"Life is a game. So fight for survival and see if you're worth it." -- Teacher Kitano (Battle Royale)
CHAPTER 10
Imaginary Friend?
NARARAMDAMAN ko ang panginginig ng buong kalamnan ng katawan ko, halos nanunuya na ang lalamunan ko pati yata ang pagtibok ng puso ko parang tumigil ito.
"Ineng, walang nakatira riyan. Kahit kanino ka pa magtanong at kahit kay Cecil pa na namamahala ng tenement na ito." Mariin ko siyang tinitigan sa mga mata niya kung totoo ba talaga ang sinasabi niya.
Hindi ako pwedeng magkamali... Imposible ito. Nakita ng dalawang mata ko na pumapasok si Jeah mismo sa katabi ng unit ko at nakakasama't-nakakausap ko pa siya! Kaya napakaimposible ng sinasabi niyang walang nakatira roon at bodega ang unit na iyon!
"Sige po Aling Rosa sa susunod na lang po ulit." Rinig kong paalam ni Lewis at nararamdaman ko na lang na inaalalayan nila akong maglakad paalis doon.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko, pakiwari ko namanhid ang buong katawan ko sa nalaman ko ngayon. "Imposible..." Wala sa sarili kong sambit habang nakatingin lang ako sa kawalan.
Kung posibleng walang nakatira roon... Sino ang nakakausap ko?
"Zaf, uminom ka muna ng tubig." Bahagya akong nagulat sa malamig na basong dumikit sa balat ko.
Agad kong tinignan kung sino ang nag-abot sa akin 'non, bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Miracle. Tinanggap ko ang basong inalok niya at ngumiti naman siya.
Sandali kong pinasadahan ng tingin ang mga nasa harap ko. Ngayon ko lang napagtantong nasa loob na pala kami ng unit ko, nakaupo ako rito sa maliit na sofa at si Miracle nakatayo sa harap ko. Simple kong sinulyapan ang katabi ko, nakatitig lang sa akin si Sasha na para bang may gustong sabihin ito.
"Zaf, okay ka na?" Agad na napaangat ang tingin ko kay Lewis na kinukuha ang isang upuan sa tabi ng lamesa.
Hinila niya iyon papunta sa harap ko, bahagya akong napasulyap kay Kael na nakasandal sa pader ng kwarto ko. Nararamdaman ko na ang matatalim na mga titig nila na para bang may gusto silang itanong o sabihin sa akin.
"Inumin mo muna iyan Zaf para kumalma ka." Rinig kong usal ni Sasha na nasa tabi ko.
Wala na akong nagawa kundi ang inumin ang baso na hawak ko. Kahit na may sumayad na tubig sa lalamunan ko pakiwari ko sobrang tuyot na tuyot pa rin ito.
"Zaf, kailan mo pa nakilala si Jeah na tinutukoy mo?" Muli akong napatingin kay Miracle na nasa harap ko.
Bigla na lang sumagi sa isip ko iyong unang araw ko rito sa unit ko. "Simula noong tumira ako rito." Humugot ako nang malalim na paghinga at marahan ko silang pinasadahan ng tingin. "Maniwala kayo sa akin! Nakita ko siya at nakausap! Nakasama ko rin siyang kumain sa labas!" Tumaas ang boses ko sa kanila at muli akong napabuntong-hininga. "Maniwala kayo..." Yumuko ako at pinagmasdan ang basong hawak ko.
Hindi sila nagsalita, wala akong naririnig kundi ang kuliglig na namumutawi sa isip ko. Hindi ko alam kung naniniwala ba sila sa sinasabi ko o mas pinaniniwalaan nila si Aling Rosa... Nakayuko lang ako ngayon habang nakatitig sa basong hawak ko. Pinagmamasdan ko ang mumunting tubig na tumutulo rito halos paunti na nang paunti ang lamig nito. Pero nararamdaman ko pa rin ang panlalamig ng mga palad ko.
"Zaf, naniniwala ako sa iyo." Dahan-dahan kong inangat ang tingin ko papunta sa katabi kong si Sasha. Bumungad sa akin ang ngiti niya.
