Chapter 31 - Mission

2670 Words
"Kamusta ka na, Rikinor?" Pangangamusta ng kasama namin ngayon. "Ayos lang," simpleng sagot niya. "Kamusta ang tungkulin mo sa labas?" "Maayos naman ang lahat. Umaayon sa plano. Eh kayo? Kamusta ang paghahanda?" Napakamot naman sa ulo ang kausap niya. "Iyon na nga eh. Maayos naman ang lahat. Mabagal nga lang ang usad. At isa pa, napakalaking problema talaga nan ni Calypso. Pati na ang iba pang matitigas ang ulo. Hindi talaga nila gusto mga ginagawa nila at hindi mo sila mapipilit." "Sinabi mo pa," sabi naman ng kadarating lang na lalaki. Naka-barber's cut siya at naka-long sleeves na damit at pan-sundalong pants. Meron siyang tattoo sa kaliwang bahagi ng kanyang noo na mukhang wakwak lang mula sa sugat. "Hindi ko nga alam kay Maestro kung bakit hindi niya pa pinapaalis iyang mga iyan dito lalo na si Calypso. Totoo ngang kulang tayo sa tao at isa si Calypso sa may mataaas na kakayahan sa atin sa pakikipaglaban pero imbis na makatulong ay iba ang nangyayari. Pabigat lang siya sa atin," dagdag niya pa. Walang naging reaksyon o sagot si Rikinor. Nanatili siyang nakatingin sa tumpok ng papel na nasa harap namin ngayon na hindi ko alam kung anong laman. Kanina habang naglalakad kami ay pumasok kami sa isang tagong pinto sa isang tagong sulok ng lugar na ito. Pagkapasok namin ay nakita ko agad ang isang napakalaking pisara na may iba't ibang larawan at mga salita na nakasulat. Sa gitna naman ay isang malaki ring lamesa na may malaking mapa na nakadikit dito. Marami ring mga nakapatong na papeles at iba't ibang larawan sa lamesa. Sa sobrang dami nito ay muntik ko nang hindi makita yung mapa. At dahil kanina pa ako naiinip at kanina pa rin ako naguguluhan, lumapit na ako kay Rikinor. Kanina niya pa hindi sinasagot ang tanong ko pero sana naman ngayon ay gawin niya na. Napapagod na rin ako sa magulong buhay ng mga tao sa mundong ito. Bakit hindi na lang nila padaliin ang lahat para sa akin? "Oy Rikinor. Mag-usap nga tayo nang maayos. Kanina mo pa ako di pinapansin eh. Nasaan ba talaga tayo?" Naiinip kong tanong sa kanya sabay upo sa lamesa. Syempre tinabi ko muna yung mga papeles at baka masira. Patayin pa ako ng mga tao. "Basta nasa kuta ka namin. Hindi ko maaaring sabihin kung saan," sabi niya habang kinikilatis ang ilang mga papeles. Isinandal pa niya ang kanyang balakang sa edge ng lamesa habang hawak ang kanyang babasa isang kamay at ang isa ay sa mg a papeles. Nakatalikod siya ngayon sa akin. "Oh eh anong ginagawa natin sa kuta mo ngayon?" Lumapit ako sa kanya nang kaunti para ibulong ang susunod kong sasabihin. "Nasisiraan ka na ba? Hindi mo na sana ako dinala rito. Mukhang hindi naman ata ako pwede rito." Kanina kasi habang naglalakad kami papunta rito ay pinagtitinginan na AKO ng mga tao. Kanina no'ng dumating kami ay wala pang masyadong pumapansin sa akin. Masyado pa silang namamangha at natutuwa sa pagbabalik ni Rikinor. Akala siguro nila ay isa lang akong pangkaraniwang kasapi rito. Pero noong dumaan na ulit kami ay nasa akin na pala ang atensyon ng karamihan, akala ko kay Rikinor pa rin. Kahit na nagbubulungan lang ay naririnig ko pa rin. "Walang mangyayari sa iyo rito, Leo. Wala ka namang gagawing hindi maganda diba?" Mahina niyang sabi. Umubo naman ako ng isang beses at umayos ng pagsasalita. "Syempre, wala. Ano namang gagawin ko rito?" Sagot ko. "Mabuti naman. Kasi kung meron, hindi na ako ang makakapagsabi ng mangyayari sa iyo." Sabi niya na ikinalunok ko na lang. Bakit ba naman kasi kami nandito? Kuta nga nila ito pero para saan itong kuta na ito? Anong gagawin namin dito? At saka kanina ko pa ito nirereklamo pero pipili na nga lang siya ng oras ng pagpunta rito, yung alanganin pa. Nagsisimula na akong kabahan kanina pa. Ilang minuto na rin ang nakalipas. Panigurado, may nakapansin na sa amin na wala kami roon, lalo na si Riki at yung weirdong lalaking masyadong mausyoso sa buhay ni Rikinor. Hindi kaya may magsumbong sa amin? "Rikinor, kailangan na nating bumalik. Paano kung hinahanap na nila tayo roon?" "Hindi nila tayo hahanapin." "Hahanapin nila tayo. At magtatanong tiyak ang mga iyon. Ang tagal nating wala. Saka isa pa, hindi nga ata maaaring umalis doon eh. Ano ba?! Balik na tayo!" Binitawan ni Rikinor ang hawak niyang papeles at pabagsak na inilagay sa lamesa. Nagulat naman ako at napalayo ang katawan sa kanya. "Alam mo para kang babae kung pumutak. Manahimik ka na lang. Akong bahala sa iyo mamaya." At bumalik na siya sa ginagawa niyang pagbabasa. Napatingin naman ako doon sa dalawang kasama namin dito at nakitang tuloy-tuloy pa rin naman sila sa pagtatalo. Buti na lang hindi namin naagaw ni Rikinor ang atensyon nila. Nanahimik na lang ako rito kagaya ng sabi niya. "Alam mo kasi, hindi na tama ang ginagawa nina Calypso at ng iba pa niyang kasama rito. Kung tutuusin, hindi magiging ganoon kabarako ang iba rito at lalapastanganin si Maestro kundi dahil sa kanya. Dapat lang na umalis na siya rito pati ang mga kaibigan niya." "Ewan ko ba kay Maestro. Ayaw niya pang paalisin yung mga iyon. Alam mo, sigurado ako. Pagdating ng araw, babaligtarin nila tayo. Siguradong isa sa mga iyan ang magtatraydor. Siguradong may magrerebelde sa mga iyan at tatalikod sa atin." Hanggang ngayon, yung Calypso pa rin ang pinag-uusapan ng dalawa. Hindi na sila natapos. Para silang mga babaeng nagchichismisan. "Tumigil na kayong dalawa," pagpigil ni Rikinor sa dalawa. "Mabuti na ring nandito si Calypso at ang mga kasama niya. Dito, mababantayan natin sila. Saka huwag niyo nang kuwestiyonin ang mga desisyon ng Maestro." "Ngunit Rikinor, lahat kami rito ay ibinibigay ang lahat para sa layunin natin. Wala kaming oras para disiplinahin pa sila. Kung ayaw nila sa pamamaraan natin, umalis na sila. Hindi ko gustong isugal ang buong pangkat para lang sa asal-batang ugali ni Calypso." "Kung pakakawalan natin siya, maaaring kumalat ang mga bagay-bagay tungkol sa atin. Hindi na tayo makakakilos nang malaya katulad ng lagi nating ginagawa," sagot ni Rikinor. "Ngunit kaya natin iyong solusyunan. Kung mananatili pa sila rito, mas lalo tayong mapipilayan. Hindi mapapalagay ang loob ng lahat sa kaalamang may posibilidad na pumalpak ang lahat dahil sa kanila." Nagtatalo na sila. Nagsisimula na rin akong marindi. Kailangan ba talaga nilang pagtalunan ang lalaking iyon? Natigil kaming lahat nang padabog na magbukas ang pinto sa kwartong iyon. Sa may pinto ay nandoon si Maestro at yung taong pinag-uusapan nila kanina pa at kasama pa yung dalawang kasama niya kanina. Lahat kami ay natigil na para bang nahuli kami sa isang krimen o di kaaya-ayang akto. Bumadya naman sa itsura ni Maestro ang kaguluhan sa mga itsura namin. "Bakit ganyan ang mga itsura ninyo? Naistorbo ba namin kayo?" Napatayo ng ayos ang kaninang dalawa na nagchichismisan at tumayo na para bang isang kagalang-galang na sundalo. "Wala naman ho, maestro," sabay na sabi ng dalawa. "Mabuti kung ganoon." Pumasok na silang apat at ang iba pa nilang kasama rito sa silid at naupo sa mga upuang nakapalibot sa lamesa. Umalis na rin ako sa lamesa at tumayo sa isang sulok. "Ipapatawag ko sana kayo, Rikinor. At dahil nandito na rin naman na kayo, nais kong magkakaroon tayo ng pagpupulong at magsisimula na tayo ngayon din." Tinanggal ng ilan sa kanila ang mga nakakalat sa lamesa. At dahil doon, kitang-kita na ang mapa sa lamesa. Namangha naman ako sa nakita kong mapa. Sobrang laki talaga nun at lumang-luma na. Marami akong nakikitang mga hati-hati sa mga pulo sa mapa. Hindi ako sigurado kung buong mundo na ba ito o ang buong bansa lang pero sigurado akong napakalaki talaga nun. "Parang ang aga naman ata ng pagpupulong. Magsisimula na ba tayong kumilos?" Sabi ng isa sa mga kasama namin dito kanina. Tumayo si Maestro na para bang may napakaimportanteng sasabihin. "Oo, magsisimula na tayong kumilos. Hindi pa dapat ngunit kailangan na kung gusto nating manalo sa laban." At dahil masyado akong napag-iiwanan dito sa sulok, nagpunta na lang muna ako sa bakanteng upuang katabi ni Rikinor. Gusto ko ring makinig sa pag-uusapan nila. "Ano bang nangyayari?" Bulong ko kay Rikinor. "Malay ko. Kita mong magkakasama tayo rito kanina diba? Paano ko malalaman?" Nga naman. Kanina pa kami nandito tapos tatanungin ko siya. "Ehem. Ehem." Napatingin naman ako sa umubong iyon. Ewan ko kung sino ito pero nakatingin siya sa akin ngayon na parang nagtataray at nabibwisit ako sa pagmumukha niya. Anong ipinapahiwatig niya sa tingin niya? "Uhmmm... Rikinor," sabi nung Lauralia sabay tingin kay Rikinor. Napatingin din naman ako kay Rikinor. "Dito lang siya." Halatang ayaw ako ng mga tao rito. Sino bang may sabing gusto ko rito? Hindi ko naman gusto na mapunta rito eh. Gusto ko lang namang pabalikin si Rikinor doon sa silid kanina eh malay ko bang mapupunta kami sa ibang lugar nang ilang minuto lang. "Sabi ko naman kasi sa iyo alis na tayo eh," sabi ko. "Huwag kang magulo," sagot naman niya. Tumayo ang isang iyon at lumapit sa amin. "Sino ba kasi itong lalaking ito? Ni hindi nga namin alam pangalan niyan eh." Tumingin na lang ako kay Rikinor at sinabi sa kanya ang gusto kong mangyari sa pammaagitan ng mga mata ko. Tinaasan niya lang ako ng kilay. Hindi naman ako nagpatinag. Ako masusunod dito ano. Pagkatapos niya akong dalhin dito nang walang permiso ko, dapat lang na sundin niya ako. Napabuntong-hininga naman na siya. "Siya si Leo. Nakilala ko siya sa pagsusulit." "Magandang araw!" Masiglang bati ko. Ngunit mukhang walang natuwa. Mas lalo pang nabwisit yung mukha ng isa. "Sigurado ka bang ayos lang na nandito siya? Bakit nga ba nandito iyan eh hindi naman iyan kasali rito?" "Tumigil na kayong lahat." Napatingin naman sila kay Maestro na nagsalita. "Ayos lang na nandito siya. Walang problema sa akin. Ngayon, maaari na ba tayong magsimula mga anak?" Hindi naman na nakaangal pa ang iba sa kanila. Siyempre pinuno na nila ang nagsalita. May magagawa pa ba sila? Alam ko namang mukha akong hindi katiwa-tiwala at hindi ko rin naman sila masisisi kung ayaw nilang magtiwala sa akin. Pero wala naman silang dapat ipag-alala sa akin. Basta ba hindi ko ikamamatay at hindi rin ikapapahamak ni Hiraya ay wala naman akong gagawing labag sa kanila. Kamusta na pala kaya si Hiraya? "Magsiupo na ang lahat. Leo, makinig ka lang ngunit hindi ka maaaring magsalita. Maliwanag?" Tumango na lang ako kay Maestro. Ngayon ay magsisimula na talaga ang pagpupulong. "Ngayon, nagpupulong tayo ngayon dahil may isang bagay na hindi natin inaasahan na mangyayari. At dahil doon ay kailangan na nating kumilos," paunang sabi ng matanda. "Lauralia, ikaw na ang magpaliwanag sa kanila." Tumayo naman si Laurali at pumunta roon sa pisara na may iba't ibang litrato. Binura niya ang mga nakalagay roon at nagtanggal ng iilang litratong nakadikit. Nang matapos siya ay tatlong litrato na lang ang natira. Ang isang ay litrato ng isang lugar, partikular na isang bahay. Malaki ito at lumang-luma na. Halatang matagal ng abandonado. Ang isa naman ay litrato ng tatlong taong naka-cloak na kulay kayumanggi. Hindi kita ang kanilang mukha dahil nakatakip ang hood ng cloak. At base naman sa background, ito ay kinuhanan mula sa isang syudad. Ang pangatlong litrato naman ay hindi ko maintindihan kung ano. Isa iyong hugis tatsulok na kulay itim. Ang tekstura nun ay parang sa isang buwaya. Siguro ay balat iyon ng isang hayop pero di ko rin sigurado dahil ngayon lang din ako nakakita nito. "Tama nga ang hinala at napagtanto natin mulasa mga nakuha nating balita. Ang mga hindi kiilalang tao na ito ay konektado kay Gacies. Nakumpirma namin ito nang kani-kanina lang ay nagbigay ng balita ang isa sa mga tauhan ko na nakita nila silang nakipagkita sa hari." Napuno ng bulung-bulungan ang silid. Hindi ko maintindihan kung anong meron pero mukhang hindi iyon maganda. "Sabi ko na nga ba. Ang mga gagong iyon..." Hindi na naituloy pa ni Rikinor ang sasabihin niya. Nagpatuloy naman si Lauralia sa pananalita. "Nakumpirma na rin namin na ang bahay nga na ito ay ang inilaan ng hari para sa tatlong iyon. Hindi pa kilala kung sinu-sino ang mga taong ito pero base sa nakalap naming balita, sila ay hindi mga ordinaryong tao. Kabilang sila sa mga mahaharlikang pamilya sa Olpheo." "Inaasahan na natin iyon dahil matagal na nating alam na may kinalaman ang hari kay Gacies. Ang hindi natin alam ay kung ilan silang mahaharlika. Paniguradong mas marami sila sa atin. Hanggang sa ibang bansa ay umaabot ang impluwensiya ng hari kaya hindi na dapat tayo magtaka kung sa ngayon ay hindi natin sila kakayanin," dagdag pa ni Maestro. "Eksakto ang sinabi ni Maestro. Hindi natin sila kaya ngayon kaya't siguradong matatalo tayo ngayon. Nagsimula na silang kumilos upang hanapin ang mga bato sa korona ni Gacies. At hindi namin sigurado, ngunit wala na kaming naabutan sa isang lugar na minamanmanan namin ay nahihinuha naming nakuha na nila ang Naglalagablab na Apoy." "Ano?!" Napatingin naman kaming lahat sa nagreact na si Calypso. "Paano nangyari iyon? Diba sabi mo binabantayan nang maayos ng mga tauhan mo iyan? Bakit nagkaganoon? Eh di pumalpak na naman kayo?" Galit niyang sabi. Wow. Nahiya kami sa kanya ah. Siya nga parang kailan lang pinapagalitan kasi walang maitulong tapos may gana pa siyang magreklamo. Pinigilan naman na ni Lauralia na patulan si Calypso. Tama lang iyon dahil baka mag-away pa sila nang walang katapusan. "Iyon na nga. Nakuha na nila ang isa at walang naging laban ang pangkat na naroon sa lugar na iyon. May dala silang kakaibang mga armas na ngayon lang din nakita ng mga tauhan ko. Ayon sa mga nakasaksi, kakaiba ang teknolohiya na ginamit doon. Hindi na kinaya ng mga armas natin at ng mahika ng mga tauhan ko. Kung sa ganoong kaliit na laban ay natalo tayo, hindi imposibleng matalo pa tayo sa mga susunod na laban. Kailangan nating mangalap ng mga bagong sandata at magpalakas pa ng mahika." Tumayo naman ang isa pa naming kasama ni Rikinr kanina rito. "Kayang-kaya nating palakasin ang mga mahika natin. Ang tanong, saan tayo kukuha ng mga sandatang katulad ng sa kanila? Paniguradong pinasadya iyon ng hari para sa pangkat nila. Hindi natin iyon basta-basta makukuha." Walang naisagot ang lahat sa tanong na iyon. Pero para bang sa isip nila ay meron na silang sagot ngunit hindi pa nila magawa iyon. "Rikinor, ano na---" Magsasalita sana si Calypso ngunit tumayo bigla si Rikinor. Mukhang alam niya na kung anong tinutukoy ng mga tao sa isip nila. "Ako na ang bahala. Malapit na ako. Konting tiis na lang." "Anong---" "Calypso! Magtigil ka! Hindi madali ang pinapagawa natin kay Rikinor at inasahan nating aabutin ito ng ilang taon. Kailangan lang nating maghintay." "Maghintay. maghintay. Maghintay. Ito mismo ang dahilan kung bakit lagi akong naiinis dito! Wala na ba kayong ibang gagawin kundi ang maghintay? Sumugod na tayo! Sinasabi niyo lang na kailangan niyong mag-isip ngunit mga duwag lang kayo. Mga walang kwenta!" Iyon lang ang sinabi niya at nagdabog na siya palabas. Natahimik naman ang lahat sa silid. Walang nagsalita ni isa. Ramdam ko ang kawalan ng pag-asa sa mga itsura nila. Para bang may gusto silang gawin ngunit di nila magawa. Matagal-tagal na rin siguro nilang pinaghahandaan kung ano man ang misyon an ito. Pero mukhang hanggang ngayon, hindi pa nila nagagawa. Hanggang ngayon, malabo pa rin nilang maabot ang gusto nila. "Kaunting tiis na lang, Maestro. Ipinapangako, ko. Kaunting tiis na lang," matinding sabi ni Rikinor. Nanibago naman ako sa boses niya. Di katulad ng dati, ngayon ay mas seryoso at determinado na ang boses niya. Walang halong sarkasmo o pagbibiro. "Umaasa kami sa iyo, Rikinor. At naniniwala kami sa iyo. Magagawa natin itong lahat," sagot naman ni Maestro. Napangiti naman ako dahil isa-isa na rin silang ngumiti na para bang nabuhayan ulit. Yung Calypso lang talaga ang panira sa kanila eh. Mabuti pang umalis na nga iyon dahil panira ng mood at cooperation. "Magtatagumpay tayo sa ating layunin , Maestro. Ipinapangako ko iyan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD