Chapter 32 - Allies?

2161 Words
"Ano na ngayon ang magiging hakbang natin, Rikinor?" "Kayo-kayo na muna ang magpulong. Mamaya ko na kayo kakausapin. Maiwan niyo muna kami rito." "Sige, basta pag kailangan mo ng tulong, nandito lang kami." Nagpaalam na si Lauralia at ang iba pang natitira rito. Lumabas na sila sa pinto at naiwan naman na kami rito ni Rikinor. Nakaupo lang siya doon sa isang upuan habang nakaupo naman ako sa sahig sa tapat niya. Tahimik lang siya habang pinaglalaruan ang daliri sa lamesa at nakatitig sa sahig sa tapat niya. Pati ako nahahawa sa nararamdaman niya eh. "Hindi pa ba tayo aalis dito?" Tanong ko sa kanya. "Huwag kang magulo. Nag-iisip ako." Napahinga na lang ako nang malalim. Hindi na nga siya nagkukuwento, balak niya pa akong idamay sa kamalasan niya. Tumayo na lang ako at umupo sa upuan sa tapat niya. "Rikinor, ipapaaalala ko lang sa iyo. May dapat tayong ginagawang laban ngayon. Ilang minuto na rin ang nakalipas baka nagsisimula na nga sila eh! Hindi ka ba nag-aalala.?" Tumingin naman na siya sa akin. "Hindi." Lintik na--- "Bahala ka na nga. Basta pag pinagalitan tayo, kasalanan mo. Ikaw magpalusot." Tik. Tok. Tik. Tok. Di ko alam kung ilang minuto o oras na ang nakalipas pero nakaupo lang ako rito kasi nga wala akong magawa. Ayaw naman kasing kumilos nitong isang ito eh. Edi sana naghahanada ako ngayon para sa pagsusulit. Tumayo naman ako at tiningnan ang buong paligid. Pansin kong napakalaki pala talaga ng silid. Napakarami pang mga palamuti at kung anu-anong bagay na nakakalat. Alam ko na! Ayaw mo bumalik ha. Maglilibot na lang ako at magbubutinting ng kung anu-ano rito. Kung tutuusin puro papel nga lang ang mga nandito. Mga papel na puro drawing ng mga simbolo na parang gagawa ng isang ritwal. Lumang-luma na rin ang mga papel. Nakakawalang gana lang dahil wala naman akong naiintindihan. At isa pa, hindi naman ako mahilig sa ganiong mga bagay. Siguro kung nandito ang nanay ko baka nagustuhan niya pa ang mga ito. Minsan na sa aking nakwento ng nanay ko kung gaano niya kagusto ang mga misteryo. Ito na naman tayo. Para na talaga akong isang babae. Wala akong magawa ngayon kaya nagsisimula ng pumunta ang isip ko sa iba't ibang bagay. At dahil wala naman akong masyadong drama sa buhay, wala na akong ibang maisip kundi ang pamilya ko. Yung kupal kong kapatid at ang mama ko. Yung tatay ko, hindi ko na nakilala. Wala akong ni isang memorya niya at wala rin namang nababanggit si mama. Hindi na ako nagtangka pang magtanong kay mama dahil kung gusto niya namang malaman ko ay siya na naman na siguro ang magkukusa na magsabi sa akin o magtanong kung gusto ko bang makilala ang tatay ko. At sa totoo lang, sa ngayon at kahit noon pa man ay wala naman akong maramdaman tungkol sa tatay ko. Hindi ako nakaramdam ng galit o lungkot pero hindi rin naman ako nakakaramdam ng pagkasabik o tuwa kapag naiisip siya. Ni hindi ko pa nga ata na-iimagine ang sarili ko na kasama siya ni minsan. Pero kung nakasama siguro namin siya, siguro mas masaya at mas makulay ang mundo namin. Hindi ko na rin siguro kakailanganin pang magtrabaho pa. Ay ewan! Sa pag-iisip ay kung saan-saang parte na pala ako ng silid nakarating. Kung anu-ano na rin pala ang tinitingnan ko. Nandito na ako ngayon sa isang cabinet sa isang sulok ng silid. May hawak-hawak pa akong papel na may drawing ng isang simbolong pabilog. Tinitigan ko naman ang hawak kong ito tapos ay naglakad na lang ako papunta roon sa lamesa. Inilapag ko iyon doon at umupo na sa upuan. Napaka-boring na talaga rito. Wala na akong magawa. "Riki---" Napatigil ako sa pagsasalita nang hindi ko siya makita sa kinauupuan niya kanina. Inilibot ko ang paningin ko ng 360 degrees ang paningin ko pero wala talaga siya. Sinilip ko pa ang ilalim ng lamesa pero wala talaga siya roon. Anak ng--- Iniwan ako ng gag*! "Rikinor?" Kahit hindi ko siya nakikita ay nagtawag-tawag na rin ako para marinig niya. Tumakbo ako papunta sa pinto at agad na inawag ang pangalan niya. "Rikinor?" Wala ni isang tao sa hallway. Medyo madilim kaya hindi ko kita pero sigurado akong walang tao. Nag-echo pa ang boses ko kaya halata kong tahimik talaga at walang tao. Isinara ko na lang ang pinto dahil hindi naman ako maaaring magpagala-gala sa paghahanap sa kanya. "Hanap mo 'ko?" "Ay gag*!" Natumba ako sa pagkakagulat unang bumagsak ang pwetan. Ang lakas ata sobra ng impact nun dahil rinig na rinig ko ang pagbagsak ko. Napapikit na lang ako sa sakit. "Nagulat ba kita?" Hindi naman halata no, Rikinor? Saan ba kasi ito nanggaling? May hidden doorway ba rito at hindi ko siya nakita kanina? Tinulungan naman niya na akong tumayo. "Halika, may pag-uusapan tayo." Itinayo niya lang ako pagkatapos ay ayun na. Iniwan niya na ako at naglakad naman siya papunta sa lamesa. Sumunod na rin ako dahil may pag-uusapan daw kami. Malay mo, balak niya ng bumalik. Dahan-dahan akong umupo sa upuan katapat niya. "O anong pag-uusapan natin? Babalik na ba tayo?" Sabi ko nang walang gana. "Hindi pa." At lalo akong nawalan ng gana. "Ngunit huwag kang mag-alala, babalik tayo ngayong araw at siguradong makakaabot tayo sa pagsusulit." Nakakatuwa naman kung ganoon. Pero bakit parang ayaw kong maniwala? "Paano mo naman nalaman?" Nang-uusisa kong tanong. "Ah basta. may paraan kami para malaman ang nangyayari sa iba't ibang lugar. Sa ngayon ay hindi paa nagsisimula ang labanan natin dahil may nangyaring di inaasahan sa kampo. May mga nakapasok na di kilalang tao at naglalaban-laban pa sila roon. Hindi na natin kailangan pang makisama roon." Ehhh? Saglit lang kaming nawala, may nangyari na agad. Nakapagtataka naman. Ano kayang nangyayari roon ngayon? Kung totoo ngang may sumugod ay mas lalo naming kailangang bumalik doon ni Rikinor. Kaso nga lang, wala akong maitutulong doon. Wala akong alam sa pakikipaglaban at magiging pabigat lang ako. Pilitin ko na ba si Rikinor? Kung sa bagay, may punto nga si Rikinor. 'Wag na siguro. Pero parang napakamakasarili naman namin kung ganoon. Kung sasabak ako sa laban nang walang kaalam-alam, malay ko ba kung matuto pa ako di ba? "Hoy, nakikinig ka ba?' Napakurap-kurap na lang ako at mukhang masyadong naglakbay ang utak ko. "A-Anong sinasabi mo?" Napapalatak naman siya. "Ang sabi ko, may kailangan akong gawin pagbalik natin doon at tutulungan mo ako." Ito na naman tayo sa tulong-tulong na iyan eh. Diyan ako mapapahamak eh. Pero tinulungan niya rin naman ako kaya sige, tutulungan ko na siya. "Oh ano namang gagawin natin?" Lumapit pa siya sa akin na akala mo'y isang top secret mission ang gagawin namin. Wala namang makakarinig sa amin dito. Ang dami niya pang arte. "Narinig mo naman ang pinag-uusapan namin kanina , di ba? May kinalaman doon ang gagawin natin. Para matapos na ang lahat na 'to." Ako naman ay parang isang tsismosong lumapit din sa kanya. "Eh ano ba kasing nangyayari? Kanina pa ako nagtatanong ayaw mo namang magsabi. Nakakainis ka rin eh." Napakamot naman siya sa ulo niya at humugot na naman ng walang katapusang sigarilyo. Hindi ko na alam kung saan niya kinukuha ang mga sigarilyo niya dahil hindi naman ganoon kalobo ang bulsa at maliit niyang bag. Magic na rin siguro na walang katapusan ang supply ng tabako na meron siya. "Mahabang kwento. Turista ka siguro sa kapitolyo kaya hindi mo alam." "Ano nga iyon?" Paulit-ulit naman itong lalaking ito eh. Kanina ko pa tinatanong, paligoy-ligoy pa. "Basta. Matagal na itong layunin naming ito. Simula pa ito noong nakaraang ilang daang taon. Simula pa noon, nagsisimula na ang pangkat naming kumilos at ang mga ninuno namin, ipinasa sa amin ang tungkulin upang tapusin iyon," seryoso niyang sabi. "Hindi ko maaaring sabihin sa iyo ngunit... ang pinakagustong mangyari ng aming pangkat sa ngayon... ay ang..." "Ang ano?" Huminga siya nang malalim na para bang napakahirap sabihin ng sasabihin niya. "A-Ang mawala sa kapangyarihan ang demonyong hari," sabi niya nang seryosong-seryoso na kahit nautal pa siya ay iba ang sinasabi ng kanyang mata. Napanganga naman ako sa sinabi niya at nanatili akong nakanganga. Hindi naman siguro ito papasukan ng langaw dahil wala naman kami sa labas. Alam kong may kinalaman ang hari sa misyon nila pero hindi ko inisip na ganoon kalaki ang gusto nilang mangyari. Ang mawala sa posisyon ang hari? Posible ba iyon? Kaya ba iyong gawin ng isang pangkat na hindi kilala? Pwede ba nilang magawa iyon eh parang wala naman ata silang laban doon. Iniisip ko pa lang ay ayoko ng isipin. Nagsisimula na namang magulo ang utak ko. Kapag ganito kasing mga scenario, kadalasan ang mga mahihirap ang naaagrabyado. Ibig sabihin ba nito, masama talaga ang hari? O baka naman sila Rikinor ang nasa mali at hindi lang nila napagtatanto? Iniling ko na lang ang iniisip ko. Hindi naman maaaring maging masama sila Rikinor. Kung ganoon nga, kahit pa napoprotektahan niya ako ay kailangan kong lumayo sa kanya. Hindi ako pwedeng lumapit sa kanya kahit naging mabait siya sa akin pati na rin ang mga kasamahan niya rito. Pero kasi... ibig sabihin pababagsakin nila ang hari? Kung matagal ng kumikilos ang kilusan nila ay siguradong alam na ng mga nakaraan at maging ng kasalukuyang hari ang existence ng grupo nila. Mahihirapan sila sa gagawin nila. At isa pa, ano namang dahilan para pabagsakin nila ang hari? "Teka, teka," bigla ko na lang sabi sa sobrang pagkagulo. "Ang hari? Ano bang ginawa ng hari?" Umakto naman siyang parang naiinis. Hinilamos niya ang kamay niya sa kanyang mukha at napasabunot ng buhok. Aba, siya itong gustong tulungan ko siya eh. Dapat lang na sagutin niya lahat ng tanong ko para anman malinawan ako sa nangyayari at para malaman kung tama ba na tulungan ko siya o hindi. "Basta marami. Maraming-marami. Hindi niya man iyon ginagawa sa harap ng maraming tao pero marami na siyang nagawang mali. Sa ngayon, wala pang epekto iyon sa bansa at sa buong mundo pero kung magawa niya ang dapat niyang gawin na gusto namin pigilan, magkakandalese-letse na." Hays nako. Mukhang wala nga atang balak si Rikinor na sabihin sa akin kung ano ba talaga ang nangyayari. Yung mismong nangyayari. Yung lahat ng detalye. Paano na ito? Tulungan ko ba ito. "Tulungan mo na sila, Leo. Makakatulong ito sa misyon mo kay Hiraya." "Ano payag ka ba?" Saktong tanong naman ni Rikinor. At dahil nandito na naman ang boses na iyon, kailangan kong makausap muna siya para sa isang napakalalim na payo. "Sandali lang Rikinor ha. Maghintay ka diyan. Mag-iisip lang ako." Tumalikod na ako sa kanya at naghintay sa susunod na sasabihin ng boses. "Leo, magtiwala ka lang sa kanya. Makakatulong siya sa atin." "Paano mo naman nalaman? Parehas kayong dalawa eh noh. Magsasabi kayo ng gagawin ko pero hindi niyo naman sasabihin yung buong detalye kung bakit dapat ko iyong gawin. Balibagin kita diyan eh." Di ako nagbibiro. Oras na makita ko siya kung may katawan man siya at hindi lang basta boses sa utak ko, babalibagin ko talaga siya kahit babae pa siya. "Leo, ang lahat ng sinasabi ko ay para sa iyo at sa kagalang-galang na si Hiraya. Makakatulong sila sa inyo ni Hiraya. At isa pa, kailangan mo nang magmadali dahil kailangan mo na ring balikan si Hiraya. Ang mga tao sa Huliohi, hanngang ngayon ay pinaghahahanap ka pa rin. Iniisip nila na may kung sinong kumuha sa iyo kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin sila tumitigil sa paghahanap sa iyo. At ngayon, nasa Aru Bahal na ang iilan sa kanila. Hindi nila maaaring matuklasan si Hiraya!" Eh??? Hinahanap nila ako? Ni hindi ko nga alam na hinahanap nila ako tapos magrereklamo siya sa akin. "O sige na. Sige na. Papayag na ako. Pwede ka nang umalis." Naghintay pa ako ng ilang saglit para marinig kung may sasabihin pa siya. Pero mukhang wala na naman. Humarap na akong muli kay Rikinor at sinabi ang pasya ko. "O sige na. Payag na ako." Imbis na magtatalon sa tuwa at yakapin ako ay iba ang kanyang ginawa. Ibinuga niya lang naman ang usok ng sigarilyo niya sa mismong harap ko. Napaubo na lang ako sa ginawa niya. Ang baho talaga. Kahit kailan, hindi ko magugustuhan ang amoy ng sigarilyo. "Ano ba?" "Ayos. Siya, alis na tayo." Tumayo na siya at nagsimulang maglakad sa pinto. Naiwan naman ako sa upuan dahil nauubo-ubo pa ako. Ay ano? Ganoon lang iyon? Hinintay niya lang akong pumayag para bumalik na kami sa kampo, ganoon? "Teka nga sandali." Lumingon naman siya nang akmang bubuksan niya na ang pinto. "Babalik na tayo? Sa kampo?" Tumango naman siya. "Oo." "O tapos anong gagawin natin doon? Makikisama sa gulo?' "Oo." Akala ko ba ayaw niya? Ang gulo niya rin eh. "Eh teka, ano nga ba ang gagawin natin doon? Ang tungkulin mo?" Lumapit naman siya sa akin at umakbay. Ibinuga niya na munang muli ang usok bago tumingin sa akin. "Ang hanapin ang reyna. Si Reyna Sodefilia."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD