno ninyo ay magsisimula na."