CHAPTER 20

2175 Words
"Life is but a dream for the dead." -- Gerard Way CHAPTER 20 Funeral ISANG linggo na ang nakalilipas nang mamatay si Miracle, patuloy pa rin ang pag-iimbistiga sa nangyari sa kanya. Simula nang mawala siya marami nang nagbago sa aming magkakaibigan pati na rin sa mga taong nasa paligid namin, maraming naghuhusgang maaaring kami ang pumatay sa kanya, ang iba'y pinag-uusapang pinagplanuhan namin siyang patayin. Ngunit sa kabila nang mga panghuhusga ng mga tao hindi namin iyon pinapansin at alam naming hindi kami ang pumatay sa kanya. Marami man ang nagbago sa amin lalo na sa mga taong nakapaligid sa amin isa lang ang hangarin ng bawat isa sa amin, iyong hanapin ang pumatay kay Miracle. Hindi ko sinasabi sa kanila ang nangyayari sa panaginip ko, patuloy lang ang pagpaparamdam ni Nocturssio, patuloy lang niyang sinasabing ako ang pumatay kay Miracle at ang tungkol sa larong sinumulan niya---namin. Pilit kong iniisip na maaaring binabangungot lang ako dahil hindi siya maalis sa isip ko, ngunit may parte sa isip at puso kong naniniwala sa sinasabi niya. Gulong-gulo na ako sa mga nangyayari, idagdag pa na wala akong mapagsabihan nang mga nangyayari sa akin, gusto kong sabihin kay Ate Shi at Kuya Lach pero natatakot ako... Dahil baka hindi nila ako paniwalaan at baka akalain nilang nababaliw na ako. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang lahat ng ito bago pa may mangyaring masama isa man sa amin. "Zaf, malapit na ba sila?" Nawala ang pag-iisip ko nang biglang tumayo si Sasha sa sofa. Umiling ako sa kanya at bumuntong-hininga. "Nagtext sila sa akin malapit na raw." Muli siyang umupo sa tabi ko at tinignan ang kanyang cellphone. Ngayon ang libing ni Miracle, pinag-usapan naming sabay-sabay na kami pumunta sa Holy Cross Memorial Park at magdadala raw ng sasakyan ni Kael, dito na kami sa unit ko magkikita-kita ngunit halos kalahating oras na kaming naghihintay ni Sasha hindi pa rin dumadating sina Kael at Lewis. I-crecremate sana ang bangkay ni Miracle ngunit ayaw ng mga magulang niya, gustuhin sana naming tumutol pero wala naman na kaming magagawa. Maya-maya pa'y dumating na rin sina Kael at Lewis, agad kaming umalis ng unit ko at bumungad sa amin sa labas ang kulay asul na sasakyan ni Kael. Isang oras ang byahe papunta sa Holy Cross kung saan ililibing si Miracle, habang nasa loob kami ng sasakyan tahimik lang kami. Si Kael ang nagdadrive at nasa tabi niya si Lewis, habang kami ni Sasha ay nasa likod. "Kael, kumusta na iyong autopsy ng bangkay ni Miracle?" Binasag ni Lewis ng tanong ang katahimikan na namamagitan sa amin. Sandaling napalingon si Kael kay Lewis at bumaling ng tingin sa kalsada. "Pagkatapos ng libing ni Miracle malalaman ko." Seryosong sagot niya. "Ibig sabihin may resulta na?" Biglang tanong ni Sasha. Tumango si Kael. "Bakit parang naging interesado kayong malaman?" "Baka isa iyan sa maging paraan para malaman kung sino ang pumatay sa kanya." Ani Lewis habang palipat-lipat ng tingin sa amin ni Sasha at kay Kael. "Pero sa ngayon huwag muna natin isipin iyon, ito ang huling araw na makakasama natin si Miracle." Sabat ko sa kanila at sabay-sabay naman silang napabuntong-hininga. Muli kaming nanahimik habang binabaybay ang byahe. Pasimple kong tinignan si Sasha nakahilig ito sa bintana habang nakapikit, agad kong iniwas ang aking tingin sa kanya at tumingin na rin ako sa bintana. Malakas ang sinag ng araw ngunit umaambon, kahit siguro ang kalangitan ay nalulungkot sa huling araw ni Miracle rito sa mundo. Hindi ko alam kung totoo ang multo, kung totoo ang mga kaluluwa na kapag hindi maganda ang pagkamatay ay hindi muna sila makakaakyat sa langit at hindi ko alam kung totoo bang nakikita kami ni Miracle bilang isang kaluluwa o bilang isang anghel na. Walang kasiguraduhan kung totoo nga ba ang mga iyon o haka-haka lamang ng mga taong hindi pa matanggap na iniwan na sila ng mga minamahal nila. Napaigtad ako sa aking pagkakasandal sa bintana nang biglang huminto ang sasakyan ni Kael, agad ko siyang tinignan ngunit bigla siyang nawala! Mabilis kong inilibot ng tingin ang loob ng sasakyan at wala akong kasama kahit isa! Biglang naghuramentado ang puso ko, mabilis na para bang malalagutan na ako ng hininga sa pagpintig nito... Ito na naman ang pakiramdam, alam kong bangungot na naman ito nang hindi ko namamalayan. Agad akong lumabas ng sasakyan at bumungad sa akin ang sementeryo, bahagya kong inilibot ng tingin ang buong paligid at napukaw sa aking atensyon ang isang bakanteng hukay. Sandali akong napatitig sa pwestong iyon kasabay ng malakas na hangin dito, bahagya kong inayos ang aking buhok at naglakad papunta roon. Sa bawat paghakbang ng mga paa ko patuloy na isinisigaw ang isip kong gumising sa bangungot na ito bago pa may mangyaring kakaiba ngunit hindi ko alam kung paano dahil alam kong laro na naman niya ito. Nang matunton ko ang bakanteng hukay na iyon maingat akong sumilip at halos malula ako sa sobrang lalim, hindi ko alam kung hanggang saan inabot ang hukay na iyon pero may kutob akong kung totoo ang impyerno marahil hanggang doon ang inabot ng hukay sa sobrang lalim. Humakbang ako ng tatlong beses patalikod habang inililibot kong muli ng tingin ang buong paligid at halos lumuwa ang aking mga mata nang makita ko si Ms. Dela Vega tumatakbo papunta sa akin. Hindi ako nagsayang ng segundo at bigla akong tumakbo upang salubungin siya. "Ma'am!" Mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko nang huminto siya sa harap ko at bigla akong niyakap. Nararamdaman ko ang sunod-sunod na pag-angat ng dibdib niya at halos nanginginig ang buo niyang katawan. "Zaf! Huwag kang susunod sa kanya, pigilan mo Zaf." Nanginginig na usal niya habang humihiwalay nang pagkakayakap sa akin. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Paano pong nandito ka?" Hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon ng kanyang mukha at sunod-sunod pa rin siyang naghahabol ng paghinga. Marahas siyang umiling. "Hindi ko alam Zafania, hindi ko maintindihan." Bahagya siyang napayuko habang patuloy pa rin sa pag-iling. Sandali ko siyang pinagmasdan at ngayon ko lang napansin na nakapantulog siyang damit. Sa pagkakaalam ko simula noon at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagigising ngunit ang gumugulo sa isip ko kung paano siya nasama sa bangungot na ito? "Wala po bang paraan para makaalis sa bangungot na ito?" Biglang nag-angat ang kanyang ulo at bumungad sa akin ang lumuluha niyang mga mata. "Hindi ko alam Zafania." "Zafania." Literal na nanigas ang katawan ko nang marinig ko ang makapal, malakas at buong-buo na tinig sa utak ko. Mabilis akong