Prologue
ETHAN
"Oh, Ate, parang ang aga mo ngayon?" tanong ko nang makauwi ako. Nakakapagtaka dahil madalas siyang umuwing gabi na, pero ngayon ay 5 PM pa lang.
Buti na lang hindi ako nag-uwi ng babae dito sa bahay. Si Mama at Papa kasi ay wala, anniversary nila bilang mag-asawa kaya nag-date sila. Sabi nila baka gabing-gabi na sila makakauwi. Ang dalawa ko namang kapatid na nasa high school ay gabi na rin kung umuwi, pareho ko rin silang pasaway. Maaga lang akong umuwi dahil napagod ako sa ginawa namin ng babaeng nakilala ko sa school.
"Mag-usap tayo. Isarado mo ang pinto, baka may makarinig. Bilis," sabi ni Ate. Napatingin ako sa kanya nang may pagtataka, pero sinunod ko rin siya.
Gaano ba kaimportante ang sasabihin niya para kailangang isarado pa ang pinto? Wala namang makakarinig kahit hindi isarado dahil hindi naman kami magsisigawan. Hindi rin naman ako nakabuntis ng 'di ko alam, 'di ba?
Kahit nagtataka ako, lumapit ako kay Ate at umupo sa tabi niya. Para siyang kinakabahan.
"May nabuntis ba ako, Ate?" biro ko, pero agad niya akong binatukan at napahawak ako sa ulo ko.
"Mapagkakatiwalaan ba kita? Kung hindi, delikado ang buhay natin—lalo na ang pamilya natin. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mong panindigan ang pagtitiwala ko," sabi niya nang malungkot, halatang kinakabahan at takot.
Hindi ko siya maintindihan. Paano magiging delikado ang buhay namin?
"Pagtungtong mo ng kolehiyo, may kailangan kang bantayan," sabi niya. Blangko pa rin ang mukha ko. Hindi ko talaga siya maintindihan.
"Ang Mafia Princess," dagdag niya, dahilan para bigla akong matawa.
"Ano ba 'yan, Ate? Ginagawa mo namang pelikula ang buhay natin. Sige, Ate, akyat na ako. Tama na 'yang pagbibiro mo. Pahinga ka na rin, alam kong pagod ka," sabi ko habang tumatayo na para umalis, pero hinawakan niya ang braso ko.
"Alam mo naman na isa akong private teacher, 'di ba? Akala mo siguro sobrang laki ng sahod ko dahil mayaman ang tinuturuan ko. Pero hindi—isang 17-year-old Mafia Princess ang tinuturuan ko. Totoo ang sinasabi ko. Kung hindi ka maniniwala sa akin at tatanggihan mo ako, paano na tayo? Paano ang pamilya natin? Ayokong mapahamak kayo," sabi niya habang naluluha.
Nanlamig ako. Paano nangyari ito? Si Ate ang pinakamabait, mapagmahal, at maalaga sa amin. Paano siya napunta sa buhay ng mga Mafia?
"Sorry... pero kailangan kong gawin 'to. Ayoko mang isama ka sa katangahan ko, pero wala akong magagawa. Kung hindi ko susundin ang gusto ng Mafia Princess, lalo lang kayong mapapahamak," sabi niya, tumutulo ang mga luha.
Sa pagtungtong daw namin ng kolehiyo, gusto raw ng Mafia Princess na makita ang mundo. Kaya inutusan niya si Ate na ako ang maging kasama nito hanggang makapagtapos siya. Ako raw ang magtuturo sa kanya ng mga bagay tungkol sa labas ng kanyang mundo, na parang tagapagbantay o tagapagturo.
Ano ako, yaya? Gusto ko sanang tumanggi, pero hindi puwede. Ikinuwento lahat ni Ate kung paano siya napunta sa Mafia, kung gaano kahayop ang mga ito, at kung paano siya binantaan.
Ako raw ang napili ng Mafia Princess dahil kaedaran niya ako. Dadalhin ako ni Ate sa lugar ng Mafia para ipakilala sa babaeng iyon. Dalawang taon pa bago kami magkolehiyo, pero gusto raw ako nitong kilatisin ngayon pa lang. Kung hindi niya magustuhan, baka patayin niya ako. T*ngina, unang beses pa lang akong makakaharap ng Mafia, papatayin na agad?