Ginantihan ko siya ng pagngiti. "Salamat Sha." Sambit ko sa kanya at muli kong tinignan ang mga nasa harap ko.
"Zaf, mahirap paniwalaan..." Nahihiyang sambit ni Miracle. Naiintindihan ko naman sila, kung nasa kalagayan nila ako mahirap din paniwalaan ito. Pero totoo ang sinasabi ko!
"Zaf, hindi kaya imaginary friend lang iyan?" Bigla akong napatingin kay Kael na nakasandal sa pader ng kwarto ko.
Umayos siya nang pagkakatayo at naglakad patungo kay Lewis. Dahan-dahan siyang ngumiti habang nananatili lang nakatingin sa akin. "Sa tingin ko imaginary friend mo lang iyan!" Humagalpak siya nang tawa habang umiiling.
Nararamdaman ko na lang ang pagbara ng lalamunan ko, hindi ko na kaya ito... Ano ba ang tingin nila sa akin? Nababaliw?! "Kael! Shut the f**k up!" Singhal ni Lewis sa kanya at tumayo ito sa pagkakaupo. Agad na napaatras si Kael at tinaas pa nito ang dalawang kamay niya habang nakangisi pa rin.
Sandali akong pumikit at naramdaman ko na lang na may tumulong tubig sa mga mata ko. Muli akong dumilat at pilit na ngumiti sa kanila. "Ano ba tingin niyo sa akin? Nababaliw?" Suminghap ako at kinagat ang ibabang labi ko.
"Zaf." Naramdaman kong hinawakan ni Sasha ang balikat ko.
Hindi ako nagsalita at hinayaan ko lang lumabas ang mga tubig sa mata ko. Ito ang mahirap, kahit na nagsasabi ng katotohanan hindi pa rin pinaniniwalaan dahil hindi kapanipaniwala. Mas pinapanigan ang mga kapanipaniwalang dahilan kahit hindi naman totoo.
Gusto kong magalit sa kanila pero sino ba naman ako? Hawak ko ba ang mga isip nila para kontrolin ito? "Zaf, mas mabuti pa kung tayo na mismo ang pumunta kay Aling Cecil." Untag ni Lewis.
Wala na akong magagawa kundi ang sumunod na lang sa gusto nila. Alam ko namang kahit komprontahin namin si Aling Cecil hindi pa rin nila ako paniniwalaan. Kung sasabihin man nilang naniniwala sila sa akin alam kong hindi iyon totoo... Mga kaibigan ko sila pero hindi ko matanggap na parang tingin nila sa akin isang baliw. Kahit na si Kael lang ang nagsabi may imaginary friend ako alam kong sa sarili ko sina Lewis at Miracle hindi naniniwala sa akin. Si Sasha lang naman ang maaaring maniwala sa mga ganitong bagay, alam kong naiitindihan niya ako.
Muli kaming bumalik kay Aling Rosa na naabutan naming nagsasampay ito ng mga damit, nag-aalinlangan man pero wala nang nagawa si Miracle kundi ang hingin kung saan ang unit ni Aling Cecil na namamahala sa tenement na ito. Ibinigay naman ni Aling Rosa sa amin, buti na lang mabait ito.
Hindi na kami nagsayang ng oras kung kaya't pinuntahan na namin iyon, habang tinatahak namin ang daan papuntang 1st floor lahat ng nadadaanan naming mga tao halos napapatingin sa amin, hindi ko alam kung napapansin ba nila iyon o binabaliwala na lang.
"Zaf, ayos ka lang ba?" Naramdaman kong may humawak sa kanang kamay ko. Simple akong napatingin sa kamay kong hinawakan niya at inangat ko ang tingin ko papunta sa kanya. Bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Lewis.
Tumango na lang ako sa kanya at nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Nang mahanap na namin ang unit ni Aling Cecil naabutan naming nakalock ito.
"Sinong pakay niyo?" Biglang may sumulpot na lalaking nakahubad ang pang-itaas, nakajersey short at kalbo ang buhok.
"Si Aling Cecil po." Sagot ni Sasha.
"Wala si Aling Cecil diyan, baka sa susunod na linggo pa ang balik niya, nanganak kasi ang anak niyang isa na nasa probinsya. Iyong anak naman niyang mamahala ngayon sa buong tenement may pasok." Pahayag ng lalaki, tantya ko nasa edad kwarenta pataas ito.
"Ganoon po ba, salamat po." Rinig kong usal ni Miracle.
Ngumiti na lang ang lalaking nakausap namin at pumasok na ito sa unit niya. Naramdaman kong lalong humigpit ang pagkakahawak ni Lewis sa kamay ko. Tinignan ko siya na nakatingin ito kay Kael.
"Next week na lang tayo bumalik dito." Sambit niya at muling tumingin sa akin. "Tara na." Aniya niya at nagsimula na siyang naglakad.
Dahil hawak-hawak niya pa rin ang kamay ko nadala na ako nito. Sumunod na lang sila Sasha sa amin paakyat muli sa unit ko. Tahimik lang kaming naglalakad at halos ang mga tawanan ng ibang tao ang tanging maririnig namin.
"Gabi na." Nang makapasok na kami sa unit ko binitawan na ni Lewis ang kamay ko. "Mahirap ng makasakay ngayon." Usal ko sa kanila.
Narinig kong napabuntong-hininga si Kael. "Paano na ngayon ito? Halos alas-nuebe na pala!" Singhal niya at napahilamos siya ng mukha gamit ang palad niya.
Napasinghap ako habang tinitignan sila. "Tutal wala naman tayong pasok bukas, dito na lang kayo matulog." Alam kong malalayo pa ang mga bahay nila na halos isang oras o dalawa yata ang byahe. Sina Miracle at Sasha naman kalahating oras lang ang byahe nila pero masyadong gabi na kaya delikado.
"I like that idea Zaf!" Ngiting-ngiti na sambit ni Kael sa akin.
Napangiti na lang din ako at tinignan sina Miracle at Sasha. "Okay." Nagkibit-balikat si Sasha na para bang wala na siyang magagawa kundi ang maki-overnight na rin.
"Gorabels ako!" Galak na galak na pagkakausal ni Miracle.
Bahagyang napatawa si Sasha at natawa na rin ako sa inasal niya. Huli kong tinignan si Lewis na kunot ang noo. "Ano pa nga bang magagawa ko?" Ngumisi siya na mas lalong ikinatili ni Miracle.
"Hoy! Kumalma ka!" Inis na singhal ni Kael.
Tinarayan naman siya ni Miracle at muling bumaling ng tingin sa akin. "Teka, how about our clothes?" Maarteng pagkakabigkas nito at bigla siyang binato ng medyas ni Kael.
"YUCK!!" Hinabol bigla ni Miracle si Kael habang nagtatawanan lang kami nina Lewis at Sasha.
Pinagmamasdan lang namin sila na naghaharutan. Napailing na lang ako at tinignan si Sasha na nasa tabi ko. "Sha, kung gusto mong magpalit ng damit kuha ka na lang sa cabinet ko. May mga underwear pa akong hindi nagagamit nasa lalagyan lang, iyon na lang ang gamitin niyo ni Miracle." Pahayag ko sa kanya at tumango naman siya.
Mayamaya pa'y nahinto na rin sa pagkukulitan sina Kael at Miracle. Nagpasya na kaming magpalit ng damit dahil nakasuot pa rin kami ng school uniform. Sa banyo kami nina Miracle at Sasha nagpalit samantalang sina Kael at Lewis sa kwarto ko, pinahiram ko na lang sila ng medyo malalaking t-shirt ko at nag boxer short na lang sila. Sabay-sabay na rin kaming naligong tatlo nina Sasha at Miracle. Sa una ayaw pang maghubad ni Sasha dahil nahihiya raw siya pero wala na siyang nagawa nang kulitin namin siya.
Puro tawanan lang kami habang naliligo halos kinakalabog na nina Lewis ang pinto ng banyo pero hindi namin pinapansin. Inabot yata kami ng halos isang oras sa loob ng banyo at nang lumabas kami nakapagsaing na ng kanin at nakapagluto na sila ng hotdog.
Marunong magsaing si Lewis at itong si Kael yata ang nagluto ng hotdog. Nang matapos kaming kumain napagdesisyonan naming manood ng movies. May maliit akong T.V sa loob ng kwarto at isang portable dvd hindi kami kasya sa kama ko kaya sa sahig kami umupo tutal malinis naman iyon. Unang pinanood namin korean horror movie ang pamagat Horror Stories halos pigil hininga yata kaming nanonood at kapag may nakagugulat na eksena si Kael at Lewis agad ang sumisigaw. Kaya natatawa na lang kaming girls. Iyong tirang hotdog na niluto ni Kael pinapak namin habang nanonood ang dami niya kasing niluto.
Pangalawang movie na pinanood namin lovestory naman. Thai movie at ang pamagat My Name Is Love halos hagalpak ang tawa namin habang nanonood. Puro asian movies kasi ang nasa flashdrive ko na gamit namin ngayon. Ang huling movie na pinanood namin Battle Royale para akong nasusuka habang pinanonood ang movie na iyon hindi yata kaya ng sikmura ko kung sa totoong buhay nangyari ang ganoon.
Parang ang hirap isipin na kung kami ang nasa ganoon sitwasyon. Pero sa movie na iyon malalaman mo kung sino talaga ang totoong magpapahalaga sa iyo kahit kapalit pa nito ang buhay.
"Bukas na lang ulit! Tulog na tayo!" Humihikab na usal ni Lewis.
"Kung gusto niyo sa lapag kayo matulog." Pag-aalok ni Sasha habang humihiga sa kama.
Sumunod sa kanya si Miracle at ako umupo muna sa dulo ng kama. "Hindi na, sa labas na kami." Walang ganang usal ni Kael.
"Good night girls!" Sabay nilang bigkas sa amin at tuluyan nang isinara ang pintuan ng kwarto ko.
Binigyan ko sila ng extrang unan at kumot. Si Kael sa sofa matutulog dahil hindi siya sanay sa lapag, itong si Lewis lang ang matutulog sa sahig. Binigyan ko na lang siya ng makapal na kumot pangsapin sa hihigaan niya.
"Inaantok na ba kayo?" Untag ni Miracle habang binabalot niya ng kumot ang katawan niya.
Humiga ako sa tabi ni Sasha. "Hindi pa naman." Nakisalo ako ng kumot at nakatingala lang sa kisame.
Pinaggigitnaan namin si Sasha na hindi pa rin yata inaantok. "Alam mo Zaf." Naramdaman kong umuga ang kama ko at bahagya kong nilingunan si Miracle na nakaupo na ngayon.
"Ano?" Kunot-noo kong tanong sa kanya.
"Noong highschool kami nina Sasha. Sikat iyan sa amin bilang may kakayahang magtawag ng ghost." Mahinang pagkakausal niya na para bang tinatakot pa ako.
Bahagya akong napaupo at ganoon din si Sasha. "Miracle naman..." Inis na sambit ni Sasha, simple akong napatingin sa kanya na mariing nakatitig kay Miracle.
Muling bumalik ang tingin ko kay Miracle na ngiting-ngiti ngayon. "Bakit Sha? Kaibigan naman natin si Zaf." Huminto siya sa pagsasalita at bahagyang umusog papalapit sa amin. "Alam mo ba Zaf kaya galit si Kael sa amin kasi-"
"MIRACLE!"
Nagulat ako sa pagtaas ng boses ni Sasha kay Miracle. Tinignan ko ito na halos matatalim na titig ang binibigay niya kay Miracle.
Ibig sabihin pala hindi lang basta-bastang pikon o galit si Kael sa kanila? May dahilan ito?
Nanlaki ang mga mata ko sa pagngisi ni Sasha. Ngayon ko lang siyang nakitang ngumisi ng ganito na para bang nakakikilabot...
"Manahimik ka kung ayaw mong may ibunyag ako tungkol sa iyo."