tumingin sa buong paligid ko at biglang lumakas ang pag-ihip ng hangin dito. "Zaf, what's wrong?" Bumaling ang tingin ko kay Ms. Dela Vega. "Narinig mo ba siya?" Muli kong naramdaman ang takot sa puso ko, iyong takot na hindi ko maipaliwanag. "S-sino Zaf?" Biglang nag-iba ang ekspresyon ng hitsura ng Ms. Dela Vega, ngunit mas nangingibabaw ang takot sa kanyang mukha, isang takot na para bang sinasabing para sa akin iyon. Muli kong naririnig ang sunod-sunod na pagsitsit sa paligid ko at paniguradong ako lang ang nakaririnig niyon. "Zafania." Bigla akong naguluhan nang humakbang patalikod si Ms. Dela Vega na para bang takot na takot siya sa akin. "Zafania, pigilan mo." Hindi ko siya maintindihan pero nararamdaman kong unti-unting nag-aangat ang magkabilang dulo ng labi ko. "Zafania! Pigilan mo siya!" Mas lumalakas ang pagsitsit na naririnig ko kasabay ng isang nakapangingilabot na halakhak sa isip ko. Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kanya at dahan-dahan naman siyang lumalayo hanggang sa bigla siyang tumakbo at kusang humabol ang katawan ko sa kanya. Hindi ko mapigilan ang sarili ko dahil ang katawan ko na ang kusang gumagalaw at para itong may sariling pag-iisip at pakiwari ko may malaking parte sa kaloob-looban kong nag-uudyok na gumawa ng kung anong bagay sa kanya. Magulo at mahirap intindihin dahil kahit ang sarili ko ay hindi ko na maintindihan. Patuloy lang ang pagsitsit at halakhak na naririnig ko habang hinahabol ko siya at bigla siyang huminto sa pagtakbo. Awtomatikong napahinto na rin ako at halos limang hakbang na lang ang distansya naming dalawa at napansin kong malapit pala kami sa kinaroroonan ng bakanteng hukay at halos nasa likod na niya ito. "Zafania! Parang awa mo na pigilan mo siya!" Hinakbang ko ang aking mga paa habang umiiling at muli ko siyang nginitian. Sandali akong huminto at huminga nang malalim, hindi pa rin siya umaalis sa kanyang pwesto at bakas na bakas sa kanyang mukha ang takot at kaba. "Patayin mo siya Zafania." Muling umalingawngaw ang boses sa isip ko at pakiwari ko mas lalo akong nagkaroon ng lakas. Humakbang akong muli papalapit sa kanya at siya nama'y humahakbang palayo sa akin. Bahagya akong huminto nang matanya kong halos tatlong hakbang na lang ang namamagitan sa aming dalawa, ibinaba ko ang aking tingin at halos ngumingiti ang kapalaran sa akin nang mapansin kong may malaking bato malapit sa kanang paa ko. Mabilis ko iyon dinampot at muli kong tinignan si Ms. Dela Vega na doble-doble na ang takot sa kanyang mukha. "Zaf, parang awa mo na..." Mangiyak-ngiyak na pakiusap niya sa akin subalit hindi ko siya pinansin na para bang wala akong narinig mula sa kanya. Pinagpatuloy ko ang paghakbang ko sa kanya, mabagal upang masulit niya ang nalalabing minuto ng kanyang buhay. "Zafania!" Kasabay ng kanyang pagsigaw ang malakas kong pagbato ng bato sa kanyang mukha dahil na rin siguro sa kanyang takot at kaba nawalan siya ng balanse. Halos segundo lang at bigla na siyang nahulog sa hukay, narinig ko pa siyang sumigaw ngunit hindi ko siya pinagtangkaang tulungan. Napabuntong-hininga ako at halos nanigas ang aking katawan nang marinig kong may tumawag sa akin mula sa likuran ko. Dahan-dahan akong tumalikod upang tignan siya at hindi nga ako nagkakamali ng kutob dahil nasa harapan ko ngayon si Nocturssio nang nakangisi. Kahit madalas ang pagpapakita niya sa panaginip ko hindi pa rin ako masanay sa presensya niya lalo na sa mga kaya niyang gawin. "Magaling, Zafania." Muling naghuramentado sa takot at kaba ang puso ko, parang biglang pinitik ang katinuan ko at ngayon ko lamang napagtanto ang ginawa ko! Mabilis akong pumunta sa kinaroroonan ng hukay, lumuhod ako sa buhangin at kahit nakakalula ang ilalim pinilit ko pa ring silipin. "Ms. Dela Vega!!!" Buong lakas kong sigaw kasabay nang pagtulo ng aking mga luha. Pinatay ko siya... Pero bangungot lamang ito... Isang bangungot lang... Sana. "Zaf! Nandito na tayo! Gising!" Napabalikwas ako sa aking pagkakasandal sa bintana nang biglang yugyugin ni Sasha ang balikat ko. Agad akong napasapo sa aking dibdib at mabilis akong naghahabol ng paghinga. "Zaf, okay ka lang?" Bahagya akong nakayuko at patuloy lang sa malalim na paghinga. Hindi ko pinansin ang tanong ni Lewis, narinig ko na lamang ang pag-anyaya ni Kael na bumaba ng sasakyan. Bumaba na rin kami ni Sasha ng sasakyan ngunit hindi pa rin nawawala ang paghuhuramentado ng puso ko. "Zaf, ano bang nangyayari sa iyo?" Marahang hinawakan ni Sasha ang kanang braso ko. Napatingin ako sa kanya at umiling ako bilang sagot. Hindi ko makita ang ekspresyon ng kanyang mata dahil naka-black shades siya. Naunang naglakad sina Kael at Lewis sa kinaroroonan ng kabaong ni Miracle. Maraming tao ang nandito ngayon, may Prof at mga classmates namin, halos mapuno ang pwesto rito at kung hindi ako nagkakamali ito iyong kinaroroonan sa panaginip ko. Muli akong napabuntong-hininga nang sumagi sa isip ko si Ms. Dela Vega. Sobrang dami ng tao rito, ang iba'y nakikita ko lang sa loob ng campus namin at alam kong hindi naman iyon kilala ni Miracle. Ang nakapagtataka lang kapag may namamatay kahit hindi naman kakilala ay dumadating sa libing na para bang nakababawas ng lungkot sa mga taong namatayan. Sobrang daming tao ang pumunta rito pero ganoon pa rin ang sakit at lungkot na nararamdaman namin lalo na ng mga magulang ni Miracle. Maraming mata ang nakatutok sa amin at ang iba'y pinagbubulungan kami pero hindi namin ito pinapansin. Habang naglalakad kami sumasalubong ang malakas na hangin sa amin, huminto na ang ulan ngunit bahagyang madilim ang kalangitan. Pinaupo kami ng tatay ni Miracle sa hilera ng kinauupuan nila at binigyan kami ng tig-isang puting bulalak. Bago pa ibaba ang kabaong ni Miracle ay nagdasal muna kami ng taimtim at nagpasalamat muna ang kanyang mga magulang sa mga pumunta sa libing ng kanilang anak. Biglang umalingawngaw ang isang kantang nagpabalik ng ala-ala naming lahat, naririnig kong humihikbi si Sasha na nasa tabi ko at nag-iiyakan na ang mga magulang ni Miracle at ang mga ibang tao ngayon dito. Sa bawat pagbaba ng kabaong ni Miracle ay isa-isang naghulog ng puting bulaklak ang mga malalapit sa kanya. Nang matapos maghulog ng bulaklak ang mga kamag-anak ni Miracle, kaming mga kaibigan naman niya ang sumunod. Una si Kael na biglang napahikbi nang ilaglag niya ang bulaklak sumunod si Lewis at pangatlo ako, nang si Sasha na ang paghuling mas lalong lumakas ang kanyang pag-iyak. Pinagpatuloy ang pagbaba ng bangkay ni Miracle at hindi ko namamalayang lumuluha na pala ang mga mata ko. Miracle, patawad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD