Chapter 33 - Back

2903 Words
"Maraming salamat sa pagbisita mo rito. Sana makabalik kayo kaagad." "Oo nga, Rikinor. Alam mo naman, hirap din kami rito. Sana makabalik ka rito kaagad." Tinanguan lang sila ni Rikinor at umalis na rin agad kami. Magpapaalam pa kami sa ibang tao lalo na kay Maestro. Nilakad na namin ni Rikinor ang napaka-busy-ng hallway. Nakasunod lang ako sa kanya hanggang sa makabalik na naman kami roon sa lamesang pinuntahan namin kanina. At nandodoon na naman yung tatlo, kasama si Maestro. Mukhang maayos naman silang nag-uusap pwera na lang sa mukhang problemado sila at galit naman yung isa. Naririnig ko na ang di nila kaaya-ayang pinag-uusapan. Natigil si Rikinor sa paglalakad pero kalaunan ay tumuloy rin. "Maestro." Napatigil naman sila at natuon ang atensyon sa amin. "Kailangan na naming bumalik." Para namang nabalik sa katotohanan kung mag-react si maestro. Natigil silang lahat sa pag-uusap at inayos ang kanilang mga pustura. "Ganoon ba?" Sabi naman ni Maestro. Nagtinginan ang tatlo, hindi kasama yung galit na Calypso, na para bang may gustong sabihin. "Sige, sasamahan ko na kayo. Ngunit bago iyon ay kailangan muna nating mag-usap-usap tungkol sa tungkulin mo." Tumango lang si Rikinor at nagsimula na silang maglakad. Susunod sana ako pero pinigilan ako ni Lauralia. "Dito ka na muna, Leo. Hayaan mo muna sila." Napatigil lang ako saglit dahil medyo ini-analyze pa ng utak ko yung sinabi niya. Kalaunan ay tinanguan ko na lang siya at nanatili akong nakatayo rito. Sinilip ko kung nasaan na sila at hindi naman sila masyadong lumayo. Medyo lumayo lang sila sa mga tao para siguro walang makarinig sa pinag-uusapan nila. "Calypso, ano pang hinihintay mo? Inuutusan ka ni Maestro 'di ba?" Sabi ni Lauralia. Napatingin naman ako roon sa dalawang lalaking nakaupo. Yung isa, hindi ko alam kung pipi o wala lang talagang pakialam pero wala siyang reaksyon sa sinabi ni Lauralia at nakapikit lang siya. Mukhang na-bad trip naman yung isa. "Ano pang hinihintay mo? Kilos na!" Nagulat naman ako nang marinig ko ang lakas ng paghampas ni Calypso sa lamesa. Nakatayo na siya ngayon at masama ang tingin. Hindi ko alam kung sa akin ba, kay Lauralia o sa aming parehas siyang masamang nakatingin dahil nasa likod lang naman ako ni Lauralia pero sobrang mainitin talaga ng ulo niya. Kailangan bang magalit para sa mababaw na dahilan? Mas lalo na lang akong nagtago sa likod ni Lauralia para hindi na ako makita ni Calypso. Hindi ko makita ang reaksyon ni Lauralia kasi nga nasa likod niya ako pero mukhang hindi naman siya papatalo kay Calypso. Hindi nanginginig ang katawan niya at nakatayo siya nang maayos. Hinintay kong may gawin siya o sunod na sasabihin pero wala na. Napatingin naman ako roon sa isa at wala pa rin naman siyang ginagawa. Hinintay kong magalit siya nang todo at dugudin si Lauralia pero hindi niya iyon ginawa. Napatalon na lang ako nang kaunti nang muli niyang hampasin yung lamesa at umalis papunta sa direksyon kung nasaan sila Rikinor. Nakabantay lang ang mga mata ko sa kilos niya hanggang sa makarating siya sa tapat ni Rikinor. Base sa nakita ko, sa tingin ko ay may biglang sinabi si Rikinor patungkol sa kanya na siya namang kinainis niya. Nakita kong umamba siya pero may sinabi si Maestro na naging dahilan para pigilan niya ang sarili niya. Mula sa mga matitigas nilang mukha ay napunta ang atensyon ko sa kamay ni Calypso at nakitang nakakuyom iyon at pigil na pigil ang pagsuntok. May iilan na ring nakatingin sa kanila at nanonood at nag-aabang sa susunod na mangyayari. Kalaunan ay umalis na rin si Calypso nang padabog. Hindi ko namalayang higit-higit ko na pala ang hininga ko nang mga oras na iyon at nakahinga lang ako nang maluwag nang maghiwalay na sila ng landas. "Maupo ka muna, Leo. Hanzo, iabot mo sa kanya yung upuan." Inabot nga naman sa akin nung Hanzo yung upuan. Naupo ako roon sa tapat nung Hanzo na hindi ko na pala dapat ginawa dahil napaka-awkward ng dating. Hindi naman kami magka-close at saka siguradong wala pa silang tiwala sa akin. Ngayon lang kami nagkita-kita. Sadyang mabait lang siguro itong babaeng ito. saka sa itsura naming ito, mukhang alam ko na ang kahahantungan nito. "Saan ka nga pala nakilala ni Rikinor, Leo?" Sinasabi ko na nga ba. Interrogation ang mangyayari. "Leo, kahit anong itanong niya, iwasan mong may masabi tungkol kay Hiraya o kaya kahit anong makakaalam na may koneksyon kayong dalawa." Hindi ko siya masagot sa utak ko pero tumango na lang ako nang bahagya. Gusto ko pa sana siyang kausapin pero hindi naman pwede iyon at magmumukha akong tang* sa harapan ng mga tao rito. Basta susundin ko na lang yung sinabi niya. "Sa ano... sa pagsusulit ng mga kawal. Gusto ko rin sanang maging kawal," sagot ko. Para namang nagliwanag ang mukha niya at mas lalong naging curious sa mga nangyayari sa buhay ko. Napatingin ako doon kay Hanzo at nakitang nakabukas ang isa niyang mata at nakatingin sa akin. Agad kong iniwas ang mga mata ko at napalunok na lang. Mukhang mapapasabak talaga ako sa isang masusing imbestigasyon. Kayanin ko kaya ito? Huminga na lang ako nang malalim at mukhang hindi ko rin naman maiiwasan ito. Kailangan ko na lang talagang maging maingat sa mga sinasabi ko. Sabi ng boses na iyon ay makakatulong sila pero mukhang ayaw niyang may makaalam muna ng tungkol kay Hiraya. Susundin ko na lang siya at mukhang hindi naman siya isang masamang engkanto na gumagambala sa utak ko. "Ahhhh. Eh paano naman kayo nagkakilala roon at mukhang napalapit pa kayo sa isa't isa. Alam mo ba, bihira lang na may kausap iyang si Rikinor. Ni kami nga, hindi namain makausap nang hindi tungkol sa layunin ng pangkat iyan. At dinala ka pa niya rito. Siguradong malalim na ang pinagsamahan niyo! Sabihin mo nga, ano bang lihim para mapaamo iyang si Rikinor?" Tuloy-tuloy niyang sabi. Hindi ko tuloy alam kung anong uunahin kong sabihin. Napakamot na lang ako sa ulo. "Ahhh, wala iyon. Ano ka ba? Lagi ko lang kinukulit iyan kaya wala na siyang ibang pagpipiliaan kundi ang samahan ako. Saka mukha ngang ilap siya sa mga tao ngunit di ko naman inasahan na ganoon siya kailap," sabi ko habang nakangiti. "Ah ganoon ba?" Bumusangot naman ang mukha niya na para bang may mali akong sinabi. "Bakit parang malungkot ka? M-May nasabi ba ako?" Tanong ko sa kanya. Sumandal lang siya sa upuan niya at huminga nang malalim na parang isang bata. Malayong-malayo ito sa nakita kong tensyonado at dedicated na Lauralia sa kanilang mission. "Ganoon din naman kasi ako kay Rikinor noon pa man. Ngunit alam mo ba, ni minsan ay hindi iyan nakisakay sa mga pakulo ko! Lagi na lang siyang naninigarilyo! Matagal ko na nga siyang sinasabihan na tigilan iyon eh kasi pakiramdam ko mamamatay siya nang maaga sa pinaggagagawa niya ngunit anong nangyari, dumoble pa ang sigarilyo na hinihithit niya sa isang araw! Paanong nangyaring nakikinig siya sa iyo tapos sa akin hindi?! Hindi naman ata tama iyon!" Kasalanana ko pa ba iyon? Hindi ko naman hawak ulo ni Rikinor para itanong niya sa akin iyon eh. Napatingin naman ako sa gilid ko nang makarinig ako nang pagtawa. "Tinatawa-tawa mo diyan, Hanzo? May nakakatawa ba?" Mataray na tanong ni Lauralia. "Paano ka papansinin ni Rikinor eh wala namang katuturan mga pinapagawa mo sa kanya. Alam mong hindi mahilig iyon sa mga ganoong bagay." "Ay kahit na ba. Puro na lang siya pakikipaglaban. Ayaw niya bang magpahinga muna?" Nakabusangot niyang sabi. Tinawanan naman siya lalo ni Hanzo. "Asa ka namang gusto niyang makipaglaro sa iyo eh puro pambabae pinapalaro mo sa kanya noon." Inirapan naman siya ni Lauralia. Nagpatuloy na lang sila sa asaran. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nawala sa akin ang atensyon nila. Mabuti iyon para hindi sila tanong nang tanong at hindi rin ako isip nang isip ng sagot. Nakakagulo na ng utak. Pero dahil sa pakikipag-usap ko sa kanila at sa pakikinig sa kanila, kahit papaano ay nakikilala ko na ang kasama kong iyon. Mas madali ko na siguro siyang makikipasamahan dahil sa mga nalaman ko tungkol sa kanya. "Leo, halika na. Aalis na tayo." Napatayo naman ako sa aking kinauupuan nang magsalita si Rikinor at makitang naglalakad na siya papunta rito sa amin. Kasunod niya sa kanyang likod si Maestro. "Agad?" Komento ni Lauralia nang malungkot. "Mauna na kami ni Leo, Lauralia, Hanzo," pamamaalam ni Rikinor sa kanila. Tumayo sila at nakipagkamayan at yakapan na bago kami umalis. "Balik kayo kaagad ha?" Malungkot pang sabi ni Lauralia. Nginisian naman siya ni Rikinor. "Di na ako babalik dito. Manigas ka diyan," pang-aasar niya pa. Hinampas naman siya sa braso ni Lauralia. "Tama na 'yan. Bumalik na kayo at baka may makahalata pang wala na kayo roon." Tumalima naman agad kami ni Rikinor. Dinala nila kami roon sa pinasukan namin kanina. May mga iba ring tao rito na di ko kilala ang nandito para magpaalam kay Rikinor. Binati naman niya sila isa-isa. Bago magbukas ang pinto ay nilabas naman ni Rikinor muli ang panyong ginamit niya upang takpan ang mga mata ko kanina. Hindi ko alam kung kailangan pa ba iyang piring na iyan dahil wala naman akong balak na gawin sa kuta nila pero bahala na sila sa buhay nila. Susunod na lang ako para walang away. "Ano? Handa ka na ba?" Bulong niyang tanong sa akin. Tahimik naman akong dahang-dahang tumango. Naramdaman kong tumuwad siya sa harap ako at narinig kong tumapik siya sa sarili niya. "Kumapit ka na sa likod ko." Kinapa ko naman ang likod niya nag-piggyback ride na nga. Medyo mabigat ako kaya siguro medyo nahirapan pa siyang ayusin ang pagbubuhat sa akin. Nang maayos na ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Mukhang babalik na talaga kami sa realidad ng bu8hay namin. "Mag-iingat kayo, Rikinor. Alalahanin mo lagi ang tungkulin mo sa pagtupad ng layunin ng samahan," sabi ni Maestro. "Makakaasa po kayo,, Maestro. Mauna na ho kami." Hindi ko na narinig na magsalita ang kahit sino man mula nang sabihin niya iyon. Naramdaman ko na lang na naglakad si Rikinor paabante kaya't alam kong babaliki na talaga kami. Hindi na rin talaga kami dapat magtagal doon dahil may misyon pa siya. At tungkol nga pala sa mga misyon, kaninang kausap ko si Rikinor ay may nabanggit siyang kahit kakarampot lang tungkol sa misyon nila. Hindi malinaw yung details pero kahit papaano ay nakukuha ko na kung ano ba talaga ang gusto nilang mangyari. "Teka, teka, sandali lang ha. Ano ba talaga kasing meron?" "Ay basta, ang kulit mo naman eh." "Bahala ka rin, hindi ako aalis dito sa kwarto hangga't di ka nagsasabi," pagmamatigas ko pa. Maglalakad na rin sana ako palabas pero tumigil ako malapit lang sa pinto. Nakatayo lang ako roon habang nakalagay sa magkabila kong bulsa ang dalawa kong kamay. Lumingon siya sa akin at nakita niyang hindi talaga ako papatinag. Nakalabas na siya ng pinto pero bumalik din siya at padabog na sinara ang pinto. "Para kang bata," inis niyang sabi habang nakakunot ang noo at papunta ulit doon sa lamesa. Napangiti na lang ako sa kanya at sinundan siya papunta sa lamesa. Naupo siya sa isang upuan at umupo rin ako sa isang upuan sa tabi niya at ipinaharap sa kanya upang magkatapat kami at mas madali kaming makapag-usap. "Ano pa bang gusto mong malaman?" Nayayamot niyang sabi. "Kung bakit niyo ito ginagawa. Kung saan nag-ugat ang lahat. Syempre kailangan ko rin ng basehan." "Kasi nga, gusto naming mawala sa kapangyarihan niya ang kasalukuyang demonyong hari. Nasabi ko na sa iyo iyon kanina di ba?" "Eh, oo nga, eh kaso ang sabi mo lang sa akin kanina, demonyo siya at may mga nagawang masama. Ano ba kasi eksakto ang mga nagawa niyang masama? Nang malaman ko naman kung ano ba talagang ipinaglalaban ninyo," pabulong kong sabi sa kanya. Napabuntong-hininga naman siya at saka sinenyasan ako na lumapit pa sa kanya. Yumukod naman ako nang kaunti at ganoon din ang ginawa niya. Tumingin siya roon sa may pinto at bigla na lang tumayo. Pinagmasdan ko siyang pumunta roon at nakitang ni-lock niya ang pinto. Pagkatapos ay dahan-dahan ngunit mabilis siyang tumakbo papunta rito sa pwesto niya at naupong muli. "Huwag mong ipagkakalat ito, ha? Malilintikan tayo parehas kapag may nakaalam na alam mo. Ako mismo papatay sa iyo kapag nangyari iyon," pagbabanta niya pa. "Oo na. Oo na. Ano nga kasi. Binabagalan mo pa eh." "Yung hari ngayon na asawa ni Reyna Sodefilia, ay isang alagad ng kasamaan. Base sa mga nakalap namin, siya ang nagtatago at nagtatanggol sa mga samahan na laban sa isang kataas-taasan. Alam mo naman siguro kung sino sila 'di ba? Kahit saan kilala ang mga kataas-taasan. Huwag mong sabihing di kayo naniniwala sa kanila?" Buti na lang pala, nasabihan na ako ni Tandang Ishang tungkol sa kanila. Kaso kaunti lang angg nabanggit niya sa akin na miyembro nun at nakalimutan ko pa yung iba. Basta ang tanda ko lang ay si Hiraya at yung ninuno nila Uulnir na Elfer ang pangalan. "Oo naman. Kilala ko sila." "Ang labindalawang kataas-taasan ay siyang tagapaglikha at tagapangalaga ng mundo. Ang kumilos laban sa kanila ay isang matinding krimen. Hindi maaari iyon." Napaisip naman ako sa sinabi niya. Kung ganoon ay parang naglalaban-laban lamang sila dahil sa magkakaibaang paniniwala o sabihin na nating relihiyon. Para kasing ganoon eh. "Rikinor, hindi mo naman kasi sila mapipilit kung hindi sila naniniwala sa mga ganyan at wala pa namang nakakakita sa mga nilalang na iyon. Kailangan ba talagang humantong sa isang p*****n?" Napailing-iling naman siya sa akin. "Hindi. Hindi mo naiintindihan eh. Ang pagkilos laban sa kanila, kahit saan man o kahit kailan ay magdudulot ng panganib. May iilang mga batas at prinsipyo ang mga kasapi ng kataas-taasan na kanilang sinusunod at iyon ang hindi maintindihan ng iba. Hindi namin alam ang ibang detalye ngunit alam namin na isa sa mga napagkasunduan ng labindalawang kataas-taasan ay ang kahalagahan ng tao." "Anong sabi tungkol doon?" Tanong ko naman. "Walang sinuman ang maaaring humigit sa kahit na sino at walang kahit sinong maaaring bumaba pa sa kahit sino. Lahat ay pantay-pantay. Lahat ay may kalayaan sa buhay." Naku, mukhang magkakatalo nga tayo diyan. Napakaimposible naman ng sinasabi niyang mga iyan. Pantay-pantay? Diyos ko, sa panaginip lang mangyayari iyan. "Ay. Hindi talaga kayo magkakasundo diyan." "Mabuti naman at naiintindihan mo. Syempre, hindi naman ganoon talaga ang nangyayari ngayon kaya't marami ang gustong magbago nito, lalo na ang mga salat sa buhay. Ngunit hindi naman papayag ang mga nasa itaas. Kaya't nagkakagulo. Naiintindihan mo na ba?" Napatango-tango naman ako sa sinabi niya. Nakikita ko ang punto niya. Sadyang inaabsorb ko pa lang talaga loahat ng nalaman ko. Nang makapag-isip-isip ay nauna na akong tumayo sa kanya at pumunta na sa pinto. "Oh, saan ka pupunta?" Sabi niya. "Saan pa ba? Di ba babalik na tayo?" Sabi ko naman sa kanya. Agad naman siyang tumayo at siya pa ang nagbukas ng pinto at nauna sa akin. "Oh, ano, babalik na tayo. Masaya ka na?" Sabi niya sa akin habang buhat-buhat ako. "Oo na. Oo na. Bilisan mo na lang maglakad." Hindi na ako nakarinig pa sa kanya ng sagot at naglakad na nga lang talaga siya. Sana lang ay maging maayos ang lahat pagbalik namin at mabuhay pa kami sa dami ng gulong pinapasukan namin. Nanahimik na lang ako at hinintay na lang na makarating kami roon. Di nagtagal ay naramdaman kong huminto na si Rikinor sa paglalakad. "Nandito na tayo." Hindi niya pa rin ako binababa kaya hindi ko pa rin tinatanggal ang piring ko. Naramdaman kong humakbang siya nang paabante nang isang beses at ganoon na lang ang pagtakip ko sa tenga ko nang makarinig ng isang malakas na tunog. Naramdaman kogntumjakbo si Rikinor kaya't kahit medyo nasaktan ang tenga ko sa tunog ay napakapit ako kay Rikinor. Ang bilis ng pagtakbo niya kaya't di ko na maramdaman ang direksyon na tinatakbuhan niya. "Huwag kang bibitaw, Leo. Maghahanap lang ako ng ligtas na lugar." At hinayaan ko na nga lang siyang gawin iyon. Hanggang sa tumigil kami sa isang lugar at narinig ko ang pagbukas ng isang pinto. Naramdaman kong pumasok siya roon at ibinaba ako. "Tanggalin mo na iyang piring mo." Katulad ng sabi niya ay tinanggal ko na nga ang piring ko. Kinurap-kurap ko ang mata ko para makapg-adjust sa lugar. Nang maging malinaw na ang lahat ay nakita kong nasa isang maliit na silid kami. Mukhang isang kwarto ng isang sundalo at napakadilim dito. Nakarinig naman kami ng sunud-sunod na malalkas na tunog na parang isang pagsabog. Agad akong napaluhod sa pag-aakalang baka tamaan kami ng kung ano man iyon. "Dito ka lang. Titingnan ko ang nangyayari sa labas," sabi ni Rikinor at naghanda na para pumunta sa labas. "Teka. Teka. Teka. Iiwan mo ako rito?" Tanong ko pa sa kanya. "Ayy, huwag ka ngang duwag. Dito ka muna. Pag nalaman ko na ang lagay sa labas saka kita susunduin dito. Sige na, mag-ingat ka diyan." Bago siya umalis ay nagsindi muna siya ng sigarilyo at nagpalabas ng usok. Nang magawa niya iyon ay lumabas na siya. Wala naman akong magawa kundi ang maupo na lang dito at maghintay. Hindi ko na tinangka pang sumilip sa labas at baka kung ano pang mangyari sa akin. Pero base sa mga naririnig kong tunog ay mukhang nagkakagulo sa labas. Sana lang ay ligtas ang lahat at sana lang ligtas na makabalik yung isa rito. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD