NANG araw ding iyon, nagsimula na ang totoong kalbaryo ng buhay niya. Binigyan na siya ni Paco ng listahan ng kailangan niyang gawin araw-araw at tinuruan siya sa mga dapat niyang gawin. Inilibot siya nito sa mansiyon dahil iyon ang kailangan niyang linisan. Bukas na bukas din, ililibot din siya nito sa buong hacienda dahil kakailanganin din daw nito ang tulong niya paminsan-minsan. Hindi ba nito nakikita kung gaano kalaki ang mansiyon tapos magpapatulong pa ito sa gawain sa hacienda?
"May sinasabi ka?" anito.
Umingos siya. Napaka-arrogante talaga. "Why are you so hateful? Is this really how you take care of people? Visitors? Relatives?" aniyang nakatingala rito. Isa pa iyon sa kinaiinisan niya, ang tumingala dahil mas matangkad ito sa kanya. She's five foot ten and she can't accept he's taller!
Hinarap siya nito at napahalukipkip na tinitigan siya. Sinalubong niya ang tingin nito kahit pa halos magkandabuhol-buhol na ang bituka sa tiyan niya. Naiinis siya kung bakit ganito ang reaksyon niya sa titig nito."Tita Fe told me you're gonna take care of me."
Umangat ang isang sulok ng labi nito. Lalo siyang nainis nang biglang naging eratiko ang t***k ng dibdib. Why is this poor uncivilized creature's smile has this effect on her?
"Ginagawa ko naman, di ba?"
"Aren't visitors given VIP treatment?"
"Hindi ka bisita rito. Apo ka ng may-ari ng hacienda."
Umingos siya. "Doesn't that give me a super VIP treatment?"
Iling lang ang isinagot nito.
"Who are you?" Hindi niya napigilang itanong.
Bahagya itong natigilan. "Paco," anitong inilahad ang kamay.
Nakatikwas ang kilay na tiningnan lang niya ang kamay nito. "I mean, why are you getting my inheritance?" walang kangiti-ngiting tanong niya. "I deserve to know, don't I?"
Pasimple nitong ibinulsa ang kamay na hindi niya tinanggap. "Anak ako ng katiwala ni Donya Marcellina. Kung gusto mong sagutin ko ang pangalawang tanong mo, mag-Tagalog ka. Nabibingi na ako sa kaka-Ingles mo."
Lalong umangat ang kilay niya. Alam niyang marunong itong mag-Ingles, talagang ginagalit lang siya ng walanghiya. "Ipinagkatiwala ni Lola Marcellina ang lahat nga ari-arian niya sa anak ng katiwala lang?" aniyang hindi mapigilan ang sarkasmo sa tinig.
Nakita niyang nangalit ang bagang nito pagkuwa'y sinalubong ang titig niya. "Oo," tipid na sagot nito. "Hindi ko siya natanggihan nang ipinagkatiwala niya sa akin ang pamamalakad ng buong hacienda dahil wala siyang ibang pinagkakatiwalaan maliban sa akin. At walang nagmamalasakit sa hacienda maliban sa akin. Kaya sa isang anak ng katiwala lang," anitong diniinan ang huling salita. "napunta ang lahat ng ari-arian niya."
"Bakit hindi sa mga parents mo?"
Saglit hindi ito nakasagot. "Sa tingin mo?" malamig na sagot nito.
Umangat ang kilay niya. "Well, sa sama ng ugali mo hindi nakapagtatakang ipamigay ka nila."
Nangalit ang bagang nito. "Hindi nila ako ipanimigay."
"Itinapon ka? " pang-iinis niya.
"Wala na sila," sagot nito.
Wala like, gone? gusto niyang itanong pero hindi niya itinuloy dahil sa nakita niyang lambong sa mga mata nito. And suddenly she was reminded of her look at the mirror everytime she remembers that her mom had already left her. Sumakit bigla ang ilong niya. Umiwas siya ng tingin."Why don't we hire people na mag-aalaga sa hacienda para hindi ka mahirapan? Kahit mamahala sa paglilinis ng mansiyon man lang. Because if I were you, I would have done so."
"Hindi na kumikita ng malaki ang hacienda. Hindi katulad noon. Wala akong ipapa-suweldo. Saka hindi naman ganoon kahirap ang maglinis. Kaya mabuti na rin na narito ka. Ikaw na ang bahala sa mansiyon."