"Umayos ka, Ethan. Kahit ngayon lang nagmamakaawa ako," sabi ni Ate.
Ano bang gagawin ko? Paano ba maging karapat-dapat sa isang Mafia Princess?
-------
Habang nasa biyahe kami papunta sa lugar ng Maximo Mafia, tiningnan ko si Ate na tahimik sa tabi ko. Nakasakay kami sa itim na sasakyan. Dito pala siya sumasakay tuwing pumapasok at umuuwi, akala ko nagko-commute siya.
"Hindi ka ba nila sinasaktan doon?" tanong ko, pilit na sinisiyasat ang lagay niya.
"Ni minsan hindi nila ako sinaktan. Maingat ako sa bawat galaw ko dahil alam kong isang pagkakamali lang, tapos na ang buhay ko—at ang buhay natin," sagot niya habang malungkot na nakatingin sa akin.
Bigla akong natakot. B*bo pa naman ako. Paano kung magkamali ako? Okay lang sana kung ako lang ang paparusahan, pero pati pamilya ko madadamay.
"Ang Mafia Princess, siya ang lagi mong nakakasama? Sabi mo siya ang pinakamalala sa kanila. Hindi ka ba niya talaga sinasaktan?" tanong ko ulit na nag-aalala. Mahal ko si Ate. Ayokong nasasaktan siya, pero kung sinasaktan man siya, may magagawa ba ako? Wala. Lalo lang kaming mapapahamak.
"Hindi, Ethan. Hindi niya ako pinagbuhatan ng kamay kahit minsan," sagot niya habang nakangiti, pero may halong takot. "Pero nakakatakot siya. Kaya nag-iingat ako tulad ng sinabi ko. Kaya nagmamakaawa ako, Ethan, huwag kang gagawa o magsasalita ng kahit ano na hindi nila magugustuhan."
B*bo nga ako, paano na 'to? Ayoko pang mamatay. Gusto ko pang makatikim ng mga magaganda’t sexy na babae.
-------
Pagdating namin sa lugar ng Maximo Mafia, napansin ko agad ang napakalaking itim na gusali. Palapit pa lang kami, pero kinakabahan na ako. May mga armadong lalaki sa labas, hawak-hawak ang malalaking baril.
Parang pelikula. Totoo pala ang sinasabi ni Ate. Impyerno nga.
Pagpasok namin, nakita ko agad ang tatlong duguan at walang buhay na katawan ng mga lalaki sa sahig. Isa pang lalaki ang nakaluhod, nanginginig at umiiyak habang nakatingala sa isang matipunong lalaki na hawak ang baril. Walang emosyon sa mukha nito, pero nakakatakot tingnan.
Biglang lumabas mula sa isang silid ang isang babae. Napatingin ako sa kanya. Wala rin siyang emosyon sa mukha, pero parang anghel kung titignan. Napakaamo ng mukha niya. Ang fitted black dress na suot niya ay nagpapakita ng perpektong hubog ng katawan niya. Napalunok ako.
Ang ganda niya.
Napatigil ako nang bigla niyang nilapitan ang nakaluhod na lalaki. Habang naglalakad, sinuot niya ang isang pares ng itim na gloves. Maya-maya pa’y sinuntok niya sa sikmura ang lalaki. Nang mapayuko ito sa sakit, hinawakan niya ang ulo at leeg nito.
Sa isang iglap, pinihit niya ang ulo nito nang walang kahirap-hirap. Napalunok ako sa kaba. Tangina, totoo nga ang sinasabi ni Ate—isa siyang demonyo.
-------
Tahimik akong nakaupo sa sofa sa loob ng silid kasama si Ate. Silid ito ng Mafia Princess. Tahimik rin si Ate, pero ramdam ko ang kaba niya.
"Ang mga sinabi ko sa'yo, Ethan. Sundin mo, please," bulong niya. Tumango ako. Sana hindi muna pumasok ang Mafia Princess. Hindi pa ako handa.
Biglang bumukas ang pinto. Pumasok siya. Ang maganda at nakakalibog na Mafia Princess.
Hindi siya tumingin sa amin ni Ate. Diretso siyang lumapit sa kanyang mesa at naupo sa malaking itim na swivel chair. Para siyang reyna na nagmando sa kanyang mga tauhan, "Leave."
Agad namang lumabas ang mga tauhan, walang tanong-tanong. Ang presensya niya ay nakakatakot, ang kanyang malamig at matigas na boses ay sapat para magbigay ng takot.
"Did you see what happened earlier, Nathalia?" tanong niya kay Ate, ang mga mata niya'y diretso at walang emosyon.
Ngumiti si Ate. "Oo, Princess. Katabi ko siya noong mangyari iyon."
Biglang bumaling ang tingin ng Mafia Princess sa akin. Ang mga mata niya, bagamat maganda, ay tila mga kutsilyong tumatagos sa kaluluwa ko. Napalunok ako. Lumapit siya nang dahan-dahan. Ngayon ay nakatayo siya sa harap ko, nakatingala ako sa kanya habang siya'y bahagyang nakayuko dahil ako ay nakaupo sa sofa nya dito.
"Now, you know what could happen to you and your family?" malamig niyang tanong. Ang ganda niya, pero mas nangingibabaw ang takot na nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin dahil bigla kong sinabi ang--- "Totoo bang makakasama kita sa college? Ako ba talaga ang magbabantay sa'yo, magtuturo, at parang mag-aalaga rin sa'yo?"
Nanatili siyang walang emosyon, pero tumango siya bilang sagot.
"Since you already know and have seen what will happen to you and your family, prepare yourself. After two years, you'll be with me," sabi niya habang humakbang palayo.
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ko, pero bigla akong ngumiti at nagsabi, "Puwede bang makasama at alagaan na lang kita habang buhay?"
Nanlaki ang mata ni Ate at agad akong kinurot sa tagiliran. Sinamaan niya ako ng tingin, pero hindi ko siya pinansin. Tumigil sa paglalakad ang Mafia Princess at bahagyang lumingon sa likod. Napaurong ako. Ngayon ko lang narealize na maling-mali ang sinabi ko.
"Ah, Princess, wala iyon," sabat ni Ate, pilit na ngumingiti. "Parte lang iyon ng biro. Pasensya na sa kapatid ko, mahilig lang talaga siyang magpatawa."
Tahimik ang Mafia Princess sa ilang segundo bago muling nagsalita, "I don't tolerate any jokes. Nathalia, leave now before I end up killing your brother."
Agad na hinila ako ni Ate papalabas ng silid. "Pasensya na, Princess. Hindi na mauulit," sabi niya habang nagmamadaling lumabas kasama ako.
Pagkalabas namin sa silid, napahawak si Ate sa ulo niya. Kita ko ang inis at kaba sa mukha niya.
"Ngina ka talaga, Ethan! Ano ba ang pumasok sa utak mo? Biroan ba ang mga ganoong klase ng tao?" galit na bulong niya sa akin.
"Sorry na, Ate. Hindi ko naman sinasadya. Hindi ko naman alam na bawal din pala syang biruin," sagot ko, sabay kamot sa batok.
Huminga siya nang malalim, pilit na pinapakalma ang sarili. "Ethan, seryoso 'to. Isang maling galaw mo lang, tapos tayo. Kaya please, ayusin mo ang sarili mo."
Tumango ako. Pero sa likod ng takot at kaba ko, nandoon pa rin ang alaala ng mukha ng Mafia Princess. Ang ganda niya. Nakakatakot, pero nakakalibog. Paano ko siya matitiis na makasama araw-araw nang hindi natutukso sa kanya?
Mula nang araw na iyon, bumalik na kami ni Ate sa bahay. Pero hindi ko na makalimutan ang mga nangyari. Sa susunod na dalawang taon, kailangan kong paghandaan ang bagong yugto ng buhay ko. Ang tanong, kaya ko ba?