41 - 42

1353 Words
?41? [ROI] - Sino bang hindi iinit ang ulo? Ganun na lang ba yun? Ayus na agad matapos ang lahat ng ginawa ni Eer? Ang dali-daling utuin nitong si Sherri! Porke kapatid pa rin ang tingin niya kay Eer... may yakap-yakap pang nalalaman. Ayoko muna siyang kausap. Naiirita ako. Kakasama pa lang ulit namin tapos lalapit-lapit siya dun! Ang masamang nilalang ay hindi agad nagbabago. Nakarinig ako ng katok mula sa pinto. "Mahal, maaari ba tayong mag-usap?" Hindi ako sumagot hanggang sa pakiramdam ko, napagod na ito kakahintay sa akin. Pasalamat talaga 'tong si Sherri na hindi ko ito kayang matikis nang matagal. Mahirap bang maintindihan niya na maaari siyang mapahamak kay Eer? Lumapit ako sa pintuan, binuksan yun at nakitang may nakalapag na pagkain na may kalakip na sulat. - 'Nagkakamali ka mahal sa mga iniisip mo ngayon. Gusto ko lang maibalik si kuya sa dati. Yun lang. At ayaw mo bang magkasundo din kayo ulit? Nakikita ko na gusto niya lang sumaya ulit, gaya natin. Sa lahat, ako lang ang pinakanakakilala kay Eer. Ang dating siya at mga panahong nagbago siya nang tuluyan. Sana naman, kausapin mo na ako. Ginawan kita ng paborito mo. Pakabusog ka.' - Sherri' Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa babaeng to. Gusto ko siyang intindihin. Ang magagawa ko na lang siguro ay bantayan siya sa lahat ng pagkakataon upang mailayo sa peligro. - [SHERRI] Buti naman, binuksan din ni Roi ang pinto. Alam ko naman na nag-aalala lang ito sa akin. Ito na yata ang panahon na kailangan kong makita at makausap si Nin. Pero saan ko ito hahagilapin? Sadyang masakit lang talaga ang nangyari rito. Noong tumakas ako para hanapin ang aking tagasilbi ay nasundan ko si ina. At may nalaman ako tungkol sa katauhan ni Nin. Ito pala ay anak ng dati, minamahal ng hari kaya ganun na lang kalupit ang reyna dito. Ayaw nito kay Nin para kay kuya kaya gumagawa ito ng paraan para mawala sa landas ang aking tagasilbi. Kailangan kong sabihin lahat kay kuya... ngunit nahuli ako ng mga tauhan ni ina at ako ay ikinulong. Masyado raw akong nakikialam. Sinabi ni ina na gustung-gusto na rin nito na itapon ako mula sa palasyo dahil isa lang akong dumi - anak sa labas. Nang panahon na yun hindi pa nito alam na hindi ako anak ng Hari. Puno nang pagkamuhi ang mga mata nito. Sa totoo lang kahit nung unang dating ko pa lang sa palasyo malupit na ang trato nito sakin at maging yun ay napapansin ni kuya. Pinagdasal ko noon na sana makaligtas si Nin. Hindi niya dapat nararanasan ang ganun dahil nagmamahal lang naman ito. At kahit manhid si kuya alam kong mahal nito si Nin. Katunayan nun ay nang magtanong ako dito tungkol sa katangian ng nais nitong maging asawa at lahat ng yun ay ang tagasilbi. Gaya ng marunong maghabi. Makakakuwentuhan niya palagi at kayang tingnan siya na parang higit pa siya sa mahalaga. Kamuntik ko nang banggitin ang pangalan ni Nin. Kaya naman ganito ako ngayon. Pipilitin kong pagdugtungin ang lubid na naputol. Lubid na dati nagbibigkis kina Nin at Eer. Gusto kong makita silang masaya tulad ng dati. Na ang ningning ng mga mata nila ay matagal na palang para sa isa't isa. ?42? [KASALUKUYAN] [NIN] - Ano na, Eer? Ganyan ka ba dahil kinakain ka ng sarili mong budhi? Sinasabi ko na hindi mo magugustuhan kapag hindi mo ako tinigilan. Hindi dahil sa sugat lang ang natamo mo sakin ay hindi ko na kayang wakasan ang iyong buhay... Isang mali pang hakbang mo palapit sakin... mamamatay ka... sa mga palad ko mismo. Galit ako sayo. Sobrang galit na hindi ko na kayang tingnan ka pa tulad nang dati. Ni sa hinagap ay hindi sumagi sa isip ko na magagawa mo yun sakin... sakin na nakasama mo nang matagal. Sakin na hindi na ipinilit pa ang hindi puwede. Ang nangyari sa atin ay hindi mo naalala. Nang mga panahon na 'yun hindi ko man lang masabi sayo na sa kabila ng lahat ay may konting tuwa akong naramdaman dahil nasa sinapupunan ko ang sanggol... natin. Kahit hindi ka naging akin ay may iniwan kang napakahalagang buhay. Kaya papaanong... hinayaan mo akong mamatay? Lumaban ako para sa anak natin... para sayo. Subalit nandun ka lang sa tabi ng iyong ina habang pagod akong nakatingin sayo. Pagod dahil hinahabol ako ng mga kawal at wala nang mapagpipilian kundi ang mahulog sa dagat ng asido. Labis mo akong nasaktan... labis mo akong pinahirapan. Ang Ginoo ko ay hindi pala kayang maging tapat sa akin... kahit kakarampot lang ng katapatan. Kaya naman... tanging pagkamuhi na lang ang nandito. Ang nakilala mong Nin ay burado na. Isa nang mamamatay. Kaya hindi kita nais marinig o makita man lang dahil lahat ng ikaw ay kasinungalingan. Pinagsisihan ko na minahal kita... Eer. - [NAKARAAN] Matapos ang pagiging isa ay hinaplos ni Nin ang mukha ng natutulog na Ginoo. ''Hindi ko ito kailanman malilimutan, Ginoo. Ikaw lang ang aking pinakamamahal'' sa huling pagkakataon ay hinalikan niya ang tungki ng ilong nito. Kinakailangan na niyang umalis kahit na nanghihina siya. Isinuot niya ang unang damit ng Ginoo saka naglakad palabas. Lumingon siya dito sa huling pagkakataon. Kailangan niyang makaligtas. ''Pangako. Babalikan kita Ginoo. Hindi man sa ngayon pero babalikan kita. Ingatan mo ang iyong sarili... " - "Anong nangyayari dito?! Eer! Gumising ka!" Tinig iyon ng mahal na Reyna na ikinagising ng anak. ''W-Wala akong matandaan ina... " bumangon si Eer at maging ito ay nalilito sa hitsura ng lugar na yun lalo na ang mga nasunog na kawal. Napansin ni Eer ang mga mumunting puting seda na nasa kanyang paanan. Pinulot niya iyon at pinakatitigan. ''Ito... ay pamilyar sa akin. Nakita ko na ito dati... " ''Pati ba naman yan pag-aaksyahan mo ng oras? Umalis na tayo dito!" Hindi talaga matagpi-tagpi ng kanyang isipan ang mga nangyayari. Ang ikinikilos ng ina, ang mga kawal at ang tela na parang galing sa isang damit. - PAGKAUWI ay tahimik pa sa gabi ang kapatid na si Maaryaa sa hapagkainan. Malalim ang iniisip nito at panaka-nakang sumusulyap sa kanya at sa mahal na Reyna. Mayroon ba siyang dapat malaman? Pagkatapos kumain ay inantabayanan ni Eer ang pag-akyat ng kapatid. Gulat ang hitsura nito nang makita siya. ''Kapatid, tila yata wala kang tagasilbi ngayon. Natanggal na ba yung huli?'' Nakangiti niyang tanong. ''Kuya... alam mo ba ang pangalan ng huli kong tagasilbi na itinatanong mo sa akin ngayon?" Nangunot ang noo ni Eer at tila nag-isip. ''Hmmm. Hindi e. Mahalaga ba yun?'' Sa puntong yun ay may tumakas na luha sa pisngi ng kapatid na agad din nitong pinahid gamit ang likod ng kamay. ''Masyado bang mahalaga ang pangalan ng tagasilbing yun para lumuha ka? Kung ganun maaari ko bang malaman ang kanyang ngalan?" Tumitig lang si Maaryaa sa kanya saka nagsalita. ''Maaalala mo rin siya kuya. Patawarin mo ko... '' "Bakit? Sino ba siya?" Hindi na ito sumagot at umalis na lang bigla. Nahulog sa matinding pag-iisip si Eer. ''Tagasilbi... tagasilbi... tagasilbi... " paulit-ulit niyang banggit hanggang makatulog na siya. Dinalaw siya ng isang panaginip. Sigurado siya na siya ang bata na nakasakay sa kabayo at may sumisigaw na boses ng batang babae din. 'Ang galing mo na Ginoo!' 'Ginoo... ' 'Ginoo... ' Pamilyar sa kanya ang boses nito at ang tawag-paggalangna yun. Bigla siyang napabalikwas nang bangon at sapu-sapo ang ulo. ''Sino ang batang yun? Bakit parang sobrang sumisikip ang aking paghinga?" Pumalibot ang kanyang paningin sa pinaglagayan ng kanyang mga damit at tumama iyon sa kulay kahel na kasuotan. Parang dumadagundong ang kanyang dibdib at nagkusang pumatak ang kanyang luha. ''Anong nangyayari sakin? Ang bata at ang damit na yun... sobrang pamilyar... " sa sobrang bigat ng nasa kanyang dibdib ay napagpasyahan niyang kunin ang damit na yun at pakatitigan ng malapitan. 'Regalo ko sa inyo Ginoo. Pasensya na hindi mamahalin' 'Salamat dito. Maganda... ' ''Nin?" "N-Nin?" "Nin... sino ka?" may pangalan na pumasok sa isip niya at ilang daplis ng tila alaala niya rin. Sino ba ito at parang mawawasak ang puso niya sa sobrang lungkot?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD