"Ang hirap pala ng ganito, iyong nananahimik ka lang kahit ang dami mong gustong sabihin, kahit pakiwari mo sasabog na ang utak mo sa lahat nang naiisip mong salitang gustong ibuga ng bibig mo lalo na lahat ng tanong na namumutawi sa isipan mo."
CHAPTER 11
Bloody Party
MARIIN ko silang tinititigan habang nakatitig lang sila sa isa't-isa na para bang nagsusukatan ng tingin kung sino ang unang mag-iiwas.
"Let's cut this scene, matulog na tayo." Malamig na utas ni Miracle.
Bigla na lang itong humiga at binalutan niya ng kumot ang buo niyang katawan. "Goodnight." Aniya at tumalikod na ito ng higa.
Napadako ang tingin ko kay Sasha na sunod-sunod nagtataas-baba ang dibdib niya, malalim siyang napapahugot ng hinga. "Sha, anong ibig sabihin ni Miracle? Anong ibig niyong sabihin?" Naguguluhang tanong ko habang pabalik-balik ng tingin sa kanilang dalawa.
Kahit na nakatalikod si Miracle alam kong gising pa siya. "Wala Zaf, matulog na tayo."
Sandali ko pa silang tinitigan at wala nang nagawa kundi ang mahiga na rin. Nakatitig lang ako sa puting kisame habang sinasariwa ang nangyari kanina, hindi ko lang maintindihan kung bakit ganoon ang binitawan nilang salita at hindi ko alam kung maniniwala ba ako na may kakayahang makatawag ng multo itong si Sasha, parang ang hirap paniwalaan dahil masyadong magulo at kaduda-duda ang mga ikinikilos nila. Maaaring totoo ang sinabi ni Miracle tungkol kay Sasha pero ang hindi ko lang maintindihan at mas lalong nakapagpagulo sa akin iyong binitawang salita nilang dalawa, ang tungkol kay Kael at ang tungkol kay Miracle. Noon buong akala ko sobrong close lang talaga sa isa't-isa pero sinabi sa amin kahapon ni Miracle na highschool classmates pala sila, idagdag pa si Kael kaya naman pala sobra silang close at parang ang dami nilang nalalaman sa isa't-isa.
Ipinikit ko ang mga mata ko at pilit winawagli ang mga kung ano-anong pumapasok sa isipan ko. Gusto ko silang tanungin kung ano ang ibig nilang sabihin pero mas pipiliin ko na lang munang manahimik.
* * *
"Zaf, okay na ang ganyang suot mo?" Napakunot ang noo ko sa tanong ni Miracle.
Bahagya kong tinignan ang suot kong damit kung may problema ba rito pero wala naman. Inangat ko muli ang tingin ko kay Miracle. "Oo, bakit?" Medyo nairita ako sa kanya at sinundan pa ng nakakaasar na pagtawa niya.
"T-shirt saka pants?" Pinagtaasan niya ako ng kilay habang pinapasadahan ng tingin ang suot kong damit.
Nakagrey faded pants ako at isang simpleng white t-shirt na may black and white face ng isang pusa sa pinakagitna. Wala namang masama sa suot ko, pwera sa suot ni Miracle na isang black dress above the knee at nakahigh heels pa siya. Kulot ang mahaba niyang buhok at nakalight make-up pa ito.
"Wala nevermind. Let's go." Nauna siyang sumakay sa taxi na pinara ni Kael.
Napatingin ako kay Sasha na nakatingin sa akin. "Mauna ka na." Aniya.
Nagkibit-balikat na lang ako at pumasok na rin sa loob ng taxi naramdaman ko na lang na nasa tabi ko na si Sasha. Nakadress din siya pero mas mahaba ito kumpara kay Miracle. Lumabas ang pagkaputi niya sa dark blue na kulay ng kanyang damit. Kung tutuusin ako lang talaga ang naiiba sa kanilang dalawa, hindi ako mahilig magsuot ng dress at mas komportable ako sa shirt at pants lang. Habang nasa loob kami ng taxi walang nagsasalita ni isa sa amin, nakadungaw lang sina Sasha at Miracle sa bintana at ako diresto lang nakatingin dahil pinaggigitnaan nila akong dalawa at ramdam ko pa rin ang tensyon na bumabalot ngayon dito.
Simula noong nag-overnight sila sa unit ko at simula noong sinabi ni Miracle na may kakayahang kumausap si Sasha ng mga multo naging malamig na ang pakikitungo nila sa isa't-isa, nagtaka rin si Lewis sa ikinikilos nilang dalawa pero si Kael tulad ng dati wala lang pakialam sa nangyayari. Hindi na naulit pa ang pag-overnight nila at hanggang ngayon hindi pa rin lumilipat sina Miracle at Sasha sa unit ko, hindi na rin namin nakausap ang namamahala ng tenement para bang biglang nawala sa isip nila ang tungkol doon. Naging busy na rin kasi kami dahil sa sunod-sunod na mga quiz lalo pa't nalalapit na ang prelim namin.
Sa mga araw na nagdaan hindi na normal ang pagtulog ko, lagi na akong nananaginip na nasa isang puro itim akong lugar na halos wala akong makita tanging boses lang ang naririnig ko at sa tuwing nagigising ako mula sa bangungot na iyon sumasakto sa oras na alas-tres ng madaling-araw. Araw-araw iyon nangyayari pero hindi ko na lang pinapansin kahit kasi nagdadasal ako wala pa rin itong epekto, kahit may rosaryo na akong hawak wala pa rin itong bisa parang nasanay na rin ako sa gabi-gabing bangungot na iyon.
"Huy Zaf, baba na." Nagulat ako sa biglang pagtapik ni Miracle sa balikat ko.
Hindi ko namalayang nasa harap na pala kami ng bahay ni Lewis. Bumaba na ako at si Kael na nagbayad ng pamasahe namin sa taxi. Walang atubiling pumasok si Kael sa isang maliit na brown gate, hindi niya kami pinansin o niyayang pumasok man lang sa loob. "Bwisit talaga ito." Singhal ni Miracle nang sumunod na siya kay Kael.
Pumasok na rin kami ni Sasha, walang sumalubong sa amin pero naririnig kong nagmumura ng malakas si Lewis habang tumatawa naman si Kael at sinasabayan pa nito ng isang malalakas na tugtog sa loob. Siguro nasa kusina sila at kinakantyawan ni Kael si Lewis na marunong itong magluto. Bahagya kong inilibot ng tingin ang buo niyang apartment, hindi ito malaki pero kumpara sa unit ko mas malawak ang espasyo rito. Umupo ako sa tabi ni Sasha habang nakatingin lang siya sa kawalan at si Miracle naman naglilibot dito sa apartment ni Lewis. Walang gaanong gamit dito at halatang isang tao lang ang nakatira.
Ngayon na ang birthday ni Lewis at kami-kami lang ang mga imbitado kaya para sa akin okay lang ang suot ko dahil hindi naman niya sinabing mag bonggang damit kami at alam kong pinilit lang ni Miracle na magdress itong si Sasha dahil nararamdaman kong kanina pa wala sa mood ito.
Nitong mga nakaraang araw napapansin kong nagiging bitchy na ang ugali ni Miracle sa amin. Para bang lahat ng gusto niya ay gusto na rin namin at lahat nang ipapagawa niya gusto niyang gawin talaga namin. Buti na lang hindi ako pumapayag sa mga gusto niya maliban kay Sasha na masyadong sunod-sunuran kay Miracle, minsan naaawa na lang ako sa kanya.
"Girls, akyat na kayo sa taas tapos kayo na mag-operate ng panonoorin natin." Biglang sulpot ni Lewis.
Tumayo si Sasha at naglakad patungo sa kanya. "Happy birthday Lewis!" Masayang bati niya at sandali niya itong inakap.
"Ang bango ng pawis ko 'no?" Natatawang biro ni Lewis nang kumalas sa pagkakayakap si Sasha.
"Kapal!" Humagalpak ng tawa si Sasha habang umiiling.
Napatayo ako mula sa pagkakaupo at nilapitan si Lewis. Ilang hakbang na lang ang lapit namin sa isa't-isa nang maramdaman kong bumibilis ang pagtibok ng puso ko... Hindi ko alam kung ano ito pero para akong kinakabahan na hindi ko maintindihan.
"Happy birthday Lewis!" Pinilit kong ngumiti sa kanya.
Nitong mga nakaraang araw nagiging malapit na kami sa isa't-isa at hindi ko maitatangging unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sa kanya.
Dahan-dahang bumalandra sa harap ko ang brace niya na tila nakasisilaw ang mga ito. "Salamat." Mas lalong siyang ngumiti nang tuluyan na akong makalapit sa kanya at bigla ko siyang inakap.
Halos sampung segundo yata akong nakayakap sa kanya at bumitaw lang ako nang biglang nagsalita si Miracle. "Lewis, akyat na kami." Pangalawang ulit niya ito kaya napakamot na lang ng batok si Lewis.
"Sige dadalhin na lang namin ni Kael ang mga pagkain. May mga CD na roon sa kwarto ko. Kayo ng bahala." Aniya habang nakatitig lang sa mga mata ko. Napailing naman ako at nginitian na lang siya.
"Okay, tara na." Nabigla ako sa paghablot ni Miracle sa kamay ko. Agad ko siyang sinamaan ng tingin pero nginisian niya lang ako. "Akyat na tayo." Aniya at bigla na lang akong kinaladkad.
Wala na akong nagawa kundi ang magpatianod na lang sa kanya, muli kong sinulyapan si Lewis na umiiling na lang sa ginawa ni Miracle. Muntik na akong masubsob sa hagdan habang umaakyat kami dahil sa bilis nang pag-akyat niya. "Ano ba Miracle!" Singhal ko nang tuluyan na kaming makaakyat sa kwarto ni Lewis.
Humalukipkip siya sa harap ko at pinagtaasan niya ako ng kilay. "Hindi ko alam na may tinatago ka pa lang kalandian Zaf." Nagulat ako sa sinabi niya.
Literal na laglag ang panga ko at narinig kong napasinghap si Sasha na nasa tabi ko na pala nang hindi ko namamalayan. "Teka Miracle, maghinay-hinay ka sa sinasabi mo." Pinipilit ko pa rin pakalmahin ang boses ko kahit nararamdaman ko na ang panginginig ng lalamunan ko.
Ngumisi siya. "Nevermind." Agad siyang tumalikod at pumasok sa nakabukas na kwarto ni Lewis.
"Hayaan mo na lang siya Zaf." Naramdaman kong hinawakan ni Sasha ang kanang kamay ko. Napalingon ako sa kanya at nginitian naman niya ako. "Pasok na tayo."
Hindi ko maintindihan kung bakit nagagawang pagpasensyahan ni Sasha si Miracle. Hindi ko gusto ang ugali ni Miracle, hindi ko maintindihan kung ano ba talaga ang totoo niyang ugali noong una okay pa naman siya pero habang tumatagal nag-iiba na... Habang tumatagal mas lalo kong nakikilala ang tunay na ugali niya. Buti pa si Sasha simula't-sapul ganoon pa rin ang ugali walang pinagbago, sana.
Nang tuluyan na kaming nakapasok sa loob ng kwarto ni Lewis nalanghap ko agad ang simoy ng pabango niyang umiikot dito, pakiwari ko tuloy katabi ko siya ngayon. Bahagya kong inilibot ng tingin ang buo niyang kwarto, malaki ito kumpara sa kwarto ko halos kaming lima yata kasya rito at sobra pa. Kulay puti ang pintura na hinaluan ng light green ang ibang parte, ang aliwalas ng kwarto niya at malinis hindi mo aakalaing lalaki ang nakatira rito. Ang mga gamit nasa ayos, may bookshelf siyang kulay itim at punong-puno ito ng mga iba't-ibang libro, maganda ang pagkakaayos ng kwarto niya at ang kombinasyon ng mga kulay. Napansin kong may maliit na sofa sa harap ng kabinet niya at may mini glass center table.
Nakaupo si Miracle sa maliit na sofa habang tinitignan ang mga CD na nakahatag sa ibabaw ng center table may mga sitsirya pa roon. May t.v din si Lewis rito pero hindi naman flatscreen ngunit malaki ito.
"Hintayin na lang muna natin sila at si Lewis na ang pipili ng movie na panonoorin natin." Untag ni Miracle sa amin habang nakaupo pa rin doon.
Bahagya akong naglakad patungo sa kama at umupo. Naramdaman ko ang lambot nito na para bang gusto akong hilahin papalubog, sinulyapan ko si Sasha na nakatayo at paikot-ikot lang ang tingin sa loob dito. Umayos ako nang upo sa kama at bahagyang humiga, nakalaylay lang ang paa ko at katawan ko lang ang nakahiga rito. Malamig ang buong kwarto dahil sa may maliit na aircon si Lewis, sa pagkakaalam ko kasi may kaya ang pamilya niya kumbaga sunod sa layaw siya.
Ilang sandali pa kaming naghintay pero hindi pa rin sila umaakyat ipipikit ko na sana ang mata ko para umiglip nang marinig ko ang mabibilis na yapak papasok dito.
"Game na!!" Biglang sulpot ni Kael na ikinagulat namin.
Agad akong napatayo mula sa aking pagkakahiga at tinignan ang mga hawak ni Kael na pagkain. May dala siyang isang malaking pinggan na may lamang carbonara at sa isa niyang kamay may baked mac. Umalingasaw agad ang bango ng dala niyang mga pagkain.
"Ang sarap naman niyan!" Sigaw ni Miracle at dali-daling lumapit kay Kael na agad namang napaatras.
"Patay gutom ka talaga-"
"Mag-aaway na naman kayo niyan!" Saway ni Lewis na kapapasok lang habang dala-dala ang maiinom naming soft drinks at mga baso. "Kumain muna tayo." Aniya habang inilalapag ang mga dala niyang maiinom sa sahig at umupo siya roon. Bahagya niya kaming tinignan na para bang nagtataka. "Tara na rito! Kain na tayo." Natatawang sambit niya na ikinamura ni Kael.
"Tangina naman ang sarap ng mga pagkain natin tapos dito lang tayo sa lapag?!" Angal niya nang nakaupo na siya sa harap ni Lewis.
Umupo ako sa tabi ni Lewis. "Teka walang plato saka kutsara!" Pansin ni Miracle.
"Edi ikaw kumuha sa baba tutal naalala mo naman." Agad na sinapak ni Miracle si Kael na pinaggigitnaan na naman sila ni Sasha.
"Pwede ba kahit isang araw lang huwag kayong mag-away?!" Singhal ko sa kanila na ikinahinto nilang dalawa.
Napanguso pa si Miracle at si Kael naman sobrang salubong ang kilay. "Kukunin ko na." Ani Miracle nang tumatayo ito mula sa pagkakaupo sa lapag.
"May napili na ba kayong panonoorin natin?" Biglang tanong ni Lewis nang maramdaman niyang sobrang tahimik na namumutawi sa paligid namin.
"May nakita akong CD kanina! Salang ko na ba?" Ngiting tanong ni Sasha, tumango na lang kami ni Lewis bilang tugon.
Tantya ko tatlong hakbang ang layo namin sa t.v, nasa harap namin ito at pabilog kaming nakaupo kanina ngunit umusog nang bahagya papalapit sa amin si Kael upang makita nito ng malinaw ang t.v, hindi ko alam kung anong CD ang isasalang ni Sasha pero paniguradong horror iyon huwag lang niyang subukan na gore movie dahil alam kong pag-iinitan lang siya ni Kael.
Noong natulog kasi sila sa unit ko kinabukasan 'nun nanood ulit kami habang kumakain ng almusal at si Sasha ang namili na panonoorin namin Bloody Reunion ang pamagat ng movie, biglang nandiri noon si Kael na halos isuka na niya lahat ng mga kinain niya. Kaya maaga silang napauwi noon dahil sa pagkabadtrip ni Kael.
"I-play mo na lang kapag nandito na si Miracle." Untag ni Lewis. "Teka may niluto pala akong crispy pata!" Muling napamura si Kael sa sinabi ni Lewis.
Simple akong napasulyap kay Kael na katabi lamang ni Lewis. "Bwisit ka naman Dane! Sabi mo iyan lang ang niluto mo?" Kunot-noo niyang tanong.
Biglang tumawa si Lewis habang tumatayo. "Teka baba lang ako." Pipigilan ko sana siya kaso bigla na lang itong lumabas ng pinto.
Muli kong narinig ang nakabibinging katahimikan ngayon dito, halos pagbubuntong-hininga ko lang yata at ni Sasha ang naririnig ko idagdag pa ang mahinang kanta na nanggagaling sa earphone na nakasusok sa tainga ni Kael nararamdaman ko na rin ang unti-unting panlalamig ng talampakan at kamay ko dulot ng aircon.
Hindi ako nagsasalita, kahit isa sa amin wala yatang balak magsalita. Ang hirap pala ng ganito, iyong nananahimik ka lang kahit ang dami mong gustong sabihin, kahit pakiwari mo sasabog na ang utak mo sa lahat nang naiisip mong salitang gustong ibuga ng bibig mo lalo na lahat ng tanong na namumutawi sa isipan mo. Mahirap pero sa tingin ko mas okay ng ganito. Isasarili na lang ang lahat-lahat, mas magandang nagmamasid lang sa paligid... Ganito siguro ang nararamdaman ni Sasha na mananahimik na lang at magmamasid sa lahat ng bagay. Mas makapangyari ang mata kaysa sa bibig, mas maraming nakikita ang mga mata, mas maraming nalalaman at nasasaksihan.
Minuto na yata ang itinagal ni Lewis nang biglang nagreklamo si Kael na ang tagal nito. "Puntahan ko lang si Dane." Tatayo na sana siya nang bigla kong pigilan.
"Ako na!" Singhal ko at agad na napatayo.
Hindi na lang niya ako pinansin at nilingunan ko na lang si Sasha na nakangiti lang sa akin. Naglakad na ako patungo sa pinto at tuluyan nang lumabas. Nang maisara ko na ang pinto bigla akong napasinghap sa sarili ko at napasapo sa dibdib ko, hindi ko alam kung bakit bigla kong naramdaman ang pagbilis nang t***k ng puso ko... Kinakabahan na naman ako.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan, sa bawat pag-apak ng paa ko sa sahig pakiwari ko lumulutang ako.
"Isa, magtago ka na."
Napahinto ako sa paghakbang nang marinig ko ang boses na iyon kung saan... Hindi ko pinansin at ipinagpatuloy ko ang pagbaba ng hagdan.
"Dalawa, hahanapin kita."
Awtomatikong nagtaasan ang balahibo ko sa katawan dahil sa tono ng boses nito, nakakapanindig balahibo na para bang nasa harap o tabi ko lang ang pinanggagalingan ng boses na iyon.
"Tatlo, tumakbo ka na."
Nagmadali akong bumaba ng hagdan habang pigil hiningang hindi pinapansin ang tinig na iyon... Kung kanina'y mahina lang iyon na para bang bulong lang sa aking tainga ngunit sa pagkakataon na ito mas malakas na.
"Apat, susundan kita."
Agad kong hinanap ang papuntang kusina, hindi ko magawang magsalita pakiwari ko may nakabarang bato sa lalamunan ko na nagpapatigil ito sa paglabas ng boses sa bibig ko, kahit nakakailang lunok na ako ng sarili kong laway nararamdaman ko pa rin ang panunuyo ng lalamunan ko.
"Lima, papatayin kita!!"
Bigla ako napatigil nang tuluyan sa paglalakad patungo sa kusina. Sunod-sunod akong napapahugot nang malalim na paghinga sa isang sigaw na narinig ko. Galit na galit ang tinig nito na para bang hinihiwa ang kaloob-looban ng tainga ko. Buong-buo ang pang lalaking boses na ito.
Mabilis kong tinungo ang kusina upang puntahan sina Lewis at Miracle kahit na nanghihina ang buong katawan ko dahil sa takot pero kinaya ko pa rin maglakad patungo roon.
Ngunit mas masahol pa yata ang nakikita ko ngayon kaysa sa narinig ko... Nakatitig lang ako sa kanilang dalawa habang patuloy lang silang naghahalikan na para bang hindi alintana sa kanila na ano man oras pwede kaming pumunta rito sa kusina at makita silang dalawa.
Kung tutuusin walang masama sa ginagawa nila, wala kaming relasyon ni Lewis para magalit ako... Wala kaming relasyon...
"Excuse me." Bahagya akong umubo para istorbohin silang dalawa, tuluyan nang namanhid ang buong katawan ko lalo na ang nararamdaman ko.
Iyong halo-halong kaba, takot at sakit na naramdaman ko kanina para bang bigla itong nawala, literal na namanhid ang katawan at pakiramdam ko.
Humarap sa akin si Lewis na naghahabol nang paghinga at gulo-gulo ang buhok, ganoon din si Miracle na nagkalat ang lipstick na nasa labi niya
Nararamdaman ko nang nanginginig ang dalawang kamay ko... "Akyat na ako." Malamig na utas ni Lewis at mabilis itong dumaan sa gilid ko.
Kahit isang sulyap hindi man lang siya tumingin sa akin. Narinig ko ang bawat mabibigat na paghakbang ni Lewis sa hagdan habang nananatili lang akong nakatitig kay Miracle na malikot ngayon ang kanyang mga mata hindi siya makatingin sa akin ng diretso... Bakit? Wala namang masama sa ginawa nila, hindi lang nila alam na may nasaktan sila at ako iyon.
Pilit akong ngumisi kay Miracle nang nakasiguro akong hindi ko na naririnig ang mabibigat na paghakbang ni Lewis sa hagdan. Mula sa kusina at kwarto niya ay malayo iyon, malawak ang espasyo ng apartment nito at kahit yata sumigaw ako rito hindi nila maririnig doon sa loob ng kwarto na nasa taas.
"Zaf, let me-"
"Bakit?" Humalukipkip ako sa harap niya at naramdaman kong lalong lumalawak ang pagngisi ko. "Walang masama sa ginawa ninyo. Masarap ba?" Bahagya akong tumawa at umiling.
"Cide... Cide... Cide..."
Sandali akong napapikit nang mariin sa narinig kong tinig na nanggagaling mismo sa aking tainga. Ultimo ang mainit na hangin naramdaman kong dumaplis sa tainga ko. Dahan-dahan akong dumilat at wala sa sariling hinawakan ang kulot na laylayang buhok ni Miracle.
Mariin ko siyang tinitigan na diretso sa kanyang mga mata. "Akala ko noon, mabait ka, mapagkakatiwalaan at mahinhin..." Bahagya kong muli hinawakan ang iilang laylayan ng kulot niyang buhok habang dahan-dahang hinihila iyon. "Pero malandi ka!!!" Buong lakas kong hinila ang buhok niya at saktong sumama pati ang ulo niya.
Nagpatianod ang katawan niya sa ginawa ko. "Z-Zaf..." Aniya habang hawak-hawak ang isa kong kamay na nasa buhok niya.
Wala sa sarili akong napangisi at marahas kong hinila sa anit ang buhok niya gamit ang isa kong kamay. "Malandi ka!" Sigaw ko na mas lalo pang hinihila ang buhok niya.
Nakahandusay siya sa sahig habang hawak-hawak lang ang kamay kong nasa buhok niya. Mabilis kong inilibot ng tingin ang buong kusina hanggang sa napukaw ng atensyon ko ang isang kumikinang na kutsilyo.
"Miracle... Morieris."
"Zaf! Bitawan mo na ang buhok ko!" Hindi ko siya pinakinggan at hinatak ko ang buhok niya papunta sa patutunguhan ng mga paa ko.
Habang papalapit nang papalapit malinaw kong naaaninag ang kislap na nanggagaling sa isang matulis na kutsilyo. "Z-Zaf..." Naririnig ko ang mahihinang pag-iyak ni Miracle at ang panginginig ng boses nito pero sa mga sandaling ito pakiwari ko naging bingi ako sa lahat ng nasa paligid ko.
Wala akong sinayang na sandali, agad kong kinuha ang kutsilyo at sumulyap kay Miracle na punong-puno ng luha ang mga mata at sabog-sabog ang buhok. Nginisian ko siya at sunod-sunod naman siyang umiiling.
"Zaf... Huwag!" Nanginginig na sigaw niya. Parang musika sa pandinig ko ang pagmamakaawa niya at mas lalo akong ginanahan sa susunod na gagawin ko sa kanya.
Umiling ako at mabilis na tinaas ang kanang-kamay kong may hawak na kutsilyo nakatingala lang sa akin si Miracle habang patuloy lang ang pag-agos ng mga luha niya.
Kisap-matang marahas kong sinaksak sa tuktok ng kanyang ulo ang matulis na kutsilyong hawak ko. Sa unang pagsaksak ko agad na sumirit ang pulang likido sa mukha ko, biglang bumagsak sa sahig ang ulo ni Miracle, bahagya akong napayuko upang tignan ang mga mata niyang dilat na dilat.
Namatay siya ng nakadilat.
Mas lalong lumawak ang pagngisi ko at muli ko siyang sinaksak nang paulit-ulit, sa bawat pagbaon ng kutsilyo sa ulo niya nararamdaman ko ang mga mga natatamaan doon sa loob ng ulo niya at walang humpay ang dugong sumisirit sa mukha ko halos nalalasahan ko na ito kahit ang damit kong puti ay naging kulay dugo na ito.