Tiningnan niya ng matalim ang kaharap. "Don't you think that this is too much for me?"
"Kailangan mong matuto kasi malaki ka na, wala ka pang alam sa buhay."
Nanlaki ang butas ng ilong niya sa sinabi nito."You're so-"
"Kapag nag-Ingles ka pa, sa labas ka matutulog."
Napa-ungol siya sa inis. Gusto niyang sipain ang kaharap pero pinigil niya ang sarili. Pakiramdam niya'y kumukulo na ang dugo niya. Hindi na siya nagsalita pa.
Namayani sa kanila ang katahimikan bago ito nagsalita. "Talaga bang hindi mo alam kung bakit ka naririto?"
Kumunot ang noo niya. "Aside from being punished? No. Bakit, may iba pa bang dahilan?"
"Hahayaan kong ang Daddy mo ang magsabi sa'yo."
"No. Sabihin mo na ngayon." she demanded.
Tiningnan siya nito, tila nagdadalawang-isip sa sasabihin.
"I won't tell Dad," aniyang itinaas pa ang kamay.
"Saka na, kapag nag-mature ka ng konti," anito na bahagyang umangat ang sulok ng bibig,
Nagpanting ang tenga niya sa narinig. Did he just insult her? "Do you have any idea how hateful you are?"
Nagkibit-balikat lang ito. Tiningnan siya nito at tila nag-eenjoy itong makitang namumula siya sa galit. "Baka taon ang bibilangin bago mo pa malaman, 'no?"
Did he just insult her again? Hindi makapaniwalang napatingin siya sa mukha nito. Napaka-angas talaga! Hambog! Walang modo! She's fuming with anger but she chose to keep her cool.
"Tumatakbo ang oras. Baka gusto mong simulan na ang paglilinis?"
"Are you really this rude?" aniyang nanliit ang mata.
His lips curved. "Ganyan ka ba talaga kaarte?"
Inis na iniwanan niya ito.
Sa loob ng isang araw, biglang nagbago ang takbo ng buhay niya.Hindi makapaniwala si Clarisse habang nagpupunas ng floorwax sa sahig. May hawak siyang basahan. Basahan! She didn't even bother to think of those things for the past twenty years of her life.
Nananakit na ang buong katawan niya. Buong araw na siyang naglilinis. Naka-upo lang siya kanina nang magtanghalian sila. Gustung-gusto na niyang magpahinga.
"Hindi ka pa rin tapos?"
"Get lost!" singhal niya. Tiningnan niya ng matalim ang binatang tila hari kung maka-utos.
"Huwag mong sasabihing aabutin ka ng buong magdamag? Kalahati nga lang ng mansiyon ang kailangan mong linisan-"
"Why don't you just help me?" inis na putol niya sa sasabihin nito. Pero tinaasan lang siya nito ng kilay. "Bakit hindi mo na lang ako tulungan?" aniya. And now, she has to think before she speaks! This is unbelievable! Ano ba ang kasalanan niya sa mundo at ganito kabigat ang parusa sa kanya?
"Paano ka matututo kung palagi na lang kitang tutulungan? Ikaw ang mag-isang gagawa nito kaya matuto kang mag-isa. Pag-aralan mong bilisan ang kilos mo dahil tumatakbo ang oras. Hindi mo pwedeng kausapin ang mga alikabok ng isa-isa. Simple lang naman iyang mga gawain na ginagawa mo."
Simple? He calls this stressful job simple? "Siguro, para sa'yo simple 'to. But not for me!"
"Lahat ng tao, kahit mayaman, alam kung papaano maglinis ng bahay. Maliban sa mga batugan."
Mangani-nganing itapon niya ang basahang hawak sa pagmumukha nito. Nag-init ang buong mukha niya.
"Alam mo kung anong makapagpapadali sa trabaho mo?" bahagya nitong ibinitin ang sasabihin. "Tigilan mo ang pagrereklamo."
Pinigilan niya ang sariling mapasigaw sa inis. "You know what, I think I knew why you're doing this. You are actually threatened by me coming here, aren't you? Because I am afterall, the rightful heir. Kaya mo ako pinapahirapan ng ganito para hindi ko gustuhing manatili rito sa hacienda, hindi ba?"
