SA PAGSAPIT ng umaga, nakangiti akong gumising. Ang sarap ng tulog ko, siguro dahil sa date namin kagabi. Ano ba ‘to? Hanggang umaga ang kilig. Ngunit sa kabila ng kasiyahan ko, narinig kong umiiyak si Tam habang nakaupo sa harap ng halaman na labi ni Lola Misha. “Friend?” Nilapitan ko si Tam at niyakap ko siya mula sa kanyang likod. Napahawak siya sa kanyang mukha at humagulhol siya sa pag-iyak. “Friend, tahan na, o,” sambit ko habang hinihimas ko ang likod niya. “Naiinggit ako sa’yo, friend. Malapit na mabuo ang pamilya mo, samantalang ako wala na ngang mga magulang, nawala pa si Lola. Mag-isa na lang ako,” sambit ni Tam habang umiiyak. “Friend naman. Pamilya mo na rin kami. Huwag mo sabihin na mag-isa ka dahil nandito ako para sa’yo. Si Mama, si Erin, kahit si Papa, kasama mo kami.”

