Chapter 29 - Second Phase?

2244 Words
"Hay salamat!" Sa wakas, natapos na rin kaming mag-ayos. Nang matapos kaming lahat, agad kaming nahiga sa mga kutson na inayos namin. Ngunit wala rin naman na kaming oras magpahinga. Nang matapos kaming mag-ayos ay lumabas saglit si Pinunong Hera. Pagbalik niya ay may dala-dala na siyang dalawang sako na di ko alam ang laman kasi nakatali. "Makinig kayo. Dala-dala ko ngayon ang magiging kasuotan niyo sa loob ng kampo. Isa itong pares ng pantaas at pambaba. Kakasya naman siguro itong lahat sa inyo kaya kumuha na lang kayo at dumiretso sa palikuran sa baba para magbihis. Kung ayaw niyo, maari namang dito na kayo magpalit. Basta sa loob ng sampung minuto ay magkita-kita na lang tayo rito sa baba ng hagdan. Maliwanag?" Tumayo naman na ako at nauna na sa paglapit sa sako. Ako na rin ang nagbukas ng dalawang sako. Agad akong kumuha ng para sa akin at pumunta sa palikuran sa baba. Hinayaan ko na lang silang magkagulo roon sa pagkuha. Magkahiwalay ang palikuran ng babae at lalaki ngunit magkatabi lang. Natural, para saan pang sa palikuran ako magbibihis kung pwede rin naman pala akong makita ng iba rito. Doon na lang sana ako sa taas. ' Pumasok na ako sa isang cubicle. Umihi muna ako bago ako nagpalit ng damit. Habang nandito naman ay hindi ko maiwasang mapaisip. Gusto ko ng bumalik. Mabait naman akong tao. Matulungin at mapagmahal. Medyo awkward na sa sarili ko pa mismo mangagaling at sa isang lalaking katulad ko pa manggagaling pero totoo naman eh. Ayoko namang pabayaan si Hiraya. Pero paano naman sina mama at yung kupal kong kapatid? Sila na ang napapabayaan ko. Kung maaari lang sanang ibalik ang nakaraan, dapat pala talaga naghintay na lang ako sa labas ng museo at hindi na pumunta pa sa kung saan-saan. Hindi naman talaga kasi ako naniniwala sa mga magic-magic na iyan. Pambata lang iyan at pambabae. Naalala ko nga dati yung mga batang babae sa amin na nakasuot ng pang-fairy tuwing halloween kahit hindi naman iyon nakakatakot. Tapos ako naman, spiderman costume ang suot. Walang kwenta rin diba? Ah basta. Malay ko bang totoo pala iyang mga magic-magic na iyan. At malay ko bang may isang mundo na punung-puno ng mahika. Noong makarating ako rito, namangha talaga ako sa mga nakita ko at pakiramdam ko na noon, hindi na ako makakaalis pa rito. At ngayon, ganoon pa rin ang pakiramdam ko. Lalo pa't nasasangkot na ako ngayon sa mga magulo at komplikadong bagay, mas lalo kong nararamdaman ngayon na hindi na ako makakabalik sa amin. Naaalala ko pa noong sinabi ni Aling Serena na tutulungan niya akong makaalis ako rito dahil ayaw ng mga tao rito sa mga mortal. Kinabahan pa ako noon. Pero ngayon, kinakabahan na ako sa ibang dahilan. Imbis na matakot dahil baka mabuko na isa akong mortal, natatakot ako na baka mamatay na ako rito sa mga pinaggagagawa ko at hindi na makabalik pa talaga. "Alam mo ba, iyang si Rikinor, kaya lang naman iyan hindi nakakapasa kasi sinasadya niya. May ginagawa raw iyan na hindi niya magagawa kapag nakapasa siya sa pagsususlit kaya ibinabagsak niya." "Ano namang katangahan iyan? Ano namang gagawin ni Rikinor na hindi niya magagawa kapag ipinasa niya ang pagsusulit?" "Aba, malay ko. Basta ayun sabi ng kuya ko noong nakasama niya siya noong isang taon sa pagsusulit." "Nagpapaniwala ka naman. Kaya siguro hindi nakapasa kuya mo kasi pinagmamasdan niya lang si Rikinor." Nabalik na lang ako sa realidad sa ingay ng dalawang dumating na iyon. Kahit rin pala mga lalaki, mahilig sa tsismis. Mainit naman na talaga kasing topic si Rikinor. Ikaw ba naman, makita mong yung kasama mo sa pagsusulit, malapit sa mga ranggo ng sundalo hindi ka magtaka. Ay, bahala na sila sa buhay nila. Tuluyan na nga akong nagpalit ng damit at lumabas na dahil sampung minuto lang ang meron kami. Nang makalabas ay tumingin ako sa salamin para tingnan ang itsura ko. Isang simpleng long sleeve at cargo pants ang ipinasuot sa amin. Medyo maluwag nga lang itong nakuha ko. Nagsunuran naman na ang mga kasama kong lalaki rito sa banyo at umakyat na ako sa taas. "Tabi!" Napatabi naman ako sa hagdan nang bigla na lang sumigaw kung sino man iyon. Muntik na akong ma-out of balance sa hagdan. Buti na lang nakahawak ako roon sa may railing. Tiningnan ko kung sino yung tumatakbong iyon na malapit nang madapa at nakitang si Riki pala iyon. Napatingin naman ako sa taas para makita kung ano ang nangyayari. Ngunit isang damit ang papalipad ngayon sa mukha ko. Tumama sakto sa mukha ko ang damit at tinanggal ko naman agad ito. Tumingin ulit ako sa taas para makita kung ano ang nangyayari pero panibagong damit na naman ang tumama sa akin. "Bastos! Mga bastos! Umalis kayo rito!" Tinanggal ko ang damit at imbis na makita kung sino yung nagsisisigaw na iyon ay nakita ko si Rikinor. Nanlaki ang mga mata ko at hindi na ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Potek! Si Rikinor pabagsak sa akin! Nakahinga ako nang maluwag nang nabalanse ni Rikinor ang sarili niya at nakatayo siya nang maayos. Napatingin na lang ako kay Rikinor na nakatayo ngayonsa harap ko at kumukuha na naman ng hihithitin. Buti hindi pa namamatay ito. "Tara na. Kung ayaw mong mabato diyan." Tumingin ako sa taas para makitang sarado na ang pinto. Nagsimula nang maglakad si Rikinor at tumakbo na lang din ako papunta sa kanya. Naabutan namin si Riki na nandoon sa may dingding malapit sa hagdan. "Ibang klase rin talaga iyon si Meya. Ang lakas mambatok!" "Bakit naman kasi doon ka naghubad sa harap niya? Gag* ka rin eh." Napailing na lang ako at naghintay rito sa baba. Hindi nagtagal naglabasan na rin yung mga nasa banyo. Mga babae lang ata yung mga nasa taas kasama si Pinunong Hera. Nang makalabas ang lahat ay pansamantala muna kaming natigil doon dahil nga hindi pa binubuksan yung pinto. Ilang saglit lang ay narinig na namin ang pagbukas nito. Tumingin kami sa taas nakitang nasa may pintuan si Pinunong Hera. "Pumasok na kayo." Nagsipasukan na nga kami at nagligpit ng kanya-kanyang mga gamit. Nang matapos kami ay nakita namin si Pinunong Hera na bumaba at sinenyasan niya naman kaming sumunod. Ano naman kayang gagawin namin ngayon? Basta nakasunod lang kami sa kanya. Dumating kami sa dulo ng hallway at dumiretso pababa ng first floor. Sa first floor ay naroon ang parang lobby ng lugar at may tatlo pang hallway na magkakahiwalay. Doon kami pumasok sa may kanang hallway. Tuluy-tuloy lang kami hanggang sa makarating kami sa dulo nito at pumasok sa isang malaking pinto. Sa loob ng pinto na iyon ay isang kwarto na may lamesa sa gitna/ May malaking blackboard at may malaking bintana na dingding. Dahan-dahan naming nilibot ang lugar at lumapit naman ako roon sa may dingding na salamin. Kitang-kita rito ang field. Sa field ay ang mga sundalo na nagsasanay at nagbibilad sa araw. May hawak silang mga kahoy na espada na siyang ginagamit nila panlaban. May isang nagmomonitor sa kanila. Siya lang ang nasa lilim ng puno na nasa gitna ng field. Di nagtagal, lahat kami ay nagkumpulan na rito. Pinapanood kung ano ang ginagawa nila kahit paulit-ulit lang naman. "Panoorin niyo ang gagawin nila." Saktong pagkasabi nun ni Pinunong Hera ay narinig naming magsalita ang supervisor nila mula sa isang megaphone. Diba, dito rin may megaphone. "Itigil ang paglalaban. Magsisimula na ang isahang laban!" Nagsitigil ang mga sundalo at nagkaqnya-kanyang tayo sa gilid. Nagbigay sila ng malaking espasyo sa gitna na pabilog. "Anong gagawin nila, pinuno?" Tanong ng isa sa amin. "Tingnan mo na lang ang mangyayari." Tiningnan ko na lang rin ang ginagawa nila. "Edeo, Klaus, mauna kayong dalawa." May dalawang lalaki naman na nagpunta sa bilog. Ang isa ay kalbo na may malaking pangangatawan parang si Cedarr at ang isa naman ay isang maskuladong lalaking mahaba ang buhok na hanggang likod. May distansya sa pagitan nila na medyo malayo. Silang dalawa ay pumorma na para bang magsisimula nang makipaglaban. "Humanda." Tumahimik ang paligid. Hindi ko man masyadong kita ay ramdam kong tensyonado ang dalawang nasa may bilog. Maging ang mga nanonood ay ganoon din ang nararamdaman. Para bang may mangyayaring di maganda sa gagawin nila. "Laban!" Unang kumilos ang lalaking kalbo. Sinugod niya ang lalaki . Ngunit imbis na umiwas, ang lalaking may mahabang buhok ay dumiretso sa kanya at sumugod din. Nagsuntukan ang kanilang kamao ngunit ni isa sa kanila ay walang nagpakita ng sakit. Umatras muli ang dalawa at nagsimulang magsugudan. Paulit-ulit lang silang naglalaban. Nagpapalitan ng mga suntok at tira ang dalawa. Nagsisimula na rin silang manghina at kitang-kita na ang sugat nila sa mukha. May mga beses na sa sobrang lakas pa nga ng tira ay tumatalsik sila pero hindi sila umaalis sa space na iyon at tumatalsik papunta sa mga nanonood. Napapapitlag na lang ako sa bawat bitaw nila ng mga suntok. Pakiramdam ko ay napaksakit nun. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit pinapanood ko pa rin ito eh nandidiri na nga ako sa mga sugat at naiimagine ko na na mangyayari iyan sa akni. Tinatakot ko lang ang sarili ko. "Manood kang mabuti, Leo. Huwag kang pumikit." Napatingin naman ako kay Rikinor. Titig na titig lang siya sa mga naglalaban habang naninigarilyo. "Matututo ka sa kanila. Saka kung gusto mo talagang maging sundalo, gagawin mo rin iyan." Tumingin akong muli sa mga naglalaban. Wala naman akong matututunan dito kundi ang sumuntok. Ang mga tira nila ay wala namng espesyal. Basta tira lang sila ng tira para matumba ang mga kalaban. Walang pag-iisip o pag-aanalisa. Kung ganitong paglalaban lang din naman ang gagawin ko, sana hindi na lang ako pumasok dito. Kayang-kaya ko itong gawin ng nang hindi dumadaan sa pagsusulit! "Anong matututunan ko riyan? Eh puro suntok lang naman iyan eh." "Basta manood ka na lang. Dami mong sinasabi." Siya itong madaming sinasabi. Nananahimik nga lang ako kanina eh. PInagpatuloy ko na lang panonood habang medyo nakapikit ang mata sa pandidiri. Nagpatuloy lang ang palitan nila ng mabibigat na suntok. Basta nanonood na lang ako sa kanila. Nagulat na lang ako nang biglang tumalsik yung lalaking nkalbo papunta sa kumpol ng mga sundalo sa side niya. Agad namang napaiwas ang mga tao roon. Wala man lang sumalo. Bum,agsak siya sa lupa patihaya. Hindi ko masyadong kita pero sa tingin ko ay nakapikit siya. Nananihimik ang paligid at naghintay ako kung babangon pa yung lalaking iyon. Ang kalaban niya ay nakakuba na rin ang likod na parang pagod na pagod na talaga. May isa mula sa mga nanonood ang tumingin sa lalaki at sumenyas sa supervisor. Parang nakahinga naman nang maluwag yung lalaking mahaba ang buhok. "Si Klaus ang nagwagi!" Nakahinga na nang maluwag yung lalaking iyon sabay bagsak sa lupa. Hindi na kailangan pang sumenyas ang supervisor nila at may kumuha na rin doon sa mahaba ang buhok at dinala silang dalawa kung saan. Natapos din ang walang kakwenta-kwenta nilang laban. "Alam mo kung anong natutunan mo?" Sabi sa akin ni Rikinor sabay akbay. "Ano?" Sabi ko naman. "Natutunan mong gagawin mo iyan at hindi mo kakayanin. Umalis ka na lang." Bakit ba ako naging kasama ng lalaking ito? Bakit ko pa ba nilapitan itong lalaking ito? Napailing na lang ako at ginalaw ang balikat ko upang alisin ang braso niya. Nakarinig naman kami ng dalawang paghampas. Napalingon ako at nandoon si Pinunong Hera na nakahawak sa lamesa. Naghintay kami ng sasabihin niya. "Anong masasabi ninyo sa nakita ninyo?" Nakangising tanong niya sa amin. "Nakakasuka! Ni hindi man lang marunong mag-isip yung dalawa. Basta lang nasugod!" "Hmm. Mas malakas pa ako sa mga iyon." "HAHAHAHA! Iyon na iyon? Eh kayang-kaya kong patabuin lahat ng mga mayayabang na iyan eh!" "Ayoko na lang makakita pa ng isang ganoon. Hindi nakakatuwa." "Kailangan ba talagang gawin ang ganoong katinding paglalaban? Paano sila makakakilos sa isang gawain kung ganyan ang mga kalagayan nila?" Samu't saring reaksyon ang natanggap ni Pinunong Hera. Pero kung meron mang akong pinakasasang-ayunan dito, iyon ay yung una at huling nagsalita. Tama nga naman silang dalawa. Walang ni anong klaseng pag-iisip akong nakita sa dalawang naglaban. Parang hindi sila nagsanay bilang tagapagprotekta ng bansang ito. At saka isa pa, hindi ko maintindihan kung bakit kailangang ganoon katindi ang pagsasanay nila. Totoo namang mas matindi pa roon ang pagdadaanan nila sa totong gyera pero bakit naman ganoon? Imbis na sa laban sila mamatay , dito na sila mamamatay eh. "Anoi pa man ang inyong saloobin ay hindi iyon mahalaga. Aalis lang ako saglit para kausapin si Dekon. Siya ang lalaking nakikita niyo riyan na namamahala sa laban. Maghanda na kayo." Aalis na sana siya nang may nagtanong sa kanya. "Teka, pinuno. Anong 'maghanda'? Saan kami maghahanda?" Naguguluhang tanong niya. Ngumisi na naman siya sa aming muli. "Saan pa ba? Eh di sa laban? Anong akala niyo? Magpapahinga lang kayo rito? Gagawin niyo rin ang kasalukuyan nilang ginagawa. Ihanda ninyo ang inyong mga sarili kung gusto niyong tumagal." Napanganga na lang ako sa sinabi niya. Napalunok at nanlaki ang mga mata. Seryoso ba siya? Ngumiti siya nang pagkatamis-tamis sa amin. Sa sobrang tamis ang sarap niyang budburan ng mga pulang langgam. "Isipin niyo na lang, ito ang ikalawang bahagi ng inyong pagsusulit at susukatin ko ang inyong mga kakayahan. Titingnan namin ang bawat kahinaan at kalakasan ninyo. At pagkatapos, kung sino man ang mga mapipili namin, sila ay mananatili rito. At ang hindi, uuwi. Hindi ba maganda iyon?" Ha? Patay na talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD