?30?
[NAKARAAN]
Para kay Nin, hindi siya nararapat sa pagtitipon na yun. Halos lahat ng engkantadang nadadaanan nila ay tinataasan siya ng kilay at pinagbubulungan.
"Napakakapal naman ng mukha ng babae na yan?" aning isa na narinig niya.
''Isa yata yang kinaaawaan lang na tagasilbi. Wala yan. Walang halaga. Isa lang utusan." Sa mga naririnig ay pinipilit lang ni Nin na lakasan pa ang loob kahit na gusto na lang niyang tumakbo.
Naramdaman yata ng Ginoo na kumakalas na ang kamay niya sa pagkakapit sa braso nito kaya siya nito nilingon.
''Anong problema, Nin?" Hindi siya makatingin dito.
Biglang may lumapit sa kanila na napakagandang engkantada at sinundan ito ng dalawa pa na minamata siya sa paraan ng pagkakatitig.
''Prinsipe Eer. Maligayang kaarawan. Tila yata kay nipis ng suot mo ngayon? Sa tingin ko'y kung hindi man nakakalapastangan ay murang tela yan at masyadong minadali ang pagkakayari... "
Kinakagat ni Nin ang labi sa pagpipigil ng pagkapahiya.
Siya kasi ang nagbigay nun sa Ginoo kaya ito ngayon ay parang napapahiya na rin.
"Ah, ganun ba? Kung ganun ay hindi ka pa pala bihasa sa pagkilatis binibini. Ito ay sobra-sobra ang halaga para sa akin at tinahi ito ng buong puso ng taong nagmamalasakit din sa akin at saka walang sinuman ang may karapatan dito na husgahan ang aking bihis o kung sinuman ang aking kasa-kasama. Kung ganoon ka binibini pati ang mga kasamahan mo, nakakahiya naman na ipinilit ninyo ang sarili nyu na dumalo dito hindi ba?"
Nanlalaki lang ang mga mata ng tatlong babae saka nagsialisan. Pulang-pula ang mga mukha.
Siniko naman ni Nin ang Ginoong Eer na nagpipigil ng inis. Nagkukrus kasi ang mga kilay nito na napakaganda pa ring pagmasdan.
''Ginoo, tama naman po sila...
Ang totoo ay kasalanan ko... '' bumuga ito ng hangin.
''Nin, huwag kang sobrang mabait. At saka, wala kang kasalanan dahil lahat ng inihayag ko ay totoo. Ito na ang pinakapaborito kong kasuotan sa ngayon." Parang matutunaw ang dalaga sa pinagsasabi nito. Lalo tuloy siyang nahulog dito.
Ang swerte niya na nakilala niya ito sa kanyang buhay.
Naging napakasaya niya kahit na alam niya kung ano lang siya para rito.
Para na ring naranasan niya maging isang prinsesa dahil isa nang karangalan ang mahawakan ito.
Ang ngitian siya at tanggapin ang anumang binigay niya dito.
Napadaan din sila sa mga engkantado na nagniningning ang mga mata na nakatitig sa kanya. Ikinaaasiwa niya ang paraan ng pagtitig ng mga ito.
Tiningnan niya ang Ginoo at ibang-iba ang awra ng mukha nito. Napalitan na yun ng pagiging seryoso.
Nilingon naman siya nito dahilan para magwala ang kanyang puso.
Alam niya na pinapamulahan siya ng mukha.
''Nin, masaya ka ba na maraming nakatitig na mga kalalakihan sayo ngayon?" Bahagya pa niyang naikurap ang mga mata. May diin kasi sa binitiwan nitong tanong.
''A-Ah, hindi naman po sa ganun, Ginoo... "
"Ayos lang yun. Maganda ka kaya talagang maraming makakapansin sayo."
Nasa ganun silang pag-uusap nang may apat na engkantado ang lumapit sa kanila at naglahad ng kamay sa kanya.
Hindi alam ni Nin kung ano ang tamang gawin.
Hindi naman umiimik ang katabi at blangko lang ang tingin sa mga kaharap.
"Kay ganda mo, binibini. Saang kaharian ka kabilang... " aning isa na nanatili sa ere ang kamay. Hindi niya kasi yun tinanggap.