He looked at her as if she is the most pathetic person in the whole world.
"Maganda ang teorya mo. Mahihiya ang gumawa ng Big Bang," nanunuyang sagot nito. "Iyang ginagawa mo ang pinakamadali sa lahat ng trabaho sa hacienda. Wala ka talagang ideya kung ano ang ibig sabihin ng salitang hirap 'no?" Naiiling itong tiningnan siya. "Mapapasa'yo naman talaga ang hacienda. Kung papaano'y sasabihin ko sa'yo kapag handa ka na. Sa ngayon, bilisan mo na riyan, dahil ikaw ang magluluto ng hapunan."
Hindi makapaniwalang napatingin siya rito.
"Huwag mong sabihin sa akin na hindi mo alam kung paano magluto?" anitong pinandilatan siya.
Hindi siya nagsalita. Tiningnan niya ito ng matalim saka hindi na ito pinansin. Naiiyak siya sa inis habang patuloy na pinupunasan ang sahig. She hates this life. Pero patutunayan niya sa Paco iyon na hindi siya madaling kalaban. Pagsisisihan nito ang lahat ng pagpapahirap nito sa kanya.
Napabuntong-hininga si Paco nang iwanan ang dalaga. Maraming trabaho sa bukid ang hindi niya nagawa dahil dito. Hindi niya alam kung nag-iinarte lang itong pagod pero nakaramdam siya ng awa nang makitang ginigitian ito ng pawis habang nagpupunas ng sahig. Palihim niyang sinisilip ito kaya hindi niya magawang umalis. Alam niyang hindi sanay sa gawaing-bahay ang dalaga. Kung tutuusin, wala talaga itong alam sa paglilinis. Kaya niya ito nilapitan para tulungan pero naka-singhal na ito kaagad. Hindi niya alam kung bakit lihim niyang ikinatutuwa ang pagka-inis ng dalaga. Siguro'y dahil ilang beses na ring tinapakan nito ang pagkatao niya. Kapag nalulukot ang mukha nito't iniirapan siya'y gustung-gusto niya itong inisin lalo. Na-iling siya. Kapag nalaman nito ang huling habilin ng donya'y baka magwala ito sa galit. Iniisip pa lang niya'y ibig na niyang matawa.
Napatingin siya sa kuwadra ng mga kabayo. Lima na lang ang natira sa limampu. Ang bilis tumakbo ng panahon. At kahit anong gawin niya, pakiramdam niya'y napag-iiwanan pa rin siya. Ginawa niya ang lahat para mapanatili sa kaayusan ang lahat. Subalit may mga bagay na sadyang hindi maiiwasan at hindi niya kontrolado ang mga pangyayari. Sa edad na labing-pito, kinaya niya ang responsibilidad na nakaatang sa balikat niya nang ibinilin sa kanya ng butihing matanda ang lahat ng ari-arian nito. Pangangalagaan niya ang lahat ng pag-aari nito habang nabubuhay siya. Dahil nang mawala sa kanya ang lahat-lahat, ang donya lamang ang nagpakita ng kabutihan sa kanya at itinuring siyang tunay na apo.
Ilang saglit pa lang, lulubog na ang araw. Sinimulan niyang pakainin ang mga kabayo. Bukas, ipapakilala niya ang mga kabayo kay Clarisse. At ililibot niya ito sa buong pag-aari ng abuela nito.
Pagdating niya'y nangamoy sunog na sinaing buong mansiyon. Dagli siyang nagpunta sa kusina.
"Ano 'to?" kunot-noong tanong niya. Gabi na nang makarating siya sa mansiyon. Pagod siya at gutom na. Pero nagulat siya sa nakahanda sa mesa.
"Hindi mo kailangang kainin kung ayaw mo," sagot ng dalagang humaba ang nguso.
"Gutom ako, kaya kailangan kong kumain."
"Then eat, huwag ka ng magreklamo."
Napatitig siya rito saka sa sunog na kanin na nakahain sa mesa at sa sunog na pritong itlog.
"Hindi ka ba talaga marunong magluto?"
"Hindi ba mukhang lutong pagkain iyan?" tanong nitong pinandilatan siya.
"Sinabi ko, magluto ka, hindi magsunog ng pagkain. Saka kanin at pritong itlog? Kumakain ka ng ganyan sa hapunan?"
"Pwede ba, pagod ako. Wala ako sa mood mag-isip kung ano ang lulutuin. At kung nandito ka para laitin ang luto ko, huwag ka ng kumain!" galit na sagot nito.
Napabuga siya ng hininga. Tila naiiyak na ito. "Kumain na tayo. Bukas, tuturuan kitang magluto."
Hindi nagsalita si Clarisse. Umingos siya. Kanina pa siya pagod na pagod. At hindi biro ang pinagdaanan niya makapaghanda lang ng pagkain sa mesa. Alam ba nito nito kung gaano kahirap paapuyin ang panggatong? She had those stuff in camping but she merely looked, she never learned. Alright, she doesn't know how to cook, especially the traditional way. But does he have to insult her cooking?
Wala silang kibuan habang kumakain. Isang araw pa lang ang dumaan pero gusto na niyang sumuko sa pagod. Kailangan ba talaga niyang gawin ang lahat ng ito? Pumasok sa balintataw niya ang mukha ng Daddy niya. Naging palaisipan sa kanya ang tanong ni Paco kanina. May hindi ba sinasabi ang Daddy niya sa kanya? Was the punishment just a facade? And if it was, what else could be the reason she's here? She groaned inside. Wala siyang ibang magagawa kundi ang manatili rito at magtiis para malaman iyon.
Nang mapatingin siya sa binata'y napatingin ito sa kanya na hindi niya mahinuha kung ano ang iniisip. Hindi niya ito pinansin at sumubo ng pagkain. Muntik na niyang mailuwa iyon. Nang tingnan niya ang kaharap ay nailuwa nga nito ang isinubo. Tila mawawalan ng pasensiyang napatingin ito sa kanya.
"May ideya ka ba kung gaano kaalat ang asin?"
Hindi siya sumagot dahil halos hindi rin niya malunok ang kinakain. Tumayo ito at kumuha ng baso at tubig saka iniabot sa kanya.
"Masama sa katawan ang sobrang alat."
Tiningnan niya ito ng masama. "Talaga bang nang-iinis ka?"
"Ang sa akin lang naman, kung hindi mo alam, magtanong ka para matuto ka. Kung sana'y sinabi mong hindi ka marunong magluto tinulungan na sana kita. Hindi sana nasayang ang pagkain."
Para ano? Para paulit-ulit na pintasan nito? No way!
"Kung galing rin lang sa'yo, huwag na. Mas gugustuhin kong matutong mag-isa," matigas na sagot niya.
"Eh di hindi ka natuto?"
"Basta yon ang gusto ko!" Bubuka sana ang bibig nito pero inunahan niya ng tayo. "Ako ang nagluto, ikaw na ang magligpit." aniya saka mabilis itong tinalikuran.
Pagkapasok ng silid ay nanlalanta siya. Kaagad siyang napahiga sa kama. Pakiramdam niya'y namamaga ang buong katawan niya. Naiiyak siya sa sobrang pagod. Dagdag pa na gutom na gutom siya. Gusto na niyang umuwi.
"Mommy..."mahinang usal niya sabay impit na hikbi.
HINDI nagawang katukin ni Paco ang dalaga dahil narinig niya ang hikbi nito. Talaga bang ganoon kahirap ang pinapagawa niya rito at ganoon na lang ito kung umiyak?
Napailing siya. Ayaw niyang aminin sa sarili pero nakonsensiya siya bigla. Siguro'y talagang walang alam ang dalaga sa gawaing-bahay. Siguro'y totoong nahihirapan ito ngunit sadyang hindi niya maintindihan dahil magkaiba sila ng pagkakakilala sa salitang hirap.
Napatitig siya sa pinto ng silid nito. Dalawang araw pa lang ay nagulo na nito ang sistema ng pamumuhay niya. At hindi niya gusto ang nararamdaman ngayon. Gusto niyang buksan ang pinto at aluin ito.
Ilang sandali pa'y tumigil na ang pag-iyak nito.
"Damn you, Paco!" dinig niyang sambit nito na ikinangiti niya.
Ibang klase talaga ang dalaga. Naiiling na tinungo niya ang sariling silid.