Ang napapanaginipan ni Lei...
ay ikaw pala Roi.
Ikaw rin ba ang sinasabi niya noong maliit pa siya na lagi niyang kalaro?
Kung ganun nga, bakit sa akin hindi ka nagpaparamdam man lang.
Kung ayaw mo nang magpakita sa akin bakit kahit paramdam man lang wala?
Plano mo bang ako'y saktan hanggang sa huli? Hindi mo na ba talaga ako mahal?
Hindi na ako mahalaga sayo?
Hindi mo ba alam na hindi ako pumasok sa anumang relasyon dahil ikaw at ikaw lang ang nais ko.
Ngunit bakit sa anak natin, kaydali mong nagpakita...
Sana'y malaman ko ang dahilan mo Roi.
-
"Kamusta ang mama mo?" Unang beses na itinanong ko ito sa anak kong si Lei sa loob ng mahabang panahon na nakakausap ko ito sa panaginip.
Tumigil ito sa ginagawang pagguguhit sa lupa. Mga tatlong segundo itong nakatayo lang at tinitigan ako na ikinakaba ko.
Ngumiti ito kapagkuwan bago nagsalita.
"Si mama? Ayos naman siya. Napakabuti niyang mama sa akin. At saka alam mo ba, may sinabi siya patungkol sayo... tama ka nga! Kilala ka nga ni mama!"
"G-ganun ba? Anong sinabi niya tungkol sakin?" ni hindi ako makatingin kay Lei.
Alam kong masasaktan ako sa sasabihin nito.
"Ahm, gusto ka raw makita ni mama. Alam mo, hindi naman siya takot sa monster e. Umiyak nga siya nung sabihin ko ang tungkol sayo... parang natuwa si mama. Siguro, bestfriends kayo no?"
Halu-halo ang emosyon ko sa aking nalaman.
Dapat na ba akong umasa na matatanggap niya ako kahit ako'y ganito na?
"Alam mo monster Roi, masaya ako na nakilala kita kasi, si lolo ko matagal nang namatay e. Parang may lolo ako ulit dahil sayo. Hindi mo ako sinasaktan. Salamat akala ko lahat ng monster ay bad. Tama pala si mama."
Hindi totoo yan anak.
Masama ako.
Nagpakalayu-layo ako dahil ayokong umabot sa punto na masaktan ko kayo nang pisikal.
Minsan, hindi ko na makontrol ang aking sarili.
Kapag nangyayari yun lalo akong nanghihina at malalapit na sa kamatayan.
Nasa ganoon kaming sitwasyon nang may mga nangagkabayo ang paparating. Mabilis kong itinago sa likod ng aking kapa si Lei.
Si Eer at ang mga kawal niya ang papadaan sa harap ko.
Sayang talaga at hindi ko pa napatay to.
Pinarusahan ako dahil sa tinangka kong paslangin ang susunod na mamumuno ng kaharian. Kaya ako nagkaganito.
Akala ko ay lalagpasan na ako ni Eer subalit tumigil ito sa harapan ko.
Ngumisi ito sa akin.
"Kawawa ka naman. Nakikita mo ba ngayon ang iyong hitsura? Malapit ka nang mamatay. Kaytagal kong hiniling to. Kung gugustuhin ko, maaari kong wakasan ngayon ang buhay mo pero hindi na. Mas mainam ang mahirapan ka muna. Ang madama mo ang sakit na naramdaman ko nung inagaw mo si Maaryaa sa akin!" pang-uuyam pa nito.
"Wala akong pakialam sa pinagsasabi mo Eer! Ikaw ang walanghiya! Kapatid mo si Maaryaa tapos ninanais mong angkinin at pakasalan? Ikaw ang pinakahibang sating dalawa!" Nagngalit ito at akmang gagamitan ako ng kapangyarihan nang biglang may sumigaw.
"Bad ka!"
Lei... bakit gumawa ka ng ingay?
"Sino yun?" mataman akong tinitigan ni Eer lalo na ang kapa ko.
"Tingnan ninyo ang kapa niya!" utos nito sa mga kasama nito.
Hindi pwede! Magkakamatayan muna tayo Eer bago mo mahawakan ang anak ko!