''A-Ah... ano kasi... " atubili niyang umpisa nang biglang sumabat ang kanyang Ginoo.
"Sa kaharian ko, bakit?" Hindi niya napigil na lingunin ito. Nanatili itong seryoso.
''Ginoong Eer, siya ba ay iyong prinsesa?" Parang naiwan sa ere ang ngiti ng pangalawang engkantado.
Kabang-kaba siya sa maaaring marinig niya mula rito.
"Sa tingin n'yo?" may halong inis na ang boses nito.
"Parang hindi naman... " aning dalawa pa na napapailing.
Gusto na niyang matapos ang pag-uusap na yun.
''Umalis na kayo. Isa siya sa pagmamay-ari ko. Kaya lumayo na kayo baka mag-init lalo ang aking ulo... " hindi niya alam bakit ganun ang asta nito. Kaya sa takot ay umalis na ang apat.
"Huwag ka na magsalita, Nin. Galit ako ngayon kaya humanda ka... "
"A-Ano po yun Ginoo?"
Naisip niya na totoo naman na pagmamay-ari siya nito dahil isa siya sa tapat na naglilingkod dito.
''Gusto kong sumayaw... "
Aalisin na sana ni Nin ang pagkakakapit dito nang bigla siya nitong hapitin sa beywang.
Bahagya itong ngumiti habang nanlalaki lang ang kanyang mga mata.
"... makipagsayaw ka sakin"
Parang nanginginig ang kanyang nakaawang na labi sa pagkagulat sa kung ano ang nais nitong mangyari.
Siya na isang hamak na tagasilbi lang?
Isasayaw nito?
Parang isang napakaganda na panaginip.
Tatanggi na sana siya nang sumenyas ito sa tagatugtog at dalhin siya sa gitna.
Nagpulasan naman ang ilan sa mga naroon at pinanood sila.
Parang gusto na niyang lamunin ng lupa sa hiya na nadarama.
Nagsimula na ang malamyos na tugtugin.
Hindi siya makatingin dito.
Inilapit nito ang mga labi sa kanyang tainga saka may ibinulong.
''Salamat, Nin dahil lagi kang nandiyan para sa akin. Kaya naman nais kong ako ang una mong maging kasayaw... "
Hindi na niya alam kung higit pa ba sa tagasilbi ang tingin nito sa kanya.
Mahirap umasa subalit masarap din ang mangarap na baka... ninanais din siya nito.
Alam niyang maaaring hindi na iyon mauulit.
Na parang siya lang sa segundo na yun ang kaya nitong hawakan at titigan.
Sapat na yun para sa ikasasaya ng kanyang puso.
?31?
[SHERRI]
Sa tingin ko ay nasa panaginip na naman ako.
Naglalakad sa isang madilim na lugar at tanging pulang ilaw sa magkabilaang gilid ang nasa unahan ang aking nakikita.
Takut na takot ako at baka may mabunggo ako bigla na kung ano.
Inihahakbang ko ang aking mga paa na walang sapin sa malamig na semento.
Panay ang lingon ko sa likod. Para kasing may nakasunod sa akin.
Binilisan ko ang paglalakad hanggang sa parang tumatakbo na ako nang biglang may humigit sa akin at nagtakip gamit ang kamay nito sa aking ilong.
"Bitawan mo 'k-ko... " ang naiusal ko. Lumuwag naman ang mga palad nito hanggang sa hindi na yun lumugar sa aking ilong.
"Hindi na... " pagsagot nito.
"A-Anong hindi na?" balik-tanong ko.
"I-Ikaw. Hindi na kita bibitiwan." hindi ako nakahuma nang bigla ako nitong yakapin mula sa likuran.
"A-Akala ko, hindi na kita makikita ulit Sherri... " sa sobrang takot ko kanina hindi ko agad nakilala ang boses nito.
"R-Roi?" mas humigpit ang yakap nito at isinubsob ang mukha sa aking balikat.
Inabot ko ang kanan nitong pisngi at hinaplos.
Sa wakas... nagbalik na rin ang puso namin sa isa't-isa.
"Dito ka na sa tabi ko, Sherri... "
"O-o. Kami ng anak natin ... " Iniharap siya nito at saka banayad na hinalikan.
Sobrang nangungulila siya rito at ngayon ang pangungulila na yun ay masusumpungan na.
-
[JANE]
Nagulat talaga ako sa ginawa ng Ginoo.
Naramdaman ko na nangungulila ito kay ina taliwas sa paniniwala ni inang Nin na kailanman ay hindi talaga siya naging mahalaga dito.
Nung niyakap niya ako...
alam ko na agad na mahal niya si ina.
Subalit hindi ko alam kung bakit kinamumuhian na ito ni inang Nin.
Sadyang matigas lang ang ulo ko at pumasok dito sa palasyo kahit na alam kong mapapansin talaga ako ng Ginoo dahil sa pagkakahawig namin ni ina.
Pasensiya na ama.
Kinakailangan kong magsinungaling.
Ang totoo ay buhay pa si inang Nin.
Noon, lagi ko itong kinukulit kung sino ang aking ama.
Nagkaroon lang ako ng hinuha nung minsan nasa lugar-pamilihan kami at may dumaan na karwahe. Nakabukas ang harapan kaya nakita ko ang hitsura ng Ginoo na kung saan titig na titig si ina. Humigpit ang hawak nito sa maliit kong kamay at napansin ko din ang pagbalong ng luha nito.
Ibinalik ko ang paningin sa engkantado at bigla na lang pumasok sa isip ko na baka ito ang aking ama.
At tama nga ako.
Habang paglaki ay lagi kaming nagsasanay ni ina sa pakikipag-espadahan.
May pagkakataon pa nga na nasugatan ako nito sa sobrang gigil. Hindi ko alam kung bakit makailang ulit ako nitong natingnan na parang kinamumuhian ako nito.
Wala akong alam sa nangyari kung bakit sila nagkahiwalay.
At kung bakit sunog ang kanang bahagi ng mukha nito pati ang ilang parte ng katawan.
Nais kong malaman ang lahat.
Baka sakaling maibalik pa ang kung ano sila dati.
Ayokong nakikitang umiiyak si ina kahit na pilit niyang itinatago yun sa akin.
Mahal pa din niya ang Ginoo alam ko.
Kaya gagawa ako nang paraan upang magkita sila ulit.
?32?
-
[EER]
Lihim kong pinamanmanan si Jane.
Hindi nito alam na pinapakilos ko ang aking mga tauhan upang malaman ang lugar na pinanggalingan nito.
Sa pangatlong beses na pinagawa ko yun ay pumunta ako sa nasabing lugar nang mag-isa.
Nasa palasyo ang tagasilbi na si Jane at ako lang mag-isa ang naglakbay papunta doon.
Napapansin kong salat sa mainam na bihis ang mga engkantong nangagkatira doon.
Tinalunton ko agad ang papuntang tirahan ni Jane.
May maliit na bintana sa maliit na tirahan na yun na gawa sa kahoy.
Sinilip ko yun ngunit wala namang naroon.
Naramdaman ko na may matalim na bagay na nakatutok sa likurang bahagi ng aking leeg kaya naman sa mabilisang kilos ay pinalipad ko yun gamit ang aking kapangyarihan at walang sinayang na oras na inatake ang nasa aking likuran.
Mabilis din ang naging pagkilos nito at kahit puro kamao at paa lang ang gamit namin sa isa't-isa ay malakas din ito.
Nakatalukbong ito ng itim na tela na tanging mga mata lang nito ang aking nakikita. Kulay abo iyon na sa isang nilalang ko pa lang nakita.
Umatras ang mga paa nito at akma akong tatalikuran.
''S-Sandali... '' halos hindi yun makalabas sa aking bibig.
''... nagkita na ba t-tayo dati?'' patuloy ko pa.
Hindi ito sumagot at humakbang palayo.
Parang hindi pa man ay nakakaramdam ng kapaguran ang aking mga paa na habulin ito.
''N-Nin?" parang may bumikig sa aking lalamunan nang mabanggit ko ang pangalang yun.
Tumigil ito sa paghakbang ngunit sandali lang yun.
Nanatili akong nakatitig sa papalayong pigura nito.
Nin, kung ikaw nga yan...
Hindi ka ba masaya na makita ako?
Tulad nang kung paano ka sakin dati...
Sa paraan nang pagkakatitig mo ay sobrang galit ang naroon at wala nang ningning.
Kinamumuhian mo ko.
Alam kong ikaw si Nin ...
at sapat nang nalaman ko na buhay ka pa rin kahit na hindi na isang katangi-tanging Ginoo ang turing mo sakin.
Masaya akong makita ka kahit na hindi magkatulad ang nararamdaman natin sa tagpong ito.
[NIN]
Habang nakatutok ang patalim na aking hawak sa nilalang na nagmamanman sa aming tirahan ay pumanuot sa aking ilong ang amoy nito.
Nanginginig ang aking kamay ngunit pilit kong diniinan ang talas nun sa leeg ng nakatayong lalaki.
Kahit nakatalikod ito ay hindi ako maaaring magkamali.
Natatakot ako na humarap ito sa akin.
Agad tumilapon ang dala kong armas at nakipagsabayan ako sa mga sipa at suntok nito.
Hindi ko ikinurap ang mga mata at mas lalong pinag-apuyan iyon nang galit.
Hindi ko siya kayang harapin lalo na nang makita ko na may dugo sa leeg nito.
Tinalikuran ko na lang ito at nagpasyang umalis bago pa ako nito makilala.
Nakakatawa ngunit sa hitsura ko ngayon alam kong hindi nito ako makikilala.
Nakailang tigil ako sa paghakbang lalo na nang mahina nitong tinawag ang aking pangalan.
Naikuyom ko ang kamao saka nakapikit na binilisan ang paglayo doon.
Pakiusap, huwag mo na ako tawagin sa pangalan na yan.
Si Nin ay matagal nang wala.
At hindi na ito kailanman babalik sa kung paano mo ito nakilala.
Hindi ngayon, hindi kailanman.
Nang nasa malayo na ako ay tumigil ako saka nagpasyang lumingon sa kinaroroonan ni Eer.
Nahigit ko ang hininga nang dalawang hakbang na lang ang layo nito mula sa'kin.
Nakatayo lang ito at malungkot na nakatitig sa aking mga mata.
Sobrang lapit nito gaya nang kung ano ang nararamdaman ko para rito dati.
Mapait akong ngumiti. Kahit iyon na man lang hindi nito makita.
Isa na itong kaaway para sa akin ngayon at alam kong nagpapanggap na naman ito.
Na nasaktan ito nang mamatay ako.
Hindi iyon totoo dahil naging mas masaya nga ito.
Naging mas makapangyarihan.
Ang isang tagapagsilbi na umiibig dito ay hindi kawalan. Kaya nitong mabuhay nang wala ako.
Napakasakit na katotohanan nang mga sandali na nag-aagaw buhay ako sa dagat ng asido.
Pinilit kong mabuhay para sa aking anak.
Sa anak na nakakapagpaalala sa akin sa naging kahibangan ko sa pag-ibig na akala ko mapapasakin.
Masyadong matayog ang pangarap ko na yun.
Sa sobrang tayog, binalot ako nang luha.
Kasalanan niya ang nangyari sa akin.
Binalak ako nitong hawakan gamit ang kamay nito ngunit umiwas ako.
''Kung sino ka man, wala kang karapatang manghawak nang kahit sino dito sa aming lugar. Baka hindi ka na makauwi nang buhay kapag hindi ka tumigil sa pagsunod sa isang mababang uri ng engkantada. Mukhang nasa itaas ka ng antas ng lipi kaya umalis ka na o kaya sa bahay-aliwan ka pumaroon. At nga pala, mukhang lasing ka at napagkakamalan mo na ibang nilalang ang isang estranghera... '' umawang lang ang mga labi nito.
Tumalikod na ako at nilakasan ang loob na iwan ito.
Kung noon ito malamang hindi ko magagawang talikuran at layuan ito.
Ngunit iba ang ngayon at noon.
Nagbabago ang lahat.