Chapter 37 - Gelosor

2357 Words
Nandito na kaming lahat ngayon sa loob ng madilim na tunnel. Hindi pa kami nakakalayo mula roon sa pinto pero nakikita ko na at nararamdaman ko na ang mangyayari. Hindi naman gaanong maliit ang daanan para mahirapan kaming pagkasyahin ang mga sarili nami pero hindi naman ito kalakihan para kayanin naming umupo nang maayos nang hindi binabaluktot ang likod. Makukuba ako rito eh. At isa pa, buti sana kung makinis yung daanan. Eh kaso, mabato pala ito. Ang sakit sa tuhod ng mga lubak-lubak kapag sinusubukan kong lumuhod. Paano pa kaya kung gumapang na ako? "Sobrang dilim naman dito. Di kaya may mga patibong dito? Baka mapahamak pa tayo," sabi naman ni Meya. "Hindi naman siguro. Kaya naman ata siguro nila ginawa ito para maging daanan nila kung sakaling may mangyaring katulad ng nangyari ngayon di ba?" Sabi ko naman. "Eh kung ganoon, bakit dito nila nilagay sa isang kwarto? Hindi doon sa tago ngunit maaaring mapuntahan ng lahat nang mabilis?" Napakibit-balikat na lang ako. "Malay ko." Sa totoo lang ay hindi namin nakikita ang isa't isa ngayong nakasara na ang pinto. Ngunit ramdam naman namin ang isa't isa kaya ayos lang. Magkakadikit naman kasi kami eh. Nakaupo kami ngayon malapit sa pinto. Nakausad na naman na kami pero nagpahinga muna kami saglit kasi nga masyadong masakit sa tuhod yung mga lubak-lubak. Nakakapagod. Nakasandal lang kami ngayon at nakaupo habang nakabaluktot ang mga paa. "Kumilos na tayo," rinig kong sabi ni Aini. "Huwag lang kayong masyadong maingay dahil maaari nila tayong marinig kahit dito." Hindi na kami sumagot at hinintay ko na lang na makausad yung nasa unahan ko. Sigurado akong si Riki ang nasa unahan ko at si Rikinor naman sa likod. Lumuhod na ako at naramdaman ko agad ang sakit sa tuhod ko. Medyo maayos lang naman sa may palad pero sobrang sakit sa tuhod. Ginawa ba talaga nila ito bilang pantakas? Eh sa nararamdaman ko mukhang ayaw nilang makatakas agad eh. Nagsimula na kaming gumapang papalabas at hindi ko alam kung malapit lang ba o malayo pa ang kailangan naming gapangin para makalabas. Hindi ko rin naman kasi agad makikita mula sa pwesto ko kung malapit na ba kami o hindi dahil madilim pa. Nagpatuloy kami sa pagkilos ng mga tuhod at mga palad namin. Medyo nagkakabanggaan nga lang kami. Isang beses ay nauntog ang ilong ko sa pwet ni Riki at si Rikinor naman sa akin. Kahit medyo nakakairita iyon ay hindi na lang namin pinapansin. Pero mukhang si Meya hindi. "Bastos ka!" Buti na lang ay hindi masyadong isinigaw iyon ni Meya. Tumama rin kasi ang mukha ni Riki sa ano niya. Pero buti na lang talaga hindi masyadong malakas iyon at baka may kung ano siyang ma-attract na nilalang. Ilang minuto ang nakalipas at wala pa ring nangyayari. Pagod na pagod na ako kakagapang at sobrang sakit na talaga ng katawan ko. Nagulat na lang ako nang bigla na namang sumalampak ang mukha ko sa pwet ni Riki. "Hoy, ano ba?" Pabulong kong sabi. "Tumigil sila sa unahan eh," sagot niya naman. Naghintay na lang ako ng susunod na gagawin nila pero ilang segundo ang nakalipas at wala pa rin silang ginagawa. Hindi sila umuusad. Naririnig kong nagbubulungan yung dalawang babae sa unahan pero hindi ko naman maintindihan ang pinasasasabi nila. Pero mukhang galit si Meya. Tumataas-taas ang boses eh. "May problema ba?" Tanong naman ni Rikinor. Nagpatuloy sa pag-uusap yung dalawa sa unahan at hindi pinansin ang tanong ni Rikinor. Mukhang wala silang balak dalawang magpatalo kaya hinintay na lang namin silang matapos. "Dulo na ng daan itong nandito. Ngunit may hagdan dito pataas. Kailangan nating umakyat," sabi ni Aini. "Paanong dulo?" Tanong naman ni Riki. "Wala na tayong gagapangan dito dahil may malaking butas na. Hindi ko makita ang ibaba kaya't di ko alam kung anong meron ngunit walang hagdan dito kaya inaasahan kong panganib lang ang mayroon sa baba. Dito naman sa taas ay mayroong hagdanan. Nakikita ko ang liwanag mula sa butas sa itaas ngunit masyado tayong malayo kaya hindi masyadong maliwanag dito. Ngunit nakikita ko naman kahit papaano ang hagdan dahil sa kulay nito na sadyang maliwanag," mahabang sabi ni Aini. Di ko na kinaya at umupo na ako. Ganoon din ang ginawa ni Rikinor at ng isa ko pang katabi. Magpapahinga muna siguro kami rito. Na-iimagine ko na sa utak ko ang sinasabi niyang lugar. Iyon ang kadalasan kong nakikita ko sa mga action movies kung saan kung saan-saan nagsususuot ang mga bida at bigla na lang mapupunta sa isang lugar na sobrang lawak tapos may hagdan sa hagdan. Doon sila dumadasan para makatakas o makaligtas mula sa mga pagsabog o mga kaaway nila sa pelikula. "Hindi pa ba tayo kikilos ngayon?" Tanong naman ni Riki. "Sandali lang. Sisiguraduhin ko munang matibay ang hagdan. Baka hindi tayo kayaning anim nito," sabi ni Aini. Hindi ko alam kung paano niya sisiguraduhing matibay ang hagdan at kakayanin kaming anime kung hindi naman kami aakyat doon lahat pero bahala na siya sa buhay niya. Malamang ay gagamitan niya ng mahika iyon. Napatingin naman ako sa kaliwa ko at nakitang wala na roon ang pinto. Sobrang layo pala talaga ng ginapang namin. Duda ako na pantakas itong ginawang daanan na ito. "Ano na, Aini?" Tanong ni Rikinor. "Malapit na akong matapos. Maghintay lang kayo. Di ko kayo tulungan diyan eh," sabi pa niya. Wala naman kaming nagawa kundi ang maghintay na lang sa ginagawa niya. Di nagtagal ay narinig na namin siyang magsalita. "Medyo matanda na ang hagdanang ito ngunit kakayanin tayo nito. Kumilos na tayo." Nagsibalikan naman kaming agad sa pagkakatuwad namin. Medyo mabagal nga lang ang pag-usad dahil mukhang mahirap atang umakyat doon sa hagdanan mula rito sa tunnel. Sana lang ay walang mahulog sa amin dito. "Maghintay ka nga, Meya! Ang hirap kaya umakyat! Kung gusto mo ikaw na mauna," rinig kong sigaw ni Aini. "Bilisan mo na kasi. Ang arte-arte mo!" "Aba---" "Maaari ba? Huwag na kayong mag-away, pakiusap? Mamaya na kayo mag-away kapag ligtas na tayo sa labas," saway ni Riki sa dalawa. Natigil naman ang dalawa sa away nila at narinig ko na lang pagtunog ng bakal, tanda na umaakyat na ang isa sa amin. Hindi ko man nakikita masyado kung ano ang nangyayari pero umuusad na itong si Riki sa unahan ko. Unti-unting naging mabilis ang pagkilos hanggang sa ako na ang nasa unahan. Muntik pa akong mahuloog nang pagkapako ng kamay ko ay wala akong nakapa na kahit ano. Buti na lang ay hawak-hawak ni Rikinor ang laylayan ng pang-itaas kong damit kaya hindi ako nahulog. Pero nakakatakot iyon ha. Sana lang hindi ako magkamali ng apak pag-akyat. "Mag-ingat ka," paalala sa akin ni Rikinor. Um-oo na lang ako at nagsimula nang kapain ang hagdan sa taas. Medyo matagal ko iyong nakapa dahil medyo mataas pa pala pero abot ko naman. Gamit ang aking kanang kamay, hinigpitan ko ang hawak sa may hagdan. Nang makahawak naman na ako nang maayos ay sinunod ko na ang kaliwang kamay ko. Nang makahawak ang parehas kong mga kamay ay halos lumutang na ako sa ere dahil nakalabas na ang karamihan sa katawan ko mula sa tunnel. Nakadantay na lang ang mga sakong ng paa ko sa tunnel at halos nakalambitin na ako sa may hagdan. Sinubukan kong kahit papaano ay itayo ang mga paa ko para mas tumaas pa ako at maabot ko yung pangalawang bar ng hagdan. Kinapa-kapa ko ito at di naman ako nabigo. Medyo malalayo nga lang ang pagitan ng mga bar pero kaya ko naman siguro itong akyatin nang hindi dumudulas o ano pa mang aksidente. Hindi naman ako nabigo at naiakyat ko na ang buong katawan ko sa may hagdan. Nang medyo nakalayo na ako sa dulo ng hagdan ay naramdaman kong yumugyog ito sa baba, tanda na umaakyat na rin si Rikinor. Hindi ko na siya pinansin at sigurado naman akong kaya niya na ang kanyang sarili. Nagpatuloy lang ako sa pag-akyat kahit na medyo nakakadiri ang hinahawan ko dahil maalikabok. Nararamdaman kong dumidikit sa palad ko ang mga maliliit na dumi. Pero di bale na. Hindi naman ako masyadong maarte at okay lang ito. Matagal-tagal din ang inakyat namin. Tanging mga tunog lang ng pagkalansing ng bakal ang naririnig sa bawat pag-usad namin pataas. Kahit hindi ko masyadong kita ay sigurado akong napakalawak ng lugar dahil napakalakas ng hangin na nasasagap ko rito. Kung paano nagkaroon ng hangin sa tagong lugar na ito ay hindi ko alam. Pataas kami nang pataas kaya palaki na rin nang palaki ang liwanag na nakikita ko. Sa wakas, malapit na rin kaming makaalis dito. Sana lang ay walang sikretong nakasunod sa amin dito. Nagpatuloy ang pag-akyat at di nagtagal ay nakarating na rin kami malapit doon sa butas. Di katulad ng lugar ay maliit lang ito at kayang-kayang itulak gamit ang isang kamay. Nakikita ko na nang maayos ang liwanag at sigurado akong nanggagaling iyon sa buwan. Bukod doon ay wala na akong ibang makita pa sa labas. Pakiramdam ko nga ay isang malaking open field lang ang lalabasan namin o kaya ay isang kalsada. Ano bang malay namin? At dahil si Aini ang nasa unahan namin ay siya na rin ang nagbukas ng butas. Tinulak niya ito nang biglaan ngunit medyo mabigat ata iyon kaya hindi agad tumalsik pataas. Inulit niya pa ang pagtulak at tumalsik na rin iyon paalis sa kinalalagyan niya. Nagsimula na siyang umakyat papalabas. Hindi naman na siya nahirapan dahil mismong dulo lang ng hagdan yung butas kaya pwede siyang umapak sa hagdan habang naakyat. Nagsunud-sunod na ang mga pag-akyat. Tinutulungan ng mga nakaakyat na kaming mga nasa hagdan pa rin para makalabas. Nakalabas na rin ako sa tulong nila at tinulungan naman namin si Rikinor na makataas. Nang makalabas na kaming lahat ay pinagpag muna namin ang aming mga sarili at saka nilibot ng tingin ang paligid. "Nasaan tayo?" Tanong ko sa kanila. "Di ko alam. Ngayon lang din ako napunta sa ganitong lugar," sagot naman ni Riki. Napakalawak ng paligid. Nakatayo kami ngayon sa isang malawak na lugar na parang yung lugar kung saan naglalaban ang mga gladiators sa pelikula. Napakalwak ng lugar. Mayroon yung parang mga bleachers o upuan doon sa gilid. Nasa loob kami ng parang isang malaking bilog na arena at sa gilid ay ang pagkalaki-laking lugar para sa mga manonood. Medyo sira-sira na rin ang lugar at maalikabok ang sahig. "Ngayon lang ako nakapasok dito. Ngunit alam ko kung ano ang lugar na ito," sabi naman ni Aini. "Hmmm. Matagal-tagal na rin noong huling nakapunta ako rito," sabi naman ni Rikinor sabay buga ng usok ng sigarilyo. Sandali, kailan pa siya nakapagsindi ng sigarilyo? "Kung ganoon, anong lugar ito?" Tanong ni Meya. "Nandito tayo ngayon sa Gelosor, isang lugar na matagal nang abandonado. Iyon ay ayon sa sabi-sabi. Ngunit malay ko kung hindi pa naman talaga ito abandonado," sabi ni Aini. "Ano namang ginagawa rito? Sa laki nito mukhang madaming manonood ang laging pumupunta rito ah," sabi ni Riki. "Marami talaga. Ngunit hindi ito bukas sa mga pangkaraniwang tao. Ito ay para lamang sa mga alagad ng pandepensang sangay ng bansa. Mga sundalo at kung sino-sino pang mga tao na may kinalaman sa depensa ng bansa. Alam kong hindi dapat ngunit hindi sila ang mga naglalaban-laban dito. Pinaglalaban-laban nila ang mga nahuhuli nilang mga lumalabag sa batas at pinaglalaban-laban. Sa pagkakaalam ko, isang beses sa isang taon ay may ginaganap silang patimpalak dito para sa mga nahuling traydor sa bansa. Kung sino ang isang matitirang nakatayo ay siguradong palalayain." "May natira naman ba?" Sarkastikong tanong ni Meya. Napangiti naman nang bahagya si Aini. "Sa pagkakaalam ko, sa sobrang tindi ng labanan ay may manalo man, hindi na makakalaya dahil bago pa man ipaalam na siya ang nanalo ay mawawalan na sila ng buhay sa sobrang kawalan ng dugo." Grabe naman iyon. Napakabrutal naman ng pinapagawa sa mga preso. Kung ganoon ang mga ginagawa ng mga alagad ng batas dito ay wala na rin silang pinagkaiba doon sa mga traydor ng bansa na nananakit at pumapatay ng mga inosente at walang kamalay-malay na tao. "Hmmm. Nandito lang pala kayo. Kanina ko pa kayo hinahanap." Napatingin kami sa likod nang may di kami kilalang boses na narinig magsalita. Nakalutang siya sa hangin at nakasuot ng itim na kapa at nakahood kaya't di kita masyadong kita ang mukha. "Sino ka?!" Tanong ni Meya sa kanya. Naghahanda na para lumaban. "Ako? Di ko maalala pangalan ko eh. Wala rin silang binigay na pangalan sa akin. Ano nga bang pangalan ko, kuya?" Parang batang tanong niya. "Hindi ko rin alam. Malay ko kay ama kung anong gusto niyang ipangalan sa iyo." Nanggaling ang boses na iyon mula sa harap namin kanina. Napalingon ulit kami at may isa na naman lumitaw roon. Parehas lang din ng itsura. "Ano ba kayo? Tumigil na nga kayo. Hindi tayo nagpunta rito para pag-usapan ang mga pangalan. Di ba inutusan tayong patahimikin ang mga ito." Isang boses na naman ang lumitaw. At sa sinabi niyang iyon ay napahigpit na rin ako ng hawak sa damit ko. Wala akong dalang kahit ano dahil hindi ko na nadala ang bag kong hindi ko mahanp. Wala akong ibang dala kundi ang sarili ko kaya't wala akong magagawa kundi ang lumaban nang pisikalan. "Anong ibig niyong sabihin?" Tanong naman ni Aini. "Para sa kaalaman ninyo, balak talaga naming burahin kayong lahat sa mundo. At akala namin iyon ang nangyari, ngunit may naramdaman akong kakaiba at nakita ko kayong lima," sabi ng pangatlong lumitaw. "Oo nga. Pinapahirapan niyo pa kami eh. Dapat talaga namatay na kayo kanina," sabi naman nung parang bata." "Huwag kang mag-alala. Matatapos na rin naman ito. Dahil ngayon din, tatapusin na natin ang buhay ng mga ito," sabi ng pangalawang lumitaw. Iyon lang at nagsipaghanda na kaming lahat. Ipinosisyon ko na ang aking sarili upang makipaglaban. Hindi ko alam kung ano ang mga kakayahan nila o gaano sila kalakas. Ngunit mukhang alam nila sa kanilang mgsa sarili na hindi sila basta-basta dahil masyado silang kampante para sumugod sa lima eh tatatlo lang sila. Ngunit kahit ano pa man, hindi ako papatalo. Ayoko namang mapunta sa wala ang paghihirap kong makalabas dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD