Chapter 30 - Hidden

2836 Words
Paano na ako nito? "Ano na ngayong gagawin mo, Leo?" Tanong ko sa sarili ko. "Leo..." Napatingin naman ako kay Rikinor. "Kung naguguluhan ka na, tumakas ka na lang. Tutulungan naman kita." Hindi ko alam na marunong pala magbiro itong si Rikinor. Iyon nga lang, hindi nakakatawa. At hindi talaga ako matatawa. Paano nga ba ulit ako napasok sa ganitong sitwasyon? Hays. Para naman akong babae nito kung matakot. Put*ng ina, mas matapang pa ata sa akin si Meya. Huminga na lang ako nang malalim. Wala namang magagawa ang pagpapanic ko rito sa isang tabi. Maglalaban at maglalaban pa rin naman kami. Sana nga natuloy na lang yung pangkatang pagsusulit. At least doon, may aasahan akong kakamping malakas na pwedeng magbuhat sa akin. Eh ngayong maglalaban isa-isa, sigurado akong hindi ako makakapasa. Mukhang imbis na sa pakikipaglaban ako maghanda, speech kay Hiraya na nagpapaliwanag kung bakit di ako nagtagumpay sa aming misyon ang kailangan kong paghandaan. "Hah. Paano ba iyan? Mukhang ito na ang huli nating pagkikita Rikinor. Mukhang matatanggal ka na naman. Ganoon ka naman lagi taon-taon hindi ba?" Hindi sinagot ni Rikinor ang pangungutyang iyon ni Cedarr. Sa halip, nagpatuloy lang siya sa paghithit ng sigarilyo. Lumapit akong muli roon sa salamin para makita na ang mga nangyayari. Si Pinunong Hera ay nandoon na ngayon sa tabi nung supervisor nila na nakalimutan ko ang pangalan. Maya't maya silang nag-uusap habang pinapanood ang mga naglalaban. Patuloy lang ang labanan sa pagitan ng mga sundalong nandoon. Malamang sa malamang, hihintayin muna namin silang matapos bago kami ang sumunod. Kaya naman, siguradong may sapat kaming oras para maghanda. Ang tanong, may ihahanda ba ako? O mas mainam, kailangan ko ba talagang maghanda." "Leo, hindi kita pababayaan. makakapasa ka sa pagsusulit. Huwag kang mag-alala." "Uy, tagal mo ring di nagparamdam ah. Magpaparamdam ka lang talaga kapag alam mong papalpak ako eh no?" "Iyon ang trabaho ko, Leo. Kaya't lagi ako dumarating kapag alam kong di mo talaga kakayanin dahil ang trabaho ko ay gabayan ka? Naaalala mo ba?" Hindi ko alam kung anong pinagsasasabi nitong babaeng 'to. "Leo, bago ang lahat, nais ko lang ipaalala sa iyo na hindi maaaring makahalata ang mga taong nasa paligid mo na nakakausap mo ako. Ikaw lang ang maaaring makaalam dahil ikaw lang ang napili kong gabayan. Magdudulot ng panganib ang kaalaman ng mga kalaban sa aking pamumuhay." "Bakit naman kita ikekwento? Edi nagmukha akong baliw sa paningin nila. Wala namang maniniwala sa akin kaya wala kang dapat na ipag-alala." Kahit medyo naguguluhan na ako sa gagawin ko ngayon sa buhay ko, pinilit kong magmukhang isang normal na lalaking walang kausap na kung ano sa utak niya. Wala namang masyadong pinagggagawa ang mga kasama ko rito at nakatunganga lang din kagaya ko. "Galingan mo, Leo. Tandaan mong nandito lang ako pag kailangan mo." "Oo na. Sige na. Umalis ka na. Hindi mo naman talaga ako tutulungan nang lubos dito sa problema ko eh." Hindi ko na nga narinig ang boses niya. Napagpasyahan ko na lang manood ng laban. Baka sakaling may matutunan pa akong maganda. Ilang laban na rin ang nakalipas. Siguro itong kakatapos lang ay yung pang-apat na laban. Tinawag na naman na nung supervisor ang susunod na maglalaban. At ayun, nagsimula ang laban. Panay palitan na naman ng walang katapusang suntok at nagtalsikan na naman ang mga dugo. Ang kaninang green na green na d**o doon sa bilog ngayon ay nababahiran na ng kulay pula. Sana naman hindi ko dagdagan iyan mamaya. Habang nanonood ay napansin ko naman si Rikinor na umalis sa tabi ko. Napatingin ako sa kanya at pinagmasdan siya hanggang sa nakalabas siya ng pinto. Walang sinabi sa amin si Pinunong Hera na maaaring lumabas kaya medyo nag-panic ako. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa mga naglalaban at sa pinto. Napagpasyahan kong huwag na lang manood at sundan na lang si Rikinor. Tumakbo ako papunta sa pinto. Wala naman atang nakapansin sa mga kasama ko dahil walang sumuway sa akin. Busy siguro kakaisip ng gagawin mamaya. Nang makalabas ng pinto ay isang tahimik na hallway ang sumalubong sa akin. Tumakbo ako nang tahimik papunta sa b****a ng hallway. Nakita ko naman si Rikinor na naglalakad habang humihithit ng sigarilyo papunta roon sa kabilang side ng main hallway. Balak ata niyang pumunta roon sa nasa kabilang hallway. "Psst." Masyado atang mahina kaya hindi niya narinig. "Psst. Huy, Rikinor!" Lumingon naman siya at hinintay akong makalapit sa kanya. Kalmado lang ang mukha niya. "Huy, anong ginagawa mo? Saan ka pupunta?" Tanong ko nang makalapit sa kanya. Hindi siya sumagot. Sa halip, nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Nagtuluy-tuloy siya at mukhang papunta nga siya roon sa pangatlong hallway. Hindi ko alam kung anong meron doon na gusto niyang puntahan pero halata namang hindi pwedeng pumunta roon. Ano bang problema nitong gag*ng ito? Gusto niya ba talagang mapahamak. "Uy, saan ka ba pupunta? Mapapahamak ako sa iyo nito eh." Tumingin-tingin ako sa paligid para makita kung may tao bang naglalakad-lakad o wala. Baka kasi may makakita sa amin at magsumbong kay Pinunong Hera. "Bakit ka kasi nandito? Sinabi ko bang sundan mo ako?" "Hindi, ngunit..." Napahinga na lang ako nang malalim dahil maging ako ay di ko alam kung anong pumasok sa isip ko at sumunod pa ako. "Eh saan ka ba talaga kasi pupunta?" Tumigil siya sandali para tumingin sa akin. "Mabuti na rin palang sumama ka. Siguradong may makakatulong sa iyo rito." Huh? Sumunod na lang ako sa kanya kahit na dapat ngayon ay naghahanda na ako para sa laban. Nagdire-diretso nga kami sa pangatlong hallway. Walang katao-tao rito. Wala akong naririnig na kahit anong ingay maliban na lang sa mga yabag namin ni Rikinor. Sumunod lang ako kay Rikinor habang palalim nang palalim ang nilalakad namin. "Saan ba talaga tayo pupunta?" Hindi na naman niya ako sinagot. Sumunod na lang ako habang patingin-tingin pa rin sa daan. Saglit lang ay tumigil na kami. At sa nakikita ko sa paligid, parang wala naman kaming mapapala rito. Nandito kami ngayon sa pinakadulo ng hallway. At dito ay isa ng dead end. As in walang pinto o ni maliit na bilog na bintana man lang dito. Isang malaking bakal na dingding lang ang nasa harap at magkabilang gilid ko. At sa likod ko naman ay daanan pabalik. "Ito na iyon? Dingding?" Ilang saglit pa ay tumigil sa paninigarilyo si Rikinor at nilagay ang upos sa bulsa niya. Medyo weird pero mas okay na iyon kaysa naman itapon niya iyon sa sahig. Edi nahuli kami na nagpupunta kung saan-saan. Pagkatapos niyang ilagay ang sigarilyo sa bulsa niya ay hindi ko inasahan ang susunod niyang ginawa. Agad akong napatingin sa paligid at nataranta. "Hoy, ano bang ginagawa mo?! Nasisiraan ka na ba?" Bigla na lang sumipol nang walang dahilan ang kupal. Wala akong nakikita pero paano kung may mga tao nga sa paligid? Eh di patay na kaming dalawa. "Hoy, tumahimik ka nga," pabulong kong sabi sa kanya. Tumigil siya sa pagsipol saglit. "Ikaw ang tumahimik," balik niyang sabi at nagpatuloy muli sa pagsipol. Wala naman na akong nagawa dahil hindi ko talaga siya mapipigilan. Basta nagpatuloy lang siya sa pagsipol at naghanap na lang ako ng matataguan kahit wala naman. Palakas nang palakas ang sipol niya. Kasabay nun ay ang marahang pagyanig ng lupa. Muntik na akong matumba. Buti na lang napakapit ako sa kanya. "Anong nangyayari? Ano bang ginagawa mo talaga?" Saglit lang iyon at tumigil na. Nang akala ko'y makakahinga na ako nang maluwag ay nagulat ako nang bigla na lang magbukas ang dingding nang dahan-dahan. Rinig na rinig ko pa ang pagkukuskusan ng mga bakal habang unti-unti iyong nagbubukas nang parang yung sa mga palabas na may secret passage o secret room. Kakaiba rin talaga sila. Isang madilim na lugar ang bumulagta sa amin. Pero di rin nagtagal ay nakarinig ako ng mga yabag ng sapatos. Unti-unti itong lumalakas habang papalapit nang papalapit sa amin at nagmumula iyon mula sa puwang sa dingding. Nagtago na lang ako sa likod ni Rikinor habang naghihintay sa kung sino man ang nandoon. "Muli na naman tayong nagkita, batang lampa." Isang malalim na boses ang nagsalita. Unti-unti ko na ring nakikita ang hulma ng taong iyon. Di nagtagal, mula sa dinging na iyon ay lumabas ang may katandaang lalaki. May mangilan-ngilan na siyang mapuputing buhok at may hawak na ring tungkod sa kanyang kanang kamay. Sa kanyang kaliwang kamay ay may hawak naman siyang isang hat. "Oo nga eh. Ayaw sana kitang makita tanda ngunit..." Natawa naman ang matanda kahit hindi pa tapos si Rikinor sa sinasabi niya na para bang alam niya na ang kadugtong nun. Napatingin naman sa akin yung matanda at napatayo ako nang tuwid. Malay ko ba kung anong gagawin niya sa akin. Di naman siguro ako hahayaan ni Rikinor diba? "Sino itong kasama mo, bata?" Hinila naman ako ni Rikinor mula sa likod niya. Sinubukan kong magpumilas pero ano ba namang laban ko sa kanya? Eh mas malaki pangangatawan niya sa akin. Hinawakan niya ang buhok ko at ginulo-gulo ang buhok na para bang isang bata. Agad kong tinanggal ang kamay niya sa inis pero tinuunan niya na lang ulo ko kaya medyo napayuko pa ako. "Ito? Si Leo. Wala ng pag-asa ito. Baka naman matulungan niyo." Iniangat ko ang ulo ko para makita ang matanda na nakatingin na sa akin. "Ngayon ka lang may ipinakilalang kaibigan sa akin, Rikinor. Mapagkakatiwalaan ba siya?" Napakainosenteng tanong ng matanda. Tumingin naman ako kay Rikinor, baka sakaling may mahanap akong sagot sa tanong na kung bakit iyon ang tanong ng matanda. Tiningnan niya lang ako nang walang emosyon at bumaling na sa matanda. "Maaari niyo naman siyang patayin kung hindi," sabi niya na siyang ikinagulat ko. Okay. Buo na ang desisyon ko. Aalis na ako rito. Tumalikod na ako at maglalakad na sana nang hawakan ni Rikinor ang damit ko sa may leeg kaya nahatak ako pabalik dahil nasasakal ako. "Ano ba?! Aalis na ako. Mamamtay ako sa iyo eh!" "Mamatay ka rin kapag nakipaglaban ka. Halika na rito. Sumama ka na lang sa amin." Inakbayan ako ni Rikinor at sinubukan ko namang makawala pero wala talaga. "Halina kayo. Mamaya may dadating ng mga tao rito."? Napasunod naman ako roon sa matanda nang wala sa oras dahil kay Rikinor. Sana lang ay wala talagang mangyaring masama sa akin. Pumasok kami sa napakadilim na puwang sa dingding. Pero bago pa magsara ang dingding at mawalan ako ng nakikita. Bumunot si Rikinor ng panyo sa bulsa niya. "Suot mo 'to." Piniringan niya naman ako nang napakabilis bago magsara ng tuluyan ang dingding at binuhat ako na para bang isang sako ng bigas. "Teka, ano ba?! Ibaba mo nga ako." "Hindi kita maaaring ibaba. Madadapa ka lang. Saka basa ang lupa, madulas ka pa." Pinagsasassbi nito? Kung anu-ano na naman ang nararanasan ko. Di na talaga ako magtataka kung isang araw, makakita na lang ako ng tubig na matigas pero hindi yelo. Paano naman magkakaroon ng basang lupa rito sa may dingding. Saka paano nagkaroon ng puwang dito. Hindi ba ang dingding na ito ang pinakapundasyon ng building. Kaya paano nangyaring may espasyo pa na natitira eh dapat wala na diba. Kung mabutas ito, dapat malalaglag na kami sa lupa sa labas. Kaya paanong nangyaring may nilalakaran pa kami ngayon? "Malapit na tayo, batang Leo. Huwag kang mag-alala. Wala namang mangyayari sa iyo kung magtitino ka." Hindi na lang ako nagpumiglas pa. Wala rin namang mangyayari eh. Hinayaan ko na lang si Rikinor na dalhin ako sa kung saan man kami pupunta. "Nandito na tayo," sabi nung matanda ilang saglit lang. Totoo sa sinabi niya, tumigil lang kami saglit matapos naming maglakad. Wala pa nga ata iyong limang minuto. NIlapag na ako ni Rikinor pero hindi niya tinanggal ang piring ko. "Buksan ninyo ang pinto. Kasama ko si Rikinor." Nakarinig nga naman ako ng tila pagbukas ng pinto. Nang tumigil ang pagbukas nun ay tinanggal ko na ang piring ko para naman may makita na ako at malaman ko kung nasaan na kami. "Bakit mo tinanggal? Ibalik mo iyan tang*." Para namang ewan na tinampal sa mata ko ni Rikinor yung panyo. Ako na ang nagpiring dahil humihithit na naman pala siya ng sigarilyo. Nakabit ko naman ito nang maayos. "Pumasok na kayo. Alalayan mo iyang kasama mo Rikinor." Inalalayan nga ako ni Rikinor papasok. Base sa naririnig ko, maraming mga tao rito. "Maaari mo nang tanggalin ang iyong piring." Tinanggal ko na nga ito gaya ng sabi niya. Ang unang tumambad sa paningin ko ay ang napakaraming naglalakad na tao. May kanya-kanya silang hawak na mga papel at sandata. Maraming ring mga lamesa na may mga nakalapag na kung anu-anong gamit at mga nagpupulong. Sobrang lawak ng lugar na ito at hindi ko maisip kung paano nagkaroon ng ganitong lugar sa kampo. "Sumunod ka sa amin." Napasunod na nga lang ako sa kanila. Dinaanan namin ang iilang mga lamesa at lagi na lang may bumabati sa kanilang dalawa, partikular na kay Rikinor. Base sa mga naririnig ko, matagal-tagal na rin daw kasi nilang hindi siya nakikita kaya ganoon na lang sila kasaya nang makita siya. "Rikinor, sino pala iyang kasama mo? Alam ba ni Maestro iyan?" Pabulong na sabi ng isang nakasalubong namin sa kanya pero rinig ko naman. "Pumayag nga siya eh. Huwag kang mag-alala. Hindi siya masama. Saka wala naman siyang magagawa mag-isa rito sa kuta natin." At pagkatapos nga nun ay nagpaalam na kami roon. Naglakad lang kami nang naglakad hanggang sa huminto kami sa isang pabilog na lamesa na inuukupa ng tatlong tao --- dalawang lalaki at isang babae. "Kamusta ang ipinapagawa ko sa inyo, Hanzo?" "Wala pa rin kaming balita sa kanya, Maestro. Masyadong malayo ang nakuha nating mga pruweba sa panahon kung kailan naganap ang mga pangyayari. Wala kaming mahanap na magdadala sa amin papunta sa kanya," sabi nung lalaking nasa gitna. "Siya nga pala, Maestro," pagsabat ng babae. "Tungkol sa kulto, nakakuha kami ng balita na sa timog namamalagi ang iba sa kanila. Doon ang kanilang kuta. Hindi pa namin iyon nakukumpirma dahil hindi pa naman nabibisita iyon ngunit may nakita ang isa sa mjga tauhan kong kasapi nila na doon ang direksyon. Mukhang totoo nga ang nasagap naming iyon." "Mahusay, Lauralia." Napatingin naman kaming lahat doon sa isang lalaking nakataas pa ang kaliwang paa sa lamesa at nakapikit ang mata habang nakasandal sa upuan. Dahil doon, nagusot ang iilang mga papel na nakalagay roon. "Kamusta ka naman, Calypso?" "Mabuti naman, Maestro. Maayos naman ang pakiramdam ko." Mukhang siya lang sa kanila ang walang dulot sa grupo. Napatingin ako sa tinatawag nilang Maestro at nakitang hindi siya natutuwa sa inaasal nung Calypso. "Wala ka bang kahit anong magandang balita, Calypso? Mahiya ka naman kay Rikinor. Mas matagal ka na rito sa pangkat ngunit lagi na lang ganyan ang inaasal mo. Paano ka makakatulong sa atin?" Napamulat naman na ang lalaking iyon at napatingin sa amin. Saglit lang dumapo ang paningin niya sa akin at napunta agad iyon kay Rikinor. Ngumit siya nang sarkastiko pagdating sa kanya at walang ganang ibinalik iyon ni Rikinor. Halatang di nila gusto ang isa't isa ngunit m,ukhang mas matindi ang pagkasuklam nitong si Calypso. "Rikinor! Ang pinakamamahal naming kasapi! Kamusta ka na? Ang tagal nating hindi nagkita ah. Kamusta naman ang pagbubulakbol mo sa labas?" Sabi niya sa hindi nakaktuwang tinig. "Calypso, umayos ka ng asal. Mabuti pang gawin mo muna ang iyong tungkulin bago ka magsimula ng gulo. O mas mabuti na ngang huwag ka nang gumawa ng gulo at umalis ka muna rito," sabi ni Lauralia. "Hindi naman ako nagawa ng gulo, Lauralia. Kinakamusta ko lang naman itong palpak nating kasapi." "Tumigil ka, Calypso! Itikom mo iyang bibig mo kung ayaw mong ako mismo ang magbalik sa iyo kung saan ka nanggaling!" Pasigaw na sabi ng isa pang lalaki. Napatingin ang iba pang mga tao rito sa amin. Ako naman na ang nahiya sa atensyong nakukuha ko at sa away na nangyayari rito. "Sumunod ka sa akin, Leo." Napatingin naman ako kay Rikinor nang sabihin niya iyon. Nauna na siyang maglakad paalis at kahit nagdadalawang-isip ay sumunod na agad ako. Mukhang ayos lang naman dahil hindi kami pinigilan nung Maestro. At saka mas mabuti na nga rin siguro iyon nang hindi na lumaki pa ang gulo. Mamaya, magrambulan pa ang mga iyon. "Saan tayo pupunta?" "Basta sumunod ka na lang. Huwag ka nang tanong nang tanong." "Okay," sabi ko na lang. Pinagtitinginan kami ng mga tao habang naglalakad. Hindi naman sila pinapansin ni Rikinor kaya sinikap kong ganoon na lang din ang gawin. Hindi pa rin sinasabi sa akin ni Rikinor kung nasaan kami ngayon at kung anong gagawin namin dito. Pero base sa nakikita ko, para itong isang kuta ng isang samahan o para bang headquarters ng mga police. Napakaraming tao at napakaraming nagpupulong. Lahat ay may tinatrabaho at mukhang yung Calypso lang ang hindi seryoso rito. Bahala na si Batman. Kung nasaan man kami ngayon at kung saan man kami pupunta, sana lang ay makabalik din kami agad sa mismong kampo. Dahil kung hindi, patay talaga kaming dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD