"Hay, mga put* talaga," sabi ni Meya sabay sipa ng isang babasaging baso. Tumalsik ang basong iyon sa dingding at gumawa ng napakalakas na ingay. Rinig na rinig ang impact nito sa pader at ang pagbagsak sa sahig ng mga nabasag na piraso.
"Hoy. Ipapahamak mo ba kami?"
"Mabuti nang mamatay kaysa mabuhay na parang pinapatay! Lagi na lang may gulo kung nasaan ako..."
"Hindi na namin kasalanan iyon. Basta makisama ka na lang kung gusto mong mabuhay," sabi naman ni Riki.
Di ko alam pero parang may pinaghuhugutan itong si Meya. Ay bahala na. Focus na lang muna dapat kami sa goal ngayon,
Nakalabas na kami ng kwarto at nandito kami ngayon sa may canteen. Nakaupo kami ngayon dito sa sahig sa may mismong kitchen kung saan nagluluto ang mga chef. Walang tao rito. at magulo rin ang lugar. Pero may nakita naman kaming mga pagkaing nakaimbak dito. Mabuti na lang at wala kaming nakasalubong na kung ano o sino noong pababa na kami. Dito na namin napagpasyahang dumiretso para mayroong pagkain. Baka hindi kami makaalis lalo.
"Teka nga." Bigla kong sabi sa kanila. "Gaano ba karami yung mga pumasok dito at parang hindi niyo sila kaya? Napakaimposible naman na nawala lang kami saglit, ganito na kagulo."
"Ganoon na ba kayo kahina para hindi niyo kayanin kung sino man ang mga iyon? Kung tutuusin ang liit-liit lang nga nitong kampo ngunit ni isang kalaban wala tayong nakita nang magpunta tayo rito," sabi naman ni Rikinor.
"Oo nga. Saka bakit parang sobrang tahimik naman na ngayon? Baka naman wala na?" Dagdag kong sabi.
Sinubukan kong tumayo para sumilip doon sa may pinto ng canteen. Sumilip lang ako nang bahagya, yung tipong mata lang ang nakikita. Nandito ako ngayon sa may likod ng isang cabinet na pangkusina. Wala naman akong nakitang dumadaan doon. Mabuti kung ganoon dahil walang kalaban. Pero hindi rin mabuti dahil ibig sabihin, wala pa kaming mga kasamahan na siguradong ligtas. Nasaan na kaya yung mga iyon?
"Hoy!"
Muntik na akong sumubsob sa ginawang pagtulak sa akin ni Riki. At dahil doon, nasagi ko yung de-gulong na lagayan ng mga pagkain. Yung parang estante. Gumalaw iyon at tumigil lang nang bumangga sa pader. Gumawa iyon nang malakas na ingay.
"Bakit mo naman ako tinulak?" Sabi ko sa kanya.
Tinawanan niya lang naman ako at ang lakas pa ng tawa niya! Siraulo na ata ang lalaking 'to eh!
"Masyado ka kasing kinakabahan. Kumalma ka naman. Ipagtatanggol naman namin kayo kung sakaling may kalaban. Kayang-kaya namin ang mga iyon!" Pagmamamyabang niya pa.
"Ah talaga lang ha? Kaya pala sabi mo umalis na tayo kanina dahil sobrang gulo na," biglang sabat na naman ni Meya.
"Kailangan na nating umalis kanina dahil masyado nang magulo at posible tayong mapahamak talaga. Buti sana kung hindi lalampas sa sampu ang mga kalaban eh mukhang lagpas isang daan iyon eh," rason ni Riki.
Natigil naman silang dalawa nang biglang umayos ng upo si Rikinor na parang isang estudyanteng napakamasunurin. Tumingin siya sa amin at inilagay ang hintuturo niya sa tapat ng kanyang mga labi, senyales para kami ay tumahimik. Tumahimik naman kami katulad ng gusto niya pero di ko lang alam kung bakit. Nakaupo kaming tatlo sa tapat niya at nakaharap sa kanya at may tinitingnan siya na mukhang malayo na nasa likod namin. Hindi nga lang namin makita kung ano iyon dahil nga nakatalikod kami roon.
"Psst. Ano iyon? Bakit?" Tanong ko sa kanya.
Ibinalik niya ulit ang hintuturo niya sa tapat ng labi niya kaya hindi na ako muling nagtanong. Unti-unti siyang tumayo at sumilip doon sa may pinto ata. Lumingon na rin ako at unti-unting tumaas para sumilip.
"Huwag kang tatayo. Diyan ka lang," sabi ni Rikinor sa akin.
Hindi na ako umimik at hinyaan na lang siya. Nakaupo lang kaming tatlo habang naghihintay ng susunod na sasabihin niya.
Dahan-dahang tumayo si Rikinor at naglakad papunta palabas ng kitchen. Sinubukan kong hawakan ang pants niya para pigilan sana siya pero nilikot-likot niya lang ang paa niya.
Dahan-dahan at walang tunog ang bawat yapak niya na para bang may panganib na paparating sa amin sa oras na mag-ingay siya. Hindi ko alam kung anong trip niya pero sana walang makakita sa kanyang kalaban at siguradong katapusin na namin pag nagkataon.
Hindi pa siya nakakalabas nang tuluyan sa kusina ay kumalma na ang buong katawan niya. Nakatayo na siya nang maayos at kumuha pa ng sigarilyo sa bulsa niya.
"Labas na kayo diyan. Ligtas na tayo," sabi niya pa nang malakas.
Agad akong tumayo para itulak siya paupo sa sahig at baka may makakita pa sa kanya.
"Anong sinasabi mong ligtas? Eh---"
Napatingin naman ako roon sa may pinto. May mga sundalo na ang dumadaan. May mga kasamahan na kaming dumadaan! Ligtas sila!
"Oy, tingnan niyo! Andiyan na yung mga kasamahan natin! Tara na! Labas na tayo!" Pagyaya ko pa roon sa dalawang nakaupo pa.
Tumayo naman yung dalawa para tumingin din. Mukhang hindi pa ata naniniwala sa akin. Napatingin ulit ako sa pinto at nakitang parami na nang parami ang mga nagsisidaanan. Iyon nga lang ay punong-puno ng dumi ang mga mukha nila at mga sugatan.
"Tara, labas na tayo. Para makita nila tayo," bulong ko kay Rikinor.
"Mukhang hindi magandang gawin iyan," sagot naman niya sa akin.
"Bakit naman?"
Hinatak ko na siya pati yung dalawa papalabas. Hindi naman na sila umangal. Nakarating kami doon sa may mismong pinto at nakitang ang dami nga nilang galing sa labanan. Puro sugatan pa sila at may mga balot sa ulo o di kaya'y sa paat at braso. Ganoon ba kalakas ang mga kalaban?
"Grabe, ang laki pala ng naging pinsala," komento ko na lang.
"Sandali." Napatingin naman ako kay Rikinor nang sabihin niya iyon.
"Ano na naman ba? Tumulong na lang tayo sa kanila, hindi na nga tayo nakipaglaban eh," sabi ko.
"Sandali lang, Leo. May kakaiba rito," sabat naman ni Riki.
Napatingin ako sa mga taong dumadaan ngayon. Wala namang kakaiba sa kanila. Lahat sila nasaktan mula sa laban. Magiging kakaiba kung wala silang mga sugat at kung anu-ano pa.
Narinig ko ang tunog ng isang metal kaya't napatingin ako kay Riki. Hinugot niya na ang maliit niyang espada. Si Meya naman ay bumunot na rin ng mga patalim. Umakto silang alerto sa paligid. Samantalang ako naman ay nagtataka sa kinikilos nila.
Ang hirap palang maging mortal sa mundo ng mahika. May nakikita at nararamdaman silang hindi ko nakikita. Di kaya mahuli nila ako na wala talagang kapangyarihan?
"Bakit di niyo na lang kasi sabihin kung ano iyon?" Yamot kong sabi sa kanila.
Pinagmasdan ko na lang ang mga taong dumadaan. Wala namang kakaiba sa kanila. Pwera na lang ata sa hindi ata nila kami napapansin at lakad lang sila nang lakad at alalay nang alalay sa mga sugatan. Napatingin ako sa kanan ko at ganoon na lang ang muntikan kong pagsusuka. Maduwal-duwal ako sa nakita ko. Sinubukan kong tumingin ulit at hindi nga ako nagkamali ng nakita.
Nakita ko ang isang lalaking putol ang kamay at may tumutulo-tulo pang dugo. Hindi ko na siya kayang ilarawan nang maayos dahil nakakadiri nang tingnan. Kahit nakakadiri, mas mabuti pa sigurong tulungan ko na lang siya kaysa mandiri lang ako rito sa isang tabi. Unti-unti akong lumapit sa kanya para matulungan na siya. Para kahit papaano man lang ay malgyan ng bandage ang kamay niya nang hindi na tumulo-tulo yung ano.
"Sandali, Leo! Huwag kang lumapit!"
Napatingin naman ako sa kanya pero huli na dahil nakalapit na ako roon sa lalaki.
"Bakit? Tutulungan ko lang naman eh."
Bumaling na ako roon sa lalaki at nakitang papalapit na rin siya sa akin. Hahawakan ko sana ang braso niya pero ganoon na lang ang pagkagulat ko nang wala akong nahawakang braso. Sigurado naman akong nahawakan ko ang braso niya pero... parang wala?
Napatingin na lang ako roon sa dumaang lalaki. Nakatungo lang siya at di nag-abalang tumingin sa akin. At dahil sa bagal niyang maglakad dahil sa mga pinsalang natamo niya ay hindi pa siya masyadong nakakalayo sa akin. Agad ko siyang inabot sa kanyang kaliwang balikat pero hindi ko rin iyon nahawakan. Sa halip ay tumagos lang ang kamay ko roon.
"Anong..."
"Leo!"
Naramdaman ko na lang na may humigit sa damit ko sa may batok kaya napaatras ako patalikod. Napaharap na rin ako sa kanila at sabay-sabay kaming umalis paalis sa lugar na iyon. Hindi kami dumiretso sa kusina kundi umalis na talaga kami roon. Magkakadikit kaming tumatakbo na parang may humahabol sa amin.
Bakit ba kasi di ako nakinig kay Rikinor? Saka bakit ganoon? Bakit tumagos lang siya?
Nakarating kami sa malking hallway at ganoon din ang sitwasyon. Maraming sugatan sa paligid at lakad lang nang lakad ang mga tao. May mga dumadaan sa harap namin pero hindi kami napapansin. Ni walang kumakusap sa amin na nagtatanong man lang kung kamusta kami o kung nasugatan ba kami mula sa nangyaring laban.
"Anong nangyayari?!" Natatarantang tanong ni Meya. Maging siya ay naguguluhan na rin sa nangyayari. Sigurado namang lahat kami ay naguguluhan sa nangyayari pero bakit? Bakit ganito?
"Pumunta tayo sa taas pabalik sa kwarto kanina. Isa itong ilusyon. Kailangan nating makaaalis mula rito."
"Pero paano?!" Tanong ko naman.
"Sumunod kayo sa akin."
Ganoon nga ang ginawa namin. Sumunod ako sa kanya at sumunod na rin yung dalawa. Umakyat na naman kami sa hagdan eh nakababa na nga kami kanina. Dumaan siya sa direksyon kung saan kami dumaan kanina. Nakasunod lang kami sa kanya hanggang sa nakabalik kami sa kwartong tinuluyan namin kanina. Nang makarating kami sa kwarto ay kanya-kanyang upo kami sa kung saan-saan. Si Riki ang pinakahuling nakapasok kaya't siya ang nagsara ng pinto. Napasandal na lang siya sa pinto at napasalampak sa sahig. Pawis na pawis ang kanyang noo pati na rin kaming dalawa ni Meya. Si Rikinor, kalmado man ang itsura ay alam kong nag-aalala at natataranta na rin sa nangyayari.
"Ano ang mga iyon? Bakit ganoon?" Tanong ni Meya.
"Paniguradong pakana iyon ng kalaban," sabi naman ni Riki. "Sa ngayon, mas ligtas tayo rito. Kailangan muna nating manatili rito nang matagal. saka na tayo umalis. Kung nababalot ang buong unang palapag ng ganoon ibig sabihin ay napakalakas ng kalaban. Hindi natin sila kakayanin lalo na't hindi ganoong klase ang taglay natin."
"Pero---"
"Tama si Riki, Meya. Dito muna tayo pansamantala kung gusto pa ba nating mabuhay."
Napahinga na lang ako nang malalim at napahiga sa sahig. Iyong inaakala kong ligtas na kami ay hindi pa pala. Akala ko makakaalis na kami sa sitwasyong ito pero parang bumalik lang kami sa umpisa. Ano ba talaga ang nangyayari?
"Aba, tingnan mo nga naman. Mga pumapasok sa kwarto ng may kwarto nang walang paalam. "
Napatayo naman ako nang marinig ang hindi pamilyar na boses na iyon. Hinanap ko ang pinanggalingan ng boses na iyon at nakita ang isang babae sa tabi ng sulok ng kama. Nakaupo siya sa isang stool at nakaekis ang mga braso at naka-de kwatro. Mahaba ang kanyang buhok at kulay berde na parang dahon ng aloe vera. Pinagmasdan ko ang buong katawan niya at ni isa ay wala man lang siyang bahid ng sugat o kahit pilay o pasa man lang. Nakangiti pa siya habang nakapikit at nakatungo.
Sino ba itong babaeng ito?
"Ako nga pala si Aini. Isa ako sa mga nanunuluyan sa kwartong ito. At kayo yung apat sa mga bagong dating na hindi natuloy sa ikalawang bahagi ng pagsusulit di ba?"
Iminulat niya na ang mga mata niya at ganoon na lang ang pagnganga ko. Ang mga mata niya ay kulay pula na parang dugo. Maganda ang mga mata niya pero kung titingnan ko siya nang buo, nakakatakot ang itsura niya. Hindi yung nakakatakot dahil masagwa siyang tingnan o mukha siyang bruha. Pero nakakatakot dahil nagagawa niyang iparamdam sa akin kung gaano siya dapat katakkutan sa tayo pa lang niya.
"Kami nga. Ako si Rikinor. Ang mga kasama ko naman ay sina Leo, Riki, at Meya," sabi ni Rikinor. Isa-isa niya kaming ipinakilala sa kanya habang tinuturo kami isa-isa.
Nang makarating siya sa tapat namin ay naglakad-lakad pa siya at dumiretso sa tapat ng pinto. Nag-unat-unat siya roon at muling humarap sa amin.
"Nandoon pa rin ba yung mga pekeng tao sa baba?" Tanong niya sa amin.
Hindi rin naman ako nakasagot agad dahil pinroseso pa ng utak ko ang sinabi niya. Kung ganoon, alam din niya ang nangyayari sa baba? Paanong nakarating siya rito sa taas nang wala man lang sugat o pasa?
"O-Oo."
Ngumuso siya nang parang isang bata at sumandal sa pinto habang magkasalikop ang dalawang kamay sa kanyang likod.
"Hmmmm. Sayang naman. Gusto ko na sanang lumabas at mangaso ngunit mukhang hindi ko pa magagawa iyon." sabi niya nanag malungkot pero agad din namang nagliwanag ang kanyang mukha at ngumiti. "Ngunit, di bale na. May kasama na naman ako ngayon kaya ayos lang. Hihi."
Naglakad na ulit siya pabalik doon sa kinauupuan niya at naupo. Nakatitig lang kaming apat sa kanya.
"T-Teka, saan ka ba nanggaling? Bakit parang wala kang kahit anong galos?" Tanong ko sa kanya.
"Ayoko ng matanong, Leo. Basta, nakaligtas ako nang walang galos. Ganoon lang kasimple ang paliwanag ko. At bago ko pala makalimutan..."
Tumayo muli siya at lumapit sa amin. Tiningnan niya kami isa-isa pagkatapos ay humarap sa kaliwa niya. May itinuro siya na siya namang tiningnan namin.
"Hindi niyo naman siguro ginalaw iyon?"
Turo niya sa cabinet. Napalunok na lang ako at napaiwas ng tingin dahil iyon mismo ang ginawa namin.
"Mabuting huwag niyo nang galawin iyan dahil kung hindi, baka kung anong mangyari. Maliwanag ba?"
Napaharap ako para umaktong ayos lang pero ganoon na lang ang gulat ko nang nasa harap ko na siya at nakatingin nang parang demonyo sa akin. Masyadong nakaka-intimidate ang tingin niya kaya hindi ko kinaya at umiwas na ako ng tingin. Nang makita ko sa peripheral vision ko na wala na siya ay saka lang ako nakahinga nang maluwag. Pero aaminin ko, mabuti na sigurong hindi ko pakialaman ang laman niyon at mabuting sabihin ko rin iyon kay Rikinor lalo na't mukhang may balak siya roon. Mahirap na. Walang galos o sugat ang babaeng ito mula sa labanan. Hindi imposibleng lumabas din siya nang walang galos kung sa amin siya makipaglaban.