Chapter 1
Chapter 1
Nagmamadali sa pagpasok sa trabaho si Yannie. Male-late na kasi siya at alam niyang pagagalitan na naman siya ng manager nila ngayon. “Palagi na lang . . .” buntonghininga niya. Nakatulog kasi siya kanina pagkauwi galing sa unibersidad na pinapasukan niya. Nag-aaral siya ng Office Administration sa Unibersidad ng Makati at nasa ika-apat na taon na siya sa kolehiyo.
Nagpa-part time lang siya sa isang Convenience Store sa Makati bilang Cashier. “Good evening!” masiglang bati niya nang mabungaran ang kasamahan niya sa trabaho na si Isla, ang naging matalik niyang kaibigan.
Purong Pilipino ang dalaga. Mahaba ang maitim at pinong-pino nitong buhok. Masigasig ito sa trabaho at ang nakatutuwa pa ay inosente ito sa buhay sa siyudad. Isa sa nagustuhan niya sa kaibigan ay ang pagiging palangiti nito at palaban.
“Bakit ngayon ka lang?” tanong nito sa kanya habang inaayos niya ang dalang shoulder bag sa ilalim ng counter. Inilagay niya iyon sa isang maliit na cabinet doon.
“Eh, na-traffic ako,” pagsisinungaling niya rito. Umismid ang kaibigan.
“Hindi mo ako maloloko, Yannie. Bakit ka ba natagalan? Nagtataray na naman si Madam dahil sa ‘yo,” anito.
Lumabi siya saka nagkibit-balikat. “Nakatulog kasi ako. May inasikaso akong papeles na kailangan kong ipasa bukas. Huwag mo na lang pakinggan ang mga sermon niya,” aniya sa kaibigang nakataas ang kilay sa kanya.
“Baka naman nanlalaki ka?” tanong nito dahilan upang manlaki ang mga mata niya.
“Seriously, Isla? Pinag-iisipan mo ako nang ganiyan?” paasik niyang tanong dito. “I can’t believe you!” singhal pa niya sa kaibigang nakangisi nang nakakaloko sa kanya.
“Ewan ko sa ‘yo,” natatawang usal nito.
“I’m hurt!” singhal niya.
“Weh? Hihihi! Ikaw naman, hindi na mabiro,” nang-aasar na tugon ng dalaga.
Natawa rin siya sa kalokohan nito. “Tsk! I hate you!” singhal niya rito saka hinarap ang mamimili. Siya ang taga-punch ng mga pinamili at ang kaibigan naman ang taga-silid ng mga groceries sa shopping bags.
Nang matapos ay humarap siya sa kaibigan. “Wala yata ngayon si Madam,” usal niya habang hinihintay ang Manager nila. Handa na ang kanyang tainga sa paglilitanya nito ngunit kataka-takang wala ito ngayon upang sermonan siya.
“Umalis. Sabi niya, ihanda mo na lang daw ang tainga mo bukas dahil may emergency sa bahay nila,” pagbibigay alam sa kanya ni Isla.
Napangiti siya. “Mabuti naman. Naririndi na ako sa bunganga niya. Kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera ngayon ay matagal na akong nag-resign,” aniya.
“Tsk! Hindi mo naman talaga kailangan. Kuripot ka lang,” komento ng kaibigan. Napangiwi siya sa sinabi nito.
Totoo naman. Kung tutuusin, hindi niya na kailangan ang magtrabaho upang mabayaran ang matrikula niya. Ayaw niya lang talagang humingi sa mga magulang niya at isa pa, iskolar siya sa pinapasukan niyang unibersidad.
“Ayaw ko lang makadagdag sa gastusin,” aniya. Kapag natapos siya sa kursong kinuha niya ngayon ay dalawang degree na ang kaakibat ng kanyang pangalan. Nagtapos siya ng kursong BSED in Secondary Education dahil na rin sa kagustuhan ng kanyang mga magulang.
“Siya nga pala, may nagpapabigay pala nito,” usal ng kaibigan niya habang iniabot sa kanya ang isang maliit na kahon. “Galing ‘yan sa isang lalaking hindi ko kilala,” dagdag pa nitong sabi.
Napangiwi siya. “Sino naman? Wala akong maalalang may kakilala akong lalaki?” nagtatakang tanong niya rito. Oo, siya ang tipo ng babaeng gumagala sa gabi ngunit kailanman ay hindi pa siya nagpaligaw kahit kanino. Masyado lang siyang maraming kaibigan kaya akala ng ibang tao ay malandi siya. She’s an out going person.
Nagkibit-balikat ang kaibigan. “Malay ko,” anito saka ininguso ang paparating na customer.
“Hello! Good evening!” masiglang bati ni Yannie sa kararating lang na lalaki. Inilapag nito ang isang bote ng Pine Apple juice. Hindi man lang ito tumingin sa dalaga. Nakasuot ito ng maitim na hooded jacket at isang maitim na face mask. Natatakpan ng kulot nitong buhok ang mga mata ng binata.
Malakas na tumikhim si Yannie upang kunin ang atensyon ng binata ngunit sadyang wala itong pakialam sa paligid.
“Ito lang po ba?” tanong niya rito.
“May nakita ka pa bang ibang bagay na inilagay ko sa harap mo?” masungit nitong tanong pabalik na ikinagulat niya.
Narinig niyang napasinghap sa pagkagulat ang kaibigan. Wala sa sarili siyang umismid at padabog niyang inilagay sa isang maliit na paper bag ang binili nitong juice. Dire-diretsong lumabas ang binata na hindi man lang hinintay ang sukli nito. Napabuga siya ng hangin.
“Ano ba ang problema niya?!” pasinghal na tanong ni Yannie nang makalayo ang lalaki.
“Bakit galit ‘yon?” tanong din ni Isla na ang paningin ay nasa papalayong bulto ng binata.
“Ang sungit!” singhal pa ni Yannie. “Baka naman iniwan kaya nagsusungit,” komento niya pa.
“Malay natin,” ismid na sagot ng kaibigan. “Sanay ka ba sa ganoong klase ng mamimili?” usisa nito sa kanya.
Marahan siyang tumango. “Oo. Minsan lang naman ang ganoon. Masama siguro ang pakiramdam kaya naging ganoon ang pakikitungo nila. Kaya tayong mga nasa tamang katinuan, tayo na ang mag-adjust. Tayo ang umintindi. Hindi natin alam ang pinagdadaanan ng bawat isa,” nakangiting saad niya.
“Taray! Ang lalim no’n, ah,” nanunuksong saad ng kaibigan. Pinandilatan niya ito. Mahina itong tumawa.
“Umayos ka!” pabulong na singhal niya rito.
Mabilis na dumaan ang oras. Pagkabukas ng pinto ng kanyang apartment ay ibinalibag niya sa kung saan ang suot na sapatos at pabagsak niyang inihiga ang ang sarili sa kama nang makauwi galing trabaho. Masakit ang mga mata niya. Kailangan niya pang gumising nang maaga bukas dahil may ipapasa siyang thesis.
Pilit siyang bumangon. Tamad na tamad niyang pinagtatanggal ang uniporme.
Tumayo siya sa banyo upang magsipilyo at maghilamos. Pagkatapos ay nagbihis siya ng pantulog at tamad na nahiga ulit sa kama. Gumawa iyon ng ingay sapagkat sinalo niyon ang kanyang bigat. Hindi na niya namalayan ang oras at nahimbing siya sa pagkakatulog
NAGISING siyang inaantok pa ngunit pinilit niya ang sariling bumangon. Pikit-mata niyang tinungo ang banyo. Mabilis siyang naligo at pagkatapos ay nag-ayos siya ng sarili. Nagsuot siya ng isang white polo shirt at black jeans. Pagkatapos ay nagluto siya ng pan cake at nag-timpla ng kape. Tahimik siyang kumakain nang makatanggap siya ng text mula kay Isla.
Good morning!
Basa niya sa mensaheng ipinadala nito. Napangiti siya. Kaagad siyang nag-reply at pagkatapos ay tinungo na ang daan papuntang eskuwelahan. Ipinasa niya ang isang activity niya at pagkatapos ay dumaan siya sa isang coffee shop upang magkape. Nagutom kasi siya.
“Magandang umaga!” nakangiting bati niya sa mga staff doon.
“Good morning, Ma’am! Welcome to Bella’s Cafe!” bati ng empleyado sa kanya.
Tumango siya rito. “Thank you!” usal niya saka dumiretso sa counter at bumili ng cappuccino at cheesecake.
Dinala niya iyon sa isang bakanteng mesa at naupo roon. Tahimik niya iyong kinakain habang nagbabasa ng kanyang libro para sa prelims. Nang maubos ay kaagad siyang tumayo at binitbit ang mga gamit saka naglakad palabas.
Pagpihit niya paharap ay may nakabungguan siyang lalaki. “Ops! Sorry!” mabilis at malakas niyang sabi upang humingi ng tawad. Natapunan ng dala nitong kape ang puting polo ng binata. Nagsalubong kaagad ang kilay nito dahil sa nangyari kaya mas lalo siyang na-guilty.
Doon niya naalalang ito pala ang lalaking masungit kagabi sa CVS. Napaismid siya. Tinitigan niya ito nang mabuti habang abala ito sa pagpupunas ng nabasang damit. Kumikibot ang labi nito, halatang asar na asar sa nangyari.
“Alam mo bang kailangan ko ngayong um-attend sa hearing?!” pasinghal nitong tanong sa kanya. Napaatras siya sa gulat. Nanlilisik ang mga mata nito.
“And now, you f*****g ruined my outfit!” singhal ulit nito sa kanya.
Natameme siya hindi dahil sa takot siya sa binata kung hindi ay dahil sa angkin nitong kaguwapuhan. Napako sa binata ang kanyang paningin at hindi niya maialis dito ang kanyang mga mata. Para siyang nahipnotismo. Dinuro siya nito gamit ang hintuturo kaya siya natauhan.
“f*****g stupid!” bulong nitong singhal bago naglakad papalayo.
Natigilan siya. “Ano’ng sinabi niya?” hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili. Mabilis siyang pumihit patalikod at doon niya pinanood ang bulto nitong naglalakad papalayo. Hinawakan niya nang mahigpit ang natirang kape. Mabuti na lang at dala niya iyon.
Tinantiya niya ang layo niya sa binata saka inihagis niya iyon sa ere. Mabilis siyang nagtago sa isang corridor nang marinig niya itong sumigaw. Nanginginig siya sa takot. Mabilis siyang naglakad papalayo. Pumasok siya sa isang eskinita at umaktong walang nangyari. Mabilis ang mga hakbang na inilayo niya ang sarili sa kapahamakan.
“Ano’ng ginawa mo Yannie?” tanong niya sa sarili habang tumitili nang makapasok siya sa inuupahang apartment.
Ibinagsak niya ang katawan sa sofa. Natatawa siya na naawa sa binata ngunit sadyang malikot ang kanyang kamay. “Bakit mo ginawa ‘yon?” asik niyang tanong sa sarili. Napahilamos siya. Malilintikan siya kapag nagkita sila ulit.