"Hindi ko itutuloy ang karera ko bilang isang ninja," anunsyo ko kay Teacher Hiro matapos kong bumaba sa stage dahil sinuotan ako ng isang singsing na may diyamante bilang Ace of the Uzumaki sapagkat nanalo ako kanina sa Battle of the Ace.
Hinubad ko ang singsing mula sa daliri ko at saka ko inabot iyon sa aking paboritong guro na natulala nang dahil sa sinabi ko. Hindi siya makagalaw kaya kinuha ko ang kamay niya at saka ko ipinatong sa palad niya ang gintong premyo ko.
"Bukas ng umaga babalik na ako sa Maynila. Papasok ako sa isang magandang kolehiyo, mangangarap tulad ng isang normal na tao, bubuo ng pamilya, tatanda kasama sila, at mamamatay nang masaya at payapa," nakangiti kong wika sa kanya habang nai-imagine ko ang lahat ng mga sinabi ko. "Malayung-malayo sa kahihinatnan ko sa lugar na ito, Teacher." Hindi ko namalayan ang mabilis na pagtulo ng mga luha ko nang sambitin ko iyon. Sunud-sunod lamang ang mga pagpatak na tila isang sirang gripo.
Naramdaman ko na lamang na hinila ako ni Teacher Hiro at niyakap ako nang mahigpit habang hinahagod ang likod ko. Alam kong sa lahat ng tao na nandito, siya ang pinaka-makakaintindi sa desisyon ko. Napahagulgol na lamang ako ng iyak nang dahil sa comfort na naramdaman ko sa yakap niya. He's like that ever since, siya na ang tumayo bilang mga magulang namin. Since lahat ng estudyante niya sa Maki Academy ay mga namatayan ng magulang sa giyera noon. Masakit man para sa akin na talikuran siya at tuluyan nang iwan ang lahat dito, pero ito na ang landas na pinili kong tahakin noon pa.
"You deserve that much, kid," rinig kong bulong niya sa akin na lalong napaghagulgol at nagpahikbi sa akin. I don't usually cry like this, pero hindi talaga kinakaya ng dibdib ko na hindi ilabas ang lungkot. "I am happy for you. Congratulations."
Yumakap ako pabalik kay Teacher Hiro pero mas mahigpit, tila ba ayoko munang umalis sa poder niya. Gusto ko pang maging bata at manatili sa anino niya, pero hindi habambuhay ay magtatago ako sa likod niya. Ayaw ko na talagang bumitaw sa kanya pero tinatagan ko lang ang loob ko dahil buo na ang desisyon ko at iyon ang sa tingin ko magpapasaya sa akin.
Ngunit hindi ko alam na noong gabing iyon, may mga demonyo na pala ang nagbabalak na paslangin ang natatangi kong pamilya sa lugar na ito. Wala akong kaide-ideya na iyon na pala ang huli naming pagkikita at pag-uusap. Hindi ko na pala kailanman siya mayayakap o makukwentuhan.
Nagising na lamang ako noong umaga na iyon. Lilisanin ko na sana ang bayan na iyon upang umuwi sa Maynila sapagkat nakahanda na ang lahat ng mga kagamitan ko sa isang malaking bagahe, nang pumutok ang balita tungkol sa walang-awang pagpaslang sa aking pinakamamahal na guro.
Nabitawan ko ang bagaheng dala ko at napatakbo sa bahay niya nang makarating sa akin ang karumal-dumal na balita. Nanlalamig ang mga kamay ko at ramdam ko rin ang pagpapawis ng mga paa ko. Gusto mang manlambot ng mga ito ngunit minabuti kong kumpirmahin ang balita sa sarili kong mga mata.
Hindi totoong patay na si Teacher Hiro hangga't hindi ko nakikitang patay na siya. Kausap ko pa lamang siya kahapon...
"Kawahara?" Huminto si Tobi nang makakasalubong ko siya ngunit hindi ko siya hinintuan. Iniwasan ko siya at patuloy na tumakbo patungo sa bahay ng aming guro. "Akira, wait!" rinig kong pagtawag niya sa akin ngunit hindi ko na siya pinansin.
Nang marating ko ang bahay ni Teacher Hiro, nakita kong pinalilibutan iyon ng mga tao na nakikiusyoso, mga pulis, at media. Maliit lamang ang bayan na ito kaya madaling kumalat ang balita sa buong bayan, kaya kilalang-kilala rin ang aming guro sapagkat napakabuti nito sa aming lahat.
Ramdam ko ang panginginig ng mga tuhod ko habang naglalakad papalapit sa kumpol-kumpol na mga tao na nakapalibot sa bahay ni Teacher Hiro. Hindi maaari... hindi. Hindi ko kayang tanggapin ito! Sunud-sunod na tumulo ang mga luha ko nang maramdaman kong papalapit na ako sa lugar kung saan makikita kong walang buhay ang aming guro. Naiisip ko pa lamang iyon ay halos hindi na ako makahinga. Napatakip ako sa bibig ko upang mapigilang humagulgol at makagawa ng ingay.
"Narinig mo ba kung ano raw ang motibo sa krimen na ito?" rinig kong bulungan ng mga nanay sa isang tabi. Nasa malapit sila sa pinto ng bahay ni Teacher Hiro.
"Narinig kong sinabi ng mga pulis na maaaring ninakawan daw ang biktima. Nanlaban daw kaya pinatay," tugon ng isang nanay na mukhang kanina pa nandoon upang makakalap ng ganoon kahalagang impormasyon mula sa mga pulis. "Ang sabi nila, dahil daw sa singsing na may pulang diyamante. Iyong ibinibigay sa Maki Academy, kapag nanalo sa huling laban nila bilang estudyante," dagdag pa nito na ikinakunot ng noo ko.
Was she talking about the ring na ibinibigay sa Ace of the Uzumaki? Kapag nanalo sa Battle of the Ace? Parang hinagisan ng daan-daang patalim ang dibdib ko nang marinig iyon. Kung iyon nga ang tinutukoy nila, malamang e ang ninakaw nga kay Teacher Hiro ay ang singsing na ibinigay ko sa kanya kahapon.
Hindi pa ako nakakahakbang papalapit sa kanyang tahanan, sapagkat parang hindi kakayanin ng dibdib ko ang katotohanan na masasaksihan ko sa loob, e nakita ko nang mayroong isang malaking bag na inilabas mula sa loob ng bahay at isinakay sa isang karwahe. Nanginig ang mga kamay at tuhod ko nang mapagtanto na roon inilagay ang bangkay ni Teacher Hiro.
Sobrang sakit para sa akin na tanggapin na wala na talaga siya, pero naisip ko na ito na ang huling pagkakataon na malalapitan ko siya. Kaya kahit nanlalambot ang buong katawan ko, nagawa kong tumakbo papalapit sa karwahe at pinigilan ang mga pulis na nagtutulak doon. Nakiusap ako na bigyan ako ng kahit isang minuto lamang upang magpaalam sa kanya.
Ngunit nang makalapit ako roon at makita ang malaki at pahabang bagahe, hindi ko na kinaya pang magsalita. Kusang gumalaw ang mga paa at kamay ko na lumapit sa bangkay ni Teacher Hiro at niyakap iyon. Hindi ko na rin napigilan ang malakas na paghikbi at paghagulgol ko. Why him? Napakabuti niyang tao. Sino ang walang pusong gumawa sa kanya nito?
Lalo akong nagngitngit sa galit nang maalala ang dahilan ng pagkamatay niya. Dahil lamang sa isang singsing—isang maliit na diyamante lamang ba ang halaga ng buhay ni Teacher Hiro para sa mga hayop na 'yon?