"May labanang nagaganap sa labas. May mga nakapasok na di kilalang tao," sabi ni Rikinor. Nakabalik na siya mula sa labas. Buti nga madali lang siyang nakakuha ng impormasyon sa nangyayari sa labas. Kundi baka naipit pa siya sa nangyayari doon.
"Paanong may labanan? May nagtrayduran ba ganoon? Nagkapikunan sa tapatan?" Tanong ko.
"Wala. May nakapasok na hindi tagarito. Malay ko ba kung anong kailangan nila. Basta kailangan muna nating maprotektahan ang ma sarili natin. Nasaan na yung sandata mo?"
Napatingin naman ako sa paligid ko at mismo sa sarili ko. Kung di ako nagkakamali, yung parang crossbow ang sandata ko. Kinapa-kapa ko ang sarili ko at pero wala. At sa pagkapa ko ay may isa pa akong napagtanto.
Wala yung bag ko!
Naiwan ko ata sa kwarto kanina bago kami umalis ni Rikinor. Ano ba naman iyan?!
"Ano? 'Di mo dala?" Tanong ni Rikinor.
"Mukhang ganoon na nga," dismayado kong sabi.
Napahinga na lang siya at napaupo na rin dito. Nandito kami ngayon sa isang kwarto. Dito ay may dalawang bunk bed at puro kalat. May mga nakakalat na damit at kung anu-ano pang gamit. Hindi ko tuloy alam kung paano naging sundalo ang mga nakatira sa kwartong ito. Napakakalat nila.
"Kailangan nating bumalik doon sa kwarto kanina para kunin ang mga gamit mo. Di ba meron ka rin dala na parang lagayan kung saan mo nilalagay mga gamit mo?" Mahabang sabi niya.
Tinutukoy niya ata yung bag na dala ko.
"O-Oo. Oo. Meron nga. Pero hindi naman makakatulong sa atin ang mga laman niyon."
"Ngunit malay mo may maitulong. Sa ngayon halughugin mo muna itong buong lugar. Baka may makatulong sa atin."
Sumang-ayon naman ako sa suhestiyon niya at tumayo na para halughugin ang lugar. Una kong sinilip ang ila-ilalim ng mga kama dahil doon naman ako malapit. Ngunit puro mga nakakalat lang na damit at sapatos ang nakita ko. Tumayo ako at inisa-isa ang mga drawer pero puro mga gamit lang na personal ang mga nandoon. Binuksan ko naman ang isang cabinet na maliit na nakasabit sa dingding. Mukha itong isang medicine cabinet kaya naman agad ko itong binuksan. Kung meron ngang mga gamot doon ay makakatulong iyon sa amin kung sakaling may masugatan.
"Ano may nakita ka na?" Tanong ni Rikinor. Napalingon ako sa kanya at nakitang kumukuha na naman siya ng panibagong sigarilyo.
"Eh kung tinutulungan mo kaya ako?" Sabi ko sa kanya habang pilit na binubuksan ang cabinet. Nakakandado iyon nang maigi kaya di ko mabuksan.
"Ano ba iyan? Ba't ang tagal mo diyan?"
Buhol-buhol kasi ang kadena kaya hindi ko mabuksan. Ewan ko kung anong trip ng mga nandito at buhol-buhol ito.
"Baka naman kasi hindi gamot ang nakalagay diyan."
Narinig ko na naman ang boses niya.
"Buksan mo iyan, Leo. Siguradong may makukuha kang magagamit ninyo diyan. Hindi man sa pagprotekta sa sarili ninyo, maaari naman iyang makatulong sa misyon ninyo."
Hindi ko na siya narinig magsalita at nagpatuloy na lang ako sa pagtanggal ng buhol ng kadena gamit ang mga daliri ko. Ngunit masyadong makalawang ang kadenang ginamit kaya nahihirapan din akong tanggalin ang buhol.
"Ayos na ba?" Tanong ni Rikinor.
"Tulungan mo nga ako rito." Pagsuko ko. Sumasakit na rin ang dulo ng mga daliri ko. "Hindi ko talaga mabuksan eh."
Tumayo naman na siya at nagpunta sa kinaroroonan ko. Tumayo siya sa tabi ko at tiningnan ang buhol ng bukasan ng cabinet. Ewan ko kung anong iniisip niya pero sigurado akong sobrang tagal niya ng nag-iisip ng gagawin.
"Maghanap ka ng maaaring pambaklas diyan."
"Anong pambaklas? Huwag mong sabihing sisirain mo iyan?!" Tanong ko sa kanya.
"Ano pa bang magagawa natin? Kailangan na natin itong baklasin para may mahanap na sandata."
Sumunod na lang ako sa kanya at naglibot-libot pa. May estante malapit sa pinto kaya sinubukan kong tingnan ulit iyon. Puro alikabot ito at mukhang matagal nang hindi nalilinisan. Di ko akalaing may ganitong estante rito eh araw-araw namang may tao rito.
Sa estante ay may maliit na drawer sa baba. Umupo ako at sinubukang buksan ito pero ang hirap ring buksan. Masyado na sigurong luma kaya parang maganit na yung mga kahoy.Ilang hila pa ay nabuksan ko na siya at puro alikabok lang ang sumalubong sa akin.
"OY, GAG*!"
Napatalon naman ako sa kinauupuan ko nang makarinig ng sigaw at ng lagabog sa labas. Muntik na rin akong mapasabi ng "gag*" dahil sa kung sino man iyon. Kung sino man iyon, mamumura ko talaga siya.
Walang gumalaw sa aming dalawa ni Rikinor. Mahirap na baka may kalaban sa labas. Mabuti nang huwag mag-ingay at baka malaman pang nandito kami.
"Gag* ka talaga. Lumayo ka nga sa akin!"
Napaatras naman ako sa may dingding nang bigla na lang malakas na lumagabog ang pinto. At sa pagbukas nun ay dalawang tao ang pumasok at magkapatong sila ngayon. Nadadaganan kasi ng isa yung isa. Hindi ko lang malaman kung sino ang mga ito dahil ang gulo-gulo ng mga itsura nila at balot na balot sa putik at iilang talsik ng dugo.
"Ano bang--- Bakit ka ba sunud nang sunod? Di mo ba kaya sarili mo?" Tanong ng babaeng boses.
Tumayo naman na yung nakapatong na isa at nagpagpag ng damit.
"Kaya ko ang sarili ko. Ikaw, hindi mo kaya ang sarili mo."
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil pamilyar na mga mukha ang nakita ko. At nag-aaway na naman sila. Maaappreciate ko kung hihinihan nila ang mga boses nila para hindi kami mahanap.
"Riki! Meya!"
Napatingin sila sa akin at agad naman akong tumalon at niyakap silang dalawa. Naramdaman kong sinusubukan nilang kumawala pero mas hinigpitan ko pa ang yakap ko. Ilang segundo pa at humiwalay na ako sa kanila at narinig ko naman ang mabigat nilang paghinga.
"Isa ka pa! Huwag kang lalapit-lapit sa akin ha. Lalo ka nang barako ka!" Sabi niya sa akin sabay tingin kay Rikinor. Si Rikinor naman ay nakatitig lang din sa kanila.
Naglakad si Meya papunta sa isang kama at nahiga doon nang patihaya. Si Riki naman ay nnatiling nakatayo at dahan-dahang sinara ang pinto. Sumandal siya sa may likod ng pinto nang maisara niya iyon.
"Sa wakas naman at nakita namin kayo. Nang magkagulo kanina, hindi namin kayo nakita. Saan ba kayo nagpunta?" Kalmadong tanong ni Riki.
Hindi ko naman alam ang sasabihin ko kaya tiningnan ko si Rikinor. Nakatingin naman siya nang walang gana kay Riki.
"Nagbanyo lang ako. Ewan ko diyan sa isa bakit sumunod."
Gag*?
Napatingin naman sa akin si Riki at natawa. Napanganga na lang ako sa kanilang dalawa.
Anong iniisip nila? May pagnanasa ako kay Rikinor? Mamatay man lahat ng babae sa mundo, hindi ako papatol sa lalaki.
"Tigilan niyo na nga iyan," sabi ni Meya at biglang bumangon. "Kailangan nating makaalis dito. Masyadong madaming nakapasok na kalaban. Para ngang balak talaga nilang patumbahin itong lugar. Hindi tayo maaaring maipit dito."
Tumayo naman nang maayos si Riki at nagbahagi rin ng kanyang saloobin.
"Hindi ba natin sila tutulungan? Kumuha tayo ng pagsusulit para maging sundalo kaya dapat lang din na tumulong tayo sa ganitong lagay," sabi niya.
"Kung gusto mong mamatay, eh di tulungan mo sila. Nakita mo naman kanin 'di ba? Masyadong malayo ang agwat natin sa mga kalaban at sa mga pinuno natin. Hindi natin sila kakayanin. Magiging sagabal lang tayo sa kanila," dagdag pa ni Meya.
"Hindi ako magiging pabigat. Kahit ang mga pipistugin na kalaban kayang-kaya natin. Naduduwag ka lang."
"Ikaw naman, pilit nagpapakabayani kahit hindi naman."
At nag-away na nga ang dalawa. Nakakasakit naman ngg ulo ito. Napailing na lang ako at bumalik sa ginagawa ko. Nabuksan ko na ang drawer at humupa na rin ang paglipad ng mga alikabok. Ngayon ay nakikita ko na nang malinaw ang mga nakalagay rito. Mayroong mga kagamitan dito na maaaring maging sandata. May mga patalim at maliliit na stick na metal. Kinuha ko ang isang maliit na stick na metal mula sa drawer. Makakatulong ito para tanggalin ang mga maliliit na buhol sa kadena sa medicine cabinet.
"Rikinor!" Pagtawag ko sa kanya. Hindi naman siya lumingon sa akin at naghintay lang ng sasabihin ko. "Ito oh. PAntanggal mo sa buhol." Sabay inabot ko sa kanya yung stick.
Itinapat ko iyon sa mukha niya pero hindi niya kinuha. Nakatitig lang siya doon sa cabinet.
"Hindi iyan makakatulong," maikli niyang sabi.
"Huh? Anong hindi makakatulong? Ito na oh, kunin mo na."
Inalis ko sa kamay niya ang sigarilyo at pinalitan nung maliit na stick. Hinintay kong gumalaw siya para buksan iyon pero hindi niya ginawa.
"Hoy, ano ba? Bakit ayaw mong buksan? Buksan mo na!"
Hindi siya kumilos at kinuha lang ang sigarilyo niya sa kamay ko at pinalitan ito ng stick na hawak niya.
"Ako na nga. Ang hirap mo namang kausap."
Pumunta ako sa cabinet at binuksan iyon. Sinubukan kong tanggalin ang isang pagkakabuhol pero hindi ko iyon matanggal. Sa tuwing makakalas na ay bigla na lang dudulas sa stick yung kadena at babalik ito sa dating pagkakabuhol. Pero sinubukan ko pa rin.
"Kung tinutulungan mo kasi ako rito, eh di sana kanina pa tayo tapos," sabi ko sa kanya habang tinatanggal yung kadena.
"May hangin ka ba sa utak? Sabi ko naman sa iyo kanina hindi mo matatanggal iyan eh."
"Eh bakit ba? Sabi mo lang hindi ko matatanggal pero ayaw mong sabihin kung bakit," sabi ko habang pilit pa ring binubuksan ang cabinet.
"Hindi mo iyan mabubuksan dahil may mahikang ginamit sa pagkandado ng bagay na iyan."
Napatigil naman ako sa pagtanggal ng sabihin niya iyon at napatabi sa kanya na nakatingin sa cabinet.
"Mahika?"
"Nilagyan nila ng mahika ang kandado upang hindi mabuksan basta-basta. At kapag ganoon, ang may-ari lang ng mahika na nakabalot dito ang maaaring makapagtanggal niyon."
Hindi ko alam kung paano niya nalaman iyon pero sa tingin ko ay nagsasabi naman siya ng totoo. walang dahilan para magsinungaling siya. Napatitig na lang din ako sa cabinet at nagtanong sa kanya.
"Oh eh anong gagawin natin ngayon?" Tanong ko sa kanya.
Umalis si Rikinor doon at tumayo malapit kina Riki at Meya. Sumunod na lang din ako sa kanya.
"Kamusta sa labas? Anong mga nakita ninyo?" Tanong ni Rikinor sa dalawa.
"Magulo. Maraming naglalaban. Puro mga nakatakip ang mukha kaya hindi namin kita at hindi rin malinaw sa amin kung anong gusto nila. Basta ang sigurado at malinaw sa amin, sila ay mga kalaban," sabi ni Riki.
"Kung ganoon, sa tingin niyo ba, makakarating tayo sakwarto natin kanina. Kung saan tayo dinala ni Hera?"
Napabangon namang muli si Meya mula sa pagkakahiga at nagkatinginan sila ni Riki.
"Nandoon ang mga sandata namin. Makukuha ba namin iyon sa lagay ngayon?" Dagdag na tanong ni Rikinor.
"Kaya naman. Huwag nga lang tayong papahuli sa kahit sinong kalaban. Nagkalat sila sa buong kampo kaya mahihirapan tayo. Ngunit kung magaling kayong makipaglaban, magagawa natin iyang gusto mo," mahabang litanya ni Meya.
"Oh eh akala ko ba, ayaw mong makipaglaban?" Tanong ni Riki kay Meya.
"Huwag ka nang madaldal, maaari ba? Wala ka namang inambag kundi sumatsat na lang eh," iritiang sabi ni Meya.
"Hoy, babae. Iniligtas kita kanina kasi muntik ka nang tamaan ng patalim. Ako pa ngayon ang walang ambag? Ikaw kaya itong pabigat lang."
"Eh di sana hindi mo na ako sinamahan kung ganoon lang din pala ang tingin mo. Umalis ka na rito!"
Napapikit-pikit na lang ako ng mata at napahilamos ng mukha. Mukhang kailangan kong tiisin itong dalawang ito lagi sa mahabang panahon.
"Tumigil na kayong dalawa. Ngayon din ay kikilos tayo. Habang wala pang masyadong putukan na nangyayari."
"At paano mo naman nasabi?" Tanong ng dalawa.
"Wala akong naririnig masyado. Meron man ay napakahina kaya siguradong malayo iyon. Kikilos na tayo. Ihanda niyo na ang sarili niyo."
Tumayo naman na sila at inayos ang kani-kanilang sarili. Maging ako nag-ayos na rin. Lumapit muli ako roon sa estante at kumuha ng maliit na kutsilyo doon sa drawer. Si Riki ang nasa may pinto at ang magbubukas niyon. Sa likod niya ay si Meya at sa likod naman ni Meya ay ako habang sa pinakadulo si Rikinor. Yung dalawang may Riki sa pangalan ang magsisilbing lookout ng grupo namin.
"Handa na ba kayo? Bubuksan ko na ito?" Tanong ni Riki.
Napahinga na lang ako nang malalim at hinigpitan ang pagkakahawak sa kutsilyo.
"Leo," rinig kong tawag sa akin ni Rikinor. "PAgkatapos nito ay babalik tayo rito. Kailangan nating malaman ang laman ng lagayang iyon."
Napalingon naman ako sa kanya.
"T-Teka, bakit? Saka paano tayo makakabalik dito? Baka nandito na ang may-ari ng kwarto pagbalik natin dito," pabulong kong sabi sa kanya.
"Basta. Hindi maganda kutob ko sa bagay na iyon. Kailangan nating malaman kung anong meron doon," sagot niya.
"Ngunit---"
"Bubuksan ko na ha. Bibilang akong tatlo, dapat handa na kayo."
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil gumagapang na sa akin ang kaba. Nanginginig mana ang kamay ay sinigurado ko talagang hindi ko mabibitawan ang kutsilyong hawak ko. Iyon na lang ang pag-asa ko kung sakaling mahiwalay ako sa tatlong kasama ko. Pero huwag naman sana.
"Isa."
"Dalawa."
"Tatlo."