Chapter 38 - Reunited

2173 Words
"Ano nang gagawin natin? Hindi naman ata tayo maaaring lumaban sa mga ito?" Bulong ko kay Rikinor. Napapalibutan kami ng tatlong hindi kiilalang mga tao. Mas marami kami pero halata namang mas malakas sila sa amin kahit na wala pa naman silang ginagawa. Hangga't maaari sana ay ayokong magsimula ng gulo. Pero halata namang iba ang nasa isip nung tatlo dahil kung hindi ay hindi sila mag-aabalang sundan kami rito. "Huwag kayong mag-alala. Intensyon talaga naming lagutan kayo ng mga hininga ngunit hindi muna namin iyon magagawa ngayon." "Anong hindi magagawa ang pinagsasasabi mo riyan? Kayang-kaya na nating tapusin ang mga ito," reklamo ng isa sa kanila. Siya ata yung kuya ng babaeng nagsalita. "Hindi mo ba narinig? Tawag na tayo ni pinuno. Kailangan na nating bumalik. At saka isa pa, nakuha na naman natin ang pinakapinunta natin sa kampong ito. Hindi na natin kailangang magtagal pa," sagot ng babae. "Tama siya. Umalis na tayo. Ngunit huwag kayo masyadong pakakampante, mga mahihingang nilalang." Pagbaling niya ng atensyon niya sa amin. "Siguradong babalik kami rito. At sa pagkakataong iyon ay mamamatay na talaga kayo. Tara na, mga kasama!" Bigla na lang silang lumipad nang mabilis paitaas at pagtingin ko sa langit ay wala na sila. Hindi ko na sila nasundan ng tingin sa sobrang bilis nila. Inilibot ko pa ang paningin ko sa buong kalangitan ngunit ni anino nila ay wala na akong nakita. Napahinga na lang ako nang malalim at nag-aalalang tumingin sa aking mga kasama. "Anong ibig sabihin niyon? Patatahimikin nila tayo? Para namang kaya nila! Sa susunod na dumating sila rito, tayo ang tatapos sa kanila! Mga walang hiyan iyon," sabi ni Meya habang nakahawak sa dibdib niya. Agad naman naming narinig ang tawa ni Riki na siyang ipinagtaka namin. "Seryoso ka ba, Meya? Eh kung makahawak ka sa dibdib mo eh parang sasabog na iyang puso mo." Lumapit pa siya kay Meya at hinawakan siya sa balikat. "Huwag kang mag-alala. Ipagtatanggol kita para masiguro ang kaligtasan mo," dagdag pa niya. Iritang tinanggal ni Meya ang kamay ni Riki sa balikat niya at tumawa lang nang tumawa yung isa. Naglakad palayo si Meya kay Riki at pinagkrus na lang ang mga braso. "Oh eh ano na ngayong gagawin natin?" Tanong naman ni Meya. "Naihatid ko na kayong apat. Babalik na ako sa kampo. Kung toitoo ngang babalik sila, kailangan kong masigurong ligtas ang mga kasama ko. Mag-iingat na lang kayo," sabi naman ni Aini. Nagkatinginan kaming apat at agad na nagsalita si Rikinor. "Kung ganoon ay di ka namin pipigilan. Kung sakali man, magkita-kita na lang tayo sa Nasea. Mas maganda na ang mayroon tayong lugar kung saan tayo maaaring magkita-kita." Tumango lang siya at naglakad na papuntang muli roon sa butas. Bago pa siya makababa nang tuluyan ay agad akong pumunta sa kanya at inalalayan siya pababa. "Hoy. Kapag may balita ka sa mga nangyayari, magsabi ka sa akin ha." Inirapan niya lang ako bago sumagot. "Oo na. Mag-iingat kayo." Tuluyan na siyang bumaba at iniwanan ko na rin siya. Kinuha ko ang takip ng butas at inilagay muli iyon doon. Pagkatapos ay ipinagpag ko ang mga kamay ko at tumingin muli roon sa tatlo. Nagsisimula na silang magdiskusyon ng kung ano. Agad akong tumakbo papunta para makaabot sa pinag-uusapan nila. "Kung ganoon, kailangan nating umikot?" "Iikot tayo at makikipagkita sa kanila. At isa pa, kailangan din nating makuha ang iba nating mga gamit, lalo na ang mga gamit ni Leo. May mahalagang bagay akong nilagay roon," sabi ni Rikinor. "Basta ba masisiguro niyo na magiging ligtas tayo ay wala akong angal," sagot naman ni Meya. Dahil medyo naguguluhan ako sa mga pinagsasasabi nila ay sumabad na ako sa kanila. "Teka, teka. Anong pinag-uusapan niyo? Aalis na ba tayo?" Nagtatakang tanong ko sa kanila. Huminga naman nang malalim si Rikinor at nagpaliwanag. "Kailangan nating makabalik sa kampo. Umalis naman na ang tatlong iyon kaya paniguradong wala na masyadong banta sa atin doon. Kailangan nating makuha ang mga gamit natin," paliwanag niya. Napatango-tango na lang ako at patuloy na nakinig sa pag-uusap nila. Ngayon ko lang naalala, may mga kung anu-ano nga pala akong mga bagay na nilagay roon at may naiwan din si Rikinor doon sa bag ko. Naalala ko yung librong nilagay ko roon. Mukhang mahalaga pa naman ata iyon at makakatulong sa amin. Napailing-iling na lang ako at namroblema. Kung sana ay dinala ko na lang ang bag kong iyon ay eh di sana di na namain kailangan pang bumalik doon. "Kumilos tayo pagpatak ng araw. Mas magiging ligtas tayo kung sa liwanag tayo kikilos. At isa pa, paniguradong makakarating na ang mga pangyayari sa ibang kampo at mga pangkat. Siguradong kikilos sila pagpatak ng araw," suhestiyon ni Riki. "Hindi maaari. Kung ipagpapabukas pa natin ang paghahanap ay maaaring may makakuha ng mga iyon. Hindi maaaring mapasakamay ng ibang mga tao ang mga bagay roon," sabi naman ni Rikinor. Agad namang nagpakita ng nagtatakang ekspresyon ang mukha ng dalawa. "Bakit? Ano ba talagang mayroon doon?" Tanong ni Meya. Nakakrus ang mga graso niya sa kanyang harap at nakakunot ang noong nakatingin kay Rikinor. "Ay basta. Malalaman niyo rin. Kumilos na tayo." Nagsimula nang maglakad si Rikinor nang hindi man lang lumilingon para tingnan kung nakasunod ba kami sa kanya. Wala naman kaming nagawa kundi ang lumakad nang mabilis para makaabot sa kanya. Nakarating kami sa pinto papunta sa upuan ng mga manonood. Umakyat kami sa napakataas at napakahabang hagdan. Habang naglalakad ay napansin kong lumang-luma na ang lugar. Ang mga bato na ginamit bilang upuan ay may mga warak na. Puro alikabok na rin ang lugar. Napatakip na nga lang ako ng ilong para hindi ko malanghap ang dumi at binilisan ang lakad para makaalis na. "Kuya Rikinor, bakit parang alam na alam mo kung saan pupunta? Nakarating ka na ba rito dati?" Tanong ni Riki habang patuloy lang kami sa paglalakad. Matapos dumaan sa mismong arena ay may pintuan kamking pinasukan na siyang nagdala sa amin sa madilim na hallway na dinadaanan namin ngayon. Maraming mga daanan pa at ilang pinto kaming nakikita ngunit hindi lumiliko si Rikinor at patuloy lang sa paglalakad. Tila ba alam niya na kung saan talaga kami pupunta. "Sa tingin mo ba, maglalakad ako ng dire-diretso kung hindi?" Sagot naman niya. Napapalatak na lang ako at natawa naman si Meya. Napakamot na lang din ng ulo si Riki at hindi na nagsalita pa. May punto naman talaga kasi siya. Saka halata naman si reaksyon ni Rikinor kanina pagkadating na pagkadating pa lang namin dito na may alam nga siya sa lugar na ito. "Eh paano mo naman nalaman ang tungkol sa lugar na ito?" Tanong ulit ni Riki. "Nakapunta na ako rito dati. Bata pa ako noon. Kung bakit, huwag ka nang magtanong. Hindi ko masasagot iyan." Napatango-tango na lamang siya at nagpatuloy na lang din kami sa paglalakad. Nang makarating sa dulo ng hallway ay may nakita kaming hagdan pababa. Dahil medyo madilim ay kinailangan naming mag-ingat sa pag-apak. Masikip naman ang daanan kaya magkakalapit lang ang mga dingding kaya makakahawak naman kami roon sa dingding. Hindi naman masyadong mahaba ang hagdanan at nakarating agad kami sa baba. Sumalubong sa amin ang isang malawak na lobby ngunit hindi na kami nag-abala pang magmasid sa paligid at dumiretso na kami sa dalawang pintong nasa unahan. Pagkalabas namin ay isang napakatahimik na lugar ang sumalubong sa amin. Isang malawak na tuyot na lupa na parang sa may Barrio Saes ang pumapalibot sa Gelosor. Imbis na tumigil at magmasid, agad na naglakad si Rikinor palibot sa imprastraktura. Malaki ang lugar kaya natagalan kami sa paglalakad. Ngunit ganunpaman, hindi kami tumigil at walang ibang ginawa kundi ang lumakad. Makalipas ang ilang mga minuto, nakarating na rin kami sa pinakalikod ng Gelosor at doon namin nakita, na sa di kalayuan ay nandoon ang kampo. Ngunit nakaharap kami ngayon sa likod nito at kakailanganin naming umikot kung gusto naming dumaan sa pinakagate nito. "Gaano kalayo pa ba ang lalakarin natin? Alam niyo, maghintay na lang talaga tayo ng umaga. Ang layo pa niyan oh," reklamo naman ni Meya. "Mukhang hindi na nga natin kailangang makarating doon ngayong gabi, Rikinor," sabad naman ni Riki. "Anong ibig mong sabihin?" Tanong ko naman. "Tingnan niyo." Napatingin naman kaming lahat sa kung saan siya nakatingin. Nakatingin lang naman siya sa harap namin. Medyo madilim kaya wala akong masyadong makita. Pinaliit ko ang aking mata para makakita nang mabuti. Ilang saglit pa, may mga aninong naglalakad papunta sa direksyon namin ang nakita ko. Lumapit pa ako nang kaunti upang mas masilayan nang mabuti ngunit masyado pa silang malayo. Napatingin ako sa tatlong nasa tabi ko at nakitang kalmado lang silang nakatingin doon habang nakatayo. "Sila na iyon. Sina pinunong Hera at ang iba pa nating mga kasama," sabi ni Meya. "Mabuti naman at ligtas sila. Ngayon, di na natin kailangan pang mag-alala," dagdag pa ni Riki. "Ngunit hindi nila dala ang mga gamit natin. Kailangan pa rin nating bumalik doon," sagot naman ni Rikinor. Hinampas ni Meya si Rikinor na nasa kanan niya sa braso niya gamit ang kanyang kaliwang kamay bago naglakad papunta sa mga taong iyon. Naglakad na rin si Riki at sumunod si Rikinor. Ako, kahit nagtataka kung paano nila nalamang sina Pinunong Hera iyon ay sumunod na lang. Sasalubungin na namin sila. Ilang saglit pa ay tumakbo na silang mga sasalubungin namin papunta sa amin. Habang papalapit sila nang papalapit ay palinaw nang palinaw ang imahe nila sa akin. At nakikita ko na nga na nangunguna sa pagtakbo si Pinunong Hera. Agad naman akong napangiti nang makita ang pamilyar nilang mga mukha. Nakangiting tumatakbo papunta ngayon sa amin si Pinunong Hera. Ibinuka niya ang kanyang mga kamay at mas bumilois p0a ang pagtakbo. Nagulat na lang kami nang bigla niyang yakapin si Rikinor nang makalapit siya sa amin. Natulala na lang ako habang yakap nang mahigpit ni Pinunong Hera si Rikinor at mukhang sayang-saya at sabik na sabik siya sa kanya. Ni isa ata sa amin ay walang nakagalaw dahil kahit mismong si Rikinor ay nalaglag ang sigarilyo sa lupa dahil sa pagkakagulat. Ilang segundo ang nakalipas, binitawan niya na rin siya at hinawakan na lang sa pisngi. "Ikaw! Saan ba kayo nagpuntang dalawa ni Leo, ha?! Mamamatay ako kakaalala sa inyo tapos--- Ugh!" Hindi ko talaga sigurado kung masaya ba siya na ligtas kami o galit siya sa pagkakawala namin sa paningin niya. "Ahhh basta. Ang mahalaga ligtas na kayong dalawa ngayon, lalo ka na. Napakakulit niyo, ugh!" Hindi na lang ako nagsalita at hinayaan siyang magreklamo. Baka mamaya sa akin pa mabaling ang galit at stress niyan sa mga nangyayari. "Mabuti naman buhay pa kayo. Akala ko mamamatay na kayo sahina niyo eh," sabi ni Cedar, yung kalbong barakong akala mo kung sino. Napapalatak na lang ako dahil hanggang dito ba naman ay may gana pa siyang magsabi ng ganyan. Inirapan na lang din siya ni Meya at di na nakipag-away pa. "Anong nangyari? Bakit papunta kayo rito?" Tanong naman ni Riki sa kanila. "Ano pa ba? Eh di tumakas kami sa lugar na iyon. Di na namin mahihintay dumating ang tulong mula sa ibang kampo at kinailangan na naming umalis. Masyado nang madilim at magulo sa lugar na iyon," sabi ng isang di ko kilalang lalaki. "Tama siya. Marami na ring mga sundalo ang napahamak at nawalan ng buhay sa laban. Kung sila nga ay natalo, paano pa kaya kaming kulang sa karanasan sa pakikipaglaban?" Sabi naman ng isa pa. Pinagmasdan ko ang kanilang bilang. Kung ikukumpara sa dami ng mga tao sa kampo, kakaunti na nga lang sila. Hindi pa ata ito lalagpas sa singkwenta. At karamihan sa kanila ay mga kumukuha pa lang ng pagsusulit katulad ko. Ang iba naman ay mga sundalo ng kampo. At mukhang hindi sila natutuwang kasama kami. Ang dudumi nilang lahat at may bahid pa ng dugo at putik. Di ko maisip kung anong pinagdaanan ng mga ito para magmukhang ganyan. Salamat na lang talaga, wala namang malubhang napahamak sa kanila. "Mamaya na tayo magkwentuhan. Kailangan muna nating makapunta sa isang ligtas na lugar. Kayo Rikinor, saan ba kayo papunta? Pupunta sana kaming Gelosor para doon muna manatili," sabi naman ni Pinunong Hera. "Nandoon kami kanina ngunit napagpasyahan naming bumalik sana para hanapin kayo at kunin ang aming mga gamit," sagot naman ni Rikinor. Huminga nang malalim si Pinunong Hera at Matiim na tumitig sa kanya. "Hindi maaari. Wala na ang tatlong sumalakay sa kampo ngunit may mga alagad silang pinadala roon na hindi namin maipaliwanag ang kapangyarihan. Hindi mabuti kung susugod tayo roon. Mabuti pa, pumunta muna tayo sa Gelosor at magpahinga. Masyadong nakakaubos ng lakas ang mga nangyari. Mabuti nang makapagpahinga, mag-isip ng gagawin o di kaya'y maghintay ng mgaaagapay sa atin," suhestiyon ni Pinunong Hera na siya namang sinang-ayunan ng lahat. Nagsimula na kaming maglakad papunta sa Gelosor habang nangunguna si Pinunong Hera at Rikinor na mukhang may seryosong pinag-uusapan. Di ko na lang sila pinansin at nagpatuloy sa paglalakad nang makapagpahinga na rin. Sana lang ay wala nang makahanp pang kalaban sa amin doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD