"M-Monster Roi... " nararamdaman ko ang takot sa boses ni Lei.
Kahit anong mangyari ay hindi ko siya pababayaan.
"Tingnan ninyo ang kapa niya!"
Walanghiya ka talaga Eer!
Agad kong inilabas ang aking espada.
Mga sampung kawal ang nasa harap ko at lahat sila ay maaari akong mapatay.
"Huwag kayong lalapit!" nagngangalit na bulyaw ko.
Ngunit nagsimula na nila akong atakehin. Panay ang aking pag-iwas. Sinusubukan kong labanan lahat hanggang sa lima na lang ang kawal na naroon at ang iba ay nakahandusay na sa lupa.
"Bakit ba ayaw mong matingnan namin ang nasa likod ng iyong kapa? Sa tingin ko ay may itinatago ka sa amin, Roi. Buti pa, sumuko ka na kung hindi mas mapapadali ang iyong pagpanaw kapag ako na mismo ang umatake sayo... " Ang yabang mo Eer! Hindi ako makakapayag na makalapit ka sa anak ko! Wala akong pakialam kung ikamatay ko pa mailigtas ko lang siya. Tama na nang isang beses na kinitlan mo ng buhay ang babaeng mahal ko.
"Monster Roi baka mapahamak ka... " Pinipigilan kong mapaluha. Iniisip ng anak ko ang kapakanan ko.
"H-Hindi... ako ang poprotekta sayo huwag ka nang umiyak, ha?" nanginginig ang paraan ng pagkakahawak nito sa aking bewang at tanging kapangyarihan ko ang nagpapanatilingnagpapakapit dito upang hindi ito malaglag.
Hanggang sa naging kami na lang ni Eer ang naro'n.
"Kung sino man yang tinatago mo sa akin, pasasaan ba't mapapasakamay ko rin siya at papatayin ko siya sa harap mo mismo!"
Kumulo ang dugo ko at gaano ko man pigilan ay nag-iba lalo ang aking hitsura. Tumaas ang mga kuko ko sa mga kamay. Nag-iinit ang aking mga mata at aking bibig ay nagkaroon ng malalaking ngipin.
Nagsimula na akong atakehin ni Eer.
Lalo akong nagngalit nang mapuruhan ako nito sa bandang braso at walang tigil ang pag-iyak ni Lei. Itinapon ko na ang espada na ikinangisi ni Eer.
"Sumusuko ka na ba?" Yun ang akala mo!
Mabilis kong nahawakan si Eer at ibinaon ang mga kuko ko sa katawan nito.
"Argh!" Tila musika sa aking tainga ang sigaw ni Eer.
Wala na akong pakialam kung hatulan na ako ng kamatayan dahil sa pagpatay ko sayo Eer. Gusto ko lang mailayo ang anak ko rito.
"I-Ituloy mo! Paparating na rito ang Diyos ng kaharian. Malalayo sayo ang taong itinatago mo sa akin!" Sa sinabi nito ay bigla akong nanghina.
Naririnig ko na ang mga paparating.
Sumusuka na ng dugo sa aking harapan si Eer. Isa siyang dati kong kaibigan ngunit dahil gahaman ito sa kapangyarihan ay nagawa ako nitong traydurin at ilayo sa akin nang tuluyan ang babaeng mahal ko.
Biglang may tumarak na kung ano sa likod ko. Sobrang sakit parang mapupugtuan ako ng hininga pero hindi maaari yun. Ililigtas ko pa si Lei. Makakauwi pa siya sa mahal ko.
"MONSTER ROOOI!" Sigaw pa nito bago ako bumulagta sa lupa. Nakita ko pa ang mga paparating bago nagdilim ang aking paningin.
Iuuwi kita, Lei kahit anong mangyari.
Pangako yan.
-12-
"Ito na ang taksil! Diyos ng kaharian!" Tingnan ko lang kung hanggang saan ang tapang mong hayup ka. Lintik lang ang walang ganti Roi!
Gamit ang kapangyarihan ng Diyos ay naipakita nito kung sino ang itinatago ng nakabulagtang traydor!
Isang bata...
na tao.
Kahit na nababanaagan ko nang takot ang awra nito ay nanlilisik naman ang mga mata nito na animo'y anumang oras ay sasaktan ako.
Haha. Pero imposible. Bata lang ito na walang kapangyarihan at naligaw dito.
Bakit kaya ito pinoprotektahan ni Roi?
Dapat sana'y kung may isip si Roi ay kinain na niya ito upang manumbalik ang dating hitsura nito pero hindi, bakit kaya?
Ano ang meron sa batang ito?
Agad akong dinala ng mga kasamahan ng Diyos sa pagamutan. Hindi ko talaga maintindihan pupuwede namang ito mismo ang gumamot sa akin. Di bale na nga.
Ang importante sa ngayon makita kong nagdudusa si Roi.
"Diyos ng kaharian! Ano na po ang magiging hatol ninyo kay Roi?" atat na akong malaman kung ano na nga ba ang kahahantungan ng hunghang! Sana'y pahirapan ito nang matindi bago tuluyang mamatay!
Sinabi nito ay wala pa itong naiisip na ihatol.
Kasalukuyang nasa piitan ang walanghiya.
Ang pangit na ng hitsura nito.
Matanda na kulubot at nakakatakot ang anyo paniguradong kung buhay ang iniibig kong si Maaryaa ay tatakbo ito palayo kay Roi at mas pipiliin ako.
Kung sana'y pumayag itong pakasal sa akin, hindi sana ito nagdesisyong magpakamatay.
Masyado nitong minahal ang dati kong kaibigan.
Pinigilan ko naman ang aking sarili dahil lumaki akong kinikilala siyang kapatid ko sa ama subalit hindi pala ito kailanman naging anak ni ama kundi iniwan lang sa kanya ng yumaong kaibigan. Kaya naman naisip kong ariin ito kahit pa kapalit nun ay ang pagkakaibigan namin ni Roi.
Pagkalipas ng dalawang araw ay nagpasya akong puntahan ang silid ng nasabing bata.
Kaming mga engkanto ay hindi basta-bastang nakakakuha ng tao.
At kapag nakakuha man ay kinakain namin ang kaluluwa ng mga ito upang mas bumata at mas lumakas.
Wala talagang utak si Roi. Kahit yung babaeng dinala niya rito noon, hindi niya kinain, inibig pa niya.
Dapat talaga hindi na ito kailanman inibig ni Maaryaa dahil madali itong mabighani sa iba.
Maraming tumatakbo sa aking isipan.
Paano kaya nakapunta ang batang ito rito?
Pagkapasok ko sa silid ay nakita kong nakapuwesto ang nakahimlay nitong katawan sa gitna. Mukhang hindi pa ito nagigising.
Kainin ko kaya ang batang to? Hingin ko sa Diyos ng kaharian? Ako naman na rin ang bagong namumuno kaya siguro maaari yun.
At sigurado akong masasaktan si Roi kapag nalaman nito ang aking gagawin.
-
"L-Lei!" Nagising ako mula sa isang bangungot. Akala ko tuluyan nang nawala ang anak ko sa akin. Buti na lang mahimbing ang tulog nito sa tabi ko. Itinali ko ang may kahabaan ko ng buhok at saka
binuksan ang ilaw at humiga ulit sa tabi nito. Kumunot ang aking noo nang makakita ng kulay berde sa mga braso at kamay ni Lei.
Ang init nito! Mukhang nilalagnat ang anak ko!
Sinubukan kong gisingin ito. Ginawa ko na lahat, tinapik-tapik ang namumula nitong pisngi at niyugyog ito ngunit hindi ito dumidilat.
Anong nangyayari sa anak ko?
-
"Sayang lang, Roi at hindi mo nakita ang paghigop ko sa kaluluwa ng batang pinoproteksyonan mo!" Nakangisi kong inuuyam ang nakatali at nakakulong na si Roi.
Umatungal itona parang hayop!
Namumula rin ang mga mata nito at mas lalong humaba ang pangil. Dumami rin ang balahibo nito sa katawan. Mukhang nagalit ko ito.
Gusto nitong murahin ang pangalan ko subalit hindi na ito makabigkas ng salita. Marahil iyon ang parusa rito.
Magaling.
Magalit ka lang Roi.
Ang sarap sa pakiramdam, Roi.
Mas gumwapo ako at mas lumakas.
Isa ka na ngayong talunan!