Chapter 28 - Rikinor

2260 Words
"Halikayo. Sumunod kayo sa 'kin." Sumunod naman kami sa kanya gaya ng sabi ni Pinunong Hera. Kanina nang kami na lang ang matira sa kainan, wala namang masyadong sinabi sa amin ang dalawang pinuno. Binigyan lang nila kami ng instructions sa kung ano una na muna naming gagawin dito sa kampo. "Kayong lahat ay dalawang buwang mananatili rito. Sa loob ng dalawang buwan, kailangan niyong sumunod sa patakaran ng kampo. Sa ngayon, ihahatid muna kayo ni Hera sa inyong silid. Doon kayo mananatili habang nandito kayo," sabi ng mahaba ang buhok. "Sa ngayon, magpahinga muna kayo. Pagpatak ng ikatlo ng hapon, ipapatawag namin kayo. May ipapagawa kami sa inyo," sabi naman nung Hera. At ngayon nga ay nakasunod kami kay Pinunong Hera sa kung saan kami mananatili. Pagkalabas namin ng kainan ay dumiretso kami sa malaking hagdan sa hallway. Nang makapunta sa ikalawang palapag ay tumambad sa amin ang napakarami pang hallway na may mga kwarto bawat sulok. Sa tingin ko kada hallway ay may iba't ibang pangkat ang nananatili. May iilan ding naglalakad-lakad ditong mga sundalo. Hindi kami dumiretso sa isa sa mga kwarto sa mga hallway, sa halip pumunta kami sa isa pang hagdan patungo sa ikatlong palapag. Maliit lang ang hagdan na iyon at tago sa dulo ng isang hallway kaya halos hindi mo rin makikita kung di ka talaga papasok sa hallway. Sumunod lang kami kay Pinunong Hera hanggang sa makarating na kami sa tuktok. Sa dulo ng hagdan ay may isang pintong maliit. Kinuha ni Pinunong Hera ang susi sa kanyang bulsa at pilit binuksan ito. Kalawangin na rin kasi ang lock kaya siguro mahirap na buksan. Nang mabuksan niya naman iyon ay pinauna niya na kaming maglakad pataas. Nagtaka naman ako dahil imbis na maglakad pa papasok ang mga nauna sa aking maglakad ay nanatili lang sila doon sa may pinto kaya naman nagsisiksikan. Nang ako na ang nakapunta roon ay saka ko lang nakita ang dahilan kung bakit sila nandoon lang. Ang lugar na ito ay hindi isang silid para sa mga tao. Isa itong silid para sa mga gamit na patapon na o hindi na kailangan. Isa itong storage room. May liwanag naman dito kahit papaano dahil may isang maliit na bilog na bintana sa gilid kaya kitang-kita namin kung gaano kaalikabok ang mga bagay rito. Punung-puno ng mga kahon at kung anu-ano pang mga bagay na hindi na kailangan dito. "Pasensya na kayo at hindi rin namin inaasahan ang inyong pagdating. Sa ngayon ay wala kaming ibang maibibigay na lugar sa inyo kundi itong kwartong ito." Lahat kami ay dismayado ang reaksyon sa sinabi ni Pinunong Hera. Kahit na may hint na naman kaming dito kami mananatili, parang ang panget naman nun kung dito kami. Aba, kahit naman hindi talaga kami kasapi rito ay hindi ito katanggap-tanggap. Ganito ba nila tratuhin ang mga bisita nila? "Huh?! Nasisisraan na ba kayo? Eh mas mabuti pang tumira sa bahay kubo kaysa rito eh!" Reklamo ni Meya. Naging kalmado naman ang pinuno sa pagpapaliwanag sa amin. "Hindi ako ang punong namamahala rito kaya wala rin akong magagawa. Hindi nagmula sa aming apat na nakita niyo kanina ang pasya. May mas nakatataas pa sa amin sa kampong ito at sila ang nagpasya na dito kayo patuluyin. Pasensya na talaga." Hindi na ako nag-react pa roon dahil wala rin naman kami sa posisyon para magreklamo dahil hindi naman kami ang namamahala rito. Pero nakakainis talaga eh. Narinig naman namin ang mabibigat na yabag na papalapit kay Pinunong Hera. Si Cedarr ay dahan-dahang naglalakad papunta kay pinuno. Mukhang magsisimula na naman ng gulo. Kahit sino naman kasi, hindi matutuwa sa ganito. Nagulat na lang kaming lahat nang biglang hawakan ni Cedarr ang damit ng pinuno. Hinawakan ni Rikinor ang kamay niyang nakahawak sa pinuno nang may matang nagbabanta ngunit nagmatigas si Cedarr. "Wala akong pakialam kung sino ang pinakapinuno rito. Ang gusto ko, masusunod. Hindi ako matutulog sa basurang lugar na 'to," nagbabanta niyang sabi. Hindi rin naman nagpatinag si Pinunong Hera. Itinaas niya ang isa niyang kilay at tinigasan ang mukha. Hinayaan lang niya ang paghawak sa kanya ni Cedarr ngunit hindi mo mababakas sa kanya ang takot at pag-atras. "Wala rin akong pakialam kung sino ka. Basta ang utos, dito kayo mananatili, kayo dito kayo mananatili. Maliwanag?" Matigas naman niyang sagot. Ngumiti nang may sarkasmo si Cedarr at binitawan na si Pinunong Hera. Inayos naman ni pinuno ang kanyang damit at masamang tumingin kay Cedarr. Nang akala namin ay tapos na ay bigla namang umamba ng pagsuntok si Cedarr kaya't napaiwas at napapikit kaming lahat kahit na malayo naman ang iba sa amin doon. Akala namin ay magsisimula na naman ang gulo pero wala kaming narinig na sapakan o kung ano man. Iminulat ko ang mga mata ko at nakitang hawak na naman ni Rikinorr ang kamao ni Cedarr. Pinipilit itong labanan ni Cedarr pero mas malakas si Rikinor. Ibinaba iyon ni Cedarr at naglakad na lang papunta roon sa mga kahon at sinipa ang isa sa mga iyon nang malakas kaya't tumalsik ito pataas. Kumalma naman na kaming lahat. Nabaling muli ang atensyon namin kay pinuno. Hindi ko maisip na ganoon katapang si Cedarr sa kanya eh future pinuno niya iyan kung makapasa man siya sa pagsusulit. Siya lang ata rito ang walang galang sa mga pinuno. Maging ang mga kasapi rito ay may galang sa kanila. Inayos na ni pinuno ang kanyang damit at pinagpag ito. Muli siyang tumingin sa amin at huminga nang malalim. "Hmm. Palalampasin ko ang ginawa ng kasama ninyo ngayon. Ngunit sa susunod, may karampatan ng parusa ang bawat paglabag ninyo sa patakaran. Alam niyo naman siguro na dapat niyong irespeto ang mga nakatataas sa inyo kahit na hindi ko na idikta pa ang patakaran?" Tumingin siya kay Cedarr at nginisian lang siya ni Cedarr. Muling tumingin si Pinunong Hera sa amin. "Iiwan ko muna kayo. Maaari ninyong ilabas ang mga kahon upang mas magkaroon kayo ng malaking pwesto. May maghahatid din sa inyo ng mga gamit panglinis. Pagkatapos ninyong maglinis ay pupunta ako muli rito upang ibigay sa inyo ang mga kailangan ninyo. Magpapalit rin kayo ng inyong kasuotan ayon sa pasya ng mga nakatataas. Iyon lang. Maiwan ko na kayo." Nauna na nga siya at naiwan kaming lahat doon. Imbis naman na magsimula nang maglinis, naupo na lang kami roon. Hindi pa rin kami nakakarecover lahat mula sa pagod kanina. Dagdag mo pa ang stress namin kay Cedarr. "Ano bang iniisip mo, Cedarr? Gag* ka ba?" Sabi ng isa naming kasama. "At sino ka para sabihan ako niyan? Gusto mo ibalibag kita tapos magsumbong ka sa hitad na iyon. Magsama kayong mga mahihina," pangungutya niyang sabi. "Eh gag* ka pala talaga eh. Mapapahamak kaming lahat sa 'yo. Kung gusto mong hindi makapasa, huwag ka nang mandamay ng iba. Gag*!" Putak naman ni Meya. "Ngunit mali man ang naging hakbang ni Cedarr, tama naman ang pinupunto niya. Kahit na ampon lang tayo rito, hindi dapat tayo rito pinapatulog. Ni hindi nga man lang nila tayo pinakain sa kainan kanina eh tapos paglilinisin nila tayo ng kalat nila? Anong klase iyon?" Sabi naman ng isa pa. Walang katapusan ang mga reklamo nila. "TAHIMIK!!!" Natigil ang lahat sa pagsasalita nang sawayin sila ni Rikinor. Muli na naman siyang naglabas ng sigarilyo niya at sinindihan ito. Bumuga muna siya ng isa bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Makinig kayo. Sa lahat ng kampo sa bansa, dito kayo dapat pinakamatakot. Ako na ang nagsasabi sa inyo." Walang ni isang nag-react sa sinabi niya pero mababakas mo sa mukha ng bawat isa ang takot at pagiging seryoso. Si Rikinor na ang nagsalita, ang itinuturing naming pinakamalakas sa amin. At isa pa, matagal na siya rito sa mundo ng pagsusulit sa sundalo kaya kapani-paniwala na may alam siya sa mga nangyayari rito. "Hindi niyo gugustuhing galitin ang kataas-taasang pinuno ng Kampo Henerosa. Mabuti pa, magsimula na tayong mag-ayos para makapagpahinga na tayong lahat dahil napapagod na rin ako sa inyo." Ako rin. Pagod na pagod na sa inyo. Sobra. "At isa pa nga palang paalala. Alam kong hindi maganda ang ugnayan nating lahat sa isa't isa ngunit tayo lang ang magkakakampi rito. Wala kayong maaaring pagkatiwalaan dito. Kahit iyang mukhang mabait na si Hera," sabi naman ni Rikinor. "Bakit naman?' Tanong ni Meya. "Dahil kahit gaano pa kaganda ang ugali at kataas ang moral ng bawat isa rito bilang sundalo ng bansa, sa kataas-taasang pinunong namumuno meron ang lugar na ito, madali lang mababali ang lahat ng iyon." Wala na siyang iba pang sinabi at dumiretso na lang sa pag-upo sa isang magigiba ng upuan sa gilid at nanigarilyo. Walang ni isang gumalaw sa amin. Nagtataka namang tumingin sa amin si Rikinor. "Ano? Ako pa magliligpit? Kilos na." At dahil tinatamad ako, hindi ako sumunod. Dahan-dahan namang nagsikilos ang lahat. Nakabukas nang maluwag ang pinto at isa-isa silang naglakad papalabas doon dala-dala ang mga kahon na buhat nila. Doon nila iyon nilagay sa may unahan ng hagdan. May mga dumating naman upang magbigay ng kagamitang panlinis sa amin. Nanatili lang akong nakaupo sa sahig. Wala namang nagreklamo kaya hindi na talaga ako tumayo. Maya-maya pa ay naisipan kong lapitan si Rikinor at magtanong-tanong na rin. "Pstt. Rikinor." Tumingin naman siya sa akin. Ikinaskas ko na ang pwetan ko sa maduming sahig para makalapit sa kanya nang hindi tumatayo. "Kailangan mo? Maglinis ka na lang kung wala kang sasabihing mahalaga." Sumandal ako sa sahig bago nagsalita. "Magsabi ka nga Rikinor. Ano ba talagang kinalaman mo sa mga kawal dito? Bakit ang dami mong alam? Saka ano iyang sinasabi mong wala kaming dapat pagkatiwalaan dito eh puro mga sundalo nandito?" Hindi siya tumingin sa akin nang siya ay sumagot. At hindi niya rin naman talaga nasagot ang mkismong tanong ko. "Hindi ko na sasabihin sa iyo baka mamatay ka pa. Basta huwag ka na lang magtiwala sa kanila. Para rin sa inyo ang mga sinasabi ko. Kung ayaw niyong maniwala, edi wag niyo. Basta sinabihan ko na kayo. Huwag niyo akong sisihin kapag may nangyaring hindi maganda rito sa inyo." Eh kung sinasabi niya na lang kasi kung ano talaga iyon di ba? Eh di sana tapos ang problema niya. Rikinor minsan hindi rin nag-iisip eh. Nanatili lang kami ni Rikinor na magkatabi habang pinagmamasdan ang mga naglilinis. Si Meya ay nakaupo lang din dahil medyo hindi pa maganda ang lagay niya. Si Cedarr? Nakaupo lang din siya sa gilid at naninigarilyo. Hindi na namin balak pa siyang istorbohin at baka biglang mag-init ang ulo. Nakakapagod na rin siyang kasama. At ayaw ko nang mas mapagod pa. Ilang minuto ang nakalipas ay naging maayos na ang silid. Maluwag naman ang silid, mababa nga lang ang kisameng kahoy. Kung iisipin, ito nga lang ata ang bahagi ng lugar na kahoy na kahoy ang pagkakagawa. Maging ang sahig at dingding ay kahoy din. Parang yung sa templo. Mapapagtiyagaan na namin itong lahat kung di kami mag-iinarte. Ilang saglit naman ay nakarinig kami ng mga yabag papunta rito sa taas. "Ito na ang mga gamit ninyo. Mag-ayos na kayo ng inyong matutuluyan at ng inyong mga sarili." Dala-dala ni Binibining Hera ang mga damit namin. May dalawa naman siyang kasama pang bitbit ang mga gamit para sa silid. Nang maiabot sa amin ay agad na umalis ang dalawang kasama niya. Naiwan siya rito upang hintayin daw kami. Tumulong naman na ako sa pag-aayos ng mga kagamitan para sa silid. Inayos ko ang mga kutson namin at binuhat ang mga maliliit na cabinet para paglagyan ng aming mga personal na kagamita. Habang nag-paayos napansin ko namang nag-uusap sina Binibing Hera at Rikinor. Hindi sila magkaharap ngunit nakamasid lang sa pag-aayos namin. Pero mahahalata mong masinsinan silang nag-uusap. "Sa tingin mo, sino ba talaga si Rikinor?" Nagulat naman ako sa nagsalitang iyon. Napalingon na lang ako sa likod ko at nakita ang isa naming kasamang lalaki. Siya yung nagligtas kanina doon sa isa pa naming kasamang sinuntok ni Cedarr kanina. Hindi ko alam ang pangalan niya peero mukhang malakas at mapagkakatiwalaan siya. "Anong sinasabi mo?" "Kakaiba talaga si Rikinor, di ba? Ang dami niyang alam tungkol sa pandepensang hukbo ng bansa. At sa tinagal-tagal niyang kumukuha ng pagsusulit, hindi siya nakakapasa sa kabila ng lakas niya. Sa tingin mo, bakit kaya ganoon?" May punto nga siya at matagal ko na ring pinag-iisipan iyan. Pero ayoko namang makialam pa sa buhay ni Rikinor dahil baka mabwisit lang sa akin iyan. Hindi naman ako tsismoso. Pero itong lalaking 'to mukhang oo. At saka nakakapanghinala ang paraan niya ng pananalita. Para bang gusto niyang pagdudahan ko si Rikinor a para bang may tinatago siyang kulo. Ano naman kayang balak ngg isang ito? "Bakit mo naman natanong? Ang mahalaga sa akin ligtas tayo at maayos naman siyang kasama. Huwag mo nang alalahanin ang iba pang bagay tungkol doon. Wala ka namang mapapala eh." Nginisian niya lang ako saglit at bumalik na rin siya sa pagbubuhat ng mga kagamitan at pag-aayos nito. Ganoon na rin ang ginawa ko. Napatingin akong muli kay Rikinor. Napansin ko ang pagkuyom ng mga kamay niya ngunit nanatiling blank ang mukha, halatang ayaw ipakita ang tunay na emosyon. Nakapagtataka kung anong pinag-uusapan nila. Hindi naman sila siguro ganoon ka-close dahil hindi naman ganap na kasapi si Rikinor dito at isa pa, hindi naman siguro madalkas mapunta si Pinunong Hera sa mga pagsusulit dahil pinapamahalaan niya ang lugar na ito. Pero kung mag-usap sila roong dalawa ay para bang may sikreto silang walang dapat makaalam. Na silang dalawa lang ang nagkakaintindihan. Na silang dalawa lang dapat ang nakakaalam. Nakapagtataka. Sino ka ba talaga Rikinor